CAFE

신학연구원

[스크랩] 51. Mga Taga-Colosas (골로새서)

작성자박석련|작성시간13.02.24|조회수408 목록 댓글 0

51. Mga Taga-Colosas

 

 1:1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa kapatid nating si Timoteo---
 1:2 Sa mga taga-Colosas na hinirang ng Diyos at mga tapat na kapatid kay Cristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama. ( Panalangin ng Pasasalamat )
 1:3 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, tuwing ipananalangin namin kayo.
 1:4 Sapagkat nabalitaan namin ang tungkol sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng hinirang ng Diyos,
 1:5 dahil sa pag-asang kakamtan ninyo ang mga inihanda para sa inyo roon sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa inaasahan ninyong ito nang ang salita ng katotohanan, ang Mabuting Balita,
 1:6 ay ipangaral sa inyo. Ito'y lumalaganap sa buong sanlibutan at nagdadala ng pagpapala, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig ninyo at maunawaan ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.
 1:7 Natutuhan ninyo ito kay Epafras, tapat na lingkod ni Cristo, mahal na kamanggagawa namin at kinatawan sa inyo.
 1:8 Sa kanya namin nalaman ang tungkol sa pag-ibig na ipinagkaloob sa inyo ng Espiritu.
 1:9 Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na nawa'y puspusin niya kayo ng kaalamang kaloob ng Espiritu upang lubusan ninyong maunawaan ang kanyang kalooban.
 1:10 Sa gayon, makapamumuhay kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa mabuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos.
 1:11 Idinadalangin din naming kayo'y patatagin niya sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan upang masaya ninyong mapagtiisan ang lahat ng bagay.
 1:12 At magpasalamat kayo sa Ama, sapagkat minarapat niyang ibilang kayo sa mga hinirang na magmamana ng kaharian ng kaliwanagan.
 1:13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak.
 1:14 Sa pamamagitan ng Anak, tayo'y pinalaya at pinatawad sa ating mga kasalanan. ( Ang Kalikasan at Gawain ni Cristo )
 1:15 Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita, at siyang may kapangyarihan{ a} sa lahat ng nilikha.
 1:16 Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya.
 1:17 Siya'y una sa lahat, at sa kanya nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay.
 1:18 Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang Una, ang panganay na Anak---ang unang nabuhay na muli upang siya ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay.
 1:19 Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak,
 1:20 at inibig niyang ang sandaigdigan ay makipagkasundo sa kanya sa pamamagitan ng Anak. Sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.
 1:21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong kasamaan.
 1:22 Ngunit dahil sa kamatayan ni Cristo, ginawa niya kayong mga kaibigan upang makaharap sa kanya nang walang kapintasan, banal, at walang batik.
 1:23 Subalit kailangan kayong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag bayaang mawala ang pag-asang dulot ng Mabuting Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging tagapangaral ng Mabuting Balitang ito na ipinapahayag sa lahat ng tao. ( Si Pablo'y Naglingkod sa Iglesya )
 1:24 Nagagalak ako sa aking pagbabata ngayon alang-alang sa inyo sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan.
 1:25 Ako'y naging lingkod nito nang hirangin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita. Hinirang niya ako upang lubusang ihayag sa inyo
 1:26 ang hiwaga na mahabang panahong nalihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag sa kanyang mga anak.{ b}
 1:27 Inibig ng Diyos na ihayag sa lahat ng tao ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito. Ito ang hiwaga: sumainyo si Cristo at dahil dito'y nagkaroon kayo ng pag-asang makapiling ng Diyos doon sa kaluwalhatian.
 1:28 Iyan ang dahilan kung bakit namin ipinangangaral si Cristo. Pinaaalalahanan namin ang lahat, at buong linaw na tinuturuan ayon sa aming makakaya upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa, sakdal at walang kapintasan dahil sa pakikipag-isa kay Cristo.
 1:29 Dahil dito, ako'y nagpupunyagi sa pamamagitan ng kapangyarihang kaloob sa akin ni Cristo.
 2:1 Ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang pagsisikap ko para sa inyo, gayon din sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang mukhaan.
 2:2 Ginagawa ko ito upang lumakas ang kanilang loob, at mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, magkakaroon sila ng ganap na pagkaunawang bunga ng tunay na pagkakilala kay Cristo na siyang hiwaga ng Diyos.
 2:3 Sa kanya natatago ang masaganang karunungan at kaalaman ng Diyos.
 2:4 Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng nakararahuyong pangungusap, gaano man kaganda.
 2:5 Bagamat wala ako riyan, hindi naman kayo nawawaglit sa aking alaala. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananampalataya kay Cristo. ( Ganap na Pamumuhay kay Cristo )
 2:6 Yamang tinanggap ninyong Panginoon si Cristo Jesus, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya.
 2:7 Manatili kayo sa kanya at isalig sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at laging magpasalamat sa Diyos.
 2:8 Mag-ingat kayo upang hindi mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at magdarayang aral at hindi nasasalig kay Cristo kundi sa sabi-sabi ng matatanda at sa mga tuntunin ng sanlibutan.
 2:9 Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo nang siya'y maging tao
 2:10 at dahil sa inyong pakikipag-isa sa kanya, naging ganap ang inyong buhay. Sakop niya ang lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan.
 2:11 Dahil sa pakikipag-isa kay Cristo, kayo'y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo.
 2:12 Nang kayo'y bautismuhan, nalibing kayong kasama ni Cristo at muling nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya.
 2:13 Kayong mga Hentil na dating patay dahil sa kasalanan ay muling binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya tayo sa ating mga kasalanan at
 2:14 pinawalang-bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin, pati mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya{ a} sa krus.
 2:15 Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay.
 2:16 Kaya't huwag na kayong pasasakop sa anumang tuntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga.
