CAFE

Tagalog 성경

20. Mga Kawikaan (잠언)

작성자드림|작성시간12.01.11|조회수5,750 목록 댓글 0

20. Mga Kawikaan

 

 1:1 ( Ang Kahalagahan ng mga Kawikaan ) Ang mga kawikaan ni Haring Solomon na anak ni David

at naging hari ng Israel.
 1:2 Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pag-unawa sa mga salitang

puno ng aral sa buhay.
 1:3 Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan.
 1:4 Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan at ang mga kabataa'y matuturuang

magpasiya nang tumpak.
 1:5 Sa pamamagitan nito, ang matalino'y lalong tatalino at magiging dalubhasa ang kakaunti

ang kaalaman.
 1:6 Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang bugtong ng mga

pantas. ( Payo sa mga Kabataang Lalaki )
 1:7 Ang pagkatakot kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,  Ngunit walang halaga sa mga

mangmang ang aral at mga saway.
 1:8 Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama  At huwag ipagwalang bahala ang turo ng iyong

ina,
 1:9 Pagkat ang mga yao'y putong mong ubod ganda,  Kuwintas ng karangalan, sakdal dikit at

walang kapara.
 1:10 Aking anak, sakali mang akitin ka ng masama,  Huwag kang paaakay, sila'y iyong

tanggihan nga.
 1:11 "Kung sabihin nilang, 'Halika't tayo ay mag-abang,  Bilang katuwaa'y daluhungin ang

mga walang malay. "
 1:12 Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin,  At sila ay matutulad sa patay na

ililibing.
 1:13 Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan,  Bahay nati'y mapupuno ng malaking

kayamanan.
 1:14 "Halika at sa amin ikaw nga ay sumama,  Lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.'

"
 1:15 Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama,  Umiba ka ng landas mo, papalayo sa

kanila.
 1:16 Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan,  Sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa

pagpatay.
 1:17 Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari,  Kung nakikita ng ibon na ibig mong

mahuli.
 1:18 Ngunit hindi nalalaman ng gayong mga tao,  Bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo.
 1:19 Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan,  Sa ganyan nga magwawakas ang masamang

pamumuhay. ( Tawag ng Karunungan )
 1:20 '"Karununga'y umaalingawngaw sa mataong lansangan,  Tinig niya'y nangingibabaw sa

lugar ng pamilihan. "
 1:21 Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog,  Ang ugong n'ya'y naririnig sa pintuan nitong

lunsod:
 1:22 '"Taong mangmang, walang hustong kaalaman,  Hanggang kailan ka tatagal sa aba mong

kalagayan?  Hanggang kailan pa mananatili sa iyong kamangmangan?  Kailan mo pa iisiping

maghanap ng kaalaman? "
 1:23 Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking saway,  Sasainyo ang diwa ko at ang

aking kaalaman.
 1:24 Patuloy nga itong aking sa inyo ay panawagan,  Ngunit hindi ninyo pansin pati aking

mga kaway.
 1:25 Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo,  Ayaw ninyong bigyang pansin, pagunita ko sa

inyo.
 1:26 Dahil dito, kayo'y aking tatawanan,  Kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan.
 1:27 Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay,  Dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang

larawan,  At kung datnan kayo ng hapis at dalamhati'y pag-itingan,
 1:28 Sa araw na yaon ay di ko pakikinggan ang inyong panawagan.  Hahanapin ninyo ako ngunit

hindi masusumpungan.
 1:29 Pagkat itong karunungan ay di ninyo minamahal,  Kay Yahweh ay di natakot nang may

lakip na paggalang.
 1:30 Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo,  Itinapong parang dumi itong paalaala

ko.
 1:31 Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa,  At kayo ay uusigin ng nasa n'yong

ubod sama.
 1:32 Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang,  Sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng

kaalaman.
 1:33 "Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay,  Mabubuhay nang payapa, malayo sa

katakutan.'"
 2:1 ( Ang Gantimpala ng Karunungan ) Aking anak, ang mga salita ko ay dinggin mo,  At ang

aking mga utos, ingatan nga at sundin mo.
 2:2 Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong kaalaman.  At ito ay isipin nang iyong maunawaan.
 2:3 Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman,  Pang-unawa'y pilitin mo na makita't

masumpungan.
 2:4 Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin,  At tulad ng ginto na iyong dudulangin,
 2:5 Kay Yahweh ay magkakaroon ka ng banal na takot,  At matatamo ang unawa tungkol sa ating

Diyos.
 2:6 Siya ang nagkakaloob ng karunungan,  Sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal.
 2:7 Bibigyan niya ng unawa ang matuwid na pamumuhay,  At ang taong matapat ay kanyang

iingatan.
 2:8 Binabantayan niya ang daan ng katarungan,  At ang lakad ng lingkod niya'y kanyang

sinusubaybayan.
 2:9 Kaya nga, iyong malalaman katuwiran at katarungan,  At iyong tataluntunin ang landas ng

kabanalan.
 2:10 Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan,  Madadama'y kasiyahang dulot nitong

kaalaman.
 2:11 Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat,  Ang unawa'y maglilihis sa liku-likong

landas.
 2:12 Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay,  At doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan;
 2:13 Ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan,  Na ang landas na pinili ay landas ng

kadiliman,
 2:14 Mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan,  Ang kanilang kasiyaha'y magulong

