CAFE

Tagalog 성경

19. Mga Awit (시편)

작성자드림|작성시간12.01.11|조회수6,976 목록 댓글 0

19. Mga Awit

 

 1:1 ( Ang Tunay na Kagalakan ) Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,  Upang sundan niya ang kanilang payo't maling halimbawa;  Hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika'y  Pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
 1:2 Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,  Ang utos ni Yahweh siyang binubulay sa gabi at araw;
 1:3 Ang katulad niya'y isang punongkahoy sa tabing batisan,  Sariwa ang daho't laging namumunga sa kapanahunan,  At anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.
 1:4 Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,  Siya'y natatangay at naipapadpad kung hangi'y umihip;
 1:5 Ang masamang tao ay parurusahan, hindi magmimintis,  Iwawalay siya sa pagkakatipon ng mga matuwid.
 1:6 Sa taong matuwid ay itong si Yahweh ang s'yang mag-iingat,  Ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
 2:1 ( Ang Haring Hinirang ) Bakit nagbabalak itong mga bansa na sila'y mag-alsa?  Anong kabuluhan ng lahat ng itong binabalak nila?
 2:2 Mga hari nila ay naghihimagsik at nagkakaisa,  Na itong si Yahweh at ang kanyang hirang ay bakahin nila.
 2:3 '"Pagsikapan nating tayo ay lumaya sa pagkaalipin,  At ating igupo ang pamahalaang sumakop sa atin.' "
 2:4 Sa trono ng langit, nagtawa si Yahweh nang iyo'y sabihin,  At sila'y kinutya sa kanilang balak na mahirap gawin.
 2:5 Sa galit ng Diyos, sila'y buong bagsik na pinangusapan,  Sa tindi ng poot, yaong mga hari ay nahintakutan;
 2:6 "At tungkol sa akin ay kanyang sinabi: 'Sa bundok kong mahal,  Sa tuktok ng Sion, aking iniluklok ang haring marangal.' "
 2:7 "Ganito ang sabi ng lingkod ni Yahweh na hari sa Sion:  'Aking ihahayag ang ipinag-utos nitong Panginoon,  'Ikaw ang anak kong pinakamamahal, at magmula ngayon,  Ako namang ito ang giliw mong ama sa habang panahon. "
 2:8 Hingin mo sa akin ang lahat ng bansa, at ibibigay ko,  Anumang narito sa buong daigdig ay magiging iyo;
 2:9 "Pamahalaan mo ng kamay na bakal ang lahat ng ito,  Tulad ng palayok, durugin mo sila sa mga kamay mo.'' "
 2:10 Kayong mga hari at tagapamuno sa lahat ng bansa,  Mangag-ingat kayo at magpakabuti sa pamamahala;
 2:11 Ang Diyos na si Yahweh inyong paglingkura't katakutang lubha,
 2:12 Upang di magalit, siya ay sambahin at magpakumbaba,  Pagkat poot niya'y madaling sumiklab, papatay sa madla.  Ang mga nilikhang sa kanya'y dudulog upang pakalinga,  Ay maituturing na sadyang mapalad sa balat ng lupa!
 3:1 ( Panalanging Pang-umaga ) O Panginoon ko, kay raming kaaway,  Sa abang lingkod mo ay kumakalaban;
 3:2 Ang palagi nilang pinag-uusapan,  Ako raw, O Diyos, di mo tutulungan!
 3:3 Ngunit ang totoo, sa lahat ng oras,  Iniingatan mo at inililigtas;  Sa aki'y tagumpay ang iginagawad,  Mahina kong loob ay pinalalakas.
 3:4 Kaya ikaw, Yahweh, nang aking tawagan,  Sinagot mo ako sa bundok na banal.
 3:5 Ako ay humimlay, agad nakatulog,  Ligtas na nagising ang iyong kinupkop;
 3:6 Libo mang kaaway, wala akong takot,  Humanay man sila, sa aking palibot.
 3:7 Halika, O Diyos, iligtas mo ako,  Lahat kong kaaway ay pasukuin mo,  Lipulin mo yaong masasamang tao.
 3:8 Yamang kaligtasa'y nagbuhat sa iyo,  Pagpalain kami, na mga anak mo!
 4:1 ( Panalanging Panggabi ) Sagutin mo ako sa aking pagtawag,  Panginoong Diyos na aking kalasag;  Ikaw na humango sa dusa ko't hirap,  Ngayo'y pakinggan mo, sa aki'y mahabag.
 4:2 Hanggang kailan pa kaya lilibakin  Niyong mga tao ang iyong alipin?  Hanggang kailan pa nila iibigin  Ang walang halaga't pagsisinungaling?
 4:3 Dapat mapagkuro ninyo at malaman  Na mahal ni Yahweh akong kanyang hirang,  Dinirinig niya sa pananawagan.
 4:4 Nagagalit ka man, sala ay iwasan,  Sa loob ng silid ikaw ay magnilay;
 4:5 Ihandog kay Yahweh, yaong wastong alay,  Ang pagtitiwala sa kanya ibigay.
 4:6 "Ang marami riya'y yaong nagsasabi:  'Masaganang biyaya ay buhusan kami,  At pagkalooban ng habag mo, Yahweh!' "
 4:7 O Diyos, ang ligayang bigay mo sa akin,  Higit na di hamak sa galak na angkin,  Nilang may maraming imbak na pagkain  At iniingatang alak na inumin.
 4:8 Sa aking paghimlay, ako'y mapayapa,  Pagkat ikaw, Yahweh, ang nangangalaga.
 5:1 ( Dalangin Upang Ingatan ) Ako'y dinggin, Yahweh, aking Panginoon,  Sana'y pakinggan mo ang aking panaghoy;
 5:2 Diyos ko at hari, lingapin mo ngayon  Itong tumatawag at napatutulong.  Sa iyo, O Yahweh, ako dadalangin,
 5:3 Sa dapit-umaga ang tinig ko'y dinggin;  Ang katugunan mo sa aking pagdaing,  Pagsikat ng araw, aking hihintayin.
 5:4 Ang gawang masama'y di mo kalulugdan,  Ang gawaing hidwa'y di mo papayagan;
 5:5 Ang mga palalo't masasamang asal,  Iyong itatakwil at kasusuklaman.
 5:6 Parurusahan mo yaong sinungaling,  Pati mararahas at ang mga taksil.
 5:7 Dahilan sa iyong tanging pagmamahal,  Ako ay dudulog sa iyong tahanan;  Sasambahin kita sa templo mong banal,  Bilang isang tanda ng aking paggalang.
 5:8 Naglipana mandin ang aking kaaway,  O Dakilang Yahweh, ako'y pangunahan;  Tulungan mo ako na lagi kong sundan,  Ang kalooban mo magpakailanman!
 5:9 Walang katapatan silang magsalita,  At ang hangad nila'y pawang paninira;  Bukas na libingan ang kahalimbawa  Niyong bibig nilang sanay na mandaya.
 5:10 Parusahan sila, at iyong sumpain  At ang balak nila ay iyong biguin;  Sa iyong harapan sila ay itakwil,  Pagkat naghimagsik at naging suwail.
 5:11 Ang nagtitiwala sa 'yo'y magagalak,  Masayang aawit sila oras-oras;  Iyong iingatan yaong mga tapat,  Na dahil sa iyo'y lumigayang ganap.
 5:12 Pinagpapala mo, O Diyos, yaong tapat,  Ang iyong kandili ay kanyang kalasag.
 6:1 ( Dalangin sa Panahon ng Bagabag ) Panginoon, huwag mo akong kamuhian at sumbatan,  Sa taglay mong kagalita'y huwag mo akong parusahan;
 6:2 Naubos na ang lakas ko, Yahweh, ako'y kahabagan,  Palakasin ang lingkod mong sa hirap ay halos patay.
 6:3 Bagabag ang aking puso sa matinding kahirapan,  Ang ganitong kalagaya'y kailan mo wawakasan?
 6:4 O Yahweh ko, lumapit ka't ako ngayon ay iligtas,  Yamang ako ay mahal mo, h'wag bayaang mapahamak;
 6:5 Sa daigdig niyong patay nalilimot ka ng lahat,  At wala nang pagpupuri na doon ay magaganap.
 6:6 Lubos akong nanlulumo sa hirap ko at dalita,  Gabi-gabi ang banig ko'y natitigmak sa pagluha;  At pati na ang unan ko, sa luha ay basang-basa.
 6:7 Sa labis kong kaiiyak, ang mata ko'y magang-maga,  Halos di na makakita, kaaway ko ang may gawa.
 6:8 Layas kayo, masasama, layo kayo't ako'y iwan,  Yamang itong panaghoy ko ay dininig ng Maykapal;
 6:9 Narinig na ang hibik ko---ang dalangin na tulungan,  Tinugon na niya ako, sa lahat kong panawagan;
 6:10 Kaaway ko'y magdaranas ng pait ng kabiguan,  Sa kanilang pagkalito'y tatakas nang madalian.
 7:1 ( Dalangin Upang Magtamo ng Katarungan ) O Yahweh ko, O aking Diyos, sa iyo ko nasumpungan,  Yaong aking minimithi at hangad na kaligtasan;  Iligtas mo sana ako, sa pag-usig ng kaaway,  Tinutugis nila ako, hindi sila naglulubay.
 7:2 Kapag ako ay inabot, sila'y leon ang katulad,  Tatangayin nila ako, sa malayo itatakas;  At kung ito ay mangyari, pihong walang magliligtas,  Dudurugin nila ako, luluraying walang habag.
 7:3 O Yahweh ko, aking Diyos, kung ako po ay nagkulang,  Kung ako ay nagkasala, naminsala sa sinuman;
 7:4 Kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,  Kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
 7:5 Payag ako na hulihin, patayin kung kailangan,  Ang bangkay ko ay katayin at iwanan sa lansangan.
 7:6 O Yahweh ko, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,  Ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay;  Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,  Yamang ito ang hangad mo, maghari ang katarungan.
 7:7 Tipunin mo sa 'yong piling ang lahat ng mga bansa,  At mula sa kalangitan, sa kanila'y mamahala;
 7:8 Pagkat ikaw lamang, Yahweh, ang hukom ng taong madla,  Humatol ka sa panig ko yamang ako'y di masama.
 7:9 Pigilin ang di matuwid sa kanilang mga gawa,  Yaon namang mabubuti ay bigyan ng gantimpala;  Yamang ikaw, Panginoon, ay ang Diyos na dakila,  At sa iyo ay di lingid ang laman ng puso't diwa.
 7:10 Ikaw rin po, Panginoon, ang sa aki'y nag-iingat,  Ang lahat ng masunurin sa iyo ay naliligtas;
 7:11 Ikaw ang Diyos na matuwid, isang Hukom na matapat,  Laging handang magparusa sa sinumang gawa'y linsad.
 7:12 Kung ang tao'y di magsisi't di titigil magkasala,  Nahahandang lagi ang Diyos na gumamit ng espada;  Pati na ang kanyang pana'y laging handa sa tuwina,
 7:13 Handang lahat ang pampatay na sandatang iba't iba,  May palasong nagniningas na handa ring iasinta.
 7:14 Pagmasdan mo ang masama, sa kaniyang hidwang isip,  Panlilinlang ng kapwa ang hangad sa bawat saglit;
 7:15 Humuhukay nang malalim, na sa iba'y inilingid,  Sa patibong niyang iyon ay siya rin ang nabulid.
 7:16 Siya na rin ang may likha sa parusang dinaranas,  Sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.
 7:17 Pupurihin kita, Yahweh, aawitang buong galak,  Puspos ka ng katarungan at dakila ka sa lahat!
 8:1 ( Ang Kadakilaan ng Diyos at Karangalan ng Tao ) Ikaw, O Yahweh, Panginoon namin,  Laganap sa lupa ang iyong luningning,  At hanggang sa langit laging pupurihin.
 8:2 Aawitang lagi niyong mga bata,  Na wala pang malay at sariling diwa.  Matibay na muog ikaw ay naghanda  Laban sa kaaway, kalabang masama.
 8:3 Ang likha mong langit, kung aking pagmasdan,  Pati mga tala, bituin at buwan;
 8:4 Ano nga ang tao upang 'yong alalahanin?  Ay ano nga siya na sukat mong kalingain?
 8:5 Nilikha mo siya, na halos kapantay  Ng iyong luningning at kadakilaan!
 8:6 Pinamahala mo sa buong daigdig,  Sa lahat ng bagay malaki't maliit;
 8:7 Mga baka't tupa, hayop na mabangis
 8:8 At lahat ng ibong nasa himpapawid,  At maging sa isda, sa 'lalim ng tubig.
 8:9 Sa buong daigdig, ikaw Yahweh namin,  Ang banal mong ngalan ay dadakilain!
 9:1 ( Pasasalamat sa Makatarungang Diyos ) O Panginoon ko, buong puso kitang pasasalamatan,  Ang kahanga-hangang ginawa mo, Yahweh, aking isasaysay;
 9:2 Dahilan sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,  Pupurihin kita, Panginoon naming Kataas-taasan.
 9:3 Makita ka lamang ay nagsisiurong ang aking kaaway,  Dahilan sa takot, sila'y nadarapa, hanggang sa mamatay.
 9:4 Hukom na matuwid, mula sa trono mo na iyong luklukan,  Iyong iginawad sa abang lingkod mo yaong katarungan.
 9:5 Iyong hinatulan yaong mga Hentil at mga balakyot,  Alaala nila sa balat ng lupa'y pinawi mong lubos;
 9:6 Nilipol mong lahat ang aming kaaway; ang kanilang lunsod  Dahil sa galit mo'y iyong ibinaon sa bangin ng limot.
 9:7 Dapat kilalaning Haring walang hanggan itong Panginoon,  Kanyang itinatag yaong kaniyang trono, upang doon humatol.
 9:8 Ang pamamahala niya sa daigdig, pawang naaayon  Sa makatarungan niyang pagpapasiya, bilang isang hukom.
 9:9 Ikaw, O Yahweh, ang tagapagtanggol ng api-apihan  Sa gitna ng gulo at mga panganib ay kutang matibay;
 9:10 Lubos ang tiwala ng kumikilala sa iyong pangalan,  Sapagkat wala pang dumulog sa iyo na 'yong tinanggihan.
 9:11 Suubin ng awit ang hari sa Sion---ang Diyos na Dakila,  Ang ginawa niya'y ating ipagbunyi sa lahat ng bansa;
 9:12 Ang nahihirapa'y hindi nawawaglit sa kanyang gunita,  At ang nagpahirap sa kaawa-awa'y kanyang sinusumpa.
 9:13 O Panginoon ko, ikaw ay mahabag, sa aba kong lagay;  Masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway;  Hanguin mo ako sa hirap na ito nang hindi mamatay,
 9:14 Upang sa harapan ng Lunsod ng Sion, aking isalaysay  Ang lahat ng buti na iyong ginawa na walang kapantay,  At purihin kita sa pagliligtas mo na aking kinamtan.
 9:15 Itong mga Hentil, nahulog sa hukay na ginawa nila,  Sa kanilang bitag na umang sa akin, ang nahuli'y sila;
 9:16 Sa hatol ni Yahweh, siya'y nahahayag---matuwid magpasiya  At ang masasama, sa gawain nila ay nakikilala.
 9:17 Lahat ng masama'y luksang kamatayan ang magiging wakas,  Ang lahat ng taong tumanggi kay Yahweh, ay mapapahamak.
 9:18 Di habang panahon na pababayaan ang nangaghihirap,  Maging mga api, may bagong pag-asa na muling sisikat.
 9:19 Halina, O Yahweh, huwag mong tulutang ikaw ay labanan!  Tipunin mong lahat yaong mga Hentil at iyong hatulan;
 9:20 Sidlan mo ng takot, Panginoon namin, ang lahat ng bayan,  Iyong ipabatid na sila'y nilikha't mga tao lamang.
 10:1 ( Panalangin Upang Tulungan ) O Yahweh, Panginoon, bakit ako nilayuan?  Sa panahon ng bagabag, bakit nagtatago ikaw?
 10:2 Inaapi ang mahirap ng palalo't tampalasan,  Nawa'y ito ang mahuli sa patibong nilang umang.
 10:3 Ang masama'y naghahambog sa buktot na nilalayon,  Tinutuya ng masakim, sinusumpa ang Panginoon.
 10:4 "Sa kaniyang paghahambog, ganito ang kanyang bulong:  'Hindi ako papansinin nitong Diyos na huhukom,'  Ganito ang iniisip sa tuwina niyong buhong. "
 10:5 Anuman ang gawin niya'y laging kanya ang tagumpay,  Yaong kahatulan ng Diyos, hindi abot ng isipan;  Sa tuwina'y hinahamak, tinutuya ang kaaway.
 10:6 "Wika niya sa sarili, 'Lagi akong may tagumpay,  Ang bagabag sa buhay ko'y di sasapit kailanman.' "
 10:7 Sinungaling magsalita, lapastanga't mapagbanta,  At masakit kung mangusap, masama ang kanyang dila.
 10:8 Sa liblib ay nangungubli, nag-aabang, at ang nasa'y  Patayin ang walang sala't walang malay na nilikha.
 10:9 Leon mandin ang kawangis, lagi siyang nagmamanman,  Yaong kanyang lalapain, matiyagang hinihintay;  Hinihintay na mahulog sa patibong niyang umang,  At kung ito'y mahuli na, papalayong itatanan.
 10:10 Hinahamak dinudurog, itong taong kulang-palad,  At lubusang inaapi ng malupit at malakas.
 10:11 "Ang sabi ng taong buhong, 'Sa parusa ako'y ligtas,  Natutulog yaong Diyos, hindi ako mamamalas.' "
 10:12 O Yahweh, lumapit ka, iligtas mo ako ngayon,  O Diyos! Huwag mong lilimutin ang nasadlak sa linggatong.
 10:13 "Bakit ka itinatakwil ng masama, Panginoon,  Pagkatapos sa sarili'y ganito ang ibubulong:  'Hindi ako magdaranas ng bigat ng kanyang hatol'? "
 10:14 Kita mo ang nalulungkot, pati na ang nagdurusa,  Ikaw'y laging nakahanda sa pagtulong sa kanila;  Ang wala nang maasahan ay sa iyo nagpupunta,  Pagkat di ka nagkakait ng tulong mo sa kanila.
 10:15 Yaong mga masasama ay alisan mo ng lakas,  Sa kanilang kasamaan, parusahan silang lahat;  Lubusin mo ang parusa, pahirapan mo nang ganap.
 10:16 Paghahari nitong Diyos ay lubos at walang maliw,  Ang Hentil ay mapaparam, mawawala sa lupain.
 10:17 Diringgin mo, O Yahweh, ang dalangin niyong hamak,  Patatatagin mo ang loob nitong mga kulang-palad.
 10:18 Diringgin mo yaong api at ulilang lumuluha,  Papanigan sa paghatol, yaong mga taong aba;  Iyan O Diyos, ang gawin mo, upang itong masasama  Ay wala nang maidulot na pangamba at dalita.
 11:1 ( Pagtitiwala kay Yahweh ) "Sa Panginoong Diyos ipinagtiwala yaring kaligtasan.  Ang payong ganito'y di dapat sabihin sa akin ninuman:  'Lumipad ka agad katulad ng ibon tungong kabundukan, "
 11:2 Pagkat yaong pana nitong masasama'y laging nakaumang,  Upang ang matuwid, pagsapit ng dilim, tudlain na lamang.
 11:3 "Anong magagawa ng mabuting tao, kung pati saligan  Ng kanyang pag-asa'y gumuho nang ganap, at wala ng saysay?' "
 11:4 Ang Diyos na si Yahweh, ay matatagpuan sa banal na templo,  At doon naman sa mataas na langit, naroon ang trono;  At magbuhat doon ay pinagmamasdan ang lahat ng tao,  Walang malilingid anuman ang gawin ng lahat ng ito.
 11:5 Lahat ng mabuti pati ang masama ay sinisiyasat,  Namumuhing lubos siya sa suwail na wala nang batas.
 11:6 Yaong masasama'y pinahahatdan n'ya ng bagang maningas--- Apoy na asupre, upang pahirapan sa matinding alab.
 11:7 Si Yahweh ay tapat, sa gawang mabuti siya'y nalulugod  At sa piling niya, mabubuhay silang sa kanya'y sumunod.
 12:1 ( Panalangin Upang Tulungan ) Ako, O Yahweh, iligtas mo sana!  Mabubuting tao ngayon ay wala na,  Wala nang matapat ngayong makikita;
 12:2 Pawang sinungaling sa isa at isa,  Pakunwaring lahat ang salita nila.
 12:3 Patigilin mo madaldal na dila,  At sarhan ang bibig ng hambog magwika;
 12:4 "Yaong palagi nang ang sinasalita'y,  'Kami'y magsasabi niyong aming nasa't  Sinong mag-uutos sa amin, sino nga?' "
 12:5 '"Darating na ako,' ang sinabi ng Diyos,  'Upang saklolohan ang binubusabos.  Sa pinag-uusig, na walang magkupkop,  Hangad nilang tulong, ipagkakaloob!' "
 12:6 Pangako mo, Yahweh, ay maaasahan,  Ang nakakatulad ay pilak na lantay;  Tinunaw sa hurno, matapos mahukay  Pitong beses ito na pinadalisay.
 12:7 Kami, O Yahweh, lagi mong ingatan,  Sa ganitong lahi huwag pabayaan;
 12:8 Kami'y naliligid sa lahat ng lugar,  Kung alin ang liko'y siyang tinatanghal!
 13:1 ( Panalangin Upang Tulungan ) Hanggang kailan ba, O Yahweh, ang lingkod mo lilimutin?  Gaano bang katagal pa magtatago ka sa akin?
 13:2 Gaano ba katagal pa itong hapdi ng damdamin  At ang lungkot sa puso kong gabi't araw babatahin?  Kaaway ko'y hanggang kailan kaya ako aapihin?
 13:3 Tunghayan mo at tugunin, O Yahweh na aking Diyos,  Ibalik mo ang lakas ko't nang hininga'y di malagot;
 13:4 "Ang palalong kaaway ko'y huwag bayaan na maghambog  At malugod na sabihing: 'Nagapi ko siyang lubos.' "
 13:5 Lubos akong nananalig sa pag-ibig mong matapat,  Nagagalak ang puso ko dahil sa 'yong pagliligtas;
 13:6 Aawitan kita, Yahweh, aawitang buong galak,  Dahilan sa kabutihang sa akin ay iginawad.
 14:1 ( Ang Kasamaan ng Tao )[ (Awit 53) ] '"Wala namang Diyos!' ang sabi ng hangal,  Ito ang palagi nilang katuwiran;  Kaya naman ngayon ang kanilang buhay,  Kakila-kilabot at kasuklam-suklam;  Masasamang gawa'y kanilang libangan,  Wala nang mat'wid, wala na isa man! "
 14:2 Ang Diyos na si Yahweh, mula sa itaas  Tao'y minamasdan at sinisiyasat;  Mayroon pa kaya sa sangmaliwanag  Na mga matinong sa kanya'y hahanap?
 14:3 Sa wari'y wala na! Sumama nang lahat,  Wala nang natirang ang gawa ay tumpak.
 14:4 "Ang tanong ng Diyos: 'Di ba nila alam,  Itong masasama, lahat na ba'y mangmang?  Itong aking baya'y pinagnanakawan  At akong si Yahweh ayaw dalanginan!' "
 14:5 Darating ang araw, sila'y masisindak  Pag nakita nila yaong mga tapat,  Na kapanig pala ay Diyos na mataas.
 14:6 Palagi na lamang nilang nililibak  Ang mga mithiin niyong kulang-palad,  Sapagkat kay Yahweh nagtiwalang ganap.
 14:7 Ang minimithi ko sa aking dalangin,  Magbuhat sa Sion, sana ay dumating  Ang Tagapagligtas ng bayang Israel.  Kung ang iyong baya'y muling paunlarin,  Sa kasaganaan ay panumbalikin,  Maghahari'y galak sa puso't damdamin.
 15:1 ( Ang Hinihiling ng Diyos ) Sino kayang tatanggapin sa templo mong nasa Sion?  Sino kaya ang marapat sa burol mo, Panginoon?
 15:2 Yaong mga masunurin na sa iyo'y nakikinig,  At ang laging ginagawa'y naaayon sa matuwid,  Kung mangusap ay totoo, sa lahat at bawat saglit,
 15:3 Yaong gawang paninira'y hindi niya naiisip.  Kailanman, siya'y tapat makisama sa kapwa,  Sa kaniyang kaibiga'y wala siyang maling gawa;  Hindi siya nagkakalat ng di tunay na balita.
 15:4 Hindi niya tinatanggap ang kay Yahweng itinakwil,  At ang binibigyang dangal ay ang mga masunurin;  Sa pangakong binitiwa'y hindi sila nagtataksil,  Kahit anong kahinatnan salita n'ya ay tutupdin.
 15:5 Hindi siya humihingi ng patubo sa pautang,  At kahit na anong gawi'y hindi siya masuhulan,  Upang yaong walang sala'y patawan ng kasalanan.  Ang ganitong mga tao'y mag-aani ng tagumpay.
 16:1 ( Isang Panalangin ng Pagtitiwala ) O Diyos, ako'y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,  Ang hangad ko ay maligtas kaya sa 'yo dumudulog;
 16:2 '"Ikaw'y aking Panginoon,' ang wika ko sa aking Diyos,  'Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.' "
 16:3 Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!  Ligaya na ng sarili ang sila ay makapisan.
 16:4 Silang bumaling sa ibang diyos, sulirani'y abut-abot,  Sa pagsambang gawi nila, ako ay hindi lalahok.
 16:5 Ikaw lamang, O Yahweh ko, ang lahat sa aking buhay,  Ako'y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan;
 16:6 Ang biyayang kaloob mo ay kahanga-hangang tunay,  Kay inam ng kaloob mong sa akin ay ibinigay!
 16:7 Pinupuri ko si Yahweh na sa akin ay patnubay,  Kahit gabi diwa niya ang sa aki'y umaakay.
 16:8 Nababatid ko na siya'y kasama ko oras-oras,  Sa piling n'ya kailanma'y hindi ako matitinag.
 16:9 Kaya't ako'y nagdiriwang, ang diwa ko'y nagagalak,  Ang lagi kong nadarama'y hindi ako matitinag.
 16:10 Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,  Sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
 16:11 Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,  Sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;  Ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
 17:1 ( Dalangin ng Walang Sala ) Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,  Yahweh, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;  Pagkat ako'y taong tapat, di nandaya kailanman,  Kaya ako'y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.
 17:2 Hahatol ka sa panig ko sa pasiya mong ibibigay,  Pagkat iyong natatanto ang tunay na katwiran.
 17:3 Ang tibukin ng puso ko ay lubos mong nababatid,  Sa piling ko, naroon ka't kahit gabi'y nagmamasid;  Ako'y iyong siniyasat, nasumpungan mong matuwid,  Tapat ako kung mangusap, ang layunin ay malinis.
 17:4 Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng iba riyan;  Tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay  At ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
 17:5 Palagi kong sinusundan ang landas mong itinakda,  Hindi ako lumilihis sa kanan man o kaliwa.
 17:6 Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,  Kaya ako'y dumudulog at sa iyo humihibik;
 17:7 Sa amin ay ipadama, yaong banal mong pag-ibig,  Sa piling mo'y ligtas kami sa kamay ng malulupit.
 17:8 Kung paanong sa mata mo'y lubos ang 'yong pag-iingat,  Gayon ako ingatan mo sa lilim ng iyong pakpak;
 17:9 Sa kuko ng masasama akong ito ay iligtas.  Naliligid ako ngayon ng malupit na kaaway,
 17:10 Matataas magsalita, walang habag kamunti man;
 17:11 Anuman ang aking gawi'y lagi akong sinusundan,  Naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal;
 17:12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,  Wari'y mga munting leong naghihintay sa taguan.
 17:13 Lapitan mo ako, Yahweh, ang kaaway ay hadlangan,  Hawakan mo ang 'yong tabak at ako ay ipaglaban;
 17:14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang,  Sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.  Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,  Pati mga anak nila ay labis mong pahirapan  At ang lahing susunod pa sa galit mo ay iramay!
 17:15 Yamang ako ay matuwid, ang mukha mo'y mamamalas  Kapag ako ay nagising, sa piling mo'y magagalak.
 18:1 ( Awit ng Tagumpay ni David )[ (2 Sam. 22:1-51) ] O Panginoong aking kalakasan,  Iniibig kitang tunay!
 18:2 Si Yahweh ay batong di matitibag,  Matibay kong muog at Tagapagligtas;  Ang Diyos ang sa aki'y nag-iingat,  Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
 18:3 Sa iyo, O Yahweh, ako'y tumatawag,  Sa mga kaaway ay inililigtas;  Purihin si Yahweh!
 18:4 Gapos ako ng tali ng kamatayan;  Siniklot ng alon ng kapahamakan.
 18:5 Nabibingit ako sa kamatayan,  Nakaumang na sa labi ng libingan.
 18:6 Kaya't si Yahweh ay tinawag ko;  Sa aking kahirapan, humingi ng saklolo.  Mula sa templo n'ya, tinig ko'y narinig,  Umabot sa kanya ang aking paghibik.
 18:7 Ang sangkalupaa'y nauga, nayanig;  Mga patibayan ng bundok ay nanginig,  Sapagkat ang Diyos ay galit na galit!
 18:8 Lumabas ang usok sa kanyang ilong,  At sa kanyang bibig bumuga ay apoy.
 18:9 Hinawi ang langit at bumaba siya,  Maitim na ulap ang tuntungan niya.
 18:10 Sa isang kerubin siya ay sumakay;  Sa papawirin mabilis na naglakbay.
 18:11 Ang kadilima'y ginawa niyang takip,  Maitim na ulap na tigib ng tubig.
 18:12 Gumuhit ang kidlat sa harapan niya,  At mula sa ulap, bumuhos pagdaka  Ang maraming butil ng yelo at baga.
 18:13 Saka dumagundong ang kulog sa langit,  Tinig ng Kataas-taasan, agad narinig.
 18:14 Ang mga palaso kanyang itinudla.  Ang mga kaaway nangalat sa lupa;  Nagsala-salabat ang guhit ng kidlat,  Lahat ay nagulo, pawang nagsitakas.
 18:15 Ang pusod ng dagat pagdaka'y nalantad,  At ang patibayan ng lupa'y nahayag,  Dahilan sa tindi niyong kagalitan,  Ang galit ni Yahweh sa mga kaaway.
 18:16 Mula sa kalangitan, itong Panginoon,  Sa pusod ng dagat, ako'y iniahon.
 18:17 Iniligtas ako sa kapangyarihan  Ng mga kaaway na di ko malabanan;
 18:18 Sumalakay sila nang ako'y bagabag,  Ngunit si Yahweh ang sa 'ki'y nag-ingat.
 18:19 Nang nasa panganib, ako'y tinulungan,  Iniligtas ako pagkat kinalugdan!
 18:20 Pagkat ako'y mat'wid, walang kasalanan,  Pinagpapala ng Diyos ang aking buhay.
 18:21 Ang utos ni Yahweh ay aking sinunod,  Di ko kinalaban ang aking Diyos.
 18:22 Lahat ng utos n'ya ay aking tinupad,  Ang tuntunin niya ay di ko nilabag.
 18:23 Wala akong sala! Kanyang nababatid,  Ako'y nanatili na laging malinis;
 18:24 Kaya naman ako'y ginagantimpalaan,  Buhay ko'y matuwid, ito'y kanyang alam.
 18:25 Tapat ka, O Diyos, sa sinumang tapat,  At napakabuti sa mga taong ganap.
 18:26 Ikaw ay mabait sa taong matuwid,  Ngunit sa masama, ikaw ay malupit.
 18:27 Ang mababang-loob ay inililigtas,  Ngunit ang palalo ay ibinabagsak.
 18:28 Ikaw, O Yahweh, ang aking ilawan,  Sa gitna ng dilim ay nagiging tanglaw.
 18:29 Pinalalakas ako laban sa kaaway,  Upang ang tanggulan nito ay maagaw.
 18:30 Ang Diyos na ito ay ganap ang gawa,  At maaasahan ang kanyang salita;  Siya ay kalasag ng mayroong nasa  At naghahanap ng kanyang kalinga.
 18:31 Si Yahweh ang Diyos na walang katulad,  Siya lamang ang Diyos na ating kalasag;
 18:32 Siya ang sa aki'y nagbibigay-lakas,  Sa daraanan ko'y siyang nag-iingat.
 18:33 Katulad ng usa, paghakbang ko'y tiyak,  Pag-akyat sa bundok, ako'y kanyang hawak.
 18:34 Ako ay sinanay sa pakikilaban,  Bisig ko'y lumakas na animo'y bakal.
 18:35 Ingatan mo ako, at iyong iligtas  Sa iyong kalinga, ako'y naging tanyag.
 18:36 Di mo binayaan na ako'y mabihag,  Ang mga paa ko'y ni hindi nadulas.
 18:37 Mga kaaway ko'y aking hinahabol;  Di ako tutugot hanggang di malipol.
 18:38 Di sila makabangon, pagsalakay ko;  Sa may paanan ko'y lugmok sila't talo.
 18:39 Pinalakas mo ako para sa labanan,  At pinagtagumpay sa aking kaaway.