 2:17 Ang mga ito'y anino lamang ng mga bagay na darating at si Cristo ang kaganapan nito.
 2:18 Huwag kayong patatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba sa kanilang pagsamba sa mga anghel. Ipinamamarali nilang sila'y nakahihigit sa inyo dahil sa kanilang mga pangitain ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila.
 2:19 Hindi sila napasasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan na nagkakaugpung-ugpong sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad nito ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos. ( Ang Bagong Buhay kay Cristo )
 2:20 Namatay na kayong kasama ni Cristo at wala na sa kapangyarihan ng mga espiritung naghahari sa sanlibutan. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng,
 2:21 '"Huwag hahawak nito,' 'Huwag titikim niyan,' 'Huwag hihipo niyon'?"
 2:22 Ang mga ito'y utos at aral lamang ng tao tungkol sa mga bagay na nauubos.
 2:23 Sa biglang tingin, tila nga nakabubuti ang ganitong pagsamba sa mga anghel, ang maling ginagawa nilang pagpapakumbaba at pananakit sa katawan. Ngunit ito'y hindi nakapipigil sa pagmamalabis ng laman.
 3:1 Binuhay kayong muli, kasama ni Cristo, kaya't ang pagsumakitan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo na nakaupo sa kanan ng Diyos.
 3:2 Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa,
 3:3 sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo'y natatago sa Diyos, kasama ni Cristo.
 3:4 Si Cristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya'y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan. ( Ang Dati at Bagong Buhay )
 3:5 Kaya't dapat nang mawala{ a} sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan.
 3:6 Dahil sa mga bagay na ito, ang Diyos ay napopoot [sa mga taong lumalabag sa kanyang kalooban].
 3:7 Noong una, nang pinaghaharian pa kayo ng masasamang pita, namuhay rin kayong kasama-sama ng mga taong gumagawa niyon.
 3:8 Ngunit ngayon, itakwil ninyo ang lahat ng ito: galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panunungayaw, at malaswang pananalita.
 3:9 Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ng mga gawa nito
 3:10 at nagbihis na ng bagong pagkatao. Patuloy itong nababago ayon sa larawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang maging ganap ang inyong kaalaman tungkol sa kanya.
 3:11 Kaya't wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Kay Cristo, walang pagkakaiba ang lahat at siya'y sumasalahat.
 3:12 Kayo'y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya't dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin.
 3:13 Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa't isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya't magpatawad din kayo.
 3:14 At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa.
 3:15 At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi.
 3:16 Ang mga salita ni Cristo ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos.
 3:17 At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama. ( Pagsasamahang Nararapat sa Bagong Buhay na Ito )
 3:18 Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.
 3:19 Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, at huwag silang pagmamalupitan.
 3:20 Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon.
 3:21 Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.
 3:22 Mga alipin, sundin ninyo sa lahat ng bagay ang inyong panginoon sa lupa. May nakakikita man o wala, gumawa kayo, hindi para kalugdan ng mga tao kundi dahil sa kayo'y tapat at may takot sa Panginoon.
 3:23 Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang magaan sa kalooban na waring hindi sa tao kayo naglilingkod kundi sa Panginoon.
 3:24 Alam naman ninyong gagantimpalaan kayo ng Panginoon; tatanggapin ninyo ang inilaan niya sa kanyang mga anak. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo.
 3:25 Ang makasalanan naman ay sisingilin niya sa kanilang kasalanan sapagkat ang Diyos ay walang itinatangi.
 4:1 Mga panginoon, maging mabuti kayo at makatarungan sa inyong mga alipin. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit. ( Mga Tagubilin )
 4:2 Huwag kayong magsasawa sa pananalangin. Gawin ninyo itong mataimtim at may pasasalamat.
 4:3 Idalangin din ninyo na sa tulong ng Diyos ay maipangaral namin ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo---ang sanhi ng pagkakabilanggo ko ngayon.
 4:4 Ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.
 4:5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi sumasampalataya. Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon.
 4:6 Sikaping mawili sila sa pakikipag-usap sa inyo at pag-aralang mabuti kung paano tutugunin ang bawat isa. ( Pangwakas na Pagbati )
 4:7 Si Tiquico na minamahal naming kapatid at tulad ko ring lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa akin.
 4:8 Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayo'y lumakas ang inyong loob.
 4:9 Kasama niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dini.
 4:10 Kinukumusta kayo ni Aristarco na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. (Mayroon na akong tagubilin sa inyo tungkol kay Marcos: malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan.)
 4:11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na pinalayawang Justo. Silang tatlo lamang ang Cristianong Judio rini na nakakatulong kong mabuti sa pangangaral tungkol sa paghahari ng Diyos.
 4:12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, maging ganap, at lubos na masunurin sa kalooban ng Diyos.
 4:13 Saksi ako sa pagsusumakit niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis.
 4:14 Ipinakukumusta rin kayo ni Demas at ng minamahal nating manggagamot na si Lucas.
 4:15 Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, kay Ninfas at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay.
 4:16 Pagkabasa ninyo sa sulat na ito, ipabasa rin ninyo sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat na manggagaling doon.
 4:17 At ipakisabi ninyo kay Arquipo na ipagpatuloy ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
 4:18 Akong si Pablo ang siyang sumusulat ng pagbating ito. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala! Nawa'y sumainyo ang pagpapala ng Diyos.

다음검색
현재 게시글 추가 기능 열기

댓글

댓글 리스트
맨위로

카페 검색

카페 검색어 입력폼