pamumuhay.
 2:15 Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan,  Sila ay hindi tapat, hindi

mapagtitiwalaan.
 2:16 Malalayo ka sa babaing talipandas,  At sa kanyang pang-aakit ay hindi ka mabibitag.
 2:17 Siya ang babaing lumilihis sa magandang asal,  Nagtaksil sa asawa niya, sumira sa

kanyang tipan.
 2:18 Kaya naman ang landas niya'y patungo sa kamatayan,  At ang kanyang buhay ay tungo sa

kawakasan.
 2:19 Sinumang maakit niya ay tuluyang natatangay,  At hindi na makabalik sa maayos na

pamumuhay.
 2:20 Kaya nga, tahakin mo ang landas na matuwid,  Huwag itong hiwalayan hanggang hininga ay

mapatid.
 2:21 Pagkat ang mabuting tao'y magtatagal sa daigdig,  Ang may buhay na matapat ay hindi

mapapalis.
 2:22 Ngunit ang masama sa lupai'y mawawala,  Bubunutin pati ugat ng lahat ng magdaraya.
 3:1 ( Payo sa mga Kabataang Lalaki ) Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin,  Lahat

ng aking utos sa isipan mo'y itanim
 3:2 Upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay,  At maging masagana sa lahat ng

kailangan.
 3:3 Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikdan,  Ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa

isipan.
 3:4 Sa gayon, sa iyo ay malulugod itong Diyos,  Magiging mabuti ka sa paningin ng

sansinukob.
 3:5 Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan,  At huwag kang mananangan sa sariling

karunungan.
 3:6 Siya ay sangguniin sa lahat mong mga balak,  At kanya kang itutumpak sa lahat ng iyong

lakad.
 3:7 Huwag mong ipangahas ang iyong nalalaman,  Matakot ka sa Diyos, lumayo sa kalikuan.
 3:8 Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag,  Mawawala ang tiisin, gagaling ang iyong

sugat.
 3:9 Si Yahweh ay handugan mo, bahagi ng kayamanan,  Pinakamainam na ani mo, sa kanya ay

ibigay.
 3:10 Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,  Sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.
 3:11 Aking anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin,  Kung ikaw'y itinutuwid, huwag

mababagot mandin
 3:12 Pagkat lahat ng mahal niya'y itinutumpak ng daan,  At ang anak na minamahal, sinasaway

ng magulang.
 3:13 Mapalad ang isang taong nakasumpong ng talino,  At ang taong nagsisikap, unawa ay

nagtatamo.
 3:14 Higit pa sa pilak ang pakinabang dito,  At higit sa gintong lantay ang tubo nito.
 3:15 Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan,  At walang kayamanang dito ay maipapantay.
 3:16 Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman,  May taglay na kayamanan at may bungang

karangalan.
 3:17 Aliwalas ang landasin ng taong may kaalaman,  At puno ng kapayapaan ang lahat niyang

araw.
 3:18 Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan,  Para siyang punongkahoy na mabunga

kailanman.
 3:19 Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig,  Sa pamamagitan ng talino,

inayos niya ang buong langit.
 3:20 Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig,  Pumapatak nga ang ulan mula doon sa

langit.
 3:21 Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala,  Huwag babayaang makaalpas sa

isipan at gunita.
 3:22 Pagkat dulot nito'y buhay,  At putong ng karangalan.
 3:23 At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay,  Landas mo'y mapapatag, walang pigil,

walang hadlang.
 3:24 Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin,  At lahat ng pagtulog mo ay masarap at

mahimbing.
 3:25 Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan,  Hindi ka magugulo na tulad ng mga

mangmang.
 3:26 Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo,  At di niya babayaang madupilas sa

paghakbang.
 3:27 Ang kagandahang-loob ay huwag ikait sa kapwa,  Kung ikaw'y may kakayahan na ito ay

magawa.
 3:28 "Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan,  Huwag nang sasabihing, 'Bumalik ka't

bukas ibibigay.' "
 3:29 Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan  Na sa iyo'y umaasa, nagtitiwalang lubusan.
 3:30 Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan,  Kung hindi ka ginagawan ng anumang

kasamaan.
 3:31 Huwag kang mangingimbulo sa taong marahas  Ni lalakad man sa masama niyang landas.
 3:32 Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga balakyot,  Ngunit nalulugod siya sa taong sa

kanya ay may takot.
 3:33 Ang sumpa ni Yahweh'y di lalayo sa masama,  Ngunit ang mga banal ay kanyang

pinagpapala.
 3:34 Ang mga palalo'y kanyang kinasusuklaman,  Ngunit kinagigiliwan ang may mababang

kalooban.
 3:35 Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan,  Ngunit pulos kahihiyan ang aanihin ng

mangmang.
 4:1 ( Ang Pakinabang ng Karunungan ) Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng inyong ama, 

Sasainyo ang unawa kung laging diringgin siya.
 4:2 Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi,  Kaya't huwag na di mo pansinin, huwag

ilayo sa paglimi.
 4:3 Noong ako ay bata pa, nasa kupkop pa ni ama,  Batambata, walang malay, tanging anak nga

ni ina,
 4:4 "Itinuro niya sa akin at kanyang sinabi:  'Sa aking mga aral buong puso kang manangan, 

Sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay. "
 4:5 Huwag mong lilimutin o kaya'y tatalikdan  Ang salita ko sa iyo, sa bibig ko'y

bumubukal.  Ang unawa ay hanapin, gayon din ang karunungan.
 4:6 Huwag mo itong babayaa't ikaw'y kanyang iingatan,  Huwag mo siyang iiwana't ikaw'y

kanyang babantayan.
 4:7 Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng kaalaman,  Ito'y pilitin mong matamo kahit gaano

kamahal.
 4:8 Kaalama'y pahalagahan at kanya kang itataas,  Bibigyan kang karangalan kapag siya'y

isinakbat.
 4:9 "Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam,  At putong pa ng luwalhati sa buo mong

katauhan.' "
 4:10 Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin,  Lalawig ang iyong buhay, daming taon

ang bibilangin.
 4:11 Ikaw'y pinatnubayan ko sa daan ng kaalaman,  Itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran.
 4:12 Hindi ka madudupilas sa lahat ng iyong hakbang,  Magmabilis man ng lakad ay hindi ka

mabubuwal.
 4:13 Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan,  Ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong

buhay.
 4:14 Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran,  At ang buhay ng masama, huwag mo ngang

tutularan.
 4:15 Kasamaa'y iwasan mo ni huwag lalapitan,  Bagkus nga ay talikdan mo, tuntunin ang

tamang daan.
 4:16 Sila'y hindi makatulog pag di nakagawa ng masama,  At hindi matahimik kapag ang nasa'y

di nagawa.
 4:17 Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan,  Ang kanilang iniinom ay bunga ng

karahasan.
 4:18 Ngunit ang daan ng matuwid, parang silahis ng liwayway,  Tumitindi ang liwanag habang

ito'y nagtatagal.
 4:19 Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman,  Ni hindi niya makita kung saan siya

nabubuwal.
 4:20 Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti,  Pakinig mo ay ikiling sa aking

sinasabi.
 4:21 Huwag itong babayaang mawala sa paningin,  Sa puso mo ay iukit na mabuti at malalim.
 4:22 Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay,  Nagbibigay kalusuga't kalakasan ng katawan.
 4:23 Ang isipan mo'y ingatang mabuti at alagaan,  Pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay

mong tinataglay.
 4:24 Ilayo mo sa 'yong bibig ang salitang mahahalay,  Ilayo ang mga labi sa

kasinungalingan.
 4:25 Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw,  Ituon ang iyong pansin sa iyong

patutunguhan.
 4:26 Siyasatin mong mabuti ang landas na lalakaran,  Sa gayon ang lakad mo ay lalaging

matiwasay.
 4:27 Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan,  Humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan.
 5:1 ( Babala Laban sa Pakikiapid ) Aking anak, salita ko'y pakinggan mong mabuti,  Pakinig

mo ay ikiling sa aking sinasabi.
 5:2 Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasiya,  At ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang

ibabadya.
 5:3 Pagkat labi ng patutot ay sintamis nitong pulot,  At ang kanyang mga halik, kasiyahan

nga ang dulot.
 5:4 Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,  Hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang

lugod.
 5:5 Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,  Ang landas na tinatahak, pabulusok sa

kalaliman.
 5:6 Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay,  Ang daan niya'y liku-liko, hindi mo

rin nalalaman.
 5:7 Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig,  Huwag lilimutin, salita ng aking bibig.
 5:8 Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay,  Ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang

bahay.
 5:9 Baka dangal mo'y sirain at angkinin niyong iba,  Sa kamay ng masasama ay mamatay kang

maaga.
 5:10 Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala,  Mga pinagpaguran mo, makikinabang ay

iba.
 5:11 Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap,  Walang matitira sa iyo kundi buto't balat.
 5:12 "Dito mo nga maiisip:  'Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid,  Puso ko

ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig. "
 5:13 Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig,  Sa turo ng aking puno'y inilayo ang

pakinig.
 5:14 "At ngayon ay narito ang aba kong kalagayan,  Ni hindi na pinapansin, walang kuwenta

sa lipunan.' "
 5:15 Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal,  At ang tangi mong pag-ibig, iukol sa

kanya lamang.
 5:16 Kung ikaw ay may anak sa babaing di asawa,  Walang buting idudulot, manapa nga ay

balisa.
 5:17 Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan  Upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong

buhay.
 5:18 Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay,  Ang ligaya ay lasapin sa mabango

n'yang kandungan.
 5:19 Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit,  Ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng

kanyang dibdib.
 5:20 Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit,  Ni huwag mong papansinin makamandag n'yang

pag-ibig.
 5:21 Ang paningin ng Diyos sa tao'y di iniaalis,  Laging nakasubaybay, bawat oras, bawat

saglit.
 5:22 Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang,  Siya ang magdurusa sa sariling

kasalanan.
 5:23 Siya ay mamamatay pagkat walang pagpipigil,  At dahil sa kamangmangan, hantungan n'ya

ay sa libing.
 6:1 ( Mga Dagdag na Babala ) Aking anak, sa utang ba ng iba ikaw ay nananagot?
 6:2 Ikaw ba ay nangako, sa utang niya ay nasangkot?
 6:3 Kung gayon ay nasasakop ka ng kanyang pagpapasiya,  Ngunit heto ang paraang makaiwas ka