 18:40 Pinauurong mo sila pag ako'y nakita;  Ang may galit sa akin, iyong pinupuksa.
 18:41 Sila'y napasaklolo ngunit bigong lubos,  Di sila tinugon ng Panginoong Diyos.
 18:42 Dinurog ko sila, hanggang sa matulad  Sa pinong alikabok na ipinapadpad;  Aking itinapon, niyapak-yapakan  Kagaya ng putik sa mga lansangan.
 18:43 Sa mapanghimagsik ako'y iligtas mo,  Sa maraming bansa'y gawin mong pangulo;  Marami nang sakop akong mga tao,  Kung bagaman sila'y hindi kilala ko.
 18:44 Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod,  Maging ang dayuha'y pawang yumuyukod.
 18:45 Lumalapit silang sira na ang loob,  Habang lumalabas sa kanilang muog.
 18:46 Si Yahweh ay buhay, Diyos ko't Tagapagligtas,  Matibay kong muog, purihin ng lahat!  Ang kadakilaan niya'y ipahayag!
 18:47 Pinapagtagumpay ako sa kaaway  At ipinailalim sa aking paanan;
 18:48 Ako'y iniligtas niya sa kaaway.  Yahweh, pagtagumpayin mo ako sa kalaban,  At sa mararahas ay ipagsanggalang.
 18:49 Kaya, pupurihin kita't aawitan  Sa lahat ng bansa nitong daigdigan,  Ako ay aawit sa iyong harapan.
 18:50 Sa piniling hari, mga dakilang tagumpay,  Ang kaloob ng Diyos sa kanyang hinirang;  Ang pag-ibig niya'y walang katapusan,  Kay David at lahat niyang mga angkan.
 19:1 ( Dakila ang Diyos sa Gitna ng mga Nilikha ) Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!  Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
 19:2 Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,  Patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi't araw.
 19:3 Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,  At wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
 19:4 Gayon pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,  Ang balita'y umaabot sa duluhan ng daigdig.  Itong Diyos ay nagtayo ng tolda sa kalangitan,
 19:5 Mula roon, kung umaga'y lumalabas itong araw;  Katulad ng naglalakad na lalaking ikakasal,  Parang isang manlalaro na handang makipaglaban.
 19:6 Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,  Init niyo'y nadarama ng lahat sa daigdigan. ( Ang Batas ni Yahweh )
 19:7 Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,  Ito'y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;  Yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,  Nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
 19:8 Ang tuntuning ibinigay ni Yahweh ay wastong utos,  Liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;  Ito'y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,  Pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
 19:9 Yaong paggalang kay Yahweh ay marapat at mabuti,  Isang banal na tungkulin na iiral na parati;  Pati mga hatol niya'y matuwid na kahatulan,  Kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.
 19:10 Ito'y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais,  Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;  Matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,  Kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
 19:11 Ang utos mo, Panginoon, sa alipin mo at lingkod,  Ay mayroong gantimpala kapag aking sinusunod.
 19:12 Walang taong pumupuna sa gawa n'yang hindi angkop,  Kaya ako ay iligtas sa lihim na gawang buktot.
 19:13 Ang lingkod mo ay iligtas sa hayag na kasalanan,  At h'wag mo pong itutulot na ako ay pagharian;  Mamumuhay akong ganap na wala nang kapintasan,  Ako'y lubos na lalaya sa kuko ng kasalanan.
 19:14 Nawa'y itong salita ko at ang aking kaisipan,  Sa iyo ay makalugod, Panginoon ko't kanlungan,  O ikaw na kublihan kong ang dulot ay kaligtasan!
 20:1 ( Dalangin para Magtagumpay ) O dinggin ka nawa ni Yahweh tuwina  Kung ikaw'y sapitin ng hirap at dusa!  At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
 20:2 Magmula sa templo, sana'y bigyang tulong  At itaguyod ka magbuhat sa Sion!
 20:3 Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,  At pahalagahan haing susunugin.
 20:4 Nawa ang hiling mo ay kanyang ibigay,  At sa panukala'y laging magtagumpay.
 20:5 Sa pagwawagi mo kami ay sisigaw,  Ang dakilang Diyos ay papupurihan;  Nawa'y tanggapin mo ang 'yong kahilingan,  Biyayang kaloob niyang katugunan.
 20:6 Ngayon ko natalos na Diyos ang may bigay,  Sa piniling hari, ng kanyang tagumpay!  Siya'y tinutugon noong kalangitan,  Laging kinukupkop, pinagtatagumpay.
 20:7 Mayroong umaasa sa karong pandigma,  At may sa kabayo naman ang tiwala;  Ngunit ang sa ating matibay na kuta,  Ay kapangyarihan ng Diyos na dakila!
 20:8 Sila'y manghihina tuluyang babagsak,  Tayo ay tatayo't hindi matitinag!
 20:9 Pagtagumpayin mo ang hari, O Diyos;  Tugunin mo kami sa aming pagluhog!
 21:1 ( Pagpupuri sa Pagtatagumpay ) Nagagalak ang hari...  O Yahweh, dahilan sa lakas mong bigay,  Siya'y nagagalak sa kanyang tagumpay.
 21:2 Binigyan mo siya...  Ng lahat ng kanyang mga kailangan,  At iyong dininig, kanyang kahilingan.
 21:3 Dinalaw mo siya...  Na ang iyong taglay ay gintong korona,  Iyong pinagpala't pinutungan siya.
 21:4 Hiling niya'y buhay...  At iyon ang iyong ipinagkaloob,  Buhay na mahaba't walang pagkatapos.
 21:5 At naging dakila...  Pinadakila mo nang iyong tulungan,  Naging bantog siya't makapangyarihan.
 21:6 Iyong pinagpala...  Ng pagpapala mong walang katapusan,  Nagagalak siya sa iyong patnubay.
 21:7 Sa Kataas-taasan...  Siya'y nagtiwala; sa pag-ibig ng Diyos,  Ang paghahari niya'y walang pagkatapos.
 21:8 Lahat ng kaaway...  Pawang malulupig ng mahal na hari,  Malulupig lahat, silang sa iyo'y namumuhi.
 21:9 Sila'y malilipol...  Sa ningas ng apoy kanyang tutupukin,  Tutupukin sila pag siya'y dumating.  Sa taglay na galit...  Lilipulin sila nitong Panginoon,  Sila'y tutupukin sa ningas ng apoy.
 21:10 Lahat nilang supling...  Walang ititira ang mahal na hari,  Lilipuling lahat ang kanilang lahi.
 21:11 Ang masamang balak...  Nilang iniisip, di magtatagumpay,  Yaong hangad nilang hari ay labanan.
 21:12 Sila'y tutudlain...  Tutudlain niya ng mga palaso,  At sila'y tatakas, tatakbong palayo.
 21:13 Halina, O Yahweh...  Iyong ipadama ang lakas mong taglay,  Magdiriwang kami at mag-aawitan!
 22:1 ( Panambitan at Awit ng Papuri ) O Diyos ko! O Diyos ko! Bakit ako binayaan?  Masidhi ang pagtaghoy ko upang ako ay tulungan,  Ngunit hindi dumarating ang saklolong hinihintay.
 22:2 Araw-gabi'y dumaraing, tumatawag ako, O Diyos,  Hindi ako mapanatag, di ka pa rin sumasagot.
 22:3 Ikaw yaong pinutungang tanging Banal, walang iba,  Dinakila ng Israel, pinupuri sa tuwina;
 22:4 Sa iyo ang lahi nami'y nagtiwala at umasa,  Nagtiwala silang lubos, iniligtas mo nga sila.
 22:5 Noong sila ay tumawag, ang panganib ay nawala,  Lubos silang nagtiwala at di naman napahiya.
 22:6 Tila ako'y isang uod at hindi na isang tao,  Kung makita'y inuuyam, nagtatawa kahit sino;
 22:7 Bawat taong makakita'y umiiling, nanunukso,  Palibak na nagtatawa't sinasabi ang ganito:
 22:8 '"Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin,  Kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?' "
 22:9 Noong ako ay iluwal, Ikaw, O Diyos, ang patnubay,  Magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan;
 22:10 Kaya naman mula noon, sa iyo na umaasa,  Sapul noon, ikaw na lang ang Diyos na kinilala.
 22:11 H'wag mo akong lilisanin, huwag mo akong tatalikdan,  Pagkat walang sasaklolo sa panganib na daratal.
 22:12 Akala mo'y mga toro, pumaligid na kaaway,  Mabangis na mga hayop na balitang torong-Basan;
 22:13 Parang leong naninila, walang tigil ang atungal.
 22:14 Parang tubig na tumapon, ang lakas ko ay tumakas,  Ang lahat kong mga buto sa wari ko ay nalinsad;  Sa dibdib ko ay naghari ang malaking pagkasindak  Parang pagkit ang puso ko, natutunaw naaagnas!
 22:15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kapara,  Ang dila ko'y dumidikit sa bubong ng ngalangala,  Sa alabok, halos patay na ako ay iniwan na.
 22:16 May pangkat ng mga buhong na sa aki'y pumaligid,  Para akong nasa gitna niyong asong mababangis;  Mga kamay ko at paa'y parang gapos na ng lubid.
 22:17 Ang buto ng katawan ko, sa masid ay mabibilang,  Minamasdan nila ako niyong tinging may pag-uyam.
 22:18 Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,  Ang hinubad na tunika'y dinaan sa sapalaran.
 22:19 H'wag mo akong ulilahin, h'wag talikdan, Panginoon,  O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.
 22:20 H'wag mo akong babayaang sa talim ay mapahamak,  At sa mga asong iyon, ang buhay ko ay iligtas.
 22:21 Sagipin sa mga leon, iligtas mo at ingatan,  Wala akong magagawa sa harap ng torong-ligaw.
 22:22 Ang lahat ng ginawa mo'y ihahayag ko sa lahat,  Sa gitna ng kapulunga'y pupurihin kitang ganap.
 22:23 Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,  Siya'y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;  Ikaw bayan ng Israel ay sumamba at maglingkod.
 22:24 Hindi siya tumatangging tangkilikin ang mahirap,  Handa siyang sumaklolo, hindi siya umiiwas;  Tinutugon agad niya yaong mga kapus-palad.
 22:25 Ginawa mo'y sasambitin sa dakilang kapulungan,  Sa harap ng masunuring mga lingkod mong hinirang,  Ang handog na panata ko ay doon ko iaalay.
 22:26 Magsasawa sa pagkain yaong mga nagdarahop,  Aawit ng pagpupuri ang sa Diyos ay dudulog;  Buhay nila ay uunlad, sasagana silang lubos.
 22:27 Sa Dakilang Panginoon, ang lahat ay magbabalik,  Ang lahat ng mga lahi ay sasambang may pag-ibig.
 22:28 Ang Diyos ay Panginoon, hari siya ng nilikha,  Maghahari sa daigdig, sa lahat ng mga bansa.
 22:29 Mangangayupapang lahat ang palalo't mayayabang,  Ang lahat ng mga tao ay yuyuko sa Maykapal,  Ang narito sa daigdig na nilikhang mamamatay.
 22:30 Maging lahing susunod pa ay sasamba't maglilingkod,  At mayroong mangangaral sa kanila tungkol sa Diyos.
 22:31 "Sa lahat ng sisilang pa'y ganito ang ihahayag,  'Sa hinirang niyang bansa ay si Yahweh ang nagligtas.'"
 23:1 ( Ang Awit ng Pastol ) Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang.
 23:2 Ako'y pinahihimlay sa mainam na pastulan,  At inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
 23:3 Binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.  At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan  Sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay.
 23:4 Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa karimlan,  Hindi ako matatakot pagkat ikaw'y kaagapay;  Ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
 23:5 Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,  Ito'y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;  Nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan  At pati na ang saro ko ay iyong pinaaapaw.
 23:6 Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,  Sasaaki't tataglayin habang ako'y nabubuhay;  Doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
 24:1 ( Ang Dakilang Hari ) Ang buong daigdig, lahat ng naroon,  May-ari'y si Yahweh, ating Panginoon;
 24:2 Ang mundo'y natayo at yaong sandiga'y  Ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
 24:3 Sino ang marapat umahon sa burol  Sa burol ni Yahweh, sino ngang aahon?  Sino'ng papayagang pumasok sa templo,  Sino'ng tutulutang pumasok na tao?
 24:4 Siya, na malinis ang isip at buhay,  Na hindi sumamba sa diyus-diyusan;  Tapat sa pangako na binibitiwan.
 24:5 Ang Diyos na si Yahweh, pagpapalain siya,  Ililigtas siya't pawawalang-sala.
 24:6 Gayon ang sinumang lumalapit sa Diyos,  Silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
 24:7 Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,  Ang dakilang hari ay doon papasok.
 24:8 Ang dakilang haring ito ay sino ba?  Siya ay si Yahweh, dakilang talaga;  Saanmang labanan tagumpay ay kanya.
 24:9 Ang pintuang luma ay buksan nang lubos,  Ang dakilang hari ay doon papasok.
 24:10 Ang dakilang hari'y sino bang talaga?  Makapangyarihang Diyos at hari siya!
 25:1 ( Dalangin Upang Patnubayan at Ingatan ) Sa iyo, O Yahweh, ako'y tumatawag;
 25:2 Ako'y may tiwalang iyong ililigtas.  Tubusin mo ako sa kahihiyan,  Upang di magtawa ang aking kaaway.
 25:3 Ang nagtitiwala sa iyo'y di bigo,  Ang naghihimagsik ang nasisiphayo.
 25:4 Ang kalooban mo'y ituro, O Diyos,  Ituro mo sana sa aba mong lingkod;
 25:5 Ayon sa matuwid, ako ay turuan,  Ituro mo, Yahweh, ang katotohanan;  Tagapagligtas ko na inaasahan,  Sa buong maghapo'y pinagtitiwalaan.
 25:6 Yahweh, gunitain, pag-ibig mong wagas,  At ang kabutihang noon pa'y nahayag.
 25:7 Patawarin ako sa pagkakasala,  Sa kamalian ko nang ako'y bata pa;  Pagkat pag-ibig mo'y hindi nagmamaliw,  Ako sana, Yahweh, ay alalahanin!
 25:8 Mabuti si Yahweh at makatarungan,  Sa mga salari'y guro at patnubay;
 25:9 Sa mababang-loob siya yaong gabay,  At nagtuturo ng kanyang kalooban.
 25:10 Tapat ang pag-ibig, siya'ng umaakay  Sa tumatalima sa utos at tipan.
 25:11 Ang iyong pangako, O Yahweh, ay tupdin,  Sa mga sala ko'y iyong patawarin.
 25:12 Ang tumatalima sa Panginoong Diyos,  Ang landas ng buhay, kanyang matatalos.
 25:13 Uunlad ang buhay, at ang mga supling,  Mamumuhay itong ligtas sa lupain.
 25:14 Sa tumatalima, siya'y kaibigan,  At tagapagturo ng banal na tipan.
 25:15 Si Yahweh ang tangi kong inaasahang  Laging magliligtas sa kapanganiban.
 25:16 Lingapin mo ako, ako'y kahabagan,  Pagkat ulila na at nanlulupaypay;
 25:17 Ako ay ibsan mo ng mga pasanin,  Ang gulo kong diwa'y iyong payapain.
 25:18 Ang paghihirap ko at mga pasanin,  Sa buhay na ito'y iyong gunitain,  Sa lahat kong sala, ako'y patawarin.
 25:19 Masdan mo ang lahat ng aking kaaway,  Labis nila akong kinamumuhian!
 25:20 Ipagsanggalang mo't iligtas ang buhay,  Huwag kang sasang-ayong ako'y malupigan,  Pagkat nasa iyo yaring kaligtasan.
 25:21 Nawa ang buhay kong mabuti at tapat,  Sa aking sarili'y magsilbing kalasag;  Ang aking tiwala sa 'yo'y walang kupas.
 25:22 Sa mga pasanin ng 'yong mga lingkod,  Sila ay ibsan mo, Panginoong Diyos!
 26:1 ( Ang Dalangin ng Mabuting Tao ) O Diyos, iyong ipahayag na ako ay walang sala,  Pagkat ako ay matuwid at sa iyo umaasa.
 26:2 Ako'y iyong siyasatin, subukin mo ako, Yahweh,  Hatulan mo ang layuni't iniisip ng sarili.
 26:3 Pag-ibig mong walang maliw ang kasama at kaakbay,  At ang iyong pagtatapat ang palagi kong patnubay.
 26:4 Sa sinumang taong hunghang di ko nais makisama,  At sa mapagpaimbabaw di ko hangad makiisa;
 26:5 Tunay akong nasusuklam sa masamang mga pangkat,  Makihalo sa kanila'y wala akong paghahangad.
 26:6 Malinis ang aking kamay pagkat ako'y walang sala,  Sa dambana mo, O Yahweh, doon ako sumasamba;
 26:7 Doon ako umaawit ng awiting pasalamat,  Gawa mong kahanga-hanga ay doon ko binibigkas.
 26:8 Minamahal ko, O Yahweh, yaong templo mong tahanan,  Pagkat doon sa templo mo, luningning mo'y nananahan.
 26:9 Sa parusa ng masama, h'wag mo akong idaramay,  Ilayo rin sa parusa ng mahilig sa pagpatay.
 26:10 Ilayo mo sa kanilang ang gawai'y kasamaan,  Mga taong sa tuwina'y naghihintay na suhulan.
 26:11 Ngunit ako, ang pasiya ko ay matuwid ang gagawin,  Kaya naman iligtas mo at mahabag ka sa akin.
 26:12 Ako'y ligtas sa panganib, panganib na ano pa man,  Sa hayag na pagsamba ko'y pupurihin ang Maykapal!
 27:1 ( Dalangin ng Pagpupuri ) Tanglaw ko'y si Yahweh, aking kaligtasan,  Kaya walang takot ako kaninuman;  Sa mga panganib kanyang iingatan,  Kaya naman ako'y walang agam-agam.
 27:2 Kung ang aking buhay ay pagtatangkaan,  Niyong masasama, sila'y mabubuwal;
 27:3 Kahit salakayin ako ng kaaway,  Magtitiwala rin ako sa Maykapal.
 27:4 Isang bagay lamang ang aking mithiin,  Isang bagay itong kay Yahweh hiniling:  Ang ako'y lumagi sa banal na templo  Upang kagandahan niya'y mamasdan ko  At yaong patnubay niya ay matamo.
 27:5 Iingatan ako kapag may bagabag,  Sa banal na templo'y iingatang ligtas;  Itataas niya sa batong matatag.
 27:6 Ako'y magwawagi sa aking kaaway.  Sa templo'y may galak ako na sisigaw  Magpupuri akong may handog na taglay;  Kay Yahweh sasamba't aking aawitan.
 27:7 O Diyos, ako'y dinggin sa aking pagtawag,  Lingapin mo ako, sa aki'y mahabag.
 27:8 "Ang paanyaya mo'y, 'Lumapit sa akin.' "
 27:9 Huwag kang magkukubli't kita'y hahanapin!  H'wag kang magagalit, huwag mong itatakwil  Akong katulong mo at iyong alipin;  Tagapagligtas ko, h'wag akong lisanin!
 27:10 Maiwan man ako ng aking magulang,  May Panginoon pa akong aasahan.
 27:11 Sa dapat kong gawin, ako ay turuan,  Sa ligtas na landas ay doon samahan,  Pagkat naglipana ang aking kaaway.
 27:12 Huwag akong bayaan sa mga kalaban,  Na kung lumulusob ang dalang sandata'y  Mga pagbabanta't kasinungalingan.
 27:13 Ako'y nananalig na bago mamatay  Masasaksihan ko ang 'yong kabutihan  Na igagawad mo sa mga hinirang.
 27:14 Sa Panginoong Diyos tayo'y magtiwala!  Ating patatagin ang paniniwala;  Tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
 28:1 ( Dalangin Upang Tulungan ) O Panginoon ko at Tagapagtanggol, pagtawag ko'y dinggin,  Dinggin mo, O Yahweh, ang aking pagdaing, ako ay sagutin;  Masasama ako sa mga yumao, kung di mo pansinin.
 28:2 Pag ako'y humingi sa iyo ng tulong, ako ay pakinggan,  Taas ang kamay ko na dumadalangin sa templo mong banal.
 28:3 Sa mga masama na iyong inusig h'wag akong ibilang,  Silang ang gawain, pagkat masasama'y pawang kalikuan;  Mga taong ito, kapag nangungusap kunwa'y kaibigan,  Ngunit pagkamuhi sa loob ng puso ang nag-uumapaw.
 28:4 Pagkat ang kanilang ginawa'y masama,  Parusahan sila sa maling gawaing kanilang ginawa;  Sa lahat ng ito, sila ay hatulan ng parusang tugma.
 28:5 Lahat ng ginawa ng Diyos na si Yahweh, hindi nila pansin,  Ang mga ginawang pawang mabubuti, ayaw intindihin;  Yamang ang damdamin nila ay ganito, yaong sasapitin  Nila'y walang hanggang mga pagdurusa, sila'y wawasakin.
 28:6 Purihin si Yahweh, at karapat-dapat siyang papurihan,  Ako ay dininig sa panawagan ko, na ako'y tulungan!
 28:7 Si Yahweh ang aking tagapagsanggalang, aking kalakasan,  Kaya naman ako ang pagtitiwala ay sa kanya lamang.  Nagagalak ako sa kanyang ginawang pagtulong sa akin,  Kaya naman ako ay laging aawit, siya'y pupurihin.
 28:8 Siya ang sanggalang ng bayang hinirang, kanyang iingatan,  Ililigtas niya at ipagtatanggol ang haring hinirang.
 28:9 Pagpalain sila, ingatan mo, Yahweh, sila'y iyong kawan,  Iligtas mo sila't nang di mapahamak ang mga hinirang;  Bilang pastol nila, iyong kalingain sila habang buhay!
 29:1 ( Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos ) Purihin ang Panginoon ninyong banal na nilalang,  Pagkat siya ay dakila't marangal ang kanyang ngalan;
 29:2 Si Yahweh ay dakilain, purihin ang Diyos na Banal,  Yumuko ang bawat isa kapag siya ay dumatal.
 29:3 Sa gitna ng karagatan tinig niya'y naririnig,  Ang tinig ng dakilang Diyos, parang kulog ang kaparis;  Sa laot ng karagata'y hindi ito nalilingid.
 29:4 Pag nangusap na si Yahweh, tinig niya'y ubod-lakas,  Ngunit tinig-kamahalan, kapag siya'y nangungusap.
 29:5 Maging kahoy, winawasak ng tinig ng Panginoon,  Kahit ito'y kahoy sedro na buhat pa sa Libano.
 29:6 Lumulundag na bisiro, gayon ang Bundok Libano,  Parang torong lumulukso ang anyo ng Bundok Hermon,  Sila'y pawang nauuga sa tinig ng Panginoon.
 29:7 Kapag siya'y nagwiwika, lumalabas yaong kidlat,
 29:8 Nayayanig pati ilang, kapag siya'y nangungusap;  Pati ilang nitong Cades, sa pagyanig umiindak.
 29:9 "Kung si Yahweh ay magsalita, ang usa'y napapaanak,  Ang dahon ng kakahuya'y para-parang nalalagas;  Yaong mga nasa templo'y sumisigaw, nagagalak,  'Si Yahweh ay papurihan!' ganito ang binibigkas. "
 29:10 Siya rin ang naghahari sa dagat na kalaliman,  Namumuno siya roon bilang hari, walang hanggan.
 29:11 Si Yahweh ang nagbibigay ng lakas sa mga hirang,  At siya ring nagpapala upang sila'y matiwasay.
 30:1 ( Dalangin ng Pagpapasalamat ) O Panginoon ko,  Sa iyong ginawa, kita'y pinupuri't ako'y iniligtas,  Kaya ang kaaway ay di na nakuhang matuwa't magalak.
 30:2 Ako ay dumaing,  At sa pagtawag ko, tinulungan ako ni Yahweh, aking Diyos,  Pinagaling ako sa taglay kong sakit, ako ay ginamot.
 30:3 Mula sa libingang  Daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;  Ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.
 30:4 Purihin si Yahweh,  Siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.  Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,  Ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
 30:5 Hindi nagtatagal  Yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya'y walang wakas.  Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,  Sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.
 30:6 "Kaya't sa nadamang  Pagkalinga niya'y nagtiwala akong hindi maaano,  At aking nawika sa aking sarili:  'Kahit na kailan hindi matatalo.' "
 30:7 Kay buti mo, Yahweh!  Ako'y iningatan sa kutang matibay na animo'y bundok,  Subalit nang ikaw'y lumayo sa akin ako ay natakot.
 30:8 Tinawag ko ikaw,  At aking hiniling sa iyo, O Yahweh, na ako'y tulungan.
 30:9 Anong kabutihan  Ang maidudulot kung ako'y mamatay?  Kung ako'y malibing, anong pakinabang ang iyong kakamtan?  Magpupuri pa ba ang mga wala na, matapos pumanaw?  Maihahayag ba ng mga patay na ang 'yong kabutihan?
 30:10 Kaya't ako'y dinggin,  Ikaw ay mahabag sa akin, O Yahweh, ako ay pakinggan,  Mahabag ka, Yahweh! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
 30:11 Iyong pinawi na,  Itong aking lungkot, sumasayaw ako sa galak at tuwa!  Nadama ko'y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
 30:12 Di ko titigilan  Yaring pagpupuri, di ako titigil sa aking pag-awit,  Ang pasasalamat sa iyo, O Yahweh, ay di mapapatid.
 31:1 ( Dalangin ng Pagtitiwala sa Diyos ) "Sa iyo, O Yahweh, ako'y lumalapit  Upang ingatan mo, nang hindi malupig;  Ang aking dalanging laging sinasambit:  'Iligtas mo ako, O Diyos na matuwid.' "
 31:2 Sagipin mo ako, ako ay pakinggan!  Tanging kublihan ko, ako ay ingatan;  Tagapagtanggol ko't aking kaligtasan.
 31:3 Tagapagtanggol ko at aking kanlungan,  Ayon sa sabi mo, ako'y patnubayan.
 31:4 O aking patnubay, ako ay iligtas,  Sa patibong nila at umang na bitag;
 31:5 Kupkupin mo ako at iyong ingatan,  Ang pagliligtas mo sa aki'y pakamtan;  Ikaw ang aking Diyos, na tapat at tunay.
 31:6 Ikaw'y namumuhi sa nananambahan  Sa walang halagang mga diyus-diyusan;  Ngunit ako, Yahweh, sa iyo'y nananawagan.
 31:7 Magbubunyi ako, lubhang magagalak,  Sa iyong pag-ibig na di kumukupas;  Ang pagdurusa ko'y iyong namamalas,  Maging suliranin ay batid mong lahat.
 31:8 Di mo itinulot ako sa kaaway,  Kinupkop mo ako't iyong iningatan.
 31:9 Lingapin mo ako, ikaw ay mahabag,  Pagkat ako, Yahweh, ay nababagabag;  Mata ko'y maga na dahil sa pag-iyak,  Mahina na ako at wala nang lakas!
 31:10 Halos pumanaw na yaring aking buhay,  Dahil sa lungkot ko at pananambitan;  Sa dami ng aking suliraning taglay,  Umurong na pati buto sa katawan.
 31:11 Lahat kong kaaway ay humahalakhak,  Pati kapitbahay ako'y hinahamak;  Dating kakilala ay nagsisiilag,  Kung masalubong ko ay nagsisiiwas.
 31:12 Nilimot na akong tulad ng namatay,  Di na pinapansin, parang yagit lamang.
 31:13 May mga bulungan akong naririnig,  Mula sa kaaway sa aking paligid;  Sa kanilang balak ako'y nanginginig,  Ang binabalangkas, ako ay iligpit.
 31:14 Subalit, O Yahweh, ang aking tiwala  Ay nasasaiyo, Diyos na dakila!
 31:15 Sa iyong kalinga, umaasa ako,  Laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;  At sa umuusig na sinumang tao.
 31:16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,  Ingatan mo ako't iyong pagpalain;  Iligtas mo ako at iyong sagipin,  Tanda ng pag-ibig na di nagmamaliw!
 31:17 Sa iyo, O Yahweh, ako'y namamanhik,  H'wag mong tutulutang ako ay malupig;  Ang mga masama ay dapat magahis,  Upang sa libingan sila manahimik.
 31:18 "Yaong sinungaling ay patahimikin,  Ang mga palalong ayaw kang kilanlin;  Yaong mga taong ang laging layunin:  'Ang mga matuwid, kanilang dustain.' "
 31:19 Ang pagpapala mo'y iyong ilalaan  Sa mga anak mong may takot na taglay;  Kagila-gilalas malasin ninuman,  Ang pagkalinga mo sa mga hinirang  Na nangagtiwala sa iyong pagmamahal.
 31:20 Iyong kinalinga at iningatan mo  Laban sa adhika ng masamang tao;  Dinala sa ligtas na dakong kublihan,  Upang di hamakin ng mga kaaway.
 31:21 Purihin si Yahweh, sa kanyang pag-ibig  Na dulot sa akin nang ako'y magipit.
 31:22 Ako ay natakot, labis na nangamba  Sa pag-aakalang itinakwil mo na;  Ngunit dininig mo yaong aking taghoy,  Nang ako'y humingi sa iyo ng tulong.
 31:23 Mahalin si Yahweh ng mga hinirang;  Ng lahat ng tapat na mga nilalang,  Ang tapat sa kanya ay iniingatan,  Ngunit ang palalo'y pinarurusahan.
 31:24 O magpakatatag ang mga nilikha,  Lahat nang kay Yahweh ay nagtitiwala!
 32:1 ( Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran ) Mapalad ang tao na pinatawad na yaong kasalanan,  At nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang;
 32:2 Mapalad ang taong sa harap ni Yahweh ay di naparatangan  Dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang.
 32:3 Noong hindi ko pa naipahahayag yaring kasalanan,  Sa buong maghapon ako'y nananangis sa matinding lumbay;
 32:4 Sa araw at gabi, bigat ng kamay mo ang nararamdaman,  Anupat wala nang nalalabi akong lakas sa katawan,  Hamog ang kaparis na dagling natuyo sa sikat ng araw.
 32:5 Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala'y inamin,  Ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim;  Pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo'y idaing,  At aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin.
 32:6 Ang lahat ng tapat, sa panahong gipit dapat manalangin,  Upang bumugso man ang malaking baha'y di sila abutin.
 32:7 Kublihan ko'y ikaw, ikaw ang sasagip kung nababagabag,  Aking aawitin ang pagkakalinga at 'yong pagliligtas.
 32:8 "Ang sabi ni Yahweh, 'Aking ituturo ang 'yong daraanan,  Ako ang sa iyo'y magbibigay-payo, kita'y tuturuan. "
 32:9 "H'wag kang tumulad sa iyong kabayo o sa iyong mola,  Na para tumigil ay kailangan pang hatakin ang renda.' "
 32:10 Mapaparusahan, tiyak magdurusa yaong masasama,  Wagas na pag-ibig ang dulot ni Yahweh sa nagtitiwala.
 32:11 Lahat ng matuwid at tapat kay Yahweh, magalak na lubos,  Dahil sa natamo nilang kabutihang kaloob ng Diyos;  Sumigaw sa galak ang lahat ng taong sa kanya'y sumunod!
 33:1 ( Awit ng Pagpupuri ) Lahat ng matuwid dapat na magsaya  Dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;  Kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
 33:2 Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,  Tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
 33:3 Isang bagong awit, awiting malakas,  Kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!
 33:4 Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,  At maaasahan ang kanyang ginawa.
 33:5 Minamahal niya ang gawang matapat,  Ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
 33:6 Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,  Ang araw, ang buwa't talang maririkit;
 33:7 Sa iisang dako, tubig ay tinipon,  At sa kalaliman ay doon kinulong.
 33:8 Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!  Dapat katakutan ng buong nilikha!
 33:9 Ang buong daigdig sa kanyang salita  Ay pawang nayari, lumitaw na bigla.
 33:10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,  Kanyang nababago't winawalang-bisa.
 33:11 Ngunit ang mga panukala ng Diyos,  Ay mamamalagi't walang pagkatapos.
 33:12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos,  Mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
 33:13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan  Ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
 33:14 Nagmamasid siya at namamahala  Sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
 33:15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula  Walang nalilingid sa kanilang gawa.
 33:16 Di dahil sa hukbo, hari nagtagumpay,  Ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
 33:17 Kabayong pandigma'y di na kailangan,  Upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;  Di makapagliligtas, lakas nilang taglay.
 33:18 Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala  Sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
 33:19 Hindi babayaang sila ay mamatay,  Kahit magtaggutom sila'y binubuhay.
 33:20 Ang ating pag-asa'y nasa Panginoon;  Siya ang sanggalang natin at katulong.
 33:21 Dahilan sa kanya, kami'y natutuwa,  Sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.
 33:22 Ipagkaloob mo na aming makamit,  O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,  Yamang ang pag-asa'y sa 'yo nasasalig!
 34:1 ( Pagpuri sa Kabutihan ng Diyos ) Si Yahweh ay aking laging pupurihin;  Sa pasasalamat di ako titigil.
 34:2 Aking pupurihin kanyang mga gawa,  Kayong naaapi, makinig, matuwa!
 34:3 Ang pagkadakila niya ay ihayag  At ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
 34:4 Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,  Nawala sa akin ang lahat kong takot.