sa kanya:  Ikaw ay magmadali sa kanya ay makiusap,  Sabihin mong pawalan ka sa napasukan

mong bitag.
 6:4 Huwag kang titigil, huwag kang maglulubay,  Ni huwag kang iidlip, hanggang walang

kalayaan.
 6:5 Iligtas ang sarili mo parang usang tumatakas,  At tulad niyong ibong sa kulunga'y

umaalpas.
 6:6 Tingnan mo yaong langgam, ikaw taong ubod tamad,  Pamumuhay niya'y masdan mo at nang

ikaw ay mamulat.
 6:7 Kahit s'ya'y walang punong sa kanila'y nag-uutos,  Walang tagapamahala o tagamasid na

sinusunod
 6:8 Ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw,  Kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan.
 6:9 Hanggang kailan taong tamad mananatili sa higaan,  Kailan ka babalikwas sa iyong

pagkakahimlay?
 6:10 Sandaling tulog, kaunting idlip na lang,  Sandaling paghalukipkip, pag-iinin sa

higaan.
 6:11 At itong kahirapan sa iyo ay daratal,  Katulad ng mandarambong, para bagang

magnanakaw.
 6:12 Taong imbi at masama, walang tigil sa paggala  Upang ikalat sa iba di totoo n'yang

salita.
 6:13 Ang mata ay ikikindat o kaya'y ipipikit,  Ikukumpas pa ang kamay upang ikaw ay maakit.
 6:14 Ngunit sa sarili ay may masamang iniisip,  Ang lagi niyang nais ay manggulo sa

paligid.
 6:15 Dahil dito, kapahamakan niya'y biglang darating,  Sa sugat na tatamuhi'y hindi na nga

siya gagaling.
 6:16 Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay,  Mga bagay na ang kanyang kinasusuklaman:
 6:17 Kapalaluan, kasinungalingan,  At mga pumapatay sa walang kasalanan,
 6:18 Pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan,  Mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan,
 6:19 Saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin,  Pag-awayin ang kapwa, laging gusto

niyang gawin. ( Babala Laban sa Pakikiapid )
 6:20 Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin,  Huwag mong tatalikdan, turo ng inang giliw.
 6:21 Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip.
 6:22 Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay,  Sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay

alalay.
 6:23 Pagkat ang utos ay ilaw, ang turo ay tanglaw,  At daan ng buhay itong mga saway.
 6:24 Ilalayo ka nito sa babaing masama,  Sa mapang-akit n'yang salita, ngunit puno ng daya.
 6:25 Huwag mong nanasain ang ganda niyang taglay,  Ni huwag marahuyo sa tinging mapungay.
 6:26 Babaing masama'y maaangkin sa halaga ng tinapay,  Ngunit bunga'y kasamaan sa buo mong

pamumuhay.
 6:27 Kung ang tao ba'y magkandong ng apoy,  Kasuutan kaya niya'y di masusunog niyon?
 6:28 Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga,  Hindi kaya malalapnos itong kanyang

mga paa?
 6:29 Ganoon din ang taong sisiping sa asawa ng kapwa,  Tiyak siyang magdurusa pagkat ito ay

masama.
 6:30 Ang sinumang magnakaw ay tiyak na nagkasala,  Kahit yaon ay pamawi sa gutom na taglay

niya.
 6:31 Kung siya ay mahuli ang bayad ay pitong doble,  Ang lahat niyang pag-aari ay kulang

pang panghalili.
 6:32 Ang mag-isip mangalunya ay isang taong mangmang,  Sinisira ang sarili, buhay niya at

pangalan.
 6:33 Ang tangi niyang mahihita ay pahirap sa sarili,  Di na niya mababawi ang kanyang

pagkaduhagi.
 6:34 Sapagkat ang panibugho sa tao ay nag-uudyok,  Ang puri nga ay ibangon, kahit buhay ay

malagot.
 6:35 Wala kang itutumbas para kamtin ang patawad,  Kahit gaano pa karami ang sa kanya ay

ibayad.
 7:1 Aking anak, salita ko sana ay ingatan,  Itanim sa isip at huwag kalimutan.
 7:2 Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,  Turo ko'y pahalagahan parang

mahal mong pananaw.
 7:3 Ito'y itali mo sa 'yong mga kamay,  At sikapin mong matanim sa iyong isipan.
 7:4 Kaalama'y ituring na babaing kapatid,  Ang unawa'y kaibigang walang kaparis.
 7:5 Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing masama,  Nang di ka malamuyot ng matamis

niyang salita. ( Ang Babaing Masama )
 7:6 Ako ay nanungaw sa bintanang bukas,  At ako'y sumilip sa pagitan ng rehas,
 7:7 Ang aking nakita'y maraming kabataan,  Ngunit may napansin akong isang walang muwang.
 7:8 Naglalakad siya sa may panulukan,  Ang tinutungo'y sa babaing tahanan.
 7:9 Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa,  Sa lalim ng hatinggabi, kung tulog

itong madla.
 7:10 Ang babae ang sa kanya ay sumalubong sa pintuan,  Mapang-akit, mapanlinlang sa

masagwang kasuutan.
 7:11 Malakas ang kanyang loob, kilos niya ay maharot,  Di matigil sa tahanan, di mapigil sa

paglibot.
 7:12 Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan,  Walang anu-ano'y sa panulukan, doon

siya nag-aabang.
 7:13 Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik,  At ang kanyang sasabihing

punung-puno ng pang-akit:
 7:14 '"Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog,  Katatapos ko lang tupdin ang panata ko

sa Diyos. "
 7:15 Ako ay narito upang ikaw'y salubungin,  Mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin.
 7:16 Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal,  Linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang

kulay.
 7:17 Ito'y aking winisikan ng pabangong mira,  Bukod pa sa aloe at mabangong kanela.
 7:18 Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa,  Ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng

ligaya.
 7:19 Ako ay nag-iisa, asawa ko'y wala rito,  Pagkat siya ay umalis sa malayo pa nagtungo.
 7:20 "Marami ang baon niyang salapi,  Pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.' "
 7:21 Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok,  Sa matamis na salita, damdamin niya'y

nalamuyot.
 7:22 Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok,  Parang bakang kakatayin, sa matador ay

sumunod,  Tila mailap na usa na sa wakas ay napikot,
 7:23 Hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos.  Isang ibong napasok sa lambat ang

kanyang nakakatulad,  Hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas.
 7:24 Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig,  At dinggin mo ang salitang nunulas sa

aking bibig.
 7:25 Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit,  Ng babaing ang tuntunin ay landasing

nakalihis,
 7:26 Sapagkat marami na ang kanyang naipahamak,  At hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang

yapak.
 7:27 Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian,  Bawat isa'y humahangga sa lagim ng

kamatayan.
 8:1 ( Papuri sa Karunungan ) Hindi mo ba naririnig ang tawag ng kaalaman,  At ang tinig ng

unawa'y hindi pa ba napakinggan?
 8:2 Nasa dako s'yang mataas,  Sa tagpuan ng mga landas;
 8:3 Nasa mga pintuan s'ya, sa may harap nitong bayan,  Nakatindig sa pagpasok at ito ang

kanyang sigaw:
 8:4 '"Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,  Para nga sa lahat itong aking panawagan.

"
 8:5 Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,  At kayong mga mangmang, pang-unawa ay

ibukas.
 8:6 Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,  Bumubukal sa labi ko ay salitang

magaganda.
 8:7 Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,  At ako ay nasusuklam sa lahat ng

sinungaling.
 8:8 Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,  Lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
 8:9 Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,  At sa marurunong ito ay pawang tama.
 8:10 Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,  At ang dunong, sa ginto ay huwag sanang

itutumbas.
 8:11 '"Pagkat akong kaalaman ay mahigit pa sa hiyas,  Walang kapantay sa sangmaliwanag. "
 8:12 Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,  Itinuturo ko ang landas na hinaho't

karunungan.
 8:13 Ang takot kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan,  Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan. 

Sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
 8:14 Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan,  Ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
 8:15 Dahil sa akin hari'y nakapamamahala,  Nagagawa ng mga puno ang utos na siyang tama.
 8:16 Talino ng punongbayan ay sa akin nagmumula,  At ako rin ang dahilan, dangal nila't

pagdakila.
 8:17 Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal,  Pag hinanap ako nang masikap, tiyak na

masusumpungan.
 8:18 Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay,  Kayamanang walang maliw, kasaganaan sa

buhay.
 8:19 Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay,  Mataas pa kaysa pilak ang halagang

tinataglay.
 8:20 Ang daan ko ay katuwiran, ang landas ko'y katarungan.
 8:21 Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman,  Aking pinupuno ang kanilang mga

sisidlan.
 8:22 '"Sa lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una,  Noong una pang panahon ako ay

nalikha na. "
 8:23 Matagal nang panahon nang anyuan niya ako,  Bago pa nalikha at naanyo itong mundo.
 8:24 Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw,  Wala pa ang mga bukal ng tubig na

malilinaw.
 8:25 Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok,  Nang ako ay isilang dito sa

sansinukob.
 8:26 Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid,  Nauna pa sa alabok, at sa lupang

daigdig.
 8:27 Nang likhain ang mga langit, ako ay naroroon na,  Maging nang ang hangganan ng langit

at lupa'y italaga.
 8:28 Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay,  At nang kanyang palitawin ang bukal sa

kalaliman.
 8:29 Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat,  Nang patibayan nitong mundo ay ilagay at

itatag,
 8:30 Ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain,  Ako ay ligaya niya at sa akin siya'y

aliw.
 8:31 Ako ay nagdiwang nang daigdig ay matapos,  Dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay

nalubos.
 8:32 '"At ngayon, aking anak, ako ay pakinggan,  Sundin ang payo ko't mapapaayos ang

pamumuhay. "
 8:33 Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo,  Huwag mong pababayaan ni lalayuan

ito.
 8:34 Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,  Laging nag-aabang at sa aki'y laging

nakatitig.
 8:35 Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay,  At ang kalooban ni Yahweh ay

kanyang nakakamtan.
 8:36 "Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan,  Ang napopoot sa akin ay

naghahanap ng kamatayan.'"
 9:1 ( Ang Karunungan at ang Kahangalan ) Gumawa na ng tirahan itong karunungan,  Na itinayo

niya sa pitong patibayan.
 9:2 Nagpatay s'ya ng hayop, nagtimpla ng inumin,  Ang mesa ay inihanda, punung-puno ng

pagkain.
 9:3 Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,  Upang lahat ay abutin ng ganitong

panawagan:
 9:4 '"Ang kulang sa kaalaman, dito ay lumapit.'  Sa mga walang muwang ay ganito ang

sinambit: "
 9:5 '"Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,  At tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.