 34:5 Nagalak ang aping umasa sa kanya,  Pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
 34:6 Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,  Sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
 34:7 Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,  Sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
 34:8 Ang galing ni Yahweh hanaping masikap;  Yaong nagtiwala sa kanya't naligtas  Ay maituturing na taong mapalad.
 34:9 Matakot kay Yahweh, kayo, kanyang bayan  Nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
 34:10 Kahit mga leon ay nagugutom din,  Sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;  Ngunit ang sinumang si Yahweh susundin,  Sa anumang bagay hindi kukulangin.
 34:11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan  At kayo ngayo'y aking tuturuan  Na ang Diyos ay dapat nating katakutan.
 34:12 Ang buhay masaya at mahabang buhay,  Di ba ninyo gustong inyong maranasan?
 34:13 Salitang mahalay at pagsisinungaling,  Ay dapat iwasan at h'wag banggitin.
 34:14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan  Pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
 34:15 Kinukupkop ng Diyos ang mga matuwid  At ang taghoy nila'y kanyang dinirinig.
 34:16 Nililipol niya yaong masasama  Hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
 34:17 Agad dinirinig daing ng matuwid  Inililigtas sila sa mga panganib.
 34:18 Tumutulong siya sa nasisiphayo  Ang walang pag-asa'y hindi binibigo.
 34:19 Ang taong matuwid, masuliranin man,  Sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
 34:20 Kukupkupin siya nang lubus-lubusan,  Kahit isang buto'y hindi magagalaw.
 34:21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din  Sa taglay na buhay ang siyang kikitil.
 34:22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,  Sa napakukupkop, siyang mag-iingat!
 35:1 ( Dalangin para Tulungan ) Ang mga salungat at laban sa akin,  Panginoon, sila'y iyong kalabanin;
 35:2 Ang iyong baluti at sandatang laan,  Kunin mo at ako ay iyong tulungan.
 35:3 Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,  At sila'y tugisin hanggang sa mautas.  Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas  Ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!
 35:4 Silang nagnanasang ako ay patayin  Ay iyong igupo at iyong hiyain;  At ang nagtatangkang lumaban sa akin,  Hadlangan mo sila at iyong lituhin.
 35:5 Gawing parang ipa na tangay ng hangin  Habang tinutugis ng sinugong anghel.
 35:6 Bayaang magdilim, dumulas ang landas,  Habang hinahabol sila't winawasak.
 35:7 Ni walang dahilan, ang hangad sa akin  Ako ay ihulog sa balong malalim,  Na ginawa nila upang ako'y dakpin.
 35:8 Hindi nila alam sila'y mawawasak,  Sila'y mahuhulog sa sariling bitag;  Sa hinukay nilang balon ay lalagpak.
 35:9 Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;  Sa habag sa akin ako'y iniligtas.
 35:10 "Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,  'Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!  Iniingatan mo laban sa malakas  Yaong mahihina't taong mahihirap,  At sa nang-aapi, sila'y ililigtas.' "
 35:11 Ang mga masama'y nagpapatotoo  At nagpaparatang ng hindi totoo,  Sa pagkakasalang walang malay ako.
 35:12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama  Kaya nagdaramdam akong di kawasa.
 35:13 Pag sila'y may sakit, ang ginagawa ko  Nagdaramit-luksa at nag-aayuno;  Ako'y humihibik na yuko ang ulo.
 35:14 Para bang ang aking idinadalangin  Ay isang kapatid na mahal sa akin;  Lumalakad ako na ang pakiramdam  Wari'y inulila ng ina kong mahal.
 35:15 Nagagalak sila pag ako'y may dusa;  Sa aking paligid nagtatawanan pa.  Binubugbog ako ng di kakilala,  Halos walang tigil na pagpaparusa.
 35:16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;  Sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.
 35:17 Hanggang kailan pa kaya, Panginoon,  Maghihintay ako sa mahal mong tulong?  Iligtas mo ako sa ganid na leon  Sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
 35:18 At sa gitna niyong mga kapulungan,  Ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;  Pupurihin kita sa harap ng tanan.
 35:19 H'wag mong tutulutang ang mga kaaway  Magtawa sa aking mga kabiguan;  Gayon din ang muhi, wala mang dahilan,  Magalak sa aking mga kalumbayan.
 35:20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,  Kasinungalingan ang bigkas ng bibig,  At ang binabaka'y taong matahimik.
 35:21 "Ang paratang nila na isinisigaw:  'Ang iyong ginawa ay aming namasdan!' "
 35:22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,  Kaya, Panginoon, h'wag kang manahimik;  Huwag mong iiwanan ako sa hinagpis!
 35:23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,  Iyong ipaglaban ako, Panginoon.
 35:24 O Panginoon ko, sadyang matuwid ka,  Kaya ihayag mong ako'y walang sala;  Huwag mong tutulutan ang mga kaaway,  Na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
 35:25 "H'wag mong pabayaan na magsang-usapan,  At sabihing: 'Aha! Gusto nami'y ganyan!'  Huwag mong itutulot na sabihin nilang:  'Siya ay nagapi namin sa labanan!' "
 35:26 Silang nagtatawa sa paghihirap ko,  Lubos mong gapii't bayaang malito;  Yaong nagpapanggap namang mas mabuti,  Hiyain mo sila't siraan ng puri.
 35:27 "Ang nangagsasaya, sa aking paglaya  Bayaang palaging sumigaw sa tuwa;  'Dakila si Yahweh, tunay na dakila,  Sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.' "
 35:28 Aking ihahayag ang iyong katwiran,  Sa buong maghapon ay papupurihan!
 36:1 ( Ang Kasamaan ng Tao ) Kasalana'y nangungusap sa puso ng masasama,  Sa ubod ng puso nila'y doon ito nagwiwika;  Tumatanggi ito sa Diyos at ni takot ito'y wala.
 36:2 Ang palagay sa sarili, siya'y isang dakila na;  Ang akala'y hindi batid ni Yahweh ang kanyang sala,  Kaya yaong iniisip, hindi siya magdurusa.
 36:3 Kung mangusap ay masama at ubod nang sinungaling;  Dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling.
 36:4 Masama ang binabalak samantalang nahihimlay,  Masama rin ang ugali, at isa pang kasamaa'y  Yaong laging inaakap ay gawaing mahahalay. ( Ang Kabutihan ng Diyos )
 36:5 Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan,  At ang iyong pagtatapat ay abot sa kalangitan.
 36:6 Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan,  Ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan;  Ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang,  Sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay.
 36:7 O Diyos, yaong pag-ibig mo'y mahalaga at matatag,  Ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak.
 36:8 Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan;  Doon sila umiinom sa batis ng kabutihan.
 36:9 Sa iyo rin nagmumula yaong lahat na may buhay,  Ang liwanag na taglay mo ay sa amin umaakay.
 36:10 Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig,  Patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid.
 36:11 Ang palalo'y h'wag tulutan na ako ay salakayin,  O ang mga masasamang gusto akong palayasin.
 36:12 Yaong taong masasama'y masdan ninyo at nagupo!  Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo.
 37:1 ( Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti ) H'wag kang mabalisa dahil sa masama;  H'wag mong kainggitan liko nilang gawa;
 37:2 Katulad ng damo, sila'y malalanta,  Tulad ng halaman, matutuyo sila.
 37:3 Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,  At mananahan kang ligtas sa lupain.
 37:4 Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,  At ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
 37:5 Ang iyong sarili'y sa Diyos mo ilagak,  Pag nagtiwala ka'y tutulungang ganap;
 37:6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag,  Katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
 37:7 Sa harap ng Diyos ay pumanatag ka,  Maging matiyagang maghintay sa kanya;  H'wag mong kainggitan ang gumiginhawa  Sa likong paraan, umunlad man sila.
 37:8 H'wag kang mapopoot ni mababalisa,  Iyang pagkagalit, iwasan mo sana;  Walang kabutihan na makakamtan ka.
 37:9 Ang nagtitiwala sa Diyos, mabubuhay,  Ligtas sa lupain at doon tatahan,  Ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
 37:10 Hindi magluluwat, sila'y mapaparam,  Kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
 37:11 Ngunit ang maamo ay matitiwasay,  At magiging ganap ang kapayapaan.
 37:12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,  Napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
 37:13 Ang Diyos nagtatawa lamang sa masama  Pagkat alam niyang ito'y mawawala.
 37:14 Taglay ng masama'y pana at patalim  Upang ang mahirap dustai't patayin,  At ang mabubuti naman ay lipulin.
 37:15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay  Pawang mawawasak pana nilang taglay.
 37:16 Kahit kakaunti ang salaping hawak  Ng taong matuwid, pagkat naghihirap,  Mahalaga ito sa yamang santambak  Ng mga masama, buuin mang lahat.
 37:17 Pagkat ang masama'y papanghihinain,  Ngunit ang mabuti ay kakalingain.
 37:18 Iingatan ng Diyos yaong masunurin,  Ang lupang minana'y di na babawiin.
 37:19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,  Di mararanasan nila ang magdahop.
 37:20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;  Kaaway ng Diyos, tiyak mapaparam  Tulad ng bulaklak at mga halaman;  Para silang usok na paiilanlang.
 37:21 Anumang hiramin ng taong masama,  Di na ibabalik sa kanyang kapwa,  Ngunit ang matuwid na puso'y dakila,  Ang palad ay bukas at may pang-unawa.
 37:22 Yaong mga taong pinagpala ng Diyos,  Ligtas sa lupain na kanyang kaloob;  Ngunit ang sinuman na kanyang sumpain,  Sa lupaing yaon ay palalayasin.
 37:23 Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad,  Ay itong si Yahweh, nang upang maligtas;  Sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
 37:24 Kahit na mabuwal, siya ay babangon,  Pagkat ang alalay niya'y Panginoon.
 37:25 Matanda na ako't mulang pagkabata,  Sa tanang buhay ko'y walang nabalita  Na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;  O ang anak niya'y naging hampaslupa.
 37:26 Sa lahat ng oras, bukas pa ang palad  Sa pagkakaloob sa mga mahirap;  Kapalaran niya ang nagiging anak.
 37:27 Ang mabuti'y gawin, masama'y itakwil,  At mananahan kang lagi sa lupain.
 37:28 Pagkat yaong bayang wasto ang gawain,  Ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.  Sila'y iingatan magpakailanman,  Ngunit ang masama ay ihihiwalay.
 37:29 Ang mga matuwid, ligtas na titira  At di na aalis sa lupang minana.
 37:30 Ang mga mat'wid, madiwang mangusap  At ang sinasabi nila'y pawang tumpak.
 37:31 Ang utos ng Diyos ang nasasa puso,  Sa utos na ito'y hindi lumalayo.
 37:32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,  Sa taong matuwid nang upang mapatay;
 37:33 Ngunit hindi naman ito babayaang  Mahulog sa kamay ng mga kaaway;  Di rin magdurusa kahit ipagsakdal.
 37:34 Manalig ka sa Diyos, utos niya'y sundin;  Ikaw ay lalakas upang ang lupain  Ay iyong matamo, at ang mga taksil  Ay makikita mo na palalayasin.
 37:35 Ako'y may nakitang taong walang-habas,  Gusto'y ang sarili kilanling mataas;  Kahoy sa Libano ang nakakatulad.
 37:36 Lumipas ang araw, ang aking napuna  Nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;  Hinanap-hanap ko'y di ko na makita.
 37:37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,  Mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
 37:38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,  Lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.
 37:39 Ililigtas ng Diyos ang mga matuwid,  Iingatan sila pag naliligalig.
 37:40 Ililigtas sila't kanyang tutulungan  Laban sa masama, ipagsasanggalang;  Sapagkat kay Yahweh nangungubling tunay.
 38:1 ( Dalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap ) Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!  O kung galit ka ma'y huwag akong parusahan.
 38:2 Ang labis mong galit ay aking dinamdam;  Sa parusang hatol, ako ay nasaktan.
 38:3 Ako'y nilalagnat sa taglay mong galit;  Dahil sa sala ko ako'y nagkasakit.
 38:4 Ako'y nalulunod sa taglay kong sala,  Sa dinami-rami ay parang baha na;  Mabigat na lubha itong aking dala.
 38:5 Parang bakukang na itong aking sugat,  Dahil sa ginawi kong hindi marapat;
 38:6 Wasak na't kuba na ang aking katawan,  Sa buong maghapon ay nananambitan.
 38:7 Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,  Lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
 38:8 Halos madurog na at ako'y malupig;  Puso'y nagdurugo sa tindi ng sakit.
 38:9 Yaong aking hangad, Yahweh, iyong batid;  Ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
 38:10 Tibok ng puso ko'y dinggin at masasal,  Ang taglay kong lakas halos ay pumanaw;  Ang mga mata ko ay naging malamlam.
 38:11 Mga kaibiga't mga kapitbahay  Ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw  Dahil sa sugat ko sa aking katawan;  Lumalayo pati aking sambahayan.
 38:12 Yaong nagnanais na ako'y patayin,  Nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;  Ang may bantang ako'y saktan at wasakin,  Maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.
 38:13 Para akong bingi na di makarinig,  At para ring pipi na di makaimik;
 38:14 Sa pagsasanggalang ay walang masabi,  Pagkat ang katulad ko nga'y isang bingi.
 38:15 May tiwala ako sa 'yo, Panginoon,  Alam kong sa akin ikaw ay tutugon.
 38:16 Kung may dusa ako, h'wag silang tulutang  Maghambog, magtawa sa 'king kabiguan.
 38:17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,  Mahapdi't makirot ang aking katawan.
 38:18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,  Mga kasalanang sa 'ki'y gumugulo.
 38:19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;  Wala mang dahila'y namumuhi sila.
 38:20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,  Dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.
 38:21 O Panginoon ko, h'wag akong iiwan;  Maawaing Diyos, h'wag akong layuan;
 38:22 Tagapagligtas ko, ako ay tulungan!
 39:1 ( Pagtatapat ng Taong Nahihirapan ) Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,  At hindi ko babayaang ang dila ko ay madulas;  Upang hindi magkasala, ako'y hindi mangungusap  Samantalang kalapit ko yaong taong mga sukab.
 39:2 Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,  Hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;  Ngunit ngayon, ngayo'y lalong naghihirap ang sarili.
 39:3 Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,  Habang aking iniisip, lalo akong nalilito;  Nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
 39:4 '"Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,  Kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay;  Ang wakas ng aking buhay sabihin mo kung kailan!' "
 39:5 Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,  Sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;  Ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan.
 39:6 Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,  At maging ang gawa niya ay wala nang kasaysayan;  Hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!
 39:7 Kung ganoon, Amang Yahweh, nasaan ba ang pag-asa?  Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
 39:8 Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking sala;  Ang hangal ay h'wag bayaan na sa akin ay magtawa.
 39:9 Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,  Yamang pawang pagdurusa yaong dulot mo sa akin.
 39:10 H'wag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;  Sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
 39:11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;  Parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;  Tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis!
 39:12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;  Sa daing ko't panambitan h'wag ka namang manahimik.  Ako'y iyong panauhin na di naman magtatagal,  At tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
 39:13 Sa ganitong kalagayan, mabuti pa'y iwan mo na,  Upang ako'y makalasap kahit bahagyang ligaya,  Bago ako mamayapa't mapawi sa alaala.
 40:1 ( Awit ng Pagpupuri ) Ako ay naghintay sa 'king Panginoon,  At dininig niya ang aking pagtaghoy;
 40:2 Sa balong malalim na lubhang maputik,  Iniahon niya at doo'y inalis  Ligtas na dinala sa malaking bato,  At naging panatag, taglay na buhay ko.
 40:3 Tinuruan niya ako pagkatapos  Ng bagong awiting pampuri sa Diyos;  Matatakot yaong bawat makasaksi  At magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
 40:4 Mapalad ang taong may tiwala sa Diyos  At sa diyus-diyusa'y hindi dumudulog;  Hindi sumasama sa nananambahan,  Sa mga nagkalat na diyus-diyusan.
 40:5 Ikaw, Panginoon, ay walang katulad  Sa maraming bagay na iyong ginanap;  Kung pangahasan kong lahat ay sabihin  Nangangamba akong mayroong maligwin.
 40:6 Ang mga panghandog, pati mga hain,  At ang mga hayop na handang sunugin,  Hindi mo na ibig sa dambana dalhin,  Upang yaong sala'y iyong patawarin;  Sa halip, ang iyong kaloob sa akin  Ay ang pandinig ko upang ikaw'y dinggin.
 40:7 "Kaya ang tugon ko, 'Ako'y naririto;  Nasa Kautusan ang mga turo mo. "
 40:8 "Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;  Aking itatago sa puso ang aral.' "
 40:9 Ang pagliligtas mo'y aking inihayag  Saanman magtipon ang 'yong mga anak;  Di ako titigil ng pagpapahayag.
 40:10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,  Di ko inilihim sa aking sarili;  Pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,  Sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.
 40:11 Aking nalalamang di mo puputulin,  Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;  Wagas mong pag-ibig at ang pagtatapat,  Sa aking sarili'y siyang mag-iingat. ( Dalangin Upang Tulungan )[ (Awit 70) ]
 40:12 Kay rami na nitong mga suliranin  Na sa karamiha'y di kayang bilangin.  Alipin na ako ng pagkakasala,  Na sa dami, ako'y di na makakita;  Higit pa ang dami sa buhok sa ulo,  Kaya nasira na pati ang loob ko.
 40:13 Sana'y iligtas mo ako, Panginoon!  Ngayo'y gawin mo na ang iyong pagtulong.
 40:14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,  Bayaang malito't ganap na talunin;  Yaong nagagalak sa suliranin ko  Hiyain mo sila't bayaang malito!
 40:15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang  Magdamdam nang labis, nang di magtagumpay!
 40:16 "Silang lumalapit sa iyo'y dulutan  Ng ligaya't galak na walang kapantay;  Bayaang sabihing: 'Si Yahweh ay Dakila!'  Ng nangaghahangad maligtas na kusa. "
 40:17 Mahina man ako at wala nang lakas,  Ngunit sa isip mo'y di mo kinakatkat;  O aking katulong at Tagapagligtas--- Yahweh, aking Diyos, h'wag ka nang magluwat!
 41:1 ( Dalangin ng Isang Maysakit ) Mapalad ang isang taong tumitingin sa mahirap,  Si Yahweh ang tumutulong kung siya ay may bagabag.
 41:2 Buhay niya'y iingatan, yamang siya ang may hawak,  Sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,  At doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
 41:3 Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,  Ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
 41:4 "Ang pahayag ko kay Yahweh, 'Tunay akong nagkasala,  Iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!' "
 41:5 "Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,  'Kailan ka mamamatay upang ikaw'y mawala na?' "
 41:6 Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;  Ang balitang masasama ang palaging sinasagap,  At saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
 41:7 Ang lahat ng namumuhi'y ang palagi ng usapan,  Ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
 41:8 Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,  Di na ako magbabangon sa banig ng karamdaman.
 41:9 Lubos akong nagtiwala sa tapat kong kaibigang  Kasalo ko sa tuwina't sa anuman ay karamay;  Ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kaaway.
 41:10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;  Ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
 41:11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,  Sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
 41:12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako ay mabuti  Sa piling mo ay patuloy na ingatan ang sarili.
 41:13 Purihin ang Panginoon, itong Diyos ng Israel;  Kailanman at saanman, siya'y ating pupurihin!  Amen! Amen!
 42:1 ( Taghoy ng Nangapatapon ) Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;  Gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
 42:2 Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;  Kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?
 42:3 "Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw'y tumatangis;  Ang nagiging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.  Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,  'Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.' "
 42:4 Nagdurugo ang puso ko, kung aking maalaala  Ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,  Papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;  Pinupuri namin ang Diyos, sa pag-awit na masaya!
 42:5 Bakit ako nalulungkot, nabahala nang mainam?  Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;  Diyos na Tagapagligtas, muli ko s'yang aawitan.
 42:6 Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,  Habang ako'y nasa Jordan, sa tapunan nasasadlak;  Doon sa may Bundok Hermon at sa may Bundok Mizar,  Di ko siya malilimot gunitain oras-oras.
 42:7 Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,  At doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;  Ang kawangki at kawangis, malungkot na mga alon  Na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
 42:8 Nawa ang pag-ibig ng Diyos ay mahayag araw-araw,  Gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;  Dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
 42:9 "Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,  'Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?  Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?' "
 42:10 "Halos ako ay matunaw sa pagkutya ng kaaway,  Habang sila'y nagtatanong, 'Ang Diyos mo ba ay nasaan?' "
 42:11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?  Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;  Magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay  Ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
 43:1 ( Patuloy na Dalangin ng Nangapatapon )[ (Karugtong ng Awit 42) ] Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,  At laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;  Sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
 43:2 Diyos na aking sanggalang, bakit mo ba ako iniwan?  Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?
 43:3 Ang totoo't ang liwanag, buhat sa 'yo ay pakamtan,  Upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal  Sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
 43:4 Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,  Yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;  Sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos  Buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
 43:5 Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?  Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig;  Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas  Itong aking pagpupuri sa kanya ko ilalagak!
 44:1 ( Dalangin Upang Iligtas ) Ang ginawa mo no'ng una na dakilang mga bagay,  Narinig na namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;  Ang lahat ng ginawa mo sa kanila'y aming alam.
 44:2 Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,  At ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;  Sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,  Samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
 44:3 Hindi sila ang lumupig sa lupain na minana,  Hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;  Hindi tabak ang ginamit, ang ginamit na sandata,  Kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;  Kaya ito ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
 44:4 O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,  Pagwawaging kaloob mo sa bayan mo na hinirang.
 44:5 Dahilan sa iyong lakas, lupig namin ang kaaway,  Pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
 44:6 Ang palaso ko at tabak ay hindi ko inasahan  Upang yaong kaaway ko ay magapi sa labanan.
 44:7 Pagkat ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,  Sa lahat ng namumuhi na malupit na kaaway.
 44:8 Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;  Sa papuri't pasalamat ikaw'y aming susuubin.
 44:9 Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami ay nalupig,  Hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
 44:10 Binayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;  Lahat naming naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
 44:11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,  Matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
 44:12 Kami'y iyong kinalakal sa maliit na halaga;  Sa ginawang pagbibili walang tubo na nakuha.
 44:13 Sa sinapit naming ito, mga Hentil ay nagtawa,  Inuuyam kaming lagi, kami'y iniinis nila.
 44:14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,  Sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
 44:15 Sa ganitong inabot kong mapait na karanasan,  Para akong nilukuban ng malaking kahihiyan.
 44:16 Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,  Ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.
 44:17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;  Ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,  At ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
 44:18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,  Hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
 44:19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,  Sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.
 44:20 Kung ang pagsamba sa Diyos kusa naming itinigil,  At sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
 44:21 Ito'y iyong mababatid pagkat sa 'yo'y walang lihim,  Sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
 44:22 Ngunit ikaw ang dahilan kaya laging pinapatay,  Ang katulad nami'y tupang dinadala sa patayan.
 44:23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising,  Bumangon ka! Kailanma'y huwag kaming itatakwil;
 44:24 Kami'y huwag mong pagkublihan, huwag magtago sa amin,  Ang pangamba nami't hirap ay huwag mong lilimutin.
 44:25 Halos kami ay madurog pag bumagsak na sa lupa;  Sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
 44:26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,  Dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!
 45:1 ( Awit sa Maharlikang Kasalan ) Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,  Habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;  Ang katulad ng dila ko ay panulat niyong paham,  Panulat ng mabubuting sumulat ng kasaysayan.
 45:2 Sa lahat na ng nilikha ay makisig kang di hamak,  Kapag nagtatalumpati'y pambihira kang mangusap;  Pinagpapala kang lagi ng Diyos sa iyong hangad.
 45:3 O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;  Malakas ka at dakila, sagisag mo'y maharlika.
 45:4 Maglakbay kang mayro'ng dangal tungo sa pagtatagumpay,  Alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;  Tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
 45:5 Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;  Susuko ang mga bansa at sa iyo ay gagalang.
 45:6 Yaong tronong tinanggap mo na kaloob ng iyong Diyos,  Isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;  Matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
 45:7 Ang matuwid ay mahal mo, sa masama'y namumuhi;  Kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;  At higit sa kaninuman ang galak mo'y tanging-tangi.
 45:8 Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,  Mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;  Inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
 45:9 O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,  Samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,  Palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.
 45:10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;  Ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
 45:11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;  Siya'y iyong panginoon, marapat na iyong sundin.
 45:12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,  Pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.
 45:13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;  Sinulid na gintung-ginto ang niyaring damit niya.
 45:14 Sa makulay niyang damit, sa hari ay pinapunta,  Haharap sa haring yaong mga abay ay kasama.
 45:15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak  Na pumasok sa palasyo at sa hari ay humarap.
 45:16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,  Kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
 45:17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,  Kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!
 46:1 ( Ang Diyos ay Sumasaatin ) Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan,  At handang saklolo kung may kaguluhan;
 46:2 Di dapat matakot, mundo'y mayanig man,  Kahit na sa dagat ang bundok mabuwal;
 46:3 Kahit na magngalit yaong karagatan,  At ang mga burol mayanig, magimbal.
 46:4 May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,  Sa banal na templo'y ligaya ang dulot.
 46:5 Ang tahanang-lunsod ay di masisira;  Ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,  Mula sa umaga ay kanyang alaga.
 46:6 Nangingilabot din bansa't kaharian,  Sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam.
 46:7 Nasa atin ang Diyos Makapangyarihan,  Ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan.
 46:8 Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,  Sapat nang pagmasdan at ikaw'y hahanga!
 46:9 Maging pagbabaka ay napatitigil,  Sibat at palaso'y madaling sirain;  Baluting sanggalang ay kayang tupukin!
 46:10 "Sinasabi niya, 'Ihinto ang labanan,  Ako ang inyong Diyos, dapat na malaman  Dito sa daigdig, sa alinmang bansa'y  Ako ang tanging makapangyarihan.' "
 46:11 Nasa atin ang Diyos Makapangyarihan;  Ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan!
 47:1 ( Kataas-taasang Puno ) Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,  Pumalakpak kayong may awit at tuwa!  Bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
 47:2 Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan,  Ay dakilang haring dapat katakutan;  Siya'y naghahari sa sangkatauhan.
 47:3 Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,  Sa lahat ng bansa'y namahala tayo;
 47:4 Siya ang pumili ng ating tahanan,  Ang lupang minana ng mga hinirang.
 47:5 Umakyat sa trono ang Panginoong Diyos,  Hatid ng trompetang malakas ang tunog;  Masayang sigawan ang ipinansuob.
 47:6 Purihin ang Diyos, siya ay awitan,  Awitan ang hari, siya'y papurihan!
 47:7 Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,  Awita't purihin ng mga nilikha!
 47:8 Maghahari siya sa lahat ng bansa,  Magmula sa tronong banal at dakila.
 47:9 Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,  Sasama ang madlang mga pamunuan  Ng lahat ng bansa sa sandaigdigan;  Ang mga sandata ng lahat ng kawal,  Lahat ay sa Diyos na hari ng tanan.
 48:1 ( Ang Sion, Bayan ng Diyos ) Dakila si Yahweh, dapat papurihan,  Sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
 48:2 Ang Bundok ng Sion, tahanan ng Diyos  Ay dakong mataas na nakalulugod;  Bundok sa hilaga na galak ang dulot,  Sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
 48:3 Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,  Sa loob ng muog ng banal na bayan.
 48:4 Itong mga hari ay nagtipun-tipon,  Upang sumalakay sa Bundok ng Sion;
 48:5 Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,  Pawang nagsitakas at nahintakutan.
 48:6 Ang nakakatulad ng pangamba nila  Ay ang pagluluwal ng butihing ina.
 48:7 Sa hanging amiha'y kanyang winawasak  Ang naglalakihang barkong naglalayag.
 48:8 Sa banal na lunsod ay aming namasid  Ang kanyang ginawa na aming narinig;  Ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,  Siyang mag-iingat sa lunsod na banal,  Iingatan niya magpakailanman.
 48:9 Sa loob ng iyong templo, O Diyos,  Aming nagunita pag-ibig mong lubos.
 48:10 Ikaw'y pinupuri ng lahat saanman,  Sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,  At kung mamahala ay makatarungan.
 48:11 Kayong taga-Sion, dapat na magalak!  At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,  Dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.
 48:12 Ang buong palibot ng Sion, lakarin,  Ang lahat ng tore doon ay bilangin;
 48:13 Ang nakapaligid na pader pansinin,  Mga muog nito'y iyong siyasatin;  Upang sa susunod na lahi'y isaysay,
 48:14 Na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,  Sa buong panahon siya ang patnubay.
 49:1 ( Kahangalan ang Magtiwala sa Kayamanan ) Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,  Kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
 49:2 Kahit ikaw ay dakila o aba ang iyong lagay,  Makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
 49:3 Yaring aking sasabihi'y salitang may karunungan,  Ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay;
 49:4 Ang pansin ko ay dadalhin sa bugtong na kasabihan,  Sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman.
 49:5 Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,  Kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid---
 49:6 Mga taong naghahambog na sa yaman nananalig,  Dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip.
 49:7 Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,  Hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos;
 49:8 Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;  Gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat
 49:9 Upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas  At sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.
 49:10 Ang lahat ay mamamatay, ito nama'y alam niya,  Maging mangmang o marunong, kahit hangal, pati tanga;  Yaman nila'y maiiwan, sa lahi na magmamana.
 49:11 Sa libinga'y doon sila mananahan kailanman,  Kahit sila'y may lupaing taglay nila noong araw;
 49:12 Dumakila man ang tao, di niya maiiwasan,  Tulad din ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay.
 49:13 Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili  At sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti:
 49:14 Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong,  Kalawit ni Kamatayan ang magiging kanyang pastol.  Ang matuwid, magwawagi pag sumapit ang umaga,  Laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na  Sa lupain nitong patay, na malayo sa kanila.
 49:15 Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan,  Aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan.
 49:16 Di ka dapat na matakot, ang tao man ay yumaman,  Lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan;
 49:17 Hindi ito madadala kapag siya ay namatay,  Ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan.
 49:18 At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay,  Dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay;
 49:19 Masasama pa rin siya sa ninunong nangamatay  Masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan.
 49:20 Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan,  Katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay!
 50:1 ( Ang Tunay na Pagsamba ) Ang dakilang Panginoon, si Yahweh na nagsasaysay,  Ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran,
 50:2 Magmula sa dakong Sion, ang lunsod ng kagandahan,  Makikita siya roong nagniningning kung pagmasdan.
 50:3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;  Sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,  Bumabagyong ubod lakas, humahangin sa paligid.
 50:4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,  Upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
 50:5 '"Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,  Silang tapat sa tipan ko't naghahandog niyong hain.' "
 50:6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,  Isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos.
 50:7 '"Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;  Ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;  Ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel. "
 50:8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,  Ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
 50:9 Bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,  Maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
 50:10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,  Maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
 50:11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,  At ang lahat na may buhay sa parang ay aking lahat.
 50:12 '"Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,  Yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin. "
 50:13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?  At iyon bang inumin ko ay dugo ng mga kambing?
 50:14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;  Ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
 50:15 "Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;  Kayo'y aking ililigtas, ako'y inyong pupurihin.' "
 50:16 "Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,  'Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?  At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod? "
 50:17 Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,  At ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos;
 50:18 Ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,  At kung sinong mapang-apid siya ninyong kasamahan.
 50:19 '"Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;  Sa inyo ay bale wala ang gawang magsinungaling. "
 50:20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,  At kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
 50:21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,  Kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa;  Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan  Upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
 50:22 '"Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong ako'y hindi pansin,  Kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;  Wala kayong aasahang magliligtas sa hilahil. "
 50:23 "Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,  Ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;  Akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.'"
 51:1 ( Dalanging Paghingi ng Kapatawaran{ a} ) Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,  Sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;  Mga kasalanan ko'y iyong pawiin,  Ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
 51:2 Linisin mo sana ang aking karumhan  At ipatawad mo yaring kasalanan!
 51:3 Ang pagsalansang ko ay kinikilala,  Laging nasa isip ko at alaala.
 51:4 Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,  At ang nagawa ko'y di mo nagustuhan;  Kaya may matuwid ka na ako'y hatulan,  Marapat na ako'y iyong parusahan.
 51:5 Ako'y masama na buhat nang iluwal,  Makasalanan na nang ako'y isilang.
 51:6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;  Puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
 51:7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan  At ako'y puputi nang walang kapantay.
 51:8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;  At muling babalik ang galak sa akin.
 51:9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,  Lahat kong nagawang masama'y pawiin.
 51:10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,  Bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
 51:11 Sa iyong harapa'y h'wag akong alisin;  Ang Espiritu mo ang papaghariin.
 51:12 Ang galak na dulot ng 'yong pagliligtas,  Ibalik at ako ay gawin mong tapat.
 51:13 Kung magkagayon na, aking tuturuang  Sa iyo lumapit ang makasalanan.
 51:14 Ingatan mo ako, Diyos kong Manunubos,  Ang pagliligtas mo'y galak kong ibabantog.
 51:15 Turuan mo akong makapagsalita,  At pupurihin ka sa gitna ng madla.
 51:16 Hindi mo na nais ang mga panghandog;  Sa haing sinunog di ka nalulugod.
 51:17 Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat  Ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.
 51:18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Sion;  Yaong Jerusalem ay muling ibangon.
 51:19 At kung magkagayon, ang handog na haing  Dala sa dambana, torong susunugin,  Malugod na ito'y iyong tatanggapin.
 52:1 ( Ang Paghatol at Pagkahabag ng Diyos ) Bakit ka naghambog... O taong dakila,  Sa gawa mong mali?  Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
 52:2 Balak mo'y wasakin...  Ang iba, ng iyong matalim na dila  Ng pagsisinungaling.
 52:3 Higit na mabuti  Ang iyong pag-ibig sa gawang masama,  Higit na mahal mo'y  Kasinungalingan kaysa gawang tama.
 52:4 Taong sinungaling...  Ang iba'y gusto mong saktan sa salita.
 52:5 Kaya't wawasaki't...  Aal'sin ka ng Diyos, sa loob ng tolda,  Sa lupa ng buhay aalisin ka niya.
 52:6 Ito'y makikita  Ng mga matuwid, matatakot sila,  At ang sasabihing pawang nagtatawa:
 52:7 '"Masdan mo ang taong...  Di nanalig sa Diyos nang upang maligtas,  Sa taglay n'yang yaman  Ay doon nanangan kaya napahamak.' "
 52:8 Kahoy na olibo...  Sa tabi ng templo, ang aking katulad,  Nagtiwala ako  Sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
 52:9 Di ako titigil...  Ng pasasalamat sa iyong ginawa,  Ang kabutihan mo'y  Ipahahayag ko, kasama ng madla.
 53:1 ( Ang Kasamaan ng Tao )[ (Awit 14) ] "Yaong sinasabi...  Nitong mga hangal, 'Walang saysay ang Diyos!'  Wala nang matuwid  Lahat nang gawain nila'y pawang buktot. "
 53:2 Magmula sa langit...  Ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,  Kung mayro'ng marunong  At tapat sa kanya na nananambahan.
 53:3 Ngunit kahit isa...  Ni isang mabuti ay walang nakita,  Lahat ay lumayo  At naging masama, lahat sa kanila.
 53:4 "Ang tanong ng Diyos...  'Di ba nila alam? Sila ba ay mangmang?  Ayaw manalangin,  At ang bayan ko'y pinagnanakawan.' "
 53:5 Subalit darating...  Ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,  Pagkat ang kalansay  Ng mga kaaway ikakalat ng Diyos;  Sila'y itatakwil,  Lulupigin niya nang lubos na lubos.
 53:6 Ang aking dalangi'y  Dumating sa Israel yaong pagliligtas!  Sa tulong ng Diyos  Kung ang bayan niya ay muling umunlad,  Ang angkan ni Jacob...  Bayan ng Israel, lubos na magagalak!
 54:1 ( Dalangin Upang Saklolohan ) Makapangyarihang Diyos, ako ay iligtas,  Ipagsanggalang mo niyong iyong lakas;
 54:2 Dinggin mo, O Diyos, itong iyong anak,  Sa aking dalanging ngayo'y binibigkas.
 54:3 Ang nagmamataas ay laban sa akin,  Hangad ng malupit ang ako'y patayin,  Sila'y mga taong ang Diyos ay di pansin.
 54:4 Batid kong ang Diyos ang aking katulong,  Tagapagsanggalang ko ang Panginoon.
 54:5 Ang hinahangad ko ay maparusahan  Sa gawang masama ang mga kaaway;  Ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.
 54:6 Buong galak naman akong maghahandog  Ng pasasalamat sa Panginoong Diyos,  Dahilan sa kanyang mabuting kaloob.
 54:7 Iniligtas ako sa kabagabagan,  Iniligtas niya sa mga kaaway,  At aking nakitang sila'y napipilan!
 55:1 ( Dalangin Upang Tulungan ) Ang aking dalangi'y dinggin, Panginoon,  O dinggin mo ako sa aking pagtaghoy;
 55:2 Lingapin mo ako, ako ay sagipin,  Sa bigat ng aking mga suliranin.
 55:3 Sa maraming banta ng mga kaaway,  Nalilito ako at di mapalagay.  Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,  Namumuhi sila at galit na tunay.
 55:4 Yaring aking puso'y tigib na ng lumbay,  Sa katakutan kong ako ay pumanaw.
 55:5 Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,  Sinasaklot ako ng sindak na labis.
 55:6 "Wika ko, 'Kung ako lamang ay may pakpak,  Parang kalapati, ako ay lilipad;  Ako ay hahanap ng dakong panatag. "
 55:7 Aking liliparin ang malayong lugar  At doon sa ilang ako mananahan.
 55:8 "Ako ay hahanap agad ng kanlungan  Upang makaiwas sa bagyong daratal.' "
 55:9 Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo;  Pag-uusap nila'y bayaang malito,  Yamang karahasan ang nakikita ko,  At sa lunsod nila ay nagkakagulo.
 55:10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,  Araw-gabi'y doon sila lumiligid;
 55:11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay,  Naghahari pa rin ang katiwalian;  Pati pang-aapi ay nasasaksihan.
 55:12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,  Kung ang mangungutya ay isang kaaway;  Kung ang maghahambog ay isang kalaban,  Kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
 55:13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,  Aking kaibigang itinuturing pa!
 55:14 Kau-kausap ko sa bawat sandali  At maging sa templo ay kasamang lagi.
 55:15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,  Ihulog ng buhay, sa Sheol ay malibing;  Sa kanilang puso't maging sa tahanan,  Yaong naghahari'y pawang kasamaan.
 55:16 Kay Yahweh, hihingi ako niyong tulong;  Ililigtas ako sa mga linggatong.
 55:17 Ang mga taghoy ko at mga hinaing,  Sa bawat sandali sa kanya'y darating;  At ang aking tinig ay kanyang diringgin.
 55:18 Ililigtas ako mula sa labanan,  At pababaliking taglay ang tagumpay,  Matapos gapiin ang mga kaaway.
 55:19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa  Ay diringgin ako, lulupigin sila;  Di na mababago ang pasiya ng Diyos  Pagkat ni sa kanya'y wala silang takot.
 55:20 Itong taong dati'y aking kasamahan,  Yaong kinalaba'y mga kaibigan;  Ang kanyang pangako'y hindi iginalang.
 55:21 Ang dulas ng labi'y parang mantekilya,  Ngunit nasa puso yaong poot niya;  Ang mga salita'y animo panghaplas,  Ngunit parang sundang ang tulis at talas.
 55:22 Ilagak kay Yahweh yaong suliranin  At ikaw ay hindi niya bibiguin,  Hindi babayaan ang taong magaling.
 55:23 Ngunit ang bulaan, mamamatay-tao,  Itatapon ng Diyos doon sa impiyerno,  Hindi na lalawig ang buhay sa mundo;  Kaya sa Diyos lamang mananalig ako.
 56:1 ( Dalangin ng Pagtitiwala sa Diyos ) Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,  Lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
 56:2 Nilulusob nila ako, walang likat, maghapunan,  O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
 56:3 Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;  Sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
 56:4 Pangako n'yang binitiwa'y iingatan ko nang lubos,  Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;  Kung tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
 56:5 Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,  Ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
 56:6 Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,  Naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
 56:7 Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,  Sa tindi ng iyong galit lupigin mo silang tunay.
 56:8 Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,  Pati mga pagluha ko'y may talaan ka nang ingat.
 56:9 "Kung sumapit ang sandaling ako sa iyo ay humibik,  Ang lahat ng kaaway ko ay tiyak na malulupig;  Pagkat aking nalalamang, 'Diyos ang nasa aking panig.' "
 56:10 May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,  Pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
 56:11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos  Kung tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
 56:12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa 'yo, O Diyos,  Ang hain ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
 56:13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,  Iniligtas mo rin ako sa ganap na katalunan;  Ako ngayon ay lalakad sa harapan mo, O Diyos,  Na taglay ko ang liwanag na ikaw ang nagdudulot!
 57:1 ( Dalangin Upang Tulungan ) Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;  Sa 'yo ako lumalapit upang ako ay maligtas,  Pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,  Ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
 57:2 Yaong aking tinatawag, ang Diyos sa kalangitan,  Ang Diyos na nagdudulot ng lahat kong kailangan,
 57:3 Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,  Ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagahis;  Ang tapat n'yang pagmamahal at matatag na pag-ibig,  Ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait.
 57:4 Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,  Mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;  Parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,  Matutulis yaong dila na animo'y mga sundang.
 57:5 Ihayag mo sa itaas, O Diyos, ang kabantuga't  Dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
 57:6 Nadarama ng sarili ay dusa't pagkasiphayo;  Pagkat hinuhuli ako't nais nila ay masilo,  Humukay ng isang bitag upang ako ay mabuslo,  Ngunit sila ang nahulog sa bitag na itinayo.
 57:7 Nahahanda ako, O Diyos, ako ngayon ay handa na,  Purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
 57:8 Gumising ka, katawan ko, gumising ka, kaluluwa,  Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;  Tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
 57:9 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan;  Yahweh, ikaw'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
 57:10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,  Nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
 57:11 Ihayag mo sa itaas ang taglay mong kabantuga't  Dito naman sa daigdig ay ang iyong kaningningan!
 58:1 ( Dalangin para Parusahan ang Masasama ) Tumpak ba'ng hatol ng mga pangulo?  Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
 58:2 Hindi! pagkat ang inyong binabalangkas  Pawang karahasa't gawaing di tumpak.
 58:3 Iyang masasama sa mula't mula pa,  Sapul pagkabata ay sinungaling na.
 58:4 Makamandag manding ahas ang kaparis,  Animo ay kobrang ang tainga'y may takip;
 58:5 Kaya pati utos ng salamangkero  Hindi dinirinig wari'y hindi gusto.
 58:6 Bungiin ang ngipin nila, Panginoon,  Alisin ang pangil niyong mga leon.
 58:7 Itapon mo silang katulad ng tubig,  Sa daa'y duruging parang mga yagit.
 58:8 Parang mga suso, sa dumi magwakas,  Batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
 58:9 Puputulin silang hindi nila batid,  Itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;  Bagaman buhay pa'y iyon ang sinapit.
 58:10 Ang mga matuwid nama'y magagalak  Kung ang masasama'y parusahang ganap;  Pagkakita nila sa dugong dumanak,  Hindi mangingiming doon na tumahak,
 58:11 "Saka sasabihin ng mga nilalang,  'Ang mga matuwid ay gantimpalaan;  Tunay ngang may Diyos, na hukom ng tanan!'"
 59:1 ( Dalangin Upang Iligtas ) Sa aking kaaway,  Iligtas mo ako, Panginoong Diyos;  Ingatan mo ako pag sila'y lumusob.
 59:2 Sa masamang tao,  Ako ay iligtas, at sa pumapatay  Agawin mo ako at ipagsanggalang.
 59:3 Sila'y nag-aabang,  Pagmasdan mo yaong taong mababagsik;  Nagtipo't ang layon ako ay iligpit.  Ang dahilan nito,  Di dahil sa ako'y may pagkakamali
 59:4 O may pagkukulang na ako ang sanhi;  O Diyos, masdan sila at nagdudumali.
 59:5 Tulungan mo ako,  Makapangyarihang Panginoon namin.  Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!  Ikaw ay gumising,  At ang mga bansa'y iyong parusahan;  Yaong mga taksil, h'wag mong kahabagan.
 59:6 Pagdating ng gabi,  Sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;  Asong kumakahol ang nakakatulad  Habang naglilibot.
 59:7 "Dinggin ang salita't  Parang mga tabak ang dila ng bibig!  Ngunit nagtatanong:  'Sa ami'y sino ba kayang makikinig?' "
 59:8 Ngunit, Panginoon,  Tinatawanan mo't iyong kinukutya;  Gayon ang gawa mo sa may salang bansa.
 59:9 Ikaw, Panginoon,  Ang aking malakas na tagasanggalang,  Ikaw ang muog ko at aking kublihan.
 59:10 Ako'y minamahal,  Mahal ako ng Diyos; ako'y lalapitan  Upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.
 59:11 Huwag mong papatayin,  Nang di malimutan ng 'yong mga lingkod,  Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;  Ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
 59:12 Sa kanilang labi'y  Pawang kasamaan ang namumutawi;  Sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,  Pagkat sinungaling at sa pagtutungayaw ay nahihirati.
 59:13 Wasakin mong lubos,  Sa 'yong kagalita'y ganap mong wasakin;  Dito malalaman  Ng lahat, na ikaw'y hari ng Israel,  At sa sansinukob ikaw ang hari din.
 59:14 Pagdating ng gabi,  Sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;  Asong kumakahol ang nakakatulad  Habang naglilibot.
 59:15 Animo'y lagalag,  Lakad na nang lakad, pagkain ang hanap;  Hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.
 59:16 Ngunit aawit ako,  Pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,  Sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas.
 59:17 Pupurihin kita,  Tagapagtanggol ko at aking kublihan,  Diyos kong mapagmahal.
 60:1 ( Dalangin Upang Iligtas ) Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,  Kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
 60:2 Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,  Bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
 60:3 Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,  Lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
 60:4 Nagtaas ka ng bandila sa kanilang natatakot,  Ngunit sila ay tumakas, sa kaaway kumarimot.
 60:5 Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,  Upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.
 60:6 "Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako n'yang banal,  'Hahatiin ko ang Siquem tanda ng pagtatagumpay;  Ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang. "
 60:7 Ang Galaad at Manases, ang lugar na yao'y akin;  Ang baluting gagawin ko ay ang dako ng Efraim;  Samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
 60:8 "Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,  Samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;  Akala ng Filistia tiyak siyang magdiriwang  Sapagkat ang iniisip ako'y pagtatagumpayan.' "
 60:9 Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?  Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
 60:10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?  Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
 60:11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,  Pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
 60:12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,  Matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
 61:1 ( Dalangin para Ingatan ng Diyos ) Sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin;  Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin!
 61:2 Tumatawag ako dahilan sa lumbay  Sapagkat malayo ako sa tahanan.  Iligtas mo ako, ako ay ingatan,
 61:3 Yamang ikaw, O Diyos, ang aking sanggalang  At tagapagtanggol laban sa kaaway.
 61:4 Tulutan mo ako, na sa iyong tolda,  Habang nabubuhay ay doon matira;  Sa lilim ng iyong bagwis na matatag,  Ingatan mo ako nang upang maligtas.
 61:5 Lahat kong pangako, alam mo, O Diyos,  At binigyan mo rin ang aba mong lingkod,  Niyong mga bagay na 'yong iniukol  Sa nagpaparangal sa iyong alindog.
 61:6 Ang buhay ng hari sana'y palawigin;  Bayaang ang buhay niya'y patagalin!
 61:7 Paghahari niya sa iyong harapan,  Sana'y magpatuloy habang nabubuhay;  Kaya naman siya ay iyong lukuban  Ng iyong pag-ibig na walang kapantay.
 61:8 At kung magkagayon, kita'y aawitan,  Ako'y maghahandog sa 'yo araw-araw.
 62:1 ( Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos ) Sa Diyos lamang ako tanging umaasa;  Ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
 62:2 Tanging siya lamang ang Tagapagligtas,  Tagapagtanggol ko at aking kalasag;  Akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
 62:3 Gaano katagal bang inyong babakahin  Yaong isang tao na nais lupigin,  Upang siya'y lubusang wasaki't ibagsak  Itulad sa isang bakod na nawasak?
 62:4 Nais lamang ninyong siya ay siraan,  Sa inyong adhikang ibaba ang dangal;  Ang magsinungaling ang inyong kasiyahan.  Pangungusap ninyo kunwa'y pagpapala,  Subalit sa puso'y inyong sinusumpa.
 62:5 Tanging sa Diyos lang ako umaasa;  Ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
 62:6 Tanging siya lamang ang Tagapagligtas,  Tagapagtanggol ko at aking kalasag.  Akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
 62:7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan  Ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang;  Malakas ko siyang tagapagsanggalang,  Matibay na muog na aking kanlungan.
 62:8 Mga kababayan, sa lahat ng oras  Magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak  Ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;  Siya ang kublihang sa ati'y lulunas.
 62:9 Ang taong nilalang ang nakakawangis  Ay yaong hiningang madaling mapatid.  Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,  Katumbas na bigat ay hininga lamang.
 62:10 H'wag kang magtiwala sa gawang marahas,  Ni sa panghaharang, umasang uunlad;  Kahit umunlad pa ang 'yong kabuhayan  Ang lahat ng ito'y di dapat asahan.
 62:11 Hindi na miminsang aking napakinggan  Na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
 62:12 At di magbabago kanyang pagmamahal.  Ayon sa ginawa ng sinumang tao  Doon nababatay ang gantimpala mo.
 63:1 ( Pananabik sa Diyos ) O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;  Ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw yaong hangad;  Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
 63:2 Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,  Ikaw roo'y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
 63:3 Ang wagas na pag-ibig mo'y mahigit pa kaysa buhay,  Kaya ako'y magpupuri't ikaw ang pag-uukulan.
 63:4 Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,  At ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
 63:5 Itong aking kaluluwa'y kakaing may kasiyahan,  Magagalak na umawit ng papuring iaalay.
 63:6 Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,  Magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
 63:7 Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit,  Sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.
 63:8 Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nanghahawak,  Pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa'y natitiyak.
 63:9 Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,  Ay sila ang masasadlak sa malamig na libingan.
 63:10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,  Kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
 63:11 Dahilan sa iyo, O Diyos, ang hari ay magdiriwang,  Ang sa iyo ay nangako galak yaong makakamtan,  Ngunit silang sinungaling, ang bibig ay matatakpan.
 64:1 ( Dalangin Upang Ingatan ) Ako'y natatakot at naliligalig dahil sa kaaway,  O Diyos, ang hibik ko, ang aking dalangin sana ay pakinggan;
 64:2 Ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabuwatan,  Niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan.
 64:3 Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na pagkatatalas,  Anaki palasong iniaasinta kung sila'y mangusap.
 64:4 Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa taong magaling,  At pagdaan nito, ni takot ay wala nilang tutudlain.
 64:5 Sa gawang masama ay nagsasabuwatan, nag-uusap sila,  Kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita.
 64:6 "Yaong sasabihin nila pagkatapos makapagbalangkas,  'Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.'  Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap! "
 64:7 Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya,  Walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla.
 64:8 Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin,  At ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin;
 64:9 Yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita  Ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa.
 64:10 Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak,  Magpupuri sila at sa piling niya'y di mababagabag.
 65:1 ( Pagpupuri't Pagpapasalamat ) Marapat na ikaw, O Diyos, sa Sion ay papurihan,  Dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
 65:2 Pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.  Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
 65:3 Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,  Gayon pa man, ang patawad mo ay aming nakakamit.
 65:4 Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,  Silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!  Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,  Dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.
 65:5 Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,  Sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.  Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,  May tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
 65:6 Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;  Dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
 65:7 Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik  Pati along malalaki sa panahong nagngangalit;  Maging mga kaguluhan niyong mga taong galit.
 65:8 Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,  Natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.  Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,  Buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.
 65:9 Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,  Umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa;  Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,  Sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;  Ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
 65:10 Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,  Ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;  Sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,  Kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
 65:11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,  At saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
 65:12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,  Naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan;
 65:13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,  At hitik na hitik mandin ang trigo sa kapatagan;  Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!
 66:1 ( Awit ng Pagpupuri at Pasasalamat ) Sumigaw sa galak ang mga nilalang!
 66:2 At purihin ang Diyos na may kagalakan;  Wagas na pagpuri sa kanya'y ibigay!
 66:3 "Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila:  'Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga;  Yuyuko sa takot ang mga kaaway,  Dahilan sa taglay mong kapangyarihan. "
 66:4 "Ang lahat sa lupa ikaw'y sinasamba,  Awit ng papuri yaong kinakanta;  Ang iyong pangala'y pinupuri nila.' "
 66:5 Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan,  Ang kahanga-hangang ginawa sa tanan.
 66:6 Naging tuyong lupa kahit yaong tubig,  At ang nuno natin ay doon tumawid;  Kaya naman tayo'y nagalak nang labis.
 66:7 Siya'y naghaharing may kapangyarihan,  At sa mga bansa'y pawang nagmamanman;  H'wag nang magtatangkang sinuma'y lumaban.
 66:8 Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos,  Inyong iparinig papuring malugod.
 66:9 Iningatan niya tayong pawang buhay,  Di tayo bumagsak, di n'ya binayaan!
 66:10 O Diyos, sinubok mo ang 'yong mga hirang,  Sinubok mo kami upang dumalisay;  At tulad ng pilak, kami'y idinarang.
 66:11 Iyong binayaang mahulog sa bitag,  At pinagdala mo kami nang mabigat.
 66:12 Sa mga kaaway ipinaubaya,  Sinubok mo kami sa apoy at baha,  Bago mo dinala sa dakong payapa.
 66:13 Ako'y maghahandog sa banal mong templo  Ng aking pangako na handog sa iyo.
 66:14 Pati pangako ko, nang may suliranin,  Ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin.
 66:15 Ako'y maghahandog sa tabernakulo,  Tupang susunugi'y maghahandog ako;  Kambing na sinunog at handog na toro  Ay hahalimuyak ang taglay na bango!
 66:16 Lapit at makinig, ang nagpaparangal  Sa Diyos, at sa inyo'y aking isasaysay  Ang kanyang ginawang mga kabutihan.
 66:17 No'ng ako'y balisa, ako ay dumaing,  Dumaing sa Diyos na dapat purihin;  Handa kong purihin ng mga awitin.
 66:18 Kung sa kasalanan ako'y magtutuloy,  Di ako diringgin nitong Panginoon;
 66:19 Ngunit tunay akong dininig ng Diyos,  Sa aking dalangin, ako ay sinagot.
 66:20 Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan,  Yamang ang daing ko'y kanyang pinakinggan,  At ang pag-ibig n'ya ay aking kinamtan.
 67:1 ( Awit ng Pagpapasalamat ) O Diyos, pagpalain kami't kahabagan,  Kami Panginoo'y iyong kaawaan,
 67:2 Upang sa daigdig mabatid ng lahat  Ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
 67:3 Purihin ka nawa ng lahat ng tao,  Purihin ka nila sa lahat ng dako.
 67:4 Nawa'y purihin ka ng mga nilikha,  Pagkat matuwid kang humatol sa madla;  Ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
 67:5 Purihin ka nawa ng lahat ng tao,  Purihin ka nila sa lahat ng dako.
 67:6 Nag-aning mabuti ang mga lupain,  Pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin!
 67:7 Ang lahat sa ami'y iyong pinagpala,  Nawa'y igalang ka ng lahat ng bansa.
 68:1 ( Pambansang Awit ng Pagtatagumpay ) O mag-alsa sana ang Diyos, ang kaaway pakalatin,  At ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
 68:2 Kung paanong yaong ulap tinatangay noong hangin,  Gayon sila itataboy, gayon sila papalisin;  At kung pa'nong yaong pagkit sa apoy ay natutunaw,  Sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
 68:3 Ngunit pawang magagalak, matutuwa ang matuwid;  Sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.
 68:4 Awitan ang Panginoon, purihin ang kanyang ngalan,  Maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;  Ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.
 68:5 Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,  Tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
 68:6 May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,  Ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;  Samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.
 68:7 Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,  Sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang,
 68:8 Ang lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan;  Ganito ang nangyayari kapag ikaw'y dumaratal.  Maging bundok niyong Sinai, nayanig din sa pagdating,  Nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
 68:9 Dahil sa 'yo, yaong ulang masagana ay pumatak,  Lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
 68:10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,  Ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos.
 68:11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,  Ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
 68:12 "Ang balitang sinasabi: 'Tumatakas sa labanan,  Mga hari't hukbo nila, dahilan sa katakutan!'  Kaya mga babae na ang nagparte niyong samsam. "
 68:13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,  Parang gintong kumikinang pag gumalaw yaong pakpak;  (Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
 68:14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Salmon,  Ang yelo ang pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
 68:15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Basan;  Ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
 68:16 Sa taluktok mong mataas, bakit inuuyam wari  Yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?  Doon siya mananahan upang doon mamalagi.
 68:17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,  Galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
 68:18 At sa dakong matataas doon siya nagpupunta,  Umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;  Kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,  Tinatanggap nitong Diyos na doon na tumitira.
 68:19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas  At may dala araw-araw, ng pasanin nating hawak.
 68:20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,  Si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!  Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.
 68:21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,  Kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
 68:22 "Si Yahweh ang nagsalita:  'Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Basan;  Hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan, "
 68:23 "Upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,  Sa dugo nilang yaon, pati aso'y maghihimod.' "
 68:24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,  Pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
 68:25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,  Sa gitna ay tumutugtog ang babaing karamihan.
 68:26 '"Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,  Buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!' "
 68:27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,  Kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;  Mga puno ng Zabulon at Neftali'y kasunod na.
 68:28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan  Ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
 68:29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,  Na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
 68:30 Pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto,  Wikaan ang mga bansang parang torong may bisiro;  Hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa 'yo.  Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
 68:31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,  Ang Etiopia'y daup-palad na sa Diyos dadalangin.
 68:32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,  Awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan!
 68:33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;  Mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
 68:34 Ipahayag ng balana ang taglay na kalakasan,  Siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;  'Yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
 68:35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santwaryo niyang banal,  Siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay  Ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.  Ang Diyos ay papurihan!
 69:1 ( Panawagan Upang Tulungan ) O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig  Sa pagkalubog kong abot na sa leeg;
 69:2 Lumulubog ako sa burak at putik,  At sa malalaking along nagngangalit.
 69:3 Ako ay malat na sa aking pagtawag,  Ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat;  Pati ang mata ko'y di na maidilat  Sa paghihintay ko sa iyong paglingap.
 69:4 Ang nangamumuhi nang walang dahilan,  Higit na marami sa buhok kong taglay;  Daming sinungaling na nagpaparatang,  Ang hangad sa akin ako ay mapatay;  Ang pag-aari kong di naman ninakaw,  Nais nilang kuni't dapat daw ibigay.
 69:5 Batid mo, O Diyos, naging baliw ako,  Ako'y nagkasala, di lingid sa iyo.
 69:6 Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin,  Ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain;  Makapangyarihang Diyos ng Israel!  Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan  Ang nagsisisamba sa iyong pangalan.
 69:7 Dahilan sa iyo, ako'y inaglahi,  Napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
 69:8 Sa mga kapatid parang ako'y iba,  Kasambahay ko na'y di ako kilala.
 69:9 Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,  Matinding-matindi sa kalooban ko;  Sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.
 69:10 Nagpapakumbaba akong nag-ayuno,  At ako'y hinamak ng maraming tao;
 69:11 Ang suot kong damit, na aking panluksa,  Ay pinagtawana't hinamak na lubha;
 69:12 Sa mga lansanga'y ako ang usapan,  Ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam.
 69:13 At sa ganang akin, ako'y dadalangin  Sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin  Sa mga panahon na iyong ibigin;  Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,  Ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.
 69:14 Iligtas mo ako, ako ay sagipin,  Sa putik na ito't tubig na malalim;  Sa mga kaaway, ako'y iligtas din.
 69:15 H'wag mong tulutang ako ay maanod,  Dalhin sa malalim at baka malunod;  Hahantong sa libing ako pagkatapos.
 69:16 Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin,  Sa aking pagtawag ako sana'y dinggin,  Sa pagkahabag mo, ako ay lingapin.
 69:17 Ang iyong alipi'y h'wag mong pagkublihan,  Ib'san mo na ako sa bigat ng pasan.
 69:18 Iligtas mo ako, ako ay lapitan,  Sagipin mo ako sa mga kaaway.
 69:19 Kinukutya ako, iya'y iyong alam,  Sinisiraang-puri't nilalapastangan;  Di lingid sa iyo, lahat kong kaaway.
 69:20 Puso ko'y durog na dahilan sa kutya,  Kaya naman ako'y wala nang magawa;  Ang inasahan kong habag ay nawala,  Ni walang umaliw sa buhay kong aba.
 69:21 Sa halip na pagkain, nang ako'y magutom,  Ang dulot sa aki'y mabagsik na lason.  Suka at di tubig ang ipinainom.
 69:22 O bumagsak sana sila at masira,  Habang nagdiriwang sila't naghahanda.
 69:23 Bulagin mo sila't nang di makakita,  Papanghinain mo ang katawan nila.
 69:24 Ibuhos ang iyong galit sa kanila,  Bayaan mong ito'y kanilang madama.
 69:25 Mga kampo nila sana ay iwanan,  At walang matira na isa mang buhay.
 69:26 Ang mga nagtamo ng iyong parusa,  Ay inaaglahi't inuusig nila;  Pinag-uusapan nila sa tuwina  Ang sinugatan mong hirap ang nadama.
 69:27 Itala mong lahat ang kanilang sala,  Sa mangaliligtas, huwag silang isama.
 69:28 Sa aklat ng buhay, burahin ang ngalan,  At h'wag mong isama sa iyong talaan.
 69:29 Naghihirap ako't mahapdi ang sugat,  O Diyos, itayo mo, ako ay iligtas.
 69:30 Pupurihin ang Diyos, aking aawitan,  Dadakilain ko't pasasalamatan.
 69:31 Sa ganitong diwa ikaw'y nalulugod,  Higit pa sa haing torong ihahandog,  Higit pa sa bakang ipagkakaloob.
 69:32 Kung makita ito niyong mga dukha,  Sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
 69:33 Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,  Lingkod na bilanggo'y di nalilimutan.
 69:34 Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,  Maging karagata't naroong nilikha!
 69:35 Ang Lunsod ng Sion, kanyang ililigtas,  Bayang nasa Juda'y muling itatatag;  Doon mananahan ang mga hinirang,  Ang lupain doo'y aariing tunay.
 69:36 Magmamana nito'y yaong lahi nila,  May pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira.
 70:1 ( Dalangin Upang Tulungan )[ (Awit 40:13-17) ] Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,  Tulungan mo ako, O Diyos, baka ako'y mapahamak.
 70:2 Yaong mga nagtatangkang kumitil sa aking buhay,  Bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;  Iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,  Bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
 70:3 Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,  Sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.
 70:4 "Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,  Gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,  At sabihing lagi nila: 'O Diyos, ikaw ay dakila.' "
 70:5 Lubos akong nanghihina, tunay akong walang kaya,  Lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;  O aking Tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,  H'wag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!
 71:1 ( Dalangin ng Matandang Lalaki ) Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,  H'wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
 71:2 Tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid,  Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
 71:3 Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,  Matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
 71:4 Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,  Sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
 71:5 Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,  Maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na;
 71:6 Sa simula at mula pa wala akong inasahang  Mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;  Kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.
 71:7 Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga,  Malakas kang katulong ko na di nila maunawa;
 71:8 Kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw,  Akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
 71:9 Ngayong ako'y matanda na h'wag mo akong babayaan,  Katawan ko'y mahina na kaya ako'y h'wag iiwan.
 71:10 Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin,  Ang balangkas lagi nila'y ang ako ay kalabanin.
 71:11 Ang kanilang sinasabi, ako'y kusang iniwanan,  Iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan;  Ako raw ay matututop yamang wala nang sanggalang.
 71:12 Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan,  Lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan!
 71:13 Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin,  Lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin!  Maging yaong ang layunin akong ito ay sugatan,  Mapalungi sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
 71:14 Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,  Patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
 71:15 Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,  Maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan;  Kung di ko man maunawa ang iba pang mga bagay.
 71:16 Pagkat ikaw, Panginoon, ay malakas at dakila,  Ang taglay mong katangia'y ihahayag ko sa madla.
 71:17 Sapul pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,  Hanggang ngayo'y sinasambit ang gawa mong hinangaan.
 71:18 Maputi na ang buhok ko pagkat ako'y matanda na,  O Diyos, ako'y h'wag iiwan, sa piling ko'y lumagi ka;  Habang ako'y naghahayag ng lakas mong tinataglay,  Samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.
 71:19 Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit,  Dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis;
 71:20 Bagaman at dinanas ko ang hirap at madlang sakit,  Subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik,  Upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid.
 71:21 Ako'y iyong tutulungan upang lalong palakasin,  Bihisan mo ang hirap ko't ako'y muli mong aliwin.
 71:22 Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay,  Pupurihin kita, O Diyos, dahil sa 'yong katapatan.  Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin,  Iuukol ko ang tugtog sa 'yo, Banal ng Israel.
 71:23 "Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak,  Masigla kong aawiting: 'Ako'y iyong iniligtas.' "
 71:24 Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang 'yong katarungan,  Yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan,  Lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.
 72:1 ( Dalangin para sa Hari ) Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,  Sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
 72:2 Upang siya'y maging tapat mamahala sa 'yong bayan,  At pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
 72:3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;  Maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
 72:4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap  At ang mga taong wala'y pag-ukulan ng paglingap;  Yaon namang nang-aapi ay malupig at bumagsak.
 72:5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,  Hangga't mayro'ng namamalas na sikat ng buwa't araw.
 72:6 Hari nila ay matulad sa ulan ng kaparangan;  Bumubuhos kung dumating sa lupain yaong ulan.
 72:7 Yaong buhay na mat'wid sa kanyang kapanahunan,  Madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
 72:8 Yaong kanyang kaharian ay palawak nang palawak,  Mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
 72:9 Sa harap n'ya ay susuko yaong mga nasa ilang;  At ang mga kaaway n'ya'y mahihiga sa lansangan.
 72:10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya,  Maghahandog ng kaloob, ihahain din sa kanya;  Pati yaong mga hari ng Arabia at Etiopia,  May mga kaloob ding taglay nilang alaala.
 72:11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,  Mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
 72:12 Kanya namang ililigtas ang sinumang tumatawag,  Lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
 72:13 Sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;  Sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
 72:14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,  Sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.
 72:15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!  At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;  Sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,  Kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
 72:16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;  Ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim  At matulad sa Libano na mauunlad ang lupain.  Yaong kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,  Sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
 72:17 "Nawa yaong kanyang ngalan ay h'wag nang malimutan,  Manatiling laging bantog na katulad nitong araw;  Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa,  At sa Diyos, silang lahat dumalanging: 'Harinawa  Pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.' "
 72:18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;  Ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
 72:19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,  At siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!  Amen! Amen!
 72:20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.
 73:1 ( Ang Katarungan ng Diyos ) Kay buti ng Diyos sa taong matuwid,  Sa lahat ng taong ang puso'y malinis;
 73:2 Ngunit ang sarili'y halos madupilas,  Nang ako'y matapak sa lupang madulas!