"
 9:6 "Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,  At ang landas ng unawa ang tahakin at

daanan.' "
 9:7 Ang pumupuna sa manlilibak ay nag-aani ng pagdusta,  Ang nagtutuwid sa masama'y

nagkakamit alipusta.
 9:8 Punahin mo ang manlilibak at magagalit pa sa iyo,  Ngunit sa iyo ay lalapit ang

matalinong payuhan mo.
 9:9 Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino,  Ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong

nito.
 9:10 Pagkatakot kay Yahweh ay simula ng kaalaman,  Ang pagkilala sa kanya'y may dulot na

karunungan.
 9:11 Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong araw,  Dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
 9:12 Kung mayroon kang dunong, mayroon kang pakinabang,  Ngunit ikaw'y magdurusa kapag

siya'y tinanggihan.
 9:13 Ang nakakatulad nitong taong mangmang,  Babaing magaslaw at walang kahihiyan.
 9:14 Lagi siyang naroon sa pinto ng kanyang bahay,  O sa lantad na bahagi ng lansangan

nitong bayan.
 9:15 Bawat taong nagdaraan na kanyang masulyapan  Ay pilit na tatawagin at kanyang

aanyayahan:
 9:16 '"Lapit dito, kayong lahat na kulang sa kaalaman!'  Kanya namang sinasabi sa mga

walang muwang: "
 9:17 '"Tubig na ninakaw ay ubod tamis,  Anong sarap nitong tinapay na inumit.' "
 9:18 Hindi alam ng biktimang wakas niyo'y kamatayan,  At lahat ng pumasok doo'y naroon na

sa libingan.
 10:1 ( Ang mga Kawikaan ni Solomon ) Ang mga kawikaan ni Solomon:  Ang matalinong anak ay

ligaya ng magulang,  Ngunit siphayo ng ina ang anak na mangmang.
 10:2 Ang yamang buhat sa masama ay di pakikinabangan,  Ngunit ang katuwiran ay maglalayo sa

kamatayan.
 10:3 Ang matuwid ay binibigyan ni Yahweh ng kasiyahan,  Ngunit ang masama'y kanyang

ginugutom naman.
 10:4 Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop,  Ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na

masinop.
 10:5 Ang nag-iimbak kung tag-araw ay nagpapakilala ng katalinuhan,  Ngunit ang natutulog

kung anihan ay nagtitipon ng kahihiyan.
 10:6 Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala't kabutihan,  Ngunit ang bibig ng masama ay

nagtatakip ng karahasan.
 10:7 Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman,  Ngunit pangalan ng masama ay tiyak na

mapaparam.
 10:8 Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa,  Ngunit kapahamakan ang s'yang wakas

ng mangmang na masalita.
 10:9 Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan,  Ngunit ang may likong landas

ay malalantad balang araw.
 10:10 Ang malilikot na mata ay lagi sa kaguluhan,  At ang bibig na maluwang, hahantong sa

kapahamakan.
 10:11 Ang bibig ng matuwid ay balong ng buhay,  Ngunit labi ng masama ay nagtatakip ng

karahasan.
 10:12 Sari-saring kaguluhan ang bunga ng kapootan,  Ngunit ang pag-ibig ay nagpapaumanhin

sa lahat ng kasalanan.
 10:13 Sa labi ng may unawa masusumpungan ang karunungan,  Ngunit sa likod ng walang muwang,

pamalo ang siyang antabay.
 10:14 Ang taong matalino'y nag-iimpok ng karunungan,  Ngunit ang salita ng mangmang ay

nagdadala ng kapahamakan.
 10:15 Ang kayamanan ng tao ay matibay niyang tanggulan,  Ngunit ang kahirapan ay kanyang

kapuksaan.
 10:16 Ang aanihin ng matuwid ay buhay na walang hanggan,  Ngunit ang masama'y gumagawa ng

lalo pang kasamaan.
 10:17 Ang nakikinig sa payo ay nasa daan ng buhay,  Ngunit ang ayaw duminig ay tungo sa

pagkaligaw.
 10:18 Ang nagtatanim ng poot ay puno ng kasinungalingan,  Ang naninira sa kanyang kapwa ay

isang taong mangmang.
 10:19 Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala,  Ngunit ang nagpipigil ng dila ay

dunong ang pakilala.
 10:20 Ang dila ng matuwid ay tulad ng pilak na mahalaga,  Ngunit ang puso ng mangmang ay

basura ang kapara.
 10:21 Ang labi ng matuwid sa marami ay pakinabang,  Ngunit ang mangmang ay namamatay nang

walang karunungan.
 10:22 Ang pagpapala ni Yahweh ay kayamanan,  Na walang kasamang kabalisahan.
 10:23 Ang paggawa ng kasalanan ay kasiyahan ng masama,  Ngunit ang mabuting asal, kasiyahan

ng may unawa.
 10:24 Ang kinatatakutan ng masama ay magaganap sa kanya,  Ngunit ang hangarin ng matuwid ay

matatamo niya.
 10:25 Tinatangay ng hangin ang taong masama,  Ngunit ang matuwid ay gusaling di magiba.
 10:26 Kung paanong ang suka ay nakangingilo, ang usok ay nakaluluha,  Gayon ang tamad na