 73:3 Pagkat sa palalo'y inggit akong kusa,  At sa biglang yaman ng mga masama.
 73:4 Hindi na nagdanas ni kaunting hirap,  Ngunit masisigla't katawa'y malakas.
 73:5 Di tulad ng ibang naghirap nang labis,  Di nila dinanas ang buhay na gipit.
 73:6 Ang pagmamalaki ay kinukuwintas,  At ang dinaramit nila'y pandarahas.
 73:7 Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan,  At masasama rin ang nasa isipan;
 73:8 Yaong ibang tao'y pinagtatawanan,  Labis kahahambog, ang layon sa buhay  Ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang.
 73:9 Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw,  Labis kung mag-utos sa mga nilalang;
 73:10 Kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos,  Anumang sabihi'y paniwalang lubos;
 73:11 "Ang sabi, 'Si Yahweh walang nalalaman,  Walang malay yaong Kataas-taasan.' "
 73:12 Ang mga masama'y ito ang kapara,  Di na kinukulang ay naghahanap pa;
 73:13 Samantalang ako, malinis ang palad,  Hindi nagkasala't lubos na nag-ingat,  Ang aking natamo'y kabiguang lahat.
 73:14 Diyos, pinagtiis mo ako nang maluwat,  Sa tuwing umaga'y parusa ang gawad.
 73:15 Kung ang mga ito'y aking sasabihin,  Sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil;
 73:16 Kaya't sinikap kong ito'y saliksikin,  Mahirap-hirap mang ito'y unawain;
 73:17 Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas,  Na ang masasama ay mapapahamak;
 73:18 Dinala mo sila sa dakong madulas,  Upang malubos na, kanilang pagbagsak;
 73:19 Walang abug-abog sila ay nawasak,  Kakila-kilabot yaong naging wakas!
 73:20 Parang panaginip nang ako'y magising,  Yaong anyo nila'y nilimot nang tambing.
 73:21 Nang ang aking isip hindi mapalagay,  At ang damdamin ko'y labis na nasaktan,
 73:22 Di ko maunawa, para akong tanga,  Sa iyong harapa'y hayop ang kapara.
 73:23 Gayon pa ma'y laging kasama mo ako,  Sa aking paglakad ay inaakay mo.
 73:24 Ang mga payo mo'y umakay sa akin,  Marangal na ako'y iyong tatanggapin.
 73:25 Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang,  At maging sa lupa'y aking kailangan?
 73:26 Puso't kalul'wa ko kung nanghihina man,  Ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan.
 73:27 Yaong hihiwalay sa 'yo'y mamamatay,  At ang nagtataksil wawasaking tunay.
 73:28 Ngunit sa sarili ay ang hangarin ko,  Sa piling ng Diyos ay doon madako!  Sa piling ni Yahweh, ako'y mapanatag,  Ang kanyang ginawa'y aking ihahayag.
 74:1 ( Pambansang Hinagpis ) Bakit kami, Panginoo'y itinakwil habang buhay,  Mainit ang hininga mo sa tupa ng iyong kawan?
 74:2 Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,  Yaong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;  Bundok ng Siong tinir'han mo'y gunitain mo rin sana.
 74:3 Lapitan mo yaong labi na winasak ng kaaway,  Ang labi ng santwaryo mong sinira ang bawat bagay.
 74:4 Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,  Sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyusan.
 74:5 Ang lahat na nasa loob na sangkap na mga kahoy,  Magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
 74:6 Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,  Dinurog at pinalakol niyaong mga malulupit.
 74:7 Yaong banal na santwaryo ay kanilang sinigaan,  Nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
 74:8 "Sa kanilang pag-uusap ay nagpasiya ng ganito,  'Hindi natin titigilan hanggang hindi natatalo;'  Kaya sa buong lupain, ang tagpuan nilang dako  Para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo. "
 74:9 Wala tayong pangitain, ni propetang naglilingkod,  Ang ganitong ayos nati'y hindi natin natatalos  Hindi natin nalalaman kung kailan matatapos.
 74:10 Hanggang kailan, Panginoon, magtatawa ang kaaway,  Ang paghamak baga nila sa iyo ay walang hanggan?
 74:11 H'wag mo nang pipigilan, gamitin mo ang 'yong bisig,  Iyang iyong kanang kamay alisin mo sa 'yong dibdib.
 74:12 Simula pa noong una ay Hari na ikaw, O Diyos,  Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
 74:13 Sa lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,  At ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
 74:14 Ikaw na rin ang dumurog, mga ulo ng Leviatan  At ginawa mong pagkain ng nilikhang nasa ilang.
 74:15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,  Ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
 74:16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,  Nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
 74:17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,  At ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.
 74:18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,  Yaong mga masasama'y dumudusta sa 'yong ngalan;
 74:19 H'wag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod  Maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,  Sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.
 74:20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,  Ang masama'y naglipana sa pook na madidilim,  Laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
 74:21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,  Bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't aba.
 74:22 Kami'y iyong ipaglaban, Panginoon, bumangon ka!  Pagmasdan mo yaong hangal at maghapong nagtatawa.
 74:23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,  Ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.
 75:1 ( Babala sa mga Nagmamataas ) Salamat, O Diyos, maraming salamat,  Sa iyong pangalan kami'y tumatawag,  Upang gunitain sa lahat ng oras  Ang mga gawa mong hindi madalumat.
 75:2 '"Walang pagtatanging ako ay hahatol,  Sa takdang panahon,' wika ng Panginoon. "
 75:3 '"Itong mundong ito'y kahit na maalis,  Maubos ang tao dito sa daigdig,  Ang saligan nito'y aking ititindig. "
 75:4 '"Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat,  At ang masasama ay h'wag magpasikat. "
 75:5 "Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan,  Kung magsasalita'y gawing malumanay.' "
 75:6 Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,  Hindi rin sa timog o sa hilaga man  Darating ang hatol na inaasahan.
 75:7 Tanging itong Diyos ang siyang hahatol,  Sa magtatagumpay o mapaparool.
 75:8 Itong Panginoon ay may kopang hawak,  Sariwa't matapang yaong lamang alak;  Ipauubaya n'yang ito'y tunggain  Ng taong masama, hanggang sa ubusin.
 75:9 Ako'y magagalak, di ako titigil  Na ang Diyos ni Jacob, sa awit purihin.
 75:10 Sungay ng masama'y puputuling lahat,  Yaong sa matuwid nama'y itataas!
 76:1 ( Sa Diyos ang Tagumpay ) Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,  Sa buong Israel, dakilang talaga;
 76:2 Nasa Jerusalem ang tahanan niya  Sa Bundok ng Sion, doon tumitira.
 76:3 Lahat ng sandata ng mga kaaway,  Mga pana't sundang, baluting sanggalang,  Doon n'ya sinirang walang pakundangan.
 76:4 Ang Diyos ay dakila kung siya'y mamasdan,  Magmula sa bundok matapos lumaban;  Hahangaan siya sa kanyang pagdatal,  Matapos lupigin ang mga kaaway.
 76:5 Lahat na matapang nilang mga kawal,  Binawi ng Diyos ang taglay na samsam;  Nahihimbing sila sa gitna ng patay,  Sa sandata nila'y wala nang tatangan.
 76:6 Nang ikaw'y magalit, O Diyos ni Jacob,  Sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.
 76:7 Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!  Sino ang tatayo sa iyong harapan  Kapag nagalit ka sa mga kinapal?
 76:8 Sa iyong paghatol na mula sa langit,  Ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
 76:9 Nang ikaw'y tumayo't gawin ang paglitis,  Naligtas ang mga api sa daigdig.
 76:10 Ang matinding galit sa iyo ng tao,  Hahantong na lahat sa pagpuri sa 'yo.  Silang nangaligtas sa mga labanan,  Laging magpupuri at mangagdiriwang.
 76:11 Ang iyong pangako kay Yahweh, iyong Diyos,  Ay iyong tuparin nang tapat sa loob;  Dapat na magdala ng mga kaloob  Ang lahat ng bansa sa iyong palibot.
 76:12 Hambog na prinsipe ay ibinababa,  Tinatakot niya hari mang dakila.
 77:1 ( Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag ) Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,  Ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
 77:2 Hinanap ko'y Panginoon sa panahon ng bagabag,  Hindi ako nanghimagod, dumalangin na magdamag,  Ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.
 77:3 Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing,  Ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin.
 77:4 Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa,  Hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa.
 77:5 Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw,  Nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan;
 77:6 Ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi,  Ang diwa ko'y nagtatanong, ang tanong ko sa sarili:
 77:7 '"Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil,  Di mo na ba ibabalik sa akin ang 'yong pagtingin? "
 77:8 Ang iyo bang pagpapala sa amin ay nagwakas na?  Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa?
 77:9 "Yaong kagandahang-loob mo ba, O Diyos, ay wala na?  Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?' "
 77:10 "Ganito ang aking sabi: 'Ang sakit ng aking loob,  Para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.' "
 77:11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,  Ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
 77:12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,  Magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.
 77:13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,  At wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
 77:14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,  Iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha;
 77:15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,  Ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob.
 77:16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,  Pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
 77:17 Magmula sa mga ulap yaong ulan ay bumuhos,  At mula sa papawirin, dumating ang mga kulog  Na animo ay palasong sumisibat sa palibot.
 77:18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,  Ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;  Pati mundo ay umuga na para bang natatakot.
 77:19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,  Ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;  Ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
 77:20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,  Si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!
 78:1 ( Awit Tungkol sa Kasaysayan ng Israel ) Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,  Inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas;
 78:2 Itong aking sasabihin ay bagay na talinghaga,  Nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
 78:3 Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,  Nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
 78:4 Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,  Ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;  Ang bagay na tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga  Na si Yahweh ang gumanap, mga gawa n'yang dakila.
 78:5 Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob napalagak,  Mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;  Ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,  Ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
 78:6 Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,  At ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
 78:7 Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,  Ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,  At ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
 78:8 Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,  Na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;  Isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,  Ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
 78:9 Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,  Sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila;
 78:10 Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,  Hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
 78:11 Mandi'y nilimot na nila ang lahat ng kabutihan,  Yaong mga gawa ng Diyos na kanilang hinangaan.
 78:12 Ang lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,  Ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
 78:13 Hinawi n'ya yaong dagat, doon sila pinaraan,  Ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
 78:14 Kapag araw, sa paglakad yaong gabay nila'y ulap,  At kung gabi, yaong tanglaw ay apoy na maliwanag.
 78:15 May tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,  Sa batuha'y umaagos na buhat sa kalaliman.
 78:16 Mula roon sa batuhan, ang bukal ay umaagos,  Yaong agos kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.
 78:17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,  Sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
 78:18 Tinitikis nilang kusa, sinusubok nila ang Diyos,  Ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
 78:19 "Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:  'Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo? "
 78:20 "Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,  Dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;  Ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan  Ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?' "
 78:21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,  Sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
 78:22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,  Sa pangakong pagliligtas ay hindi na maniwala.
 78:23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,  At ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
 78:24 Bunga nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,  Ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
 78:25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,  Hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
 78:26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,  Sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
 78:27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,  Makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
 78:28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,  Sa palibot niyong tolda'y doon nila tinatanggap;
 78:29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,  Binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
 78:30 Ngunit habang kinakain ang biyayang idinulot,  At hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
 78:31 Ang Diyos ay nagpakita ng kanyang kagalitan,  At ito ay ibinuhos sa kanilang kabataan,  Lahat sila ay nilipol sa galit na kanyang taglay.
 78:32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunud-sunod na himala,  Ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
 78:33 Kaya't yaong pasiya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,  Biglang-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
 78:34 Datapwat noong sila'y lilipulin na ng Diyos,  Nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
 78:35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,  Ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
 78:36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,  Pagkat yao'y pakunwari't balat-kayong matatawag.
 78:37 Sa kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,  Hindi sila nagtatapat sa ginawa niyang tipan.
 78:38 Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,  Ang masamang gawa nila'y pinatawad niyang tambing;  Dahilan sa pag-ibig n'ya'y hindi sila wawasakin,  Kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
 78:39 Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,  Hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.
 78:40 Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang,  Ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
 78:41 Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,  Ginagalit nilang lagi itong Banal ng Israel.
 78:42 Ang kapangyarihan n'ya'y ayaw nilang gunitain,  Gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
 78:43 Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,  Ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
 78:44 Yaong mga ilog doo'y naging dugong umaagos,  Kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
 78:45 Makapal na mga langaw at palaka ang dumating,  Nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
 78:46 Dinatnan ng maninira yaong tanim na halaman,  Mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
 78:47 Pati tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,  Anupat sa kalamiga'y namatay ang sikomoro.
 78:48 Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,  Sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
 78:49 Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,  Kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,  Mga anghel ang gumanap ng parusang sunud-sunod.
 78:50 Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,  Yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;  Dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
 78:51 Yaong lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,  Ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Cam.
 78:52 Tinipon ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,  Inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
 78:53 Inakay nga at naligtas, kaya naman di natakot,  Samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
 78:54 Inihatid sila ng Diyos sa lupain niyang banal,  Sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
 78:55 Itinaboy niyang lahat ang naroong namamayan,  Pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;  Sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.
 78:56 Ngunit sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,  Hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
 78:57 Katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,  Nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
 78:58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,  Nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
 78:59 Sumama ang loob niya noong ito ay mamasid,  Itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
 78:60 Kaya't kanyang iniwanan ang tahanang nasa Silo,  Yaong toldang tirahan n'ya sa gitna ng mga tao.
 78:61 Sagisag ng kanyang lakas, ang kaban ng kanyang tipan,  Binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
 78:62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,  Kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
 78:63 Ang kanilang baguntao sa labanan ay nasawi,  Dalaga mang magaganda ay wala nang maglunggati.
 78:64 Pati mga saserdote sa patalim ay napuksa,  Ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.
 78:65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon,  Ang katawan ay masiglang tumayo ang Panginoon;  Parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
 78:66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,  Napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
 78:67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,  At di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
 78:68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,  At ang bundok naman ng Sion ang tirahang minahal niya.
 78:69 Doon niya itinayo yaong banal na santwaryo,  Katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;  Lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.
 78:70 Ang kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,  Isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
 78:71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,  Nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
 78:72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,  Lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.
 79:1 ( Paghihinagpis ng Bansa ) Panginoong Diyos,  Pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!  Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
 79:2 Ang mga katawan  Ng mga lingkod mo'y ginawang pagkain niyong mga ibon,  Ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
 79:3 Dugo ng bayan mo'y  Ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,  Animo ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
 79:4 Ang kalapit-bansang  Doo'y nakasaksi, hindi mapigilan yaong pagtatawa,  Lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
 79:5 Iyang iyong galit  Sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?  Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
 79:6 Doon mo ibaling  Ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,  Mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
 79:7 Masdan ang ginawa  Nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,  Pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.
 79:8 Huwag mong parusahan  Kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,  Ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
 79:9 Mahabag ka sana,  Kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,  Dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap  At ang pagpupuri sa iyo ng madla'y hindi maglilikat.
 79:10 "Bakit magtatanong  Itong mga bansa ng katagang ito: 'Ang Diyos mo'y nasaan?'  Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,  Ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa 'yong mga hirang. "
 79:11 Iyong kahabagan  Ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,  Sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
 79:12 Iyong parusahan  Yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,  Parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
 79:13 Kaming iyong lingkod,  Lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan,  Magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!
 80:1 ( Dalangin sa Banal na Pagliligtas ) Pastol ng Israel,  Ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,  Ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;  Mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
 80:2 Ang iyong pag-ibig  Iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,  Sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
 80:3 Ibalik mo kami,  Panginoong Diyos, at ipadama mo ang 'yong pagmamahal,  Iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
 80:4 Makapangyarihang Diyos,  Hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?  Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
 80:5 Masdan mo nga kami  Sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,  Luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
 80:6 Iyong binayaan,  Na ang mga bansa sa aming paligid kami ay bakahin,  Iyong tinulutang kami'y pagtawanan ng kaaway namin.
 80:7 Ibalik mo kami,  Panginoong Diyos, at ipadama mo ang 'yong pagmamahal,  Iligtas mo kami at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
 80:8 Mula sa Egipto  Ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim  Sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
 80:9 Ngunit nilinis mo  Muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,  Doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
 80:10 Nagsanga ang puno,  Lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,  Mga punong sedro'y naliliman pati ng sangang malabay.
 80:11 Hanggang sa ibayo,  Sa ibayong dagat,{ a} ang sangang malabay nito'y nakaabot,  Pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.{ b}
 80:12 Bakit mo sinira?  Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,  Pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
 80:13 Mga baboy damong  Nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,  Kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
 80:14 Ikaw'y manumbalik,  O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas,  At ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
 80:15 Lumapit ka sana,  Ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,  Yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
 80:16 Ito ay sinunog,  Sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,  Sa 'yong kagalitan ay iyong harapin at nang mangalipol.
 80:17 Ang mga lingkod mo  Ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,  Iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
 80:18 At kung magkagayon,  Magbabalik kami't di na magtataksil sa 'yo kailanman,  Kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
 80:19 Kami ay ibalik,  Panginoong Diyos, at ipadama mo ang 'yong pagmamahal,  Iligtas mo kami at sa iyong sinag kami ay tanglawan!
 81:1 ( Pagpupuri at Pagsunod sa Diyos ) Masiglang awitan ang Tagapagligtas,  Itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
 81:2 Umawit sa saliw nitong pandereta,  Kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
 81:3 Hipan ang trompeta tuwing nagdiriwang,  Kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
 81:4 Sa bansang Israel, ito yaong utos,  Batas na ginawa nitong Diyos ni Jacob.
 81:5 Sa mga hinirang, ang utos di'y ito  Nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.  Ganito ang wika na aking narinig:
 81:6 '"Mabigat mong dala'y aking iniibis,  Ipinababa ko ang pasaning basket. "
 81:7 Iniligtas kita sa gitna ng hirap,  Iniligtas kita nang ikaw'y tumawag;  Tinugon din kita sa gitna ng kidlat,  At sinubok kita sa Batis Meriba.
 81:8 Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,  Sana'y makinig ka, O bansang Israel.
 81:9 Ang diyus-diyusa'y huwag mong paglingkuran,  Diyos ng ibang bansa'y di dapat luhuran.
 81:10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,  Ako ang tumubos sa 'yo sa Egipto;  May pagkain ako na handa sa iyo.
 81:11 '"Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,  Di ako sinunod ng bayang Israel, "
 81:12 Sa tigas ng puso, aking binayaang  Ang sariling gusto nila'y siyang sundan.
 81:13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,  Sundin ang utos ko ng bayang Israel;
 81:14 Ang kaaway nila'y aking lulupigin,  Lahat ng kaaway agad lilipulin.
 81:15 Silang namumuhi't sa 'ki'y napopoot,  Ay magsisiyuko sa laki ng takot,  Ang parusa nila'y walang pagkatapos.
 81:16 "Ang lalong mabuting bunga nitong trigo,  Ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;  At ang gusto ninyong masarap na pulot,  Ang siyang sa inyo'y aking idudulot.'"
 82:1 ( Awit Tungkol sa Paghatol ng Diyos ) Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,  Sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasiyahan:
 82:2 '"Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,  Tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. "
 82:3 Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,  At huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
 82:4 Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap,  Sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!
 82:5 '"Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!  Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,  Sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan. "
 82:6 Ang sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-ta'san,
 82:7 "Ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;  Katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.' "
 82:8 O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,  Ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!
 83:1 ( Dalangin Tungkol sa mga Kaaway ) H'wag kang manahimik, Panginoong Diyos,  H'wag kang magpabaya sa di mo pagkilos;
 83:2 Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa,  At ang namumuhi'y kinakalaban ka.
 83:3 Sila'y nagbabalak laban sa hinirang,  Laban sa lahat ng iyong iningatan.
 83:4 "Ganito ang sabi, 'Ating papawiin,  Yaong bansa nila'y ating lilipulin;  Upang malimot nang lubos ang Israel!' "
 83:5 Nagkaisa sila't ang tipanan nila'y  Lumaban sa iyo, ganyan yaong pasiya.
 83:6 Ang lahi ni Edom at ang Ismaelita,  Moab at Agarenos pawang nagkaisa.
 83:7 Ang Gebal at Ammon gayon din ang pasiya,  Amalec at Tiro at ang Filistia.
 83:8 Pati ang Asiria'y nakipagsapakat,  Sa lahi ni Lot na bantog sa lakas.
 83:9 Mga bansang ito'y iyong parusahan,  Tulad ng parusang ginawa sa Madian,  Kay Jabi't Sisarang nalupig sa laban  Nang sa Ilog Cison sila'y mapipilan.
 83:10 Napipilan sila't ang hukbo'y nawasak,  Sa Endor, ang bangkay nila ay nagkalat.
 83:11 Yaong mga bantog nilang punong-kawal,  Kay Oreb at Zeeb iparis ang buhay.  Lupigin mong lahat ang pinuno nila  Tulad ng sinapit ni Zeba't Zalmuna,
 83:12 "Sila ang nagsabing, 'Ang pastulan ng Diyos  Ay ating kamkami't maging ating lubos.' "
 83:13 Ikalat mo silang parang alikabok,  Animo'y dayami na tangay ng unos.
 83:14 Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat,  Nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas,
 83:15 Gayon mo habulin ng bagyong malakas,  Ito ang gawin mo't nang sila'y masindak.
 83:16 Mga taong yaon sana'y hiyain mo,  Upang mangatutong maglingkod sa iyo.
 83:17 Lupigin mo sila't takuting lubusan,  Lubos mong hiyain hanggang sa mamatay.
 83:18 Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid,  Ang tangi't dakilang hari ng daigdig!
 84:1 ( Awit ng Pananabik sa Templo ng Diyos ) Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Diyos!
 84:2 Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.  Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,  Sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buhay na Diyos.
 84:3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,  Maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,  May inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;  O Yahweh, hari namin at Diyos na walang kupas.
 84:4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan  At palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
 84:5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,  Silang mga naghahangad na sa Sio'y makarating.
 84:6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,  Tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
 84:7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,  Batid nilang nasa Sion ang Diyos nilang hinahanap.
 84:8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Makapangyarihang Diyos,  O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod.
 84:9 Basbasan mo, Panginoon, yaong hari naming mahal,  Pagpalain mo po siya yamang ikaw ang humirang.
 84:10 Kahit isang araw lamang, gusto ko pang sa templo mo,  Kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.  Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,  Kaysa ako'y mapasama sa masamang mga tao.
 84:11 Ikaw ang haring dakila, ang tunay naming sanggalang,  Kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.  Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay  Sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
 84:12 Mapalad na masasabi ang sa iyo'y magtiwala,  Hindi sila mabibigo, yamang ikaw ay dakila!
 85:1 ( Dalangin Upang Ibangong Muli ) Ikaw, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,  Pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
 85:2 Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,  Pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan.
 85:3 Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,  Tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.
 85:4 Kaya naman, Yahweh, ibalik mo sana ang iyong paglingap,  Ang pagkamuhi mong aming nadarama'y limutin nang ganap.
 85:5 Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala na bang hanggan?  Di na ba lulubag, di na matatapos ang galit mong iyan?
 85:6 Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,  At kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
 85:7 Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.  Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
 85:8 Aking naririnig magmula kay Yahweh ang sinasalita;  Sinasabi niyang ang mga lingkod n'ya'y magiging payapa,  Kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
 85:9 Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,  Sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
 85:10 Ang pagtatapatan at pag-iibiga'y magdadaup-palad,  Ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
 85:11 Sa balat ng lupa'y pawang maghahari yaong pagtatapat,  At ang katarungan nama'y maghahari mula sa itaas.
 85:12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,  Ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
 85:13 Sa harapan niya yaong maghahari'y pawang katarungan,  Magiging payapa't susunod ang madla sa kanyang daan.
 86:1 ( Dalangin Upang Tulungan ) Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin,  Tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing;  Ako'y mahina na't wala nang tumingin.
 86:2 Yamang ako'y tapat, ingatan ang buhay,  Lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan  Pagkat may tiwala sa 'yo kailanman.
 86:3 Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan,  Sa buong maghapo'y siyang tinatawagan.
 86:4 Yahweh, ang lingkod mo'y dulutan ng galak,  Sapagkat sa iyo ako tumatawag.
 86:5 Mapagpatawad ka at napakabuti;  Sa dumadalangin at sa nagsisisi,  Ang iyong pag-ibig ay mananatili.
 86:6 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin,  Tulungan mo ako, ako'y iyong dinggin.
 86:7 Dumaraing ako kung mayro'ng bagabag,  Iyong tinutugon ang aking pagtawag.
 86:8 Sa sinumang diyos wala kang kawangis,  Sa iyong gawai'y walang makaparis.
 86:9 Ang lahat ng bansa na iyong nilalang,  Lalapit sa iyo't magbibigay galang;  Sila'y magpupuri sa 'yong kabutihan.
 86:10 Pagkat ikaw lamang ang Diyos na Dakila  Na anumang gawin ay kahanga-hanga!
 86:11 Ang kalooban mo'y ituro sa akin,  At iyon ang tapat na aking susundin;  Turuang maglingkod nang buong taimtim.
 86:12 O Panginoong Diyos, sa buo kong buhay,  Pupurihin kita magpakailanman  At ihahayag ko ang kadakilaan.
 86:13 O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas,  Dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas;  Di mo binayaang sa hukay masadlak.
 86:14 Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin,  Taong mararahas, na ang adhikain  Ay labanan ako't ang buhay ay kitlin.
 86:15 Ngunit ikaw, Yahweh, tunay na mabait,  Tapat at totoo, wagas ang pag-ibig;  Lubhang mahabagi't banayad magalit.
 86:16 Ibaling sa akin ang awa mo't habag,  Iligtas mo ako at bigyan ng lakas;  Yamang naglilingkod sa iyo nang tapat.
 86:17 Pagtulong sa aki'y iyong patunayan;  Upang mapahiya ang aking kaaway,  Kung makita nila yaong katibayan  Na ako'y inaliw mo at tinulungan!
 87:1 ( Pinupuri ang Jerusalem ) Sa Bundok ng Sion,  Itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
 87:2 Ang lunsod na ito'y  Higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
 87:3 Kaya't iyong dinggin  Ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos:
 87:4 '"Pag itinala ko  Yaong mga bansang sa iyo'y sasama,  Aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;  Ibibilang ko rin yaong Filistia, Tiro at Etiopia.' "
 87:5 "At tungkol sa Sion,  Yaong sasabihi'y, 'Ang lahat ng bansa ay masasakupan,  Siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.' "
 87:6 Si Yahweh ay gagawa,  Ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan,
 87:7 Ang lahat ng ito ay magsisiawit at pawang sasayaw.
 88:1 ( Dalangin ng May Karamdaman ) Panginoong Diyos,  Tumatawag ako sa iyo kung araw,  Pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
 88:2 Ako ay dinggin mo,  Sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,  Sa aking pagdaing ako ay tulungan.
 88:3 Ang kaluluwa ko  Ay nababahala't lipos ng hilahil.  Dahilan sa hirap  Wari'y malapit nang ako ay malibing.
 88:4 Kabilang na ako,  Niyong malapit nang sa hukay ilagak,  Ang aking katulad  Ay ang mahina na't ubos na ang lakas.
 88:5 Ang katulad ko pa  Ay ang iniwanan sa gitna ng patay,  Animo'y nasawi  Na nananahimik sa kanyang libingan.  Tulad na rin ako  Niyong mga tao na iyong nilimot,  Parang mga tao  Na sa iyong tulong ay hindi maabot.
 88:6 Dinala mo ako  Sa may kadilimang hukay na malalim,  Ang hukay na yaon  Ay isang libingan na ubod ng dilim.
 88:7 Ikaw ay nagalit,  At ang bigat nito'y sa akin nabunton,  Ang aking katulad  Ay ang tinabunan ng malaking alon.
 88:8 Mga kasama ko'y  Iyong binayaan na ako ay iwan,  Binayaan silang  Mamuhi sa aki't ako'y katakutan,  Kaya hindi ako  Makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
 88:9 Dahilan sa lungkot,  Ang aking paningi'y waring lumalamlam,  Kaya naman, Yahweh,  Tumatawag ako sa 'yo araw-araw,  Sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.
 88:10 Makagagawa ba  Ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,  Para purihin ka niyong mga patay?
 88:11 Ang pag-ibig mo ba  Doon sa libinga'y ipinapahayag,  O sa kaharian  Niyong mga patay ang 'yong pagtatapat?
 88:12 Doon ba sa dilim  Ang dakilang gawa mo ba'y makikita,  O ang pagliligtas,  Sa mga lupaing wala nang pag-asa?
 88:13 Sa iyo, O Yahweh,  Ako'y nananangis at nananawagan,  Sa tuwing umaga  Ako'y tumatawag sa iyong harapan.
 88:14 Di mo ako pansin,  O Panginoon ko, di ka kumikibo,  Bakit ang mukha mo'y  Ikinukubli mo, ikaw'y nagtatago?
 88:15 Mulang pagkabata  Ako'y nagtiis na, halos ikamatay;  Ang iyong parusa'y  Kusang nagpahina sa aking katawan.
 88:16 Sa aking sarili,  Tindi ng galit mo'y aking nadarama,  Ako'y mamamatay  Kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
 88:17 Parang baha sila  Kung sumasalakay sa aking paligid,  Sa buong maghapon  Kinukubkob ako sa lahat ng panig.
 88:18 Iyong pinalayo  Pati kasintaha't aking kaibigan,  Ang tanging natira  Na aking kasama ay ang kadiliman.
 89:1 ( Dalangin Upang Iligtas ) Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw,  Ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;  Ang katapatan mo'y laging sasambitin.
 89:2 Yaong pag-ibig mo'y walang katapusan,  Sintatag ng langit ang 'yong katapatan.
 89:3 Sabi mo, O Yahweh, ikaw ay may tipan  Na iyong ginawa kay David mong hirang  At ito ang iyong pangakong iniwan:
 89:4 '"Isa sa lahi mo'y laging maghahari,  Ang kaharian mo ay mamamalagi.' "
 89:5 Umaawit silang nilikha sa langit,  Ang iyong ginawa'y siyang dinadalit  Ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
 89:6 Sino'ng kaparis mo doon sa itaas?  Walang ibang diyos na iyong katulad.
 89:7 Sa pagtitipon man ng lahat ng banal,  Taglay nila'y takot at buong paggalang.
 89:8 O Panginoong Diyos, wala kang katulad,  Sa kadakilaa't laging pagtatapat.
 89:9 Sumusunod sa 'yo dagat mang mabangis,  Alon mang malaki'y napatatahimik.
 89:10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab  Ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,  Lahat mong kaaway ay iyong winasak.
 89:11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,  Ang buong daigdig ikaw ang may likha,  Lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
 89:12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;  Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan,  Inaawitan ka na may kagalakan.
 89:13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,  Ay walang kaparis, di matatawaran!
 89:14 Ang kaharian mo ay makatarungan,  Saligang matuwid ang pinagtayuan,  Wagas na pag-ibig at ang katapatan,  Ang pamamahala mong ginagampanan.
 89:15 Mapalad ang taong sa 'yo'y sumasamba,  Sa pagsamba nila'y inaawitan ka  At sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
 89:16 Sa buong maghapon, ikaw'y pinupuri,  Ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
 89:17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,  Dahilan sa iyong kagandahang-loob.
 89:18 Pagkat pinili mo yaong hari namin,  Kaloob mo ito, Banal ng Israel. ( Ang Pangako kay David )
 89:19 "Ikaw'y nagsalita noon pa mang una  Sa mga lingkod mo, at ipinakita  Yaong pangitain, at ito ang badya:  'Aking pinutungan ang isang dakila,  Na aking pinili sa gitna ng madla. "
 89:20 Ang piniling lingkod na ito'y si David,  Aking pinahiran ng banal na langis.
 89:21 Kaya't palagi ko siyang aakbayan  At siya'y lalakas sa aking patnubay.
 89:22 Di s'ya malulupig ng kanyang kaaway,  Ang mga masama'y di magtatagumpay.
 89:23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,  Silang namumuhi na mga kaaway.
 89:24 Ang pagtatapat ko't pag-ibig na wagas,  Ay iuukol ko't aking igagawad,  At magtatagumpay siya oras-oras.
 89:25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,  Dagat na malawak at malaking ilog.
 89:26 Ako'y tatawaging ama niya't Diyos,  Tagapagsanggalang niya't Manunubos.
 89:27 Gagawin ko siyang anak na panganay,  Mataas na hari nitong daigdigan!
 89:28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral  At mananatili sa kanya ang tipan.
 89:29 Laging maghahari ang isa n'yang angkan,  Sintatag ng langit yaong kaharian.
 89:30 '"Kung ang mga anak niya ay susuway,  At ang aking utos ay di igagalang, "
 89:31 Kung ang aking aral ay di pakikinggan  At ang Kautusa'y hindi iingatan,
 89:32 Kung gayon, daranas sila ng parusa  Sa ginawa nilang mga kasamaan,  Sila'y hahampasin sa ginawang sala.
 89:33 Ngunit ang tipan ko't pag-ibig kay David,  Ay di magbabago't hindi mapapatid.
 89:34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,  Ni isang pangako'y di ko babawiin.
 89:35 '"Sa aking sarili'y ipinananto ko,  Kay David, ay hindi ako maglililo. "
 89:36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,  Hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
 89:37 "Katulad ng buwan na hindi lilipas  Matatag na tanda doon sa itaas.' ( Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari )"
 89:38 Subali at ngayon, siyang iyong hirang,  Ay itinakwil mo at kinagalitan;
 89:39 Binawi mo pati yaong iyong tipan,  Ang kanyang korona ay iyong dinumhan.
 89:40 Ang tanggulan niya ay iyong winasak,  Mga muog niya'y iyong ibinagsak.
 89:41 Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,  Ang ari-arian niya'y kinukuha;  Bansa sa paligid, pawang nagtatawa.
 89:42 Iyong itinaas ang kanyang kaaway,  Tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.
 89:43 Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,  Binigo mo siya sa kanyang paglaban.
 89:44 Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,  Inalis sa kanya't iyong ibinagsak.
 89:45 Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,  Sa kanyang sinapit siya'y napahiya. ( Dalangin Upang Iligtas )
 89:46 Ang pagkubli mo ba, Yahweh, hanggang kailan?  Tindi ng galit mo'y wala na bang hanggan?
 89:47 Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao  Ay maikli lamang sa balat ng mundo;  Papanaw na lahat silang nilikha mo.
 89:48 Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?  Paano iiwas sa kanyang libingan  Yaong isang taong ngayo'y nabubuhay?
 89:49 Nasaan ang alab ng dating pag-ibig  At tapat na sumpang ginawa kay David?  Nasaan, O Diyos? iyong ipabatid.
 89:50 Iyong nalalaman ang mga pasakit  Ng aba mong lingkod, na pawang tiniis;  Ang mga pag-uyam na kanyang sinapit  Sa kamay ng mga taong malulupit.
 89:51 Ganito tinuya ng iyong kaaway  Ang piniling haring saan ma'y inuyam.
 89:52 Si Yahweh ay ating purihin kailanman!  Siya nawa.
 90:1 ( Ang Diyos at ang Tao ) Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,  Simula pa sa simulang lumitaw ang aming angkan;
 90:2 Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,  Hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,  Ikaw noon ay Diyos na, pagkat ikaw'y walang hanggan.
 90:3 Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,  Sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
 90:4 Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw,  Sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;  Isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
 90:5 Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,  Parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
 90:6 Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,  Kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
 90:7 Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,  Sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
 90:8 Yaong aming pagsalansang, sa harap mo'y nahahayag,  Lihim naming kasalanan ay kita mo sa liwanag.
 90:9 Sa kamay mo'y nagwawakas yaong hawak naming buhay,  Parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
 90:10 Buhay nami'y umaabot ng pitumpung taong singkad,  Minsan nama'y umaabot ng walumpu, kung malakas;  Yaong buong buhay nami'y sakbibi ng dusa't hirap,  Pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.
 90:11 Ang lakas ng iyong galit sino kaya ang tatarok?  Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
 90:12 Yamang itong buhay nami'y maikli lang na panahon,  Itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
 90:13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, titiisin yaring lagay  Nitong iyong mga lingkod, sa gitna ng kahirapan?
 90:14 Kung umaga'y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,  At sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
 90:15 Yaong naging hirap nami'y tumbasan mo ng ginhawa,  Singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
 90:16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,  At sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
 90:17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,  Magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin!
 91:1 ( Awit ng Pagtitiwala sa Diyos ) Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,  At nananatili sa kalinga niyong Makapangyarihan;
 91:2 "Makapagsasabi sa kanyang Panginoon: 'Muog ka't tahanan,  Ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.' "
 91:3 Ikaw'y ililigtas niya sa panganib, sa umang na bitag,  At kahit ano mang mabigat na salot di ka magdaranas.
 91:4 Lulukuban niya sa lilim ng kanyang malabay na pakpak,  Sa kalinga niya ay natitiyak mo na ikaw ay ligtas;  Iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y tapat.
 91:5 Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,  Maging sa gagawing biglaang paglusob pagsapit ng araw.
 91:6 Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,  Di ka matatakot sa kasamaan mang araw kung dumating.
 91:7 Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao,  Sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo;  Di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano.
 91:8 Ikaw'y nagmamasid at sa panonood iyong mamamasdan,  Yaong masasama ay makikita mong pinarurusahan.
 91:9 Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,  At ang pinili mong mag-iingat sa 'yo'y Kataas-taasan,
 91:10 Di mo aabuting ikaw'y mapahamak, at walang daratal  Kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
 91:11 Susuguin niya ang maraming anghel, sila'ng susubaybay,  Kahit saang dako ikaw maparoon, tiyak iingatan.
 91:12 Sa kanilang palad ay itatayo ka't, sila'ng magtataas  Nang hindi masaktan ang mga paa mo sa batong matalas.
 91:13 Kahit ang tapakan mo ay mga leon, ahas na mabagsik,  Di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
 91:14 "Ang sabi ng Diyos, 'Aking ililigtas ang tapat sa akin,  At iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin. "
 91:15 Pag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,  Aking sasamahan at kung may hilahil ay sasaklolohan;  Aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
 91:16 "Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,  At nakatitiyak na ang tatamuhin nila'y kaligtasan!'"
 92:1 ( Awit ng Pagdakila sa Diyos ) Ang magpasalamat  Sa Panginoong Diyos ay mabuting bagay,  Umawit na lagi  Purihin ang ngalang Kataas-taasan.
 92:2 Pag-ibig n'yang wagas  Ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,  Pagsapit ng gabi  Ang katapatan n'ya'y ihayag din naman.
 92:3 Ito'y ipahayag  Sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,  Sa magandang himig  Ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
 92:4 Ako'y nagagalak  Sa iyong ginawa na kahanga-hanga,  Sa lahat ng ito  Ako'y umaawit dahilan sa tuwa.
 92:5 O pagkadakila!  Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,  Ang iyong isipan  Ay sadyang mahirap naming maunawa.
 92:6 Sa pahat na isip,  Ang bagay na ito ay di nalalaman,  Hindi malilirip  Ni mauunawa ng sinumang mangmang:
 92:7 Ang mga masama  Kahit na dumami, sila ma'y umunlad,  Yaong sasapitin  Nila't hahantungan ay pagkapahamak;
 92:8 Sapagkat ikaw lang,  Yahweh, ang dakila't walang makatulad.
 92:9 Nababatid naming  Lilipuling lahat ang iyong kaaway,  At lahat ng taong  Masama ang gawa ay mapipilan.
 92:10 Ako'y ginawa mong  Sinlakas ng torong mailap sa gubat,  Ako'y pinagpala't  Pawang kagalakan yaong dinaranas.
 92:11 Aking nasaksihan  Yaong pagkalupig ng aking kaaway,  Pati pananaghoy  Ng mga masama'y aking napakinggan.
 92:12 Katulad ng palma,  Ang taong matuwid tatatag ang buhay,  Parang mga sedro,  Kahoy sa Libano, lalagong mainam.
 92:13 Parang punongkahoy  Na doon natanim sa tahanan ng Diyos,  Sa banal na templo  Ito ay lalago na nakalulugod.
 92:14 Tuloy ang pagbunga  Kahit na ang punong ito ay tumanda,  Luntia't matatag,  At ang dahon nito ay laging sariwa.
 92:15 Ito'y patotoo  Na ang Panginoo'y tunay na matuwid,  Siya kong sanggalang,  Matatag na batong walang bahid dungis.
 94:1 ( Ang Kapangyarihan ng Diyos ) Karapatang magparusa ay taglay mo, Panginoon,  Ang ganitong karapatan ay ipakita mo ngayon;
 94:2 Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,  Ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
 94:3 Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?  Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
 94:4 Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,  Upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
 94:5 Yaong mga hinirang mo ay kanilang nililipol,  Inaapi nila yaong tinubos mo, Panginoon.
 94:6 Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,  Pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
 94:7 "Madalas na sinasabi, 'Hindi kami pansin ng Diyos,  Hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.' "
 94:8 Unawain ninyo, bayan, kayong pahat ang isipan:  Hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
 94:9 Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,  Akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
 94:10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?  Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
 94:11 Ang kanilang iniisip ay batid ng Panginoon,  Katulad lang ay hininga na madaling napuputol.
 94:12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,  Silang sa 'yo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
 94:13 Pagkat sila'y magdaranas ng saglit na ginhawa,  Hanggang yaong masasama'y mahulog sa hukay nila.
 94:14 Ang lingkod ng Panginoo'y hindi niya iiwanan,  Yaong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
 94:15 Mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,  Diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.
 94:16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?  Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
 94:17 Ano kayang mangyayari, kundi ako natulungan  Nitong aking Panginoon? Marahil ang aking buhay  Tahimik nang malilibing kasama ng mga patay.
 94:18 "Kapag aking nagunitang, 'Ang paa ko'y dumudulas,'  Dahilan sa pag-ibig mo, O Diyos, ako'y tumatatag. "
 94:19 Kung ako ay ginugulo ng maraming suliranin,  Ang wagas na pag-ibig mo ang sa aki'y umaaliw.
 94:20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,  Na ang laging kapasiyaha'y ang hatol na hindi tama?
 94:21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,  Ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
 94:22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.  Ang sa aki'y nag-iingat ang Diyos kong Panginoon.
 94:23 Sa masamang gawa nila ay ang Diyos ang gaganti,  Lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;  Ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.
 95:1 ( Awit ng Pagpupuri sa Diyos ) Tayo ay lumapit  Sa 'ting Panginoon, siya ay awitan,  Ating papurihan  Ang batong kublihan nati't kalakasan.
 95:2 Tayo ay lumapit,  Sa kanyang harapan na may pasalamat,  Siya ay purihin,  Ng mga awiting may tuwa at galak.
 95:3 Sapagkat ang Diyos,  Ay ang Panginoong napakadakila,  Ang dakilang Haring  Higit sa sinuman na binabathala.
 95:4 Nasa kanyang palad  Ang buong daigdig, pati kalaliman;  Ang lahat ay kanya  Maging ang mataas nating kabundukan.
 95:5 Kanya rin ang dagat  At pati ang lupa na kanyang nilalang.
 95:6 Tayo ay lumapit,  Sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,  Lumuhod sa harap  Nitong Panginoong sa ati'y lumalang.
 95:7 Siya ang ating Diyos,  Tayo ay kalinga niyang mga hirang,  Mga tupa tayong inaalagaan.  Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
 95:8 '"Iyang inyong puso'y  Huwag patigasin, tulad ng ginawa  Ng inyong magulang  Nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa. "
 95:9 Ako ay tinukso't  Doon ay sinubok ng inyong magulang,  Bagamat nakita  Ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
 95:10 Apatnapung taon,  Sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,  Ang aking sinabi,  'Sila ay suwail, walang pakundangan  At ang mga utos ko ay sinusuway!'
 95:11 "Dahil sa galit ko,  Ako ay sumumpang di sila daratal,  Sa lupang pangakong aking inilaan.'"
 96:1 ( Ang Diyos ang Makapangyarihang Hari ) Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;  Si Yahweh ay papurihan nitong lahat sa daigdig!
 96:2 Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;  Araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
 96:3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,  Sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
 96:4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan  Higit sa sinumang diyos, siya'y dapat katakutan.
 96:5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyusan;  Si Yahweh lang ang may likha ng buong sangkalangitan.
 96:6 Naliligid siyang lagi ng dangal at kabanalan,  Ang lubos n'yang kagandahan ay sa templo mamamasdan.
 96:7 O si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!  Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
 96:8 Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,  Dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
 96:9 Kung si Yahweh ay dumating, sa likas n'yang kabanalan,  Humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.
 96:10 '"Si Yahweh ay siyang hari,' sa daigdig ay sabihin,  'Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;  Sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.' "
 96:11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,  Lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
 96:12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,  Pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
 96:13 Si Yahweh ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,  Paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.  Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.
 97:1 ( Dakila't Makapangyarihan si Yahweh ) Si Yahweh ay maghahari, magalak ang kalupaan!  Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
 97:2 Ang paligid niya'y ulap na lipos ng kadiliman,  Kaharian niya'y tapat at salig sa katarungan.
 97:3 Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,  Sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
 97:4 Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,  Kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
 97:5 Yaong mga kabunduka'y natutunaw, parang pagkit,  Sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
 97:6 Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,  Sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
 97:7 Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyusan,  Mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.  Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
 97:8 Nagagalak itong Sion, mamamaya'y nagsasaya,  Nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,  Dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
 97:9 Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,  Dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
 97:10 Ang lahat ng namumuhi sa masama'y mahal ng Diyos,  At siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod;  Ililigtas niya sila sa kamay ng mga buktot.
 97:11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,  Sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
 97:12 Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong,  Sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon;  Ang ginawa niyang ito'y dapat nating gunitain,  At kay Yahweh ay iukol ang papuring walang maliw!
 98:1 ( Ang Diyos ang Hari ng Daigdig ) Umawit ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,  Pagkat yaong ginawa n'ya ay kahanga-hangang tunay!  Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,  Walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
 98:2 Ang tagumpay niyang ito'y siya na rin ang naghayag,  Sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
 98:3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,  Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.  Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
 98:4 Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;  Si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
 98:5 Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,  At si Yahweh ay purihin ng tugtuging maalindog.
 98:6 Tugtugin din ang trompeta na kasaliw ang tambuli,  Magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating hari.
 98:7 Umingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,  Umawit ang daigdigan at lahat ng naroroon.
 98:8 Umugong sa palakpakan pati yaong kalaliman;  Umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
 98:9 Pagkat siya'y dumarating maghahari sa daigdig;  Taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.
 99:1 ( Awit ng Pagpupuri sa Dakilang Diyos ) Si Yahweh ay naghahari, mga tao'y nanginginig,  Sa trono niya'y nakaupo na kerubin ang kalapit  Samantalang nasa trono, nanginginig ang daigdig.
 99:2 Dakila ang Panginoon, sa Sion siya ay dakila;  Si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga bansa.
 99:3 Bawat isa'y magpupuri sa dakila niyang ngalan,  Banal siya't pupurihin ang pangalan niyang banal.
 99:4 Hari ikaw na dakila, ang matuwid ang 'yong mahal,  Ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;  Ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
 99:5 Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na papurihan;  Sa harap ng trono niya'y sambahin ang ngalang Banal!
 99:6 Si Moises at si Aaron, mga saserdote niya;  At si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;  Nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
 99:7 Si Yahweh ay nagsalita sa gitna ng mga ulap;  Sila naman ay nakinig utos niya ay tinupad.
 99:8 O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad  At ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;  Ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
 99:9 Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating papurihan,  Sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!  Siya'y ating Panginoon, siya'y ating Diyos na banal!
 100:1 ( Awit ng Pagpapasalamat ) Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
 100:2 Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;  Lumapit sa harap niya at umawit na may tuwa!
 100:3 O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,  Tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;  Lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.
 100:4 Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,  Umaawit nagpupuri sa loob ng dakong banal;  Purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!
 100:5 Mabuti ang Panginoon, pag-ibig niya'y walang hanggan,  Siya'y Diyos na mabuti't laging tapat kailanman!
 101:1 ( Ang Pangako ng Hari ) Ang aking awitin ay ang pagtatapat at ang katarungan;  Ako'y umaawit patungkol sa iyo, O Yahweh kong mahal;
 101:2 Ang aking susunding tumpak na ugali'y walang kapintasan,  Kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan?  Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan,
 101:3 Sa buhay kong ito ang gawang masama'y di ko tutulutan.  Ang sinumang taong gawai'y masama, di ko sasamahan,  Di ko papansinin kung sinuman siyang ang Diyos ay kalaban.
 101:4 Aking sisikapin na ang masunod ko'y ang gawaing tapat;  Maging sa isipan di ko iisipin ang gawang di tumpak.
 101:5 Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin;  Di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin.
 101:6 Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa,  Sa aking palasyo ay papayagan ko na doon matira,  Kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila.
 101:7 Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan,  Sa aking harapan ang mapagkunwari'y di ko tutulutan.
 101:8 Lahat ng masama, araw-araw sila'y aking wawasakin;  Lahat ng masama sa lunsod ng Diyos ay palalayasin!
 102:1 ( Dalangin ng Namimighati ) Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,  Lingapin mo ako sa aking pagdaing;
 102:2 O huwag ka sanang magkubli sa akin,  Lalo sa panahong may dusa't hilahil.  Pag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin  Sa sandaling iyo'y agad mong sagutin.
 102:3 Pumapanaw akong usok ang katulad,  Damdam ko sa init, apoy na maningas.
 102:4 Katulad ko'y damong natuyo sa parang,  Pati sa pagkai'y di ako ganahan.
 102:5 Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas,  Yaring katawan ko'y buto na at balat.
 102:6 Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang,  Para akong k'wago sa dakong mapanglaw;
 102:7 Ang aking katulad sa hindi pagtulog,  Ibon sa bubungang palaging malungkot.
 102:8 Sa buong maghapon, ang aking kaaway  Sinusumpa pati ang aking pangalan.
 102:9 Pagkain ko'y abo at hindi tinapay,  Sariling luha ko ang nasa inuman;
 102:10 Dahil sa galit mo, aking Panginoon,  Dinaklot mo ako't iyong itinapon.
 102:11 Ang buhay kong taglay ay parang anino;  Katulad ko ngayo'y natuyo nang damo.
 102:12 Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan,  Di ka malilimot ng buong kinapal.
 102:13 Ikaw ay mahabag, tulungan ang Sion,  Pagkat dumating na ang takdang panahon  Sa kalagayan n'ya ay dapat tumulong.
 102:14 Mahal pa rin siya ng 'yong mga lingkod  Bagamat nawasak at gumuhong lubos.
 102:15 Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot,  Maging mga hari sa buong sinukob.
 102:16 Kung iyong itayong pamuli ang Sion,  Ikaw'y mahahayag doon, Panginoon.
 102:17 Daing ng mahirap ay iyong diringgin,  Di mo tatanggihan ang kanilang daing.
 102:18 Ito'y matititik upang matunghayan,  Ng sunod na lahing di pa dumaratal;  Ikaw nga, O Yahweh, ay papupurihan.
 102:19 Mula sa itaas, luklukan mong banal,  Ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan.
 102:20 Iyong dinirinig ang pagtataghuyan  Ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,  Upang palayain sa hirap na taglay.
 102:21 Anupat ang iyong ngala'y mahahayag,  Sa Sion, O Yahweh, ikaw'y ibabansag;  At sa Jerusalem pupurihing ganap
 102:22 Pag ang mga bansa ay nagsasama-sama  Sa banal na lunsod upang magsisamba.
 102:23 Ako'y pinanghina, sa 'king kabataan  Damdam ko'y umigsi yaring aking buhay.
 102:24 Itong aking hibik, Panginoong Diyos,  Huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos!  Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan;
 102:25 Ikaw ang lumikha nitong daigdigan,  At nilikha mo rin pati kalangitan.
 102:26 Maliban sa iyo, lahat mapaparam  At tulad ng damit, masisirang tunay;  Sila'y bibihising parang kasuutan.
 102:27 Mananatili ka't hindi magbabago,  Walang pagkatapos ang mga taon mo.
 102:28 At ang mga anak ng 'yong mga lingkod,  Mamumuhay namang panatag ang loob;  Magiging matatag ang kanilang angkan,  Sa pag-iingat mo, sila ay tatagal.
 103:1 ( Ang Pag-ibig ng Diyos ) Si Yahweh ay papurihan, purihin mo, kaluluwa,  Ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
 103:2 Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,  At huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
 103:3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,  At anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
 103:4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,  At pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.
 103:5 Sa sarili ang dulot n'ya'y kasiyahan habang buhay,  Kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan,  Katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan.
 103:6 Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan;  Natatamo ng inapi ang kanilang karapatan.
 103:7 Ang balangkas niya't utos kay Moises ibinilin;  Ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel.
 103:8 Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,  Kung magalit ay banayad, kung umibig nama'y lubos.
 103:9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;  Yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
 103:10 Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;  Di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.
 103:11 Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya,  Gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
 103:12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran  Gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.
 103:13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya  Gayon siya nahahabag sa may takot sa kaniya.
 103:14 Alam niya na alabok, yaong ating pinagmulan,  Alam niyang babalik din sa alabok kung mamatay.
 103:15 Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad,  Sa parang ay lumalago na animo ay bulaklak;
 103:16 Kapag ito'y nahanginan, nawawala't nalalagas,  Nawawala mandin ito at hindi na namamalas.
 103:17 Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan,  Sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal;  Ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
 103:18 Yaong magtatamo nito'y ang tapat sa kanyang tipan,  At tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.
 103:19 Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;  Mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan.
 103:20 O purihin ninyo siya, kayong mga anghel ng Diyos,  Kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod!
 103:21 Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan,  Kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman.
 103:22 O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang,  Sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal;  O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan!
 104:1 ( Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha ) Pinupuri ikaw, Yahweh, nitong aking kaluluwa,  Ikaw Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!  Ang taglay mong kasuuta'y dakila ri't marangal pa.
 104:2 Nababatbat ikaw, O Diyos, ng maningning na liwanag,  Kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
 104:3 Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,  Ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,  Sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
 104:4 Tagahatid ng balita ay hangin ding sumisimoy,  At kidlat na matatalim ang aliping tumutulong.
 104:5 Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,  Matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
 104:6 Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,  At tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
 104:7 Ngunit noong magalit ka yaong tubig ay tumakas,  Nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
 104:8 Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,  Natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
 104:9 Matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hanggahan,  Upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.
 104:10 Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,  Sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
 104:11 Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,  Maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
 104:12 Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,  Mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
 104:13 Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,  Ibinuhos ang biyaya't lumaganap sa daigdig.
 104:14 Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,  Nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;  Anupat ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
 104:15 Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,  May langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,  At tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.
 104:16 Masaganang nadidilig ang kahoy ng Panginoon,  Yaong kanyang mga sedrong itinanim sa Libano.
 104:17 Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,  Mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
 104:18 Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,  Sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.
 104:19 Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,  Araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
 104:20 Lumikha ka nitong dilim, at Gabi ang itinawag,  Kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap;
 104:21 Umuungal yaong leon, samantalang humahanap  Ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
 104:22 Kung sumapit ang umaga, dala nito yaong huli,  Pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
 104:23 Samantalang itong tao humahayo sa gawain,  Sa paggawang walang likat inaabot na ng dilim.
 104:24 Sa daigdig, ikaw Yahweh, kay rami ng iyong likha,  Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa.  Sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
 104:25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,  Malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
 104:26 Iba't ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,  Habang yaong dambuhalang nilikha mo'y kaagapay.
 104:27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,  Umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
 104:28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,  Mayro'n silang kasiyahan pagkat bukas ang 'yong palad.
 104:29 Kapag ikaw'y lumalayo labis silang nangangamba,  Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;  Mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
 104:30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,  Bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
 104:31 Sana ang 'yong karangala'y manatili kailanman,  Sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
 104:32 Nanginginig ang nilikha, pag titig mo sa daigdig,  Ang bundok na hipuin mo'y nag-uusok, nag-iinit.
 104:33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,  Siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
 104:34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,  Habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.
 104:35 Ang lahat ng masasama sana'y al'sin sa daigdig,  Ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.  Si Yahweh ay purihin mo, purihin mo, kaluluwa!  Purihin ang Panginoon, O purihin mo nga siya!
 105:1 ( Awit sa Paggunita sa Kasaysayan ng Bansang Israel ) Dapat na si Yahweh, itong Panginoon, ay pasalamatan,  Ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam.
 105:2 Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,  Ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay.
 105:3 Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,  Ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,  Lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya.
 105:4 Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,  Siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
 105:5 Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,  Ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala.
 105:6 Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham,  Gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
 105:7 Ang Diyos na si Yahweh ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,  Sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
 105:8 Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman,  Ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
 105:9 Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,  At may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal;
 105:10 Sa harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay,  Para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan.
 105:11 "Sinabi ng Diyos, 'Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha,  Bilang bahagi mo sa aking pangako na ipamamana.' "
 105:12 Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami,  Kaya sa lupaing tinirahan nila'y hindi nanatili.
 105:13 Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat,  Kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak.
 105:14 Sinuman ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin,  Ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin.
 105:15 Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang,  Ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan.
 105:16 Sa lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating  Itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
 105:17 Subalit ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,  Tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
 105:18 Mga paa nito'y nagdanas ng hirap nang ito'y ipangaw,  Pati leeg niya'y pinapagk'wintas ng kolyar na bakal;
 105:19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin  Nitong Panginoon, na siyang nangakong siya'y tutubusin.
 105:20 Ang kinasangkapan niya'y isang hari, siyang nagpalaya,  Pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
 105:21 Doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,  Sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
 105:22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,  Siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.
 105:23 Sa bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,  Sa lupain ni Cam, ang nunong si Jacob ay doon tumira;
 105:24 Ginawa ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,  Pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
 105:25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,  Ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.
 105:26 Saka inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,  Sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
 105:27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,  Sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
 105:28 Ang isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,  Ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
 105:29 Ang ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,  Pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
 105:30 Napuno ng mga palakang kay rami ang buong lupain,  Maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
 105:31 Sa utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,  Sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
 105:32 Sa halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,  Ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
 105:33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,  Ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
 105:34 Isang utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,  Langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
 105:35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,  Sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
 105:36 Ang mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,  Kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.
 105:37 Pagkatapos nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,  Malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
 105:38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,  Pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
 105:39 Ang naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,  At kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
 105:40 Nang sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,  At buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
 105:41 Sa bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,  Pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
 105:42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,  Ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
 105:43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,  Nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
 105:44 Ang mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,  Sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
 105:45 Ginawa n'ya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,  Yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.  Purihin si Yahweh!
 106:1 ( Awit Tungkol sa Pagsisisi ng Israel ) Purihin si Yahweh!  At magpasalamat sa Panginoong Diyos, pagkat siya'y mabuti,  Ang kanyang pag-ibig na hindi kukupas ay nananatili.
 106:2 Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?  Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
 106:3 At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan  Na gawang matuwid ang siyang adhika sa buo n'yang buhay.
 106:4 Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,  Sa pagliligtas mo, isama mo sana ang lingkod mong aba;
 106:5 Upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,  Kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
 106:6 Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,  Ang aming ginawa'y tunay na di tumpak, pawang kasamaan.
 106:7 Ang magulang namin nang nasa Egipto, hindi alumana  Ang kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;  Ni hindi pinansin yaong pag-ibig mo na walang kapara,  Bagkus ang ginawa sa Dagat ng Tambo'y kinalaban ka pa.
 106:8 Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,  Upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
 106:9 Nang siya'y mag-utos, ang Dagat ng Tambo ay natuyong bigla,  Sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
 106:10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,  Iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
 106:11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,  Lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
 106:12 Nang ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,  Sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.
 106:13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kanilang nilimot,  Sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
 106:14 Habang nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,  Sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
 106:15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,  Ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.
 106:16 Sila ay nainggit dito kay Moises habang nasa ilang,  Pati kay Aaron, ang banal na lingkod na kanyang hinirang.
 106:17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,  Si Data't Abiram sampung sambahaya'y natabunang kusa.
 106:18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,  At ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.
 106:19 Sa may Bundok Horeb, doon ay naghugis niyong gintong baka,  Matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
 106:20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,  Sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
 106:21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,  Na yaong ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
 106:22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.  Sa Dagat ng Tambo yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
 106:23 Ang pasiya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,  Agad na dumulog kay Yahweh, si Moises namagitan siya,  At hindi natuloy yaong kapasiyahan na lipulin sila.
 106:24 Ang lupang-pangarap na ipinangako'y kusang tinanggihan,  Dahilan sa sila'y hindi naniwala sa pangakong tipan.
 106:25 Sa kanilang tolda ay nagrereklamo at nagbububulong,  Ayaw nilang dinggin ang banal na tinig nitong Panginoon.
 106:26 Sa ginawang yaon, nagalit ang Diyos, siya ay sumumpang  Sila'y lilipulin, mamamatay sila sa gitna ng ilang.
 106:27 Sila'y ikakalat, dadalhin sa bansa niyong mga Hentil,  Sa lugar na iyon, mamamatay sila sa pagkaalipin.
 106:28 Sila'y nakiisang sa Baal ng Beor ay doon sumamba,  Ang mga pagkain na handog sa patay ang pagkain nila.
 106:29 Sa inasal nila'y nagalit ang Diyos, naging pasiya'y ito:  Dinalhan ng peste, pawang nagkamatay ang maraming tao.
 106:30 Sa galit ni Finees taong nagkasala ay kanyang pinatay  Kung kaya nahinto ang salot na yaon na nananalakay.
 106:31 Magmula na noon sa kanyang ginawa siya'y napamahal.  Ang ginawang ito'y di na malilimot ng mga nilalang.
 106:32 Sa Bukal Meriba, itong Panginoo'y kanilang ginalit,  Dahil sa Israel, nalagay sa gipit itong si Moises.
 106:33 Sa ginawa nila ay lubhang nasaktan ang kanyang damdamin,  Dahas ng salitang namulas sa bibig ay hindi mapigil.
 106:34 Di nila nilipol yaong mga taong naro'n sa Canaan,  Bagaman at ito'y iniutos ng Diyos na dapat gampanan.
 106:35 Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,  At maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
 106:36 Ang diyus-diyusan ang sinamba nila at pinaglingkuran,  Sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
 106:37 Pati anak nilang babai't lalaki'y inihaing lubos,  Sa diyus-diyusan, mga batang ito ay dinalang handog.
 106:38 Ang pinatay nila'y mga batang musmos, batang walang malay  Para ipanghandog sa diyus-diyusan ng lupang Canaan  Kaya't ang lupain sa ginawa nila'y pawang nadungisan.
 106:39 Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa,  Sa Diyos na si Yahweh sila ay nagtaksil at pawang sumama.
 106:40 Itong Panginoo'y nagpuyos ang galit sa mga hinirang,  Siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
 106:41 Sa bansang kaaway yaong bayan niya'y ipinaubaya,  Sila ay nasakop at ang mga Hentil ay s'yang namahala.
 106:42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,  Pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
 106:43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,  Naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
 106:44 Gayunman, hindi rin niya tinitiis pag nananambitan,  Dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
 106:45 Dinirinig sila at inaalaala dahilan sa tipan,  Nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
 106:46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,  Sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.
 106:47 Iligtas mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,  Saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,  Upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.
 106:48 Ating pupurihin itong Panginoon, ang Diyos ng Israel,  Sa mula't mula pa at magpakailanma'y ating pupurihin;  Purihin natin siya't bayaang ang lahat sumagot ng Amen!  Purihin si Yahweh!
 107:1 ( Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos ) O magpasalamat  Tayo sa Panginoon, pagkat siya'y mabuti;  Wagas ang pag-ibig at nananatili.
 107:2 Ang mga naligtas,  Tinubos ng Diyos, bayaang magpuri,  Yamang nangaligtas sa tulong ni Yahweh.
 107:3 Sa sariling bayan,  Sila ay tinipo't pinagsama-sama,  Silanga't kanluran  Timog at hilaga, ay doon kinuha.
 107:4 Mayro'ng naglumagak  Sa ilang na dako, at doon nanahan,  Sapagkat sa lunsod  Ay wala nang lugar silang matirahan.
 107:5 Wala nang makain  Kaya't nangagutom, nauhaw na lubha,  Ang katawan nila  Ay naging lupaypay, labis na nanghina.
 107:6 Nang sila'y magipit,  Sa Panginoong Diyos, sila ay tumawag,  At dininig naman  Sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
 107:7 Inialis sila  Sa lugar na iyon at pinatnubayan,  Tuwirang dinala  Sa payapang lunsod at doon tumahan.
 107:8 Kaya dapat namang  Sa Panginoong Diyos ay magpasalamat,  Dahil sa pag-ibig  At kahanga-hanga niyang pagliligtas.
 107:9 Yaong nauuhaw  Ay pinaiinom upang masiyahan,  Ang nangagugutom  Ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
 107:10 Sa dakong madilim,  May nangakaupo na batbat ng lungkot,  Bilanggo sa dusa,  At sa kahirapan sila'y nagagapos.
 107:11 Ang dahilan nito--- Sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;  Yaong pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
 107:12 Nahirapan sila,  Pagkat sa gawain sila'y hinagupit;  Sa natamong hirap,  Nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
 107:13 Sa gitna ng hirap,  Sa Panginoong Diyos sila ay tumawag;  At dininig naman  Yaong kahilingan na sila'y iligtas.
 107:14 Sa dakong madilim,  Sila ay hinango sa gitna ng lungkot,  At ang tanikala  Sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
 107:15 Sa pag-ibig ng Diyos,  Siya ay marapat na pasalamatan,  Sa kahanga-hangang  Pagliligtas niya sa mga hinirang.
 107:16 Winawasak niya,  Maging mga pinto na yari sa tanso,  Ang rehas na bakal  Ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
 107:17 May nangagkasakit,  Dahil sa kanilang likong pamumuhay;  Dahil sa pagsuway,  Ang dinanas nila'y mga kahirapan.
 107:18 Anumang pagkain  Na makita nila'y di na magustuhan,  Anupat sa anyo,  Di na magluluwat ang kanilang buhay.
 107:19 Sa ganoong lagay,  Sila ay tumawag sa Panginoong Diyos,  Tinulungan sila  At sa kahirapan, sila ay tinubos.
 107:20 Sa salita lamang  Na kanyang pahatid sila ay gumaling,  At naligtas sila  Sa kapahamakang sana ay darating.
 107:21 Kaya't dapat namang  Sa Panginoong Diyos ay magpasalamat,  Dahil sa pag-ibig  At kahanga-hanga niyang pagliligtas.
 107:22 Dapat ding dumulog,  Na dala ang handog ng pasasalamat,  Lahat ng ginawa  Niya'y ibalita, umawit sa galak!
 107:23 Mayroong naglayag  Na lulan ng barko sa hangad maglakbay,  Ang tanging layunin  Kaya naglalayag, upang mangalakal.
 107:24 Nasaksihan nila  Ang kapangyarihan ng Panginoong Diyos,  Ang kahanga-hangang  Ginawa ni Yahweh na hindi matarok.
 107:25 Nang siya'y mag-utos,  Nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,  Lumaki ang alon  Na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
 107:26 Ang sasakyan nila  Halos ay ipukol mula sa ibaba,  Kapag naitaas  Ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;  Dahil sa panganib,  Ang pag-asa nila ay halos mawala.
 107:27 Ang kanilang anyo'y  Parang mga lasing na pahapay-hapay,  Yaong siglang dati't  Mga katangia'y di pakinabangan.