alipin, laging walang ginagawa.
 10:27 Ang pagkatakot kay Yahweh ay nagpapahaba ng buhay,  Ngunit ang mga araw ng masama ay

di magtatagal.
 10:28 Ang pag-asa ng matuwid ay may magandang kawakasan,  Ngunit ang pag-asa ng masama, ang

dulot ay kabiguan.
 10:29 Si Yahweh ay kanlungan ng mga taong matuwid,  Ngunit kaaway sila ng taong masama ang

hilig.
 10:30 Ang matuwid ay mananatili sa kanyang dako,  Ngunit ang masama, kung saan-saan

matutungo.
 10:31 Ang salita ng matuwid ay nagpapakilala ng kaalaman,  Ngunit ang dilang sinungaling ay

bubunutin naman.
 10:32 Sa bawat pagkakataon angkop ang salita ng matuwid,  Ngunit ang salita ng masama ay

parang nilikaw na lubid.
 11:1 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya,  Ngunit kasiyahan naman ang

timbangang tama.
 11:2 Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan,  Ngunit ang kababaa'y nagbubunga ng

kaalaman.
 11:3 Ang tuntunin ng matuwid ay ang katapatan,  Ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang

kataksilan.
 11:4 Walang halaga ang yaman sa araw ng kamatayan,  Ngunit ang katuwiran ay naglalayo sa

kapahamakan.
 11:5 Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,  Ngunit nabubuwal ang masama sa

sariling kabuktutan.
 11:6 Ang katuwiran ng tao ang nagliligtas sa kanya,  Ngunit ang masama ay bilanggo ng

masamang nasa niya.
 11:7 Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw,  Ang pag-asa sa kayamanan ay

mawawalang kabuluhan.
 11:8 Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag,  Ngunit ang masama ay doon bumabagsak.
 11:9 Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay panira,  Ngunit ang dunong ng matuwid ay

nagliligtas ng kapwa.
 11:10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala ang bayan ay nagagalak,  Ngunit higit ang katuwaan

kapag ang masama'y napapahamak.
 11:11 Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag,  Ngunit sa kasinungalingan ng

masama ang lunsod ay nawawasak.
 11:12 Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa,  Ngunit laging tahimik ang taong may

unawa.
 11:13 Walang maitatago sa bibig ng madaldal,  Ngunit kahit munting lihim ay ikinukubli ng

mapagtitiwalaan.
 11:14 Sa kakulangan ng tuntunin nagaganap ang pagbagsak,  Ngunit pag marami ang nagpapayo

ang tagumpay ay halos tiyak.
 11:15 Ang nananagot para sa iba, sa gusot ay nasasadlak,  Ngunit ang ayaw gumarantiya ay

malayo sa bagabag.
 11:16 Ang babaing mahinhin ay nag-aani ng kapurihan,  Ngunit ang walang dangal, tambakan ng

kahihiyan.  Lagi sa kahirapan ang taong tamad,  Ngunit masagana ang buhay ng isang masipag.{

a}
 11:17 Ang taong mabait ay nag-iimpok ng kabutihan,  Ngunit winawasak ng marahas ang sarili

niyang buhay.
 11:18 Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan,  Ngunit ang gawang mabuti ay may

biyayang taglay.
 11:19 Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay,  Ngunit ang landas ng masama ay

tungo sa kamatayan.
 11:20 Ang isip ng masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam,  Ngunit ang lakad ng matuwid sa

Panginoon ay kasiyahan.
 11:21 Ang taong masama'y di makaliligtas sa kaparusahan,  Ngunit hindi maaano ang nabubuhay

sa katuwiran.
 11:22 Ang magandang babae na walang bait,  Ay tila gintong singsing sa nguso ng biik.
 11:23 Anumang nais ng matuwid ay nagbubunga ng kabutihan,  Ngunit ang mahihintay lang ng

masama ay kaparusahan.
 11:24 Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman,  Ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.
 11:25 Ang taong matulungin ay luluwag ang pamumuhay,  At ang marunong tumulong ay tiyak na

tutulungan.
 11:26 Sinusumpa ng lahat ang nagkakait ng butil,  Pinupuri ng balana ang nagbibili ng

pagkain.
 11:27 Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang,  Kapag humanap ng gulo, iyon ay

masusumpungan.
 11:28 Malalantang tila dahon ang nagtitiwala sa kanyang yaman,  Ngunit ang matuwid ay

giginhawa, tulad ng sariwang halaman.
 11:29 Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan,  Mag-aani ng problema, gugulo ang

pamumuhay.  Ang taong mangmang at walang nalalaman,  Ay alipin ng matalino habang siya'y

nabubuhay.
 11:30 Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay,  Ngunit ang buhay ay winawasak ng karahasan.
 11:31 Ang matuwid ay ginagantimpalaan na dito sa lupa,  At tiyak na parurusahan ang

masasama.
 12:1 Ang taong may unawa ay tumatanggap ng payo.  Ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas

yaong ulo.
 12:2 Si Yahweh ay nalulugod sa taong matuwid.  Ngunit sa masasama siya ay nagagalit.
 12:3 Hindi mapapanuto ang makasalanan,  Ngunit ang matuwid ay hindi magagalaw.
 12:4 Ang mabait na babae ay karangalan ng asawa,  Ngunit kanser sa buto ang masamang asawa.
 12:5 Ang taong matuwid ay mabuting makiharap,  Ngunit ang masama ay bihira lang magtapat.
 12:6 Pumapatay nang lihim ang mga pangungusap ng masama,  Ngunit ang salita ng matuwid ay

nagliligtas sa kapwa.
 12:7 Ang masama ay lubusang mapaparam at di na magbabalik,  Ngunit ang sambahayan ng

matuwid, mananatiling nakatindig.
 12:8 Ang taong matalino'y magkakamit ng karangalan,  Ngunit ang aanihin ng masama ay

kakutyaan.
 12:9 Ang maralitang nagsisikap ay mabuting di hamak,  Kaysa nagkukunwang mayaman ngunit sa

gutom nakasadlak.
 12:10 Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait,  Ngunit ang masama kahit kanino ay

mabagsik.
 12:11 Ang taong masipag ay sagana sa lahat,  Ngunit ang hangal ay laging nagsasalat.
 12:12 Ang tanggulan ng masama ay gumuguhong parang buhangin  Ngunit ang tuntungan ng

matuwid ay hindi magmamaliw.
 12:13 Ang masama ay nahuhuli sa salita ng kanyang bibig  Ngunit ang matuwid ay malayo sa

ligalig.
 12:14 Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita,  Bawat isa ay tatanggap ng karampatang

gantimpala.
 12:15 Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama,  Ngunit handang tumanggap ng payo ang

taong may unawa.
 12:16 Ang pagkainis ng mangmang pagdaka ay nahahayag,  Ngunit ang damdamin ng matalino ay

di agad mababakas.
 12:17 Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan,  Ngunit ang pagsisinungaling ay

lumilikha ng kapahamakan.
 12:18 Ang salitang walang taros ay sumusugat ng damdamin,  Ngunit sa magandang salita,

sakit ng loob ay gumagaling.
 12:19 Ang tapat na labi ay mananatili kailanman,  Ngunit ang dilang sinungaling ay hindi

magtatagal.
 12:20 Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan  Ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y

magtatamong kagalakan.
 12:21 Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid,  Ngunit ang buhay ng masama ay batbat ng

ligalig.
 12:22 Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling,  Ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw.
 12:23 Hindi agad sinasabi ang alam ng matalino,  Ngunit kamangmangan ay inihahayag ng

mangmang na tao.
 12:24 Balang araw ang masikap ang mamamahala,  Ngunit ang tamad ay mananatiling alila.
 12:25 Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan  Ngunit ang magandang balita'y may

dulot na kasiglahan.
 12:26 Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan,  Ngunit ang daan ng masama ay tungo sa

pagkaligaw.
 12:27 Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad,  Ngunit ang masikap ay laging may

magandang hinaharap.
 12:28 Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay,  Ngunit ang maling daan ay hahantong sa

kamatayan.
 13:1 Ang anak na may unawa'y nakikinig sa kanyang ama,  Ngunit walang halaga sa palalo ang

paalaala sa kanya.
 13:2 Natatamo ng mabuti ang bunga ng kanyang kabaitan,  Ngunit nalalasap ng masama ang

dulot ng karahasan.
 13:3 Ang maingat magsalita ay nag-iingat ng kanyang buhay,  Ngunit ang may matabil na

dila'y nasasadlak sa kapahamakan.
 13:4 Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad,  Ang hangarin ng masikap ay laging

nagaganap.
 13:5 Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan,  Ngunit ang salita ng masama ay

nakahihiyang pakinggan.
 13:6 Ang mabuti'y iniingatan ng kanyang kabaitan,  Ngunit ang masama'y ipinapahamak ng

likong pamumuhay.
 13:7 May taong nagkukunwang mayaman subalit wala naman,  Ngunit ang iba'y nag-aayos mahirap

bagaman sila ay mayaman.
 13:8 Ang yaman ng isang tao ay pantubos sa kanyang buhay,  Ngunit ang mahirap ay walang

pambayad sa kalayaan.
 13:9 Ang matuwid ay tulad ng maniningning na ilaw,  Ngunit ang masama ay tila lamparang

namamatay.
 13:10 Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan,  Ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya

ng katalinuhan.
 13:11 Ang yamang tinamo sa daya ay madaling nawawala,  Ngunit ang yamang pinaghirapan ay

pinagpapala.
 13:12 Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban,  Ngunit ang pangarap na

natupad ay may dulot na kasiyahan.
 13:13 Ang nagwawalang-bahala sa payo ay hahantong sa kapahamakan,  Ngunit ang nagpapahalaga

sa utos ay gagantimpalaan.
 13:14 Ang mga turo ng matalino ay bukal ng tubig ng buhay,  Ito ay maglalayo sa bitag ng

kamatayan.
 13:15 Ang mabuting pag-unawa ay umaakit ng kalooban,  Ngunit ang kataksilan ay naghahatid

sa kapahamakan.
 13:16 Ang katalinuhan ng isang tao'y nakikita sa kanyang gawa,  Sa kilos ay nakikilala ang

taong walang unawa.
 13:17 Ang masamang tagapagbalita ay lumilikha ng kaguluhan,  Ngunit ang mabuting