 107:28 Nang nababagabag,  Sa Panginoong Diyos sila ay tumawag,  Dininig nga sila  At sa kahirapan, sila'y iniligtas.
 107:29 Ang bagyong malakas,  Pinayapa niya't kanyang pinatigil,  Pati mga alon,  Na naglalakihan ay tumahimik din.
 107:30 Nang tumahimik na,  Sila ay natuwa, naghari ang galak,  At sinapit nila  Yaong pakay nila sa ibayong dagat.
 107:31 Kaya't dapat namang  Sa Panginoong Diyos ay magpasalamat,  Dahil sa pag-ibig  At kahanga-hanga niyang pagliligtas.
 107:32 Itong Panginoon  Ay dapat itanyag sa gitna ng madla,  Dapat na purihin  Sa kalipunan man ng mga matanda.
 107:33 Nagagawa niyang  Tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,  Maging mga batis  Ay nagagawa ring parang lupang tigang.
 107:34 Ang lupang mataba,  Kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,  Dahilan sa sama  Ng mga nilikhang doo'y nananahan.
 107:35 Kahit naman ilang,  Nagagawa niyang saganang lupain,  Nagiging batisang  Sagana sa tubig ang tuyong lupain.
 107:36 Sa lupaing iyon,  Ang nangagugutom doon dinadala,  Ipinagtatayo  Ng kanilang lunsod at doon titira.
 107:37 Sila'y nagbubukid,  Nagtatanim sila ng mga ubasan,  Umaani sila  Ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
 107:38 Sila'y pinagpala't  Lalong pinarami ang kanilang angkan,  At dumarami rin  Yaong mga baka sa kanilang kawan.
 107:39 Kapag inaglahi  Ang bayan ng Diyos at nalupig sila,  Ang bansang sumakop  Na nagpapahirap at nagpaparusa
 107:40 Sila'y susumbatan  Nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,  Ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
 107:41 Ngunit itataas  Ang nangagdurusa't laging inaapi,  Parang mga kawan,  Yaong sambahayan nila ay darami.
 107:42 Nakikita ito  Ng mga matuwid kaya nagagalak,  Titikom ang bibig  Ng mga masama at taong pahamak.
 107:43 Kayong matalino,  Ang bagay na ito'y inyong unawain,  Pag-ibig ni Yahweh  Na di kumukupas ay inyong tanggapin.
 108:1 ( Dalangin Laban sa mga Kaaway )[ (Awit 57:7-11; 60:5-12) ] Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,  Na magpuri at umawit ng awiting masisigla,  Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
 108:2 Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;  Tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
 108:3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,  Yahweh, ikaw'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
 108:4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,  Nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
 108:5 Sa langit ay ilagay mo ang taglay mong kabantuga't  Dito naman sa daigdig ay ang iyong kaningningan
 108:6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,  Upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;  Dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
 108:7 "Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,  'Hahatiin ko ang Siquem, bilang tanda ng tagumpay,  Paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan,  Matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang. "
 108:8 Ang Galaad at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,  Magsisilbing baluti ko itong lugar ng Efraim;  Samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
 108:9 "Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,  Samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;  Akala ng Filistia tiyak siyang magdiriwang,  Sapagkat ang iniisip ako'y pagtatagumpayan.' "
 108:10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon?  Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?  Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
 108:11 Kung kami ay itinakwil, hindi mo na alintana,  Paano ang hukbo namin kung ikaw ay di kasama?
 108:12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,  Pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
 108:13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,  Matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
 109:1 ( Dalangin Upang Iligtas sa Masasama ) Pinupuri kita; O Diyos, h'wag ka sanang manahimik,
 109:2 Ako ngayo'y nilulusob niyong mga malulupit,  Mga taong sinungaling na manira yaong nais.
 109:3 Kay rami ng sinasabing pangungusap na di tunay,  Binabaka nila ako kahit walang madahilan.
 109:4 Kung bagaman at mahal ko'y masama rin ang paratang,  Kahit ko pa idalangin, masama rin yaong bintang.
 109:5 Sa mabuting ginawa ko, yaong ganti ay masama,  Kapalit ng pag-ibig ko ay galit at alipusta.
 109:6 Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya,  Kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa,
 109:7 Pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa,  Kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin siya.
 109:8 Ang dapat ay paikliin yaong tangan niyang buhay,  Kuhanin ng ibang tao yaong kanyang katungkulan.
 109:9 Yaong mga anak niya ay dapat na maulila,  Bayaan mo na mabalo, yaong giliw nilang ina.
 109:10 Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos,  Sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos.
 109:11 Ang lahat ng yaman niya'y ilitin ng nagpautang,  Agawin ng ibang tao, ang bunga ng pagpapagal.
 109:12 Hindi siya nararapat kahabagan nino pa man,  Kahit anak na ulila sa hirap ay pabayaan.
 109:13 Yaong angkan niya't lahi, ay bayaang mangamatay,  Sa sunod na lahi niya, ngalan niya ay maparam.
 109:14 Gunitain sana ng Diyos ang sala ng kanyang angkan,  At ang sala nitong ina ay di dapat malimutan.
 109:15 Huwag din sanang malimutan ng Diyos ang sala nila  Ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na!
 109:16 Pagkat yaong taong iyo'y wala namang natulungan,  Bagkus pa ngang ang mahirap inuusig, pinapatay.
 109:17 Mahilig sa panunumpa, kaya dapat na sumpain,  Yamang ayaw na magpala, di dapat na pagpalain.
 109:18 Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit,  Kasuutang oras-oras nagagawa ang magbihis;  Sana'y siya ang ginawin, para bagang nasa tubig  Tumagos sa buto niya, yaong sumpang parang langis.
 109:19 Sana'y maging kasuutang nakabalot sa katawan,  Na animo'y isang sint'rong nakabigkis araw-araw.
 109:20 Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan,  Sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan.
 109:21 Katulad ng pangako mo, tulungan mo, Panginoon,  Yamang ikaw'y mahabagin, ako'y iyong ipagtanggol.
 109:22 Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan,  Labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan.
 109:23 Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala,  Parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga.
 109:24 Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa kagutuman,  Payat na ang katawan ko, buto't balat kung pagmasdan.
 109:25 Ang sinumang makakita sa akin ay nagtatawa,  Umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita.
 109:26 Tulungan mo ako, Yahweh, sana naman ay iligtas,  Dahilan sa pag-ibig mong matatag at di kukupas.
 109:27 Bayaan mong makilala na ikaw ang nahahabag,  Ipakita sa kaaway na ikaw ang nagliligtas.
 109:28 Ako'y iyong pagpalain, kung kanilang sinusumpa,  Sa kanilang pag-uusig bayaan mong mapahiya;  Ako namang iyong lingkod sa nangyari, matutuwa.
 109:29 Silang mga nang-uusig, bayaan mong mabahala,  Isuot mo sa kanila ang damit ng pagkahiya.
 109:30 Sa Diyos ay buong puso akong magpapasalamat,  Sa gitna ng karamiha'y magpupuri akong ganap;
 109:31 Pagkat siya'y laging handang tumulong sa mahihirap,  Na lagi nang inuusig at ang gusto'y ipahamak.
 110:1 ( Si Yahweh at ang Piniling Hari ) "Sinabi ni Yahweh,  Sa Hari ko't Panginoon, 'Maupo ka sa kanan ko,  Hanggang ang kaaway mo  Ay lubos na mapasuko, pagkat iyong matatalo.' "
 110:2 "Magmula sa dakong Sion,  Ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;  'At lahat ng kaaway mo'y  Sakupin at pagharian,' gayon ang kanyang utos. "
 110:3 Sasamahan ka ng madla,  Kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;  Magmula sa mga bundok,  Lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
 110:4 "Si Yahweh ay may pangako  Na ito'y tiyak mangyayari, ganito ang kanyang saysay:  'Katulad ni Melquisedec,  Gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.' "
 110:5 Si Yahweh ay naroroong  Nakaupo sa kanan mo, at pag siya ay nagalit,  Ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
 110:6 Siya'y hukom na hahatol  Sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat,  Marami ang malalagas!  Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
 110:7 Sa batis sa lansangan,  Itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan;  Sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.
 110:1 ( Si Yahweh at ang Piniling Hari ) "Sinabi ni Yahweh,  Sa Hari ko't Panginoon, 'Maupo ka sa kanan ko,  Hanggang ang kaaway mo  Ay lubos na mapasuko, pagkat iyong matatalo.' "
 110:2 "Magmula sa dakong Sion,  Ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;  'At lahat ng kaaway mo'y  Sakupin at pagharian,' gayon ang kanyang utos. "
 110:3 Sasamahan ka ng madla,  Kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;  Magmula sa mga bundok,  Lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
 110:4 "Si Yahweh ay may pangako  Na ito'y tiyak mangyayari, ganito ang kanyang saysay:  'Katulad ni Melquisedec,  Gagawin kang saserdote, na hindi na wawakasan.' "
 110:5 Si Yahweh ay naroroong  Nakaupo sa kanan mo, at pag siya ay nagalit,  Ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
 110:6 Siya'y hukom na hahatol  Sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat,  Marami ang malalagas!  Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
 110:7 Sa batis sa lansangan,  Itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan;  Sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.
 111:1 ( Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh ) Purihin si Yahweh!  Buong puso siyang pasasalamatan,  Aking pupurihin sa gitna ng bayan  Kasama ng mga lingkod na hinirang.
 111:2 Napakadakila ang gawa ng Diyos,  Pinananabikan ng lahat ng lingkod;
 111:3 Lahat niyang gawa'y dakila at wagas,  Bukod sa matuwid hindi magwawakas.
 111:4 Hindi inaalis sa ating gunita,  Na siya'y mabuti't mahabaging lubha.
 111:5 Sa may pagkatakot pagkai'y sagana;  Pangako ni Yahweh ay hindi nasisira.
 111:6 Ipinadama n'ya sa mga hinirang,  Ang kapangyarihan niyang tinataglay,  Nang ibigay niya lupa ng dayuhan.
 111:7 Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,  At maaasahan lahat niyang batas.
 111:8 Ito ay lalagi at di magwawakas,  Pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
 111:9 Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,  May ipinangakong walang hanggang tipan;  Banal at dakila ang kanyang pangalan.
 111:10 Ang taong may nais na siya'y dumunong,  Kay Yahweh matakot yaong taong iyon;  Sa palasunurin ay tapat ang hatol,  At pupurihin pa sa buong panahon!
 112:1 ( Ang Kapalaran ng Taong Matuwid ) Purihin si Yahweh!  Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,  Siyang sumusunod nang buong alindog.
 112:2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,  Pati mga angkan ay pinagpapala.
 112:3 Magiging sagana sa kanyang tahanan  Katarungan niya'y walang katapusan.
 112:4 Ang taong matuwid, may bait at habag,  Kahit sa madilim taglay ay liwanag.
 112:5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,  Kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
 112:6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,  Di malilimutan kahit isang saglit.
 112:7 Anumang balita'y hindi siya takot,  Matatag ang puso't may tiwala sa Diyos.
 112:8 Wala siyang takot hindi nangangamba,  Alam na babagsak ang kaaway niya.
 112:9 Mabait na lubha, lalo sa mahirap,  Ang pagiging mat'wid ay di nagwawakas,  Buong karangalan siyang itataas.
 112:10 Kung makita ito ng mga masama,  Lumalayas silang mabagsik ang mukha;  Pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
 113:1 ( Awit ng Pagpupuri kay Yahweh ) Purihin si Yahweh!  Dapat na magpuri ang mga alipin,  Ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
 113:2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,  Magmula ngayo't magpakailanman,
 113:3 Buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,  Ang ngalan ni Yahweh, pupurihing tunay.
 113:4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,  Lampas pa sa langit ang pagkadakila.
 113:5 Walang makatulad ang Panginoong Diyos,  Na sa kalangitan doon naluluklok;
 113:6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,  Ang lupa at langit kanyang minamasdan.
 113:7 Mula sa alabok ang mga mahirap,  Sa pagkalugami ay itinataas.
 113:8 Sa mga prinsipe ay isinasama,  Nagiging prinsipe ang mga lingkod n'ya.
 113:9 Ang babaing baog pinagpapala n'ya  Pinapag-aanak para lumigaya.  Purihin si Yahweh!
 114:1 ( Awit sa Pag-aalaala sa Exodo ) Ang bayang Israel  Sa bansang Egipto'y doon inilabas,  Nang ang lahing ito  Sa bansang dayuhan ay pawang lumikas;
 114:2 Magmula na noon  Ang lupaing Juda'y naging dakong banal,  At yaong Israel  Ginawa ng Diyos na sariling bayan.
 114:3 Ang Dagat ng Tambo,  Nang ito'y makita, ay tumakas na rin,  Magkabilang panig  Ng Ilog ng Jordan, noon ay humimpil.
 114:4 Maging mga bundok,  Katulad ng tupa, ay pawang nanginig,  Pati mga burol,  Nanginig na parang tupang maliliit.
 114:5 Ano ang nangyari,  At ikaw, O dagat, wala nang daluyan?  Ikaw naman, Jordan,  Bakit ang tubig mo'y hindi na dumaloy?
 114:6 Kayong mga bundok,  Nanginginig kayong tupa ang kapara,  At ang mga burol,  Natakot na parang maliit na tupa?
 114:7 Ikaw, O daigdig,  Ngayon ay manginig sa harap ng Diyos,  Dapat kang matakot  Sapagkat darating ang Diyos ni Jacob.
 114:8 Siyang sa dalisdis  Ay nagpapabukal ng saganang tubig,  At magmula roon  Ang tubig na ito ay nagiging batis.
 115:1 ( Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos ) Tanging sa 'yo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,  Hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;  Dahilan sa ikaw'y tapat at wagas ang pagmamahal.
 115:2 "Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:  'Nasaan ba ang inyong Diyos?' ang palaging winiwika. "
 115:3 Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,  At ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
 115:4 Ginawa sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,  Sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
 115:5 Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,  At hindi rin makakita, mga matang sadyang-sadya;
 115:6 At hindi rin makarinig ang kanilang mga tainga,  Ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
 115:7 Totoo nga na mayroong kamay ngunit walang pakiramdam,  Mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang.  Ni wala kang naririnig kahit gamunting tinig man.
 115:8 Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,  Sana ay makatulad din ng gayong diyos na ginawa.
 115:9 Ikaw, bayan ng Israel, magtiwala sa Panginoon,  Siya ang iyong sanggalang, laging handa na tumulong.
 115:10 Kayong mga saserdote sa Diyos ay magtiwala,  Kayo'y kanyang iingata't ilalayo sa masama.
 115:11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,  Pagkat siya ang tutulong at sa inyo'y mag-aadya.
 115:12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,  Pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;  Pati mga saserdote'y may pagpapalang kakamtin.
 115:13 Sa lahat ng mayro'ng takot, Diyos din ang magpapala,  Kung magpala'y pantay-pantay, maliit man o dakila.
 115:14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,  Anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
 115:15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,  Pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.
 115:16 Panginoon ang may-ari ng buong sangkalangitan,  Samantalang ang daigdig ay sa tao ibinigay.
 115:17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,  Niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
 115:18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,  Siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.  Purihin si Yahweh!
 116:1 ( Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan ) Mahal ko ang Panginoon, pagkat ako'y dinirinig,  Dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
 116:2 Ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,  Kung ako ay tumatawag, sinasagot niya agad.
 116:3 Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,  Nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;  Lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
 116:4 Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,  At ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.
 116:5 Mabuti ang Panginoon, siya'y mahabaging Diyos,  Tunay siyang mahabagin at mapagpahinuhod.
 116:6 Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo,  Noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
 116:7 Manalig ka, O puso ko, sa Diyos ka magtiwala,  Pagkat siya ay mabuti't di marunong magpabaya.
 116:8 Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,  Tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
 116:9 Sa harap ng Panginoon doon ako mananahan,  Doon ako mananahan sa daigdig nitong buhay.
 116:10 "Laging buhay ang pag-asa, patuloy ang pananalig,  Bagamat ang aking sabi'y, 'Ako'y ganap nang nalupig.' "
 116:11 "Bagaman at ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,  'Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.' "
 116:12 Sa Diyos ko't Panginoon, anong aking ihahandog,  Sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
 116:13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,  Bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
 116:14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,  Ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
 116:15 Masakit sa kalooban ni Yahweh kung may papanaw,  Kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.
 116:16 Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod,  Katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;  Yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
 116:17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,  Ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
 116:18 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,  Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay  Ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.  Purihin si Yahweh!
 116:19 (*papuloy)
 117:1 ( Pagpuri kay Yahweh ) Purihin si Yahweh!  Dapat na purihin ng lahat ng bansa,  Siya ay purihin  Ng lahat ng tao sa balat ng lupa.
 117:2 Pagkat ang pag-ibig  Na ukol sa ati'y dakila at wagas,  At ang katapatan niya'y walang wakas.  Purihin si Yahweh!
 118:1 ( Dalangin ng Pagpapasalamat sa Pagtatagumpay ) O pasalamatan  Ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;  Ang kanyang pag-ibig  Ay napakatatag at mananatili.
 118:2 "Ang taga-Israel,  Bayaang sabihi't kanilang ihayag,  'Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.' "
 118:3 "Mga saserdote  Ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:  'Ang pag-ibig ng Diyos, walang katapusan.' "
 118:4 "Lahat ng may takot  Sa Panginoong Diyos, dapat magpahayag,  'Ang pag-ibig niya'y hindi magwawakas.' "
 118:5 Nang ako'y magipit,  Ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;  Sinagot n'ya ako't kanyang iniligtas.
 118:6 Kung itong si Yahweh  Ang aking kasama at laging kapiling,  Walang pagkatakot sa aking darating.
 118:7 Si Yahweh ang siyang  Sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,  Malulupig silang aking mamamasdan.
 118:8 Mabuting di hamak,  Na doon kay Yahweh magtiwala ako,  Kaysa panaligan yaong mga tao.
 118:9 Higit ngang mabuting  Ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,  Kaysa pamunuan ang ating asahan.
 118:10 Sa aking paligid  Laging gumagala ang mga kaaway,  Winasak ko sila  At lakas ni Yahweh ang naging patnubay,
 118:11 Kahit saang dako  Ako naroroon ay nakapaligid,  Winasak ko sila  Sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
 118:12 Ang katulad nila  Ay mga bubuyog na sumasalakay;  Dagliang nasunog, sa apoy nadarang;  Winasak ko sila  Sapagkat si Yahweh ang aking patnubay.
 118:13 Sinalakay ako't  Halos magtagumpay ang mga kaaway,  Dahilan kay Yahweh, sila'y napipilan.
 118:14 Dahilan kay Yahweh  Ako'y pinalakas, at ako'y tumatag;  Siya, sa buhay ko, ang Tagapagligtas.
 118:15 "Dinggin ang masayang  Sigawan sa tolda ng mga hinirang:  'Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay! "
 118:16 "Ang lakas ni Yahweh  Ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,  Sa pakikibaka sa ating kaaway.' "
 118:17 Aking sinasabing  Di ako papanaw, mabubuhay ako  Upang isalaysay  Ang gawa ni Yahweh na Panginoon ko.
 118:18 Pinagdusa ako  At pinarusahan nang labis at labis,  Ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.
 118:19 Ang mga pintuan  Ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,  Ako ay papasok,  At itong si Yahweh ay papupurihan.
 118:20 Ito yaong pintong  Pasukan ni Yahweh, ang Panginoong Diyos;  Tanging ang matuwid  Ang pababayaang doo'y makapasok!
 118:21 Aking pinupuri  Ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,  Dininig mo ako't pinapagtagumpay.
 118:22 Ang batong natakwil  Ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,  Sa lahat ng bato'y higit na mahusay.
 118:23 Ang lahat ng ito  Ang nagpamalas ay ang Diyos na si Yahweh,  Kung iyong mamasdan ay kawili-wili!
 118:24 O kahanga-hanga  Ang araw na itong ang Diyos ang nagbigay,  Tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
 118:25 Kami ay iligtas,  Tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas,  At pagtagumpayin sa layuni't hangad.
 118:26 Ang pumaparito  Sa ngalan ni Yahweh ay pagpapalain;  Magmula sa templo,  Mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
 118:27 Si Yahweh ang Diyos,  Pagkabuti niya sa mga hinirang.  Tayo ay magtaglay  Ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang  At tayo'y lumapit sa dambanang banal.
 118:28 Ikaw ay aking Diyos,  Kaya naman ako'y nagpapasalamat;  Ang pagkadakila mo ay ihahayag.
 118:29 O pasalamatan  Ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;  Ang kanyang pag-ibig  Ay napakatatag at mananatili.
 119:1 ( Ang Kautusan ni Yahweh ) Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,  Ayon sa utos ni Yahweh ang gawain araw-araw.
 119:2 Mapalad ang sumusunod sa kaniyang kautusan,  Buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.
 119:3 Ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,  Sa daan ng Panginoon, doon sila lumalakad.
 119:4 Ibinigay mo sa amin iyang iyong mga utos,  Upang aming talimahin at sundin nang buong lugod.
 119:5 Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,  Susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
 119:6 Kung ang buong kautusan ay maingat kong susundin,  Karangalan ng sarili, kung gayon ang aking gawin.
 119:7 Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,  Buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
 119:8 Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,  Huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin. ( Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh )
 119:9 "Paano ba iingatang maging wagas yaong buhay,  Yaong buhay ng binata sa kaniyang kabataan?  Ang tugon ay: 'Sumunod s'ya sa banal mong kautusan.' "
 119:10 Buong puso ang hangad ko na ikaw ay paglingkuran,  Sa pagsunod sa utos mo, huwag mo akong babayaan.
 119:11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,  Upang hindi magkasala laban sa 'yo kailanman.
 119:12 Pupurihin kita, Yahweh, ikaw'y aking pupurihin,  Ang lahat ng tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
 119:13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,  Palagi kong uusalin, malakas kong isisigaw.
 119:14 Nagagalak na susundin yaong iyong kautusan,  Higit pa sa pagkagalak na dulot ng kayamanan.
 119:15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,  Upang aking maunawa, magbubulay-bulay ako.
 119:16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,  Iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot. ( Kagalakan sa Kautusan ni Yahweh )
 119:17 Itong iyong abang lingkod, O Diyos, sana'y pagpalain,  Upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
 119:18 Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,  Yaong buting idudulot sa akin ng iyong aral.
 119:19 Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang,  Kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan.
 119:20 Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad,  Ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras.
 119:21 Ikaw'y galit sa sinumang palalo at naghahambog,  At ang laban sa utos mo ay sumpa ang inaabot.
 119:22 Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap,  Yamang ang 'yong kautusan ay siya kong tinutupad.
 119:23 Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan,  Itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral.
 119:24 Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,  Siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin. ( Pasiyang Sundin ang Kautusan ni Yahweh )
 119:25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,  Sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
 119:26 Pinatawad mo ang aking mga gawang kamalian,  Ituro mo sa lingkod mo ang tuntunin mo at aral.
 119:27 Ang lingkod mo ay turuang masunod ang kautusan,  Sa utos mong mapang-akit, ako nama'y mag-aaral.
 119:28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot,  Sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
 119:29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong babayaan,  Pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
 119:30 Ang pasiya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,  Sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
 119:31 Yaong mga tuntunin mo'y sinunod ko, Panginoon,  H'wag mo akong bibiguin sa hangad ko't nilalayon.
 119:32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,  Dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin. ( Dalangin Upang Makaunawa )
 119:33 Ituro mo, Panginoon, layunin ng kautusan,  At iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
 119:34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,  Buong pusong iingata't susundin nang buong lugod.
 119:35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,  Sa utos mo'y naroroon ang ligayang inaasam.
 119:36 Bayaan mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,  Higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
 119:37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay,  At ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
 119:38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,  Ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
 119:39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,  Sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
 119:40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,  Pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain. ( Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh )
 119:41 Ang dakilang pag-ibig mo sa akin ay ipahayag,  At ayon sa pangako mo, Yahweh, ako ay iligtas;
 119:42 Upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,  Yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
 119:43 Tulungan mong ihayag ko yaong tunay na balita,  Yamang sa 'yong kahatulan lubos akong may tiwala.
 119:44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,  Susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
 119:45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,  Yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
 119:46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,  Hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
 119:47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,  Di masayod ang galak ko, pagkat aking iniibig.
 119:48 Mahal ko ang iyong utos, yao'y aking igagalang,  Sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay. ( Pananalig sa Kautusan ni Yahweh )
 119:49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,  Pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin;
 119:50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,  Pagkat buhay ang natamo ng pangako mo sa akin.
 119:51 Labis akong hinahamak niyong mga taong hambog,  Ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
 119:52 Gumuguhit sa gunita ang payo mo noong araw,  Ikaw, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
 119:53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwi kong mamamalas,  Yaong mga masasamang lumalabag sa 'yong batas.
 119:54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,  Ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
 119:55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,  Akin namang sinisikap na utos mo'y laging sundin.
 119:56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,  Kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan. ( Pagbubulay-bulay sa Kautusan ni Yahweh )
 119:57 Ikaw lamang, Panginoon, ang lahat sa aking buhay,  Kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
 119:58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,  Sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
 119:59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,  Ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
 119:60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,  Sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
 119:61 Silang mga masasama kahit ako ay gapusin,  Ang bigay mong mga utos ay di ko rin lilimutin.
 119:62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,  Sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
 119:63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,  Mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
 119:64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,  Ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan. ( Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh )
 119:65 Tinupad mo, Panginoon, ang pangakong binitiwan,  Kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
 119:66 Ako'y bigyan mo ng dunong, ng tunay na karunungan,  Yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
 119:67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,  Nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
 119:68 Kay buti mo, Panginoon! Kay ganda ng iyong loob,  Sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
 119:69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,  Ngunit buong puso ko ring sinusunod ang 'yong aral.
 119:70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,  Sa pagsunod sa utos mo'y lubos akong natutuwa.
 119:71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,  Pagkat aking naunawang mahalaga ang 'yong utos.
 119:72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,  Ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. ( Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh )
 119:73 Nilikha mo ako, O Diyos, ako'y iyong iningatan,  Bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
 119:74 Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita,  Matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa.
 119:75 Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas,  Kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat.
 119:76 Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,  Katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
 119:77 Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,  Ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan.
 119:78 Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain,  Sa aral mo ako nama'y magninilay na taimtim.
 119:79 Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot,  Maging yaong mga tao na alam ang iyong utos.
 119:80 Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan,  Upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay. ( Dalangin Upang Iligtas )
 119:81 Panginoon, kay tagal kong naghintay ng pagliligtas,  Lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
 119:82 "Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin,  Ang tanong ko ngayo'y ito: 'Kailan mo aaliwin?' "
 119:83 Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad,  Gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas.
 119:84 Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay,  Sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway?
 119:85 Silang mga mahahambog, mga taong masuwayin,  Nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin.
 119:86 Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang,  Sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan!
 119:87 Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay,  Ngunit ang 'yong mga utos ay hindi ko nalimutan.
 119:88 Dahilan sa pag-ibig mo, O Diyos, ako ay lingapin,  At ang iyong mga utos ay masikap kong susundin. ( Pananalig sa Kautusan ni Yahweh )
 119:89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,  Matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
 119:90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago,  Ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
 119:91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,  Alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
 119:92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,  Pumanaw na sana ako, sa parusang inilapat.
 119:93 Ang utos mo'y susundin ko, di ko ito tatalikdan,  Pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
 119:94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,  Ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
 119:95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,  Ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
 119:96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,  Ngunit ang 'yong mga utos walang hanggan yaong saklaw. ( Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh )
 119:97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,  Araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
 119:98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,  Kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
 119:99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,  Pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
 119:100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,  Pagkat ang 'yong mga utos ay hindi ko sinisira.
 119:101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,  Ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
 119:102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,  Pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
 119:103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,  Matamis pa kaysa pulot yaong lasang tinataglay.
 119:104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,  Kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay. ( Liwanag Mula sa Kautusan ni Yahweh )
 119:105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,  Liwanag na tumatanglaw sa landas kong daraanan.
 119:106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,  Tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
 119:107 Labis-labis, Panginoon, ang hirap kong tinataglay,  Sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
 119:108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,  Yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
 119:109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay,  Pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
 119:110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,  Ngunit ang 'yong kautusan ay hindi ko sinisira.
 119:111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,  Sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
 119:112 Ang pasiya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,  Susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay. ( Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh )
 119:113 Ako'y muhi sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,  Ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
 119:114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,  Ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
 119:115 Kaya kayong masasama, hayo kayo't ako'y iwan,  Pagkat ang utos ni Yahweh ay hindi ko tatalikdan.
 119:116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,  Ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
 119:117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,  Ang pansin ko'y ipapako sa bigay mong mga utos.
 119:118 Ang kalaban ng utos mo ay lubos mong itatakwil,  Ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
 119:119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,  Kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
 119:120 Dahil sa 'yo, ang damdam ko'y para akong natatakot,  Sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos. ( Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh )
 119:121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,  Sa kamay ng kaaway ko, h'wag mo akong pabayaan.
 119:122 Mangako ka, Panginoong tutulong sa iyong lingkod,  At di ako babayaang guluhin ng mga hambog.
 119:123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal nang paghihintay,  Sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
 119:124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,  Ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
 119:125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong abang lingkod,  Upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
 119:126 Panahon na, Panginoon, upang ikaw ay kumilos,  Nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
 119:127 Mahigit pa kaysa ginto, pag-ibig ko sa 'yong aral,  Mahigit pa kaysa gintong binuli at dinalisay.
 119:128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,  Pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot. ( Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh )
 119:129 Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo,  Iya'y aking iingata't susundin nang buong puso,
 119:130 Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,  Nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
 119:131 Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,  Na matamo yaong aking minimithing kautusan.
 119:132 Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingunin,  At sa mga taong tapat, iparis mo ang pagtingin.
 119:133 Sang-ayon sa pangako mo, h'wag mo akong babayaang  Mahulog sa gawang lisya at ugaling mahahalay.
 119:134 Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,  Iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
 119:135 Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,  At ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
 119:136 Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,  Dahilan sa mga taong ang utos mo'y sinisira. ( Ang Katarungan ng Kautusan )
 119:137 Matuwid ka, Panginoon, matapat ka nga at banal,  Matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
 119:138 Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,  Sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
 119:139 Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,  Pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
 119:140 Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,  Kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
 119:141 Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,  Gayon pa man, ang utos mo'y hindi ko rin lilimutin.
 119:142 Yaong iyong katapatan ay hindi na maglilikat,  At ang iyong mga utos ay tapat at walang kupas.
 119:143 Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,  Ngunit ang 'yong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
 119:144 Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,  Bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay. ( Dalangin Upang Iligtas )
 119:145 Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod,  Ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
 119:146 Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,  Iligtas mo ako ngayo't ang utos mo ang susundin.
 119:147 Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,  Sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
 119:148 Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,  At ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
 119:149 Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,  Iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
 119:150 Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,  Mga taong walang galang sa utos mong isinulit.
 119:151 Ngunit ikaw, Panginoon, ay malapit sa piling ko,  Ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
 119:152 Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,  Ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos. ( Panawagan Upang Maligtas )
 119:153 Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,  Yamang aking sinusunod ang banal mong kautusan.
 119:154 Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay palayain,  Yamang iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.
 119:155 Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,  Dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.
 119:156 Ang habag mo, Panginoon, ay wala nang makapantay,  Kaya ako ay iligtas, ayon sa 'yong kapasiyahan.
 119:157 Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,  Ngunit ang 'yong kautusan ay patuloy kong susundin.
 119:158 Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,  Yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.
 119:159 Mahal ko ang 'yong aral, ito'y batid mo, Panginoon,  Sang-ayon sa pag-ibig mo'y iligtas mo ako ngayon.
 119:160 Ang buod ng kautusa'y salig sa katotohanan,  Ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan. ( Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh )
 119:161 Mga taong namumuno na dahop sa katarungan,  Usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
 119:162 Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,  Katulad ko'y yaong taong nakatuklas niyong yaman.
 119:163 Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,  Ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
 119:164 Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat  Sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
 119:165 Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,  Matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
 119:166 Hinihintay ko ikaw, O Diyos, upang ako ay iligtas,  Ang anumang iutos mo ay siya kong tinutupad.
 119:167 Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,  Buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
 119:168 Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,  Ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan. ( Dalangin Upang Tulungan )
 119:169 Panginoon, tanggapin mo ang daing ko na tulungan,  At ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.
 119:170 Bayaan ang dalangin ko ay dumating sa 'yo, O Diyos,  Sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod.
 119:171 Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,  Pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin.
 119:172 Dahilan sa kautusan, ako ngayon ay aawit,  Sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid.
 119:173 Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan,  Sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay.
 119:174 Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas,  Nadama ko sa utos mo ay ang ligaya at galak.
 119:175 Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay,  Matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.
 119:176 Para akong isang tupa na nawala at nawalay,  Hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan,  Yamang ako ay sumunod sa lahat mong kautusan.
 120:1 ( Dalangin Upang Tulungan ) Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,  Dininig n'ya ako sa aking dalangin.
 120:2 Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,  Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.
 120:3 Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,  Ano kayang inyong parusang kakamtin?
 120:4 Tutudlain kayo ng panang matalim,  At idadarang pa sa may bagang uling.
 120:5 Yaong buhay ninyo'y ang nakakatulad,  Ang buhay sa Mesec o kaya'y sa Kedar!
 120:6 Matagal-tagal ding ako'y nakapisan  Ng hindi mahilig sa kapayapaan.
 120:7 Kung kapayapaan ang binabanggit ko,  Pakikipagbaka ang laman ng ulo.
 121:1 ( Si Yahweh ang Tagapagsanggalang ) Sa gawi ng bundok, tumitingin ako,  Saan manggagaling ang aking saklolo?
 121:2 Ang hangad kong tulong, sa Diyos magmumula,  Sa Diyos na lumikha ng langit at lupa.
 121:3 Huwag sana akong bayaang mabuwal,  Handang lagi siya sa pagsasanggalang.
 121:4 Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,  Hindi natutulog at palaging gising!
 121:5 Ang Diyos na si Yahweh, siyang magbabantay,  Laging nasa piling, upang magsanggalang.
 121:6 Di ka magdaramdam sa init ng araw,  Kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.
 121:7 Sa mga panganib, ikaw'y ililigtas  Nitong Panginoon, siyang mag-iingat.
 121:8 Saanman naroon, ikaw'y iingatan,  Di ka maaano kahit na kailan.
 122:1 ( Pagpupuri sa Jerusalem ) "Ako ay nagalak, sa sabing ganito:  'Sa bahay ni Yahweh ay pumasok tayo!' "
 122:2 Sama-sama kami matapos sapitin,  Ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.
 122:3 Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,  Maganda ang ayos nang muling matayo.
 122:4 Dito umaahon ang lahat ng angkan,  Lipi ni Israel upang manambahan,  Ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,  Pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
 122:5 Doon din naroon ang mga hukuman  At trono ng haring hahatol sa tanan.
 122:6 "Ang kapayapaan nitong Jerusalem,  Sikaping kay Yahweh yao'y idalangin:  'Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain. "
 122:7 "Pumayapa nawa ang banal na bayan,  At ang palasyo mo ay maging tiwasay.' "
 122:8 "Dahilan sa aking kasama't katoto,  Sa 'yo Jerusalem, ang sabi ko'y ito:  'Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.' "
 122:9 Dahilan sa templo ni Yahweh, ating Diyos,  Ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.
 123:1 ( Dalangin Upang Kahabagan ) Ang aking pangmasid doon nakapukol,  Sa luklukang trono mo, O Panginoon.
 123:2 Tulad ko'y aliping ang inaasahan  Ay ang amo niya para matulungan.  Kaya walang humpay ang aming tiwala,  Hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa.
 123:3 Mahabag ka sana, kami'y kaawaan,  Labis na ang hirap naming tinataglay.
 123:4 Kami'y hinahamak ng mga mayaman,  Matagal na kaming laging inuuyam  Ng mapang-aliping palalo't mayabang.
 124:1 ( Ang Diyos ang Tagapagligtas ng Kanyang Bayan ) Ano kaya't di pumanig sa atin ang Panginoon;  O Israel, ano kaya ang sagot sa gayong tanong?
 124:2 '"Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,  Noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit, "
 124:3 Maaaring kami noon ay nilulon na nang buhay  Sa silakbo ng damdamin at matinding kagalitan.
 124:4 Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,  Naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
 124:5 Sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.
 124:6 Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,  Pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
 124:7 Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;  Lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
 124:8 Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,  Pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.
 125:1 ( Kaligtasan ng mga Lingkod ng Diyos ) Parang Bundok Sion,  Ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala,  Kahit na kaila'y  Hindi makikilos di rin mauuga.
 125:2 Itong Jerusalem  Ay naliligiran ng maraming bundok,  Gayon nagtatanggol  Sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos.
 125:3 Yaong masasama  Ay di tutulutang laging mamahala,  Pagkat maaaring  Ang mga hinirang, mahawa sa sama.
 125:4 Ang mga mabait  Na tapat sumunod sa 'yong kautusan,  Sana'y pagpalain  Mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay.
 125:5 Ngunit ang masama,  Sa kanilang hilig iyong parusahan,  Parusahan sila,  Dahil sa di wasto nilang pamumuhay.  Tanggapin Israel, ang kapayapaan!
 126:1 ( Dalangin Upang Iligtas ) Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,  Ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
 126:2 "Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!  Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,  'Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong dikit!' "
 126:3 Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,  Kaya naman kami ngayon, kagalaka'y di kawasa!
 126:4 Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,  Sa sariling bayan namin, kami, Yahweh, ay ibalik.
 126:5 Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,  Bayaan mo na mag-aning masasaya't natutuwa.
 126:6 Yaong mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,  Ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
 127:1 ( Pagpuri sa Kabutihan ng Diyos ) Malibang ang Panginoon ang gumawa nitong bahay,  Ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan;  Ang lunsod na hindi ang Diyos ang s'yang magsasanggalang,  Walang saysay ang naroong nakatayong mga bantay.
 127:2 Di na dapat magpahirap, magdibdib sa hanapbuhay,  Agang-agang mag-umpisa't gabing-gabi kung humimlay,  Pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal.
 127:3 Kaloob ng Panginoon itong ating mga bata,  Ang ganitong mga supling ay tunay na pagpapala.
 127:4 Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan,  Ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal.
 127:5 Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan,  Hindi siya malulupig, at malayong mapipilan,  Kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman.
 128:1 ( Ang Bunga ng Pagsunod sa Panginoon ) Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,  Ang maalab na adhika'y sumunod sa kanyang utos.
 128:2 Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,  Ang buhay ay maligaya't uunlad ang kanyang buhay.
 128:3 Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,  Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n'ya.
 128:4 Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,  Buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
 128:5 Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,  At makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
 128:6 Ang magiging iyong apo, nawa ikaw ay abutin,  Nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!
 129:1 ( Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel ) Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway,  Sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan!
 129:2 '"Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan,  Mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay. "
 129:3 Sinugatan nila ako, ang likod ko'y sinugatan,  Mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal.
 129:4 "Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid,  Pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.' "
 129:5 Nawa yaong mga bansang laging namumuhi sa Sion,  Sa labanan ay malupig, magahis at mapaurong!
 129:6 Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong,  Natutuyong lahat ito, hindi pa man pinuputol,
 129:7 Di na ito binibigkis at hindi na tinitipon.
 129:8 "Kahit isang dumaraa'y di man lamang na banggitin,  'Nawa itong Panginoon, ang buhay mo'y pagpalain,  Sa ngalan ng Panginoon, pagpapala ay tanggapin!'"
 130:1 ( Dalangin Upang Tulungan ) Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko'y Panginoon.
 130:2 Kaya, Yahweh, ako'y dinggin pagka ako'y tumataghoy,  Dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
 130:3 Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,  Lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
 130:4 Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,  Pinatawad mo nga kami upang sa 'yo ay matakot.
 130:5 Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon,  Pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
 130:6 Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa  Sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga.
 130:7 Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos,  Matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,  Lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos.
 130:8 Ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang,  Ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
 131:1 ( Ang Mapagpakumbabang Dalangin ) O Panginoon ko, ang pagmamataas,  Tinalikdan ko na at iniwang ganap;  Ang mga gawain na magpapatanyag  Iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
 131:2 Mapayapa ako at nasisiyahan,  Tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
 131:3 Kaya mula ngayon, ikaw, O Israel,  Sa 'yong Panginoon, magtiwalang tambing!
 132:1 ( Pagpuri Dahil sa Santwaryo ) Huwag kalilimutang  Gunitain, Yahweh, ang lingkod mong David;  Huwag mong lilimutin  Ang kanyang ginawang pagpapakasakit.
 132:2 Alalahanin mo  Ang kanyang pangakong ginawa sa iyo,  O Dakilang Diyos  Ng bansang Israel, wika n'ya'y ganito:
 132:3 '"Di ako uuwi,  Nanananto ako na hindi hihimlay,  Hangga't si Yahweh  Ay wala pang lugar na matitirahan,  Isang templong laan  Sa Diyos ni Jacob na Makapangyarihan.' "
 132:4 (*papuloy)
 132:5 (*papuloy)
 132:6 Aming nabalita  Na nasa Betlehem ang Kaban ng Tipan,  Sa bukid ng Jaar namin nasumpungan.
 132:7 "Ang aming sinabi,  'Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin  Sa harap ng trono siya ay sambahin!' "
 132:8 Sa iyong tahanan,  Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban,  Ang kabang sagisag ng kapangyarihan.
 132:9 Ang mga saserdote  Bayaang maghayag ng 'yong pagliligtas,  Ang mga hinirang sumigaw sa galak!
 132:10 Sa lingkod mong David,  May pangako ikaw, Panginoon namin,  Ang piniling hari, ay huwag mong itakwil.
 132:11 "Ang iyong pangako,  Sa lingkod mong David, huwag mong babawiin,  Ganito ang iyong pangakong habilin:  'Isa sa anak mo  Ang gagawing hari upang mamahala,  Matapos na ikaw'y pumanaw sa lupa. "
 132:12 "Kung magiging tapat  Ang mga anak mo sa bigay kong tipan,  At ang mga utos ko ay igagalang,  Ang mga anak mo'y  Pawang maghaharing walang katapusan.' "
 132:13 Pinili ni Yahweh,  Na maging tahanan ang Lunsod ng Sion,
 132:14 "Ito ang wika niya:  'Doon ako titira panghabang-panahon,  Ang paghahari ko'y magmumula roon. "
 132:15 Ang lahat ng bagay  Na hingin ng Sion, aking ibibigay,  Hindi magugutom ang dahop sa buhay.
 132:16 Mga saserdote  Papaghayaging ako'y nagliligtas,  Aawit ang madla't sisigaw sa galak.
 132:17 Sa lipi ni David,  Ako ay kukuha ng haring dakila,  Upang maingatan  Ang pagpapatuloy ng pamamahala.
 132:18 "Yaong kaharian niya  Ay uunlad at mananagana,  Ang kaaway niya'y mangapapahiya.'"
 133:1 ( Papuri sa Pagsasamahang Magkakapatid ) Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,  Ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
 133:2 Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,  Sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,  Umaagos ito't nababasa pati ang suot na damit.
 133:3 Katulad din nila'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,  Hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Sion;  Sa lugar na ito, nangako si Yahweh, itong Panginoon,  Ang pangakong buhay na mananatili sa habang panahon.
 134:1 ( Anyaya Upang Purihin ang Diyos ) Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,  Kayong naglilingkod sa templo, kung gabi.
 134:2 Sa loob ng templo siya'y papurihan  Kayo'y dumalangin na taas ang kamay.
 134:3 Nawa'y pagpalain kayo ng Lumikha,  Ng Diyos na lumikha ng langit at lupa;  Magmula sa Sion, tanggapin ang pala.
 135:1 ( Awit ng Pagpupuri ) Purihin si Yahweh!  Ngalan niya ay purihin noong kanyang mga lingkod,
 135:2 Ng lahat ng lingkod niyang sa templo ay pumapasok,  Upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
 135:3 Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,  Ang taglay n'yang kabaitan ay marapat sa papuri.
 135:4 Siya rin nga ang humirang kay Jacob na kanyang lingkod,  Ang Israel nama'y bansang hinirang n'ya at kinupkop.
 135:5 Aking batid na si Yahweh ay ang Diyos na dakila,  Higit siya sa alinmang diyus-diyusang naglipana;
 135:6 Ang anumang hangad niya sa langit man o sa lupa,  At kahit sa karagatan, kung anumang kanyang nasa,  Ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
 135:7 Nilikha n'ya yaong ulap na laganap sa daigdig,  Maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;  Sa kanya rin nagmumula yaong hanging umiihip.
 135:8 Pinuksa n'ya sa Egipto yaong anak na panganay,  Maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
 135:9 Nagpamalas siya roon ng gawang kahanga-hanga,  Upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
 135:10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,  At maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
 135:11 Yaong haring Amorreo na si Sehon ang pangalan,  At ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Basan,  At iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
 135:12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,  Ibinigay sa Israel, ang bayang kanyang hirang.
 135:13 Ikaw, Yahweh, kikilanling Panginoon na siyang Diyos,  Ang lahat ng nilikha mo ay hindi ka malilimot.
 135:14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,  Ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
 135:15 Ang Diyos ng mga bansa'y ginawa sa pilak-ginto,  Mga kamay nitong tao ang humugis at bumuo.
 135:16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,  Mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
 135:17 Mayroon din silang tainga, ngunit hindi makarinig,  Hindi sila humihinga, salatin man yaong bibig.
 135:18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,  Matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!
 135:19 Si Yahweh ay papurihan, purihin s'ya ng Israel,  Maging kayong saserdote sa Diyos ay magpuri din.
 135:20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,  Lahat kayong natatakot ay magpuring sama-sama.
 135:21 Ang Diyos na nasa Sion ay sambahin at purihin,  Si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.  Purihin si Yahweh!
 136:1 ( Awit ng Pagpapasalamat ) O pasalamatan ang Diyos na si Yahweh pagkat s'ya'y mabuti,  Ang kanyang pag-ibig ay pangwalang-hanggan at mananatili.
 136:2 Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan,  Ang pag-ibig niya ay mananatili at pangwalang-hanggan.
 136:3 Makapangyarihang higit kaninuman itong Panginoon,  Ang kanyang pag-ibig ay mamamalaging panghabang-panahon.
 136:4 Dakilang himala at kababalaghan, tanging siya lamang  Ang makagagawa, pagkat ang pag-ibig niya'y walang hanggan.
 136:5 Sa kanyang talino ay kanyang ginawa yaong mga langit,  Pagkat walang hanggan at hindi kukupas ang kanyang pag-ibig.
 136:6 Nilikha ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman,  Ang pag-ibig niya ay mananatili at pangwalang-hanggan.
 136:7 Siya ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan,  Ang pag-ibig niya ay di kumukupas at pangwalang-hanggan.
 136:8 Nilikha ang araw upang s'yang tumanglaw sa buong maghapon,  Ang kanyang pag-ibig ay mananatiling panghabang-panahon.
 136:9 Ang buwa't bituin ay kanyang nilikhang pananglaw kung gabi,  Ang kanyang pag-ibig ay pangwalang-hanggan at mananatili.
 136:10 Ang mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay,  Ang kanyang pag-ibig ay di kumukupas at pangwalang-hanggan.
 136:11 Ang nasa Egiptong mga Israelita, siya ang naglabas,  Ang kanyang pag-ibig ay mananatili at hindi kukupas.
 136:12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan,  Ginawa n'ya ito pagkat ang pag-ibig niya'y walang hanggan.
 136:13 Ang Dagat ng Tambo ay kanyang hinati, at natuyong tunay,  Ang kanyang pag-ibig ay hindi  kukupas at pangwalang-hanggan.
 136:14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan,  Ang pag-ibig niya ay hindi kukupas at pangwalang-hanggan.
 136:15 Ang hari't Faraon at ang hukbo nito ay kanyang nilunod,  Ang pag-ibig niya ay pangwalang-hanggan, hindi matatapos.
 136:16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang,  Ang kanyang pag-ibig ay mananatili at pangwalang-hanggan.
 136:17 Pinagpapatay n'ya yaong mga haring may kapangyarihan,  Ang pag-ibig niya ay mananatili at pangwalang-hanggan.
 136:18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay,  Ang kanyang pag-ibig ay hindi kukupas at pangwalang-hanggan.
 136:19 Siya ang pumatay sa haring Amorreo, ang haring si Sehon,  Ang kanyang pag-ibig ay mananatili sa habang panahon.
 136:20 S'ya rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Basan,  Ang kanyang pag-ibig ay hindi kukupas at pangwalang-hanggan.
 136:21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang,  Ang pag-ibig ng Diyos ay mananatili at pangwalang-hanggan.
 136:22 Ipinamahagi niya sa Israel, kanyang mga lingkod,  Hindi kumukupas at mananatili ang pag-ibig ng Diyos.
 136:23 Nang tayo'y malupig ng mga kaaway, di niya nilimot,  Ang kanyang pag-ibig ay mananatili at di matatapos.
 136:24 Nang tayo'y masakop ng mga kaaway, pinalaya tayo,  Ang kanyang pag-ibig ay mananatili, hindi magbabago.
 136:25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay,  Ang kanyang pag-ibig ay hindi kukupas at pangwalang-hanggan.
 136:26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan,  Ang pag-ibig niya'y hindi magbabago at pangwalang-hanggan!
 137:1 ( Panaghoy ng mga Israelita nang Matapon Sila ) Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,  Kami roo'y nakaupong tumatangis, sa tuwinang  Ang iniwan naming Sion ay aming maalaala.
 137:2 Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,  Isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
 137:3 Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,  Na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,  Tungkol sa Sion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.
 137:4 Pa'no namin aawitin, ang awit ng Panginoon,  Samantalang bihag kaming nangingibang-bayan noon?
 137:5 Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin,  Kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem;
 137:6 Di na ako aawit pa, kung ang lundong sasapitin  Sa isip ko't alaala, ikaw'y ganap na limutin,  Kung ang kaligayahan mo ay hindi ko hahangarin.
 137:7 "Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita,  Nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha;  Sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya:  'Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!' "
 137:8 Tandaan mo, Babilonia, ikaw'y tiyak wawasakin,  Dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;  Yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
 137:9 Kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!
 138:1 ( Dalangin ng Pagpapasalamat ) Ako, Yahweh, buong pusong aawit ng pasalamat,  Sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
 138:2 Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,  Pupurihin kita roon, pupurihin ang 'yong ngalan;  Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,  Ikaw'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
 138:3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,  Sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
 138:4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,  Pupurihin ka ng lahat at ikaw'y ipagbubunyi;
 138:5 Ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,  At ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
 138:6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,  Hindi niya nililimot ang aba at mahihirap;  Kumubli ma'y kita niya yaong hambog at pasikat.
 138:7 Kahit ako'y nababatbat ng maraming suliranin,  Ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.  Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,  Ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
 138:8 Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,  Ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,  At ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
 139:1 ( Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos ) Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,  Ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
 139:2 Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,  Kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
 139:3 Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,  Ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
 139:4 Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y  Alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
 139:5 Ikaw'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,  Ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
 139:6 Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,  Di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
 139:7 Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?  Sa Banal mong Espiritu'y hindi ako makaiwas.
 139:8 Kung langit ang puntahan ko, pihong ikaw'y naroroon,  Sa Sheol ay naroon ka kung do'n ako manganganlong;
 139:9 Kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,  O kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
 139:10 Pihong ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,  Matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
 139:11 Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,  Padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
 139:12 Maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,  At sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,  Madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
 139:13 Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,  Sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
 139:14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,  Ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;  Sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
 139:15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,  Sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;  Lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
 139:16 Ako'y iyong nakita na, hindi pa man sumisilang,  Batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;  Pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,  Matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
 139:17 Tunay, Yahweh, di ko kayang mataho ang iyong isip,  Ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
 139:18 Kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,  Sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
 139:19 Ang hangad ko, Panginoo'y patayin mo ang masama,  At ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
 139:20 Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo,  At kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
 139:21 Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa 'yo,  Ang lahat ng nag-aalsa laban sa 'yo'y di ko gusto.
 139:22 Lubos akong namumuhi, lubos din ang pagkasuklam,  Sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.
 139:23 O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip,  Subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
 139:24 Kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid,  Sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
 140:1 ( Dalangin Upang Ingatan ) Sa mga masama ako ay iligtas,  Iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;  1
 140:2 Yaong hangad nila at binabalangkas,  Lagi nang mag-away, magbaka ang lahat.
 140:3 Mabagsik ang dila na tulad ng ahas,  Tulad ng ulupong, taglay na kamandag.
 140:4 Sa mga masama ako ay iligtas  Iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,  Na ang nilalayon ako ay ibagsak.
 140:5 Yaong mga hambog, ang gusto sa akin,  Ako ay masilo, sa bitag hulihin,  Sa bitag na umang sa aking landasin.
 140:6 "Sabi ko kay Yahweh, 'Ikaw ang aking Diyos.'  Kaya ako'y dinggin sa aking pagluhog. "
 140:7 Panginoong Diyos, na Tagapagligtas,  Nang ako'y bakahin, ikaw ang nag-ingat;
 140:8 Yaong masasama, sa kanilang hangad  Ay iyong hadlangan, biguin mo agad.
 140:9 Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,  Pagdusahin sila sa banta sa akin,
 140:10 Lagpakan mo sila ng apoy na baga,  Itapon sa hukay nang di makaalsa.
 140:11 At ang mga taong nang-uupasala,  Huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;  Ang marahas nama'y bayaang mapuksa.
 140:12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan  Ang mga mahirap, upang isanggalang,  At ipagtatanggol yaong karapatan.
 140:13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,  Ikaw'y pupurihi't sa 'yo mananahan!
 141:1 ( Panggabing Panalangin ) Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin  Sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
 141:2 Ang aking dalangin sana'y tanggapin mo,  Masarap na samyong handog na insenso;  Ariing panggabing handog ko sa iyo.
 141:3 O Panginoon ko, bibig ko'y bantayan,  Ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
 141:4 H'wag mong babayaang ako ay matukso,  Sa gawang masama ay magumon ako;  Ako ay ilayo, iiwas sa lilo,  Sa handaan nila'y nang di makasalo.
 141:5 Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao  Pwedeng magparusa't pagwikaan ako,  Ngunit ang masama ay hindi ko ibig  Na ang aking ulo'y busan n'ya ng langis;  Pagkat ang dalangin at lagi kong hibik,  Ay laban sa gawa niyang malulupit.
 141:6 Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,  Maniniwala na ang mga nilalang  Na ang salita mo ay katotohanan.
 141:7 Tulad ng panggatong na pira-piraso,  Sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.
 141:8 Di ako hihinto, n'yaring pananalig,  Ang pag-iingat mo'y aking ninanais,  H'wag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
 141:9 Sa mga patibong ng taong balakyot,  Ingatan mo ako, ilayo mong lubos;
 141:10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,  Samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.
 142:1 ( Dalangin Upang Tulungan ) Ako ay humingi ng tulong sa Diyos,  Ako ay dumaing, sa kanya'y lumuhog;
 142:2 Ang aking dinala'y lahat kong hinaing,  At ang sinabi ko'y pawang suliranin.
 142:3 Nang ako ay halos wala nang pag-asa,  Ang dapat kong gawi'y nalalaman niya.  Sa landas na aking pinagdaraanan,  May handang patibong ang aking kaaway.
 142:4 Sa aking paligid, nang ako'y lumingon,  Wala ni isa man akong makatulong;  Wala kahit isa na magsasanggalang,  Ni magmalasakit na kahit sinuman.
 142:5 Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing,  Sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin;  Pagkat siya lamang ang lunas sa akin.
 142:6 Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan,  Pagkat halos ako'y di makagulapay;  Iligtas mo ako sa mga kaaway,  Na mas malalakas ang mga katawan.
 142:7 Sa suliranin ko, ako ay hanguin  At ang pangalan mo'y aking pupurihin,  Sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin  Sa kabutihan mong ginawa sa akin!
 143:1 ( Dalangin Upang Tulungan ) Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,  Tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin.
 143:2 Itong iyong lingkod, h'wag mo nang subukin,  Batid mo nang lahat, kami ay salarin.
 143:3 Ako ay inusig ng aking kaaway,  At ako ay lubos niyang napipilan;  Sa dilim na dako, ako ay nakulong,  Tulad ko'y patay nang mahabang panahon.
 143:4 Ako ay handa nang magtaas ng kamay,  Sapagkat wala nang pag-asa ang buhay.
 143:5 Araw na lumipas, aking nagunita,  At naalaala ang iyong ginawa,  Sa aking isipa'y gumuhit na bigla!
 143:6 Ako'y dumalangin na taas ang kamay,  Parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw.
 143:7 Nawala nang lahat ang aking pag-asa,  Kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na!  Kung ikaw'y magkubli, baka ang hantungan  Ako ay tanghaling malamig na bangkay,  At ang tunguhin ko'y madilim na hukay.
 143:8 Ako ay umasa, sa 'yo nagtiwala,  Na kung umumaga'y ipagugunita  Yaong pag-ibig mo na lubhang dakila.  Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik,  Patnubayan ako sa daang matuwid.
 143:9 Ako ay umasang 'yong isasanggalang,  Kaya iligtas mo ako sa kaaway.
 143:10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan  Na aking masunod ang 'yong kalooban;  Ang Espiritu mo'y maging aking tanglaw  Sa aking paglakad sa ligtas na daan.
 143:11 Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas,  Pagkat dakila ka, iligtas mo agad;  Iligtas mo ako sa mga bagabag.
 143:12 Dahilan sa iyong pagtingin sa akin,  Ang mga kaaway ko'y iyong lipulin;  Ang nagpapahirap sa aki'y wasakin,  Yamang ang lingkod mo ay iyong alipin.
 144:1 ( Pasasalamat sa Diyos sa Pagtatagumpay ng Hari ) Purihin si Yahweh, na aking sanggalang,  Sa pakikibaka, ako ay sinanay;  Inihanda ako, upang makilaban.
 144:2 Matibay kong muog at Tagapagligtas,  At aking tahanang hindi matitinag;  Tagapagligtas kong pinagtitiwalaan,  Nilulupig niya ang sakop kong bayan.
 144:3 Ano ba ang tao, Panginoon namin?  Siya'y tao lamang na 'yong pinapansin.
 144:4 Katulad ay ulap na tangay ng hangin,  Napaparam siya na tulad ng lilim.
 144:5 Langit mong tahanan ay iyong hubugin,  Yahweh, lisanin mo't bumaba sa amin;  Mga kabundukan ay iyong hipuin,  Lalabas ang usok, aming mapapansin.
 144:6 Ang maraming kidlat ay iyong suguin,  Lahat kong kaaway iyong pakalatin;  Sa pagtakas nila ay iyong tudlain!
 144:7 Hawakan mo ako at iyong itaas,  Sa kalalimang tubig ako ay iligtas;  Ipagsanggalang mo't nang di mapahamak  Sa mga dayuhang may taglay na lakas,
 144:8 Ubod sinungaling na walang katulad,  Kahit ang pangako ay sumpaang lahat.
 144:9 O Diyos, may awitin akong bagung-bago,  Alpa'y tutugtugin at aawit ako.
 144:10 Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,  At iniligtas mo si David mong lingkod.
 144:11 Sa mga malupit na aking kaaway,  Iligtas mo ako; sa kapangyarihan  Ng mga banyaga ay ipagsanggalang;  Sila'y sinungaling, di maaasahan,  Kahit may pangako at mga sumpaan.
 144:12 Ang mga lalaki nating kabataan,  Lumaking matatag tulad ng halaman.  Ang kadalagaha'y magandang adorno,  Kahit saang sulok ng isang palasyo.
 144:13 At nawa'y mapuno, mga bangan natin  Ng lahat ng uri ng mga pagkain;  At ang mga tupa'y magpalaanakin,  Sampu-sampung libo, ito'y paramihin.
 144:14 Sana'y dumami rin yaong kawan natin,  At huwag maaagas ang kanilang supling;  Sa ating lansangan, sana'y mawala na  Ang mga panaghoy ng lungkot at dusa!
 144:15 Mapalad ang bansang ito'y nangyayari  Mapalad ang bayang ang Diyos ay si Yahweh!
 145:1 ( Awit ng Pagpupuri ) Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,  Di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
 145:2 Aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,  Di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
 145:3 Dakila si Yahweh, at karapat-dapat na siya'y purihin;  Ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.
 145:4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,  Ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
 145:5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,  At isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
 145:6 Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;  Sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
 145:7 Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,  Aawitin nila ang kabutihan mo't iyong kabaitan.
 145:8 O itong si Yahweh ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,  Banayad magalit, ang pag-ibig niya'y hindi kumukupas.
 145:9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;  Sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.
 145:10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;  Lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
 145:11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang 'yong kaharian,  At ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
 145:12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,  Mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
 145:13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.  Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,  Ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
 145:14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;  Yaong inaapi'y inaalis niya sa pagkagupiling.
 145:15 Lahat ng mga buhay ay tanging si Yahweh ang inaasahan,  Siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
 145:16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;  Anupat ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
 145:17 Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;  Kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
 145:18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao  Sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
 145:19 Yaong kailangan niyong mga taong may takot sa kanya,  Kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
 145:20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;  Ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.
 145:21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, di ko tutugutan  Sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
 146:1 ( Pagpuri sa Diyos na Tagapagligtas ) Purihin si Yahweh!  O kaluluwa ko, ang Diyos papurihan!
 146:2 Pupurihin siya't aking aawitan;  Aking aawitan habang ako'y buhay.
 146:3 Sa mga pangulo'y h'wag kang manghahawak,  Kahit na kaninong di makapagligtas;
 146:4 Kung sila'y mamatay, balik sa alabok,  Anumang balangkas nila'y natatapos.
 146:5 Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos  Na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;  Sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos.
 146:6 Sa Diyos na lumikha niyong kalangitan,  Ng lupa at dagat, at lahat ng bagay  Ang kanyang pangako ay maaasahan.
 146:7 Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,  May pagkaing handa, sa nangagugutom.  Pinalaya niya ang mga nabihag;
 146:8 Isinasauli, paningin ng bulag;  Lahat ng inapi ay itinataas,  Ang mga hinirang niya'y nililingap.
 146:9 Isinasanggalang ang mga dayuhang  Sa lupain nila'y doon tumatahan;  Tumutulong siya sa balo't ulila,  Masamang balangkas pinipigil niya.
 146:10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!  Ang Diyos mo, Sion, ay mananatili!  Purihin si Yahweh!
 147:1 ( Pagpuri sa Diyos na Makapangyarihan ) Purihin si Yahweh!  O kay buti ng umawit at magpuri sa ating Diyos,  Ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
 147:2 Ang Lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,  Sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
 147:3 Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,  Ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
 147:4 Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga tala,  Isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda;
 147:5 Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,  Ang taglay n'yang karunungan, ay walang makasusukat.
 147:6 Yaong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,  Ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
 147:7 Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,  Purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
 147:8 Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,  Masaganang ulan naman ang sa lupa'y bumabagsak;  At ang damo'y binubuhay sa bundok at mga gubat.
 147:9 Pagkain ng mga hayop ay siya ang nagbibigay,  May pagkain siyang dulot sa inakay na nasigaw.
 147:10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,  Kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
 147:11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,  Sa kanilang may tiwala sa matatag n'yang pag-ibig.
 147:12 Purihin mo, Jerusalem, purihin ang Panginoon,  Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Sion.
 147:13 Yaong mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,  Ang lahat ng iyong lingkod ay siya ang nagbabasbas.
 147:14 Ginagawang matahimik yaong mga hangganan mo,  Bibigyan kang kasiyahan sa kaloob niyang trigo.
 147:15 Kung siya ay nag-uutos, agad itong natutupad,  Dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
 147:16 Singkapal ng damit-tupa yaong yelong pumapatak,  Para itong alikabok na sa lupa'y lumalagpak.
 147:17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,  Lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
 147:18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,  Umiihip yaong hangi't ang tubig ay umaagos.
 147:19 Kay Jacob n'ya ibinigay ang balita at pabilin,  Ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
 147:20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,  Pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.  Purihin si Yahweh!
 148:1 ( Panawagan sa Lahat Upang Purihin ang Diyos ) Purihin si Yahweh!  Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,  Kayo sa itaas siya'y papurihan.
 148:2 Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,  Kasama ang hukbo roong karamihan!
 148:3 Ang araw at buwan, siya ay purihin,  Purihin din siya ng mga bituin,
 148:4 Mataas na langit, siya ay purihin,  Tubig sa itaas, gayon din ang gawin!
 148:5 Siya ang may utos na sila'y likhain,  Kaya ang ngalan n'ya ay dapat purihin.
 148:6 Kanya-kanyang dako yaong pinaglagyan,  At mananatili doon kailanman,  Sila ay susunod sa tungkuling bigay.
 148:7 Purihin din ang Diyos, buong kalupaan,  Maging dambuhala nitong karagatan.
 148:8 Ulang mayro'ng yelo, ang kidlat at ulap,  Malakas na hangin, susunod na lahat.
 148:9 Mga kabundukan, mataas na burol,  Malawak na gubat, mabubungang kahoy
 148:10 Hayop na maamo't mailap na naro'n,  Maging gumagapang na hayop at ibon,  Lahat ay magpuri't kay Yahweh iukol.
 148:11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,  Hari at prinsipe, lahat ng pangulo,
 148:12 Babae't lalaki, mga kabataan,  Matatandang tao't kaliit-liitan.
 148:13 Lahat ay magpuri sa ngalan ni Yahweh,  Ang kanyang pangala'y pinakamaigi;  Sa langit at lupa'y walang kasimbuti.
 148:14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,  Kaya pinupuri ng piniling madla,  Ang bayang Israel, mahal niyang lubha!  Purihin si Yahweh!
 149:1 ( Awit ng Pagpupuri ) Purihin si Yahweh!  O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,  Purihin sa pagtitipon ng tapat sa pananalig.
 149:2 Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;  Dahilan sa iyong hari, ikaw Sion ay matuwa.
 149:3 Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;  Alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.
 149:4 Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,  Sa nangagpapakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
 149:5 Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,  Sa kanilang pagpipista ay magsaya't mag-awitan.
 149:6 Sa pagpuri sa Panginoon, ay bayaang magsigawan  Na taglay ang matatalim na sundang sa mga kamay,
 149:7 Upang yaong mga bansang nagmalabis ay gantihan,  At bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
 149:8 Sa ganito, ang kanilang mga hari'y papangawan,  At ang mga pangunahin ay kadenang yaring bakal.
 149:9 Sang-ayon sa utos ng Diyos, mga bansa'y magdurusa;  Ang tatanggap ng tagumpay, ay ang mga hirang niya.  Purihin si Yahweh!
 150:1 ( Purihin si Yahweh ) Purihin si Yahweh!  Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,  Purihin sa langit ang lakas na taglay;
 150:2 Siya ay purihin sa kanyang ginawa,  Siya ay purihin, sapagkat dakila.
 150:3 Purihin sa tugtog ng mga trompeta,  Awitan sa saliw ng alpa at lira!
 150:4 Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,  Mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
 150:5 Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,  Sa lakas ng tugtog siya'y papurihan;
 150:6 Purihin si Yahweh ng mga nilalang!  Purihin si Yahweh!

다음검색
현재 게시글 추가 기능 열기
  • 북마크
  • 공유하기
  • 신고하기

댓글

댓글 리스트
맨위로

카페 검색

카페 검색어 입력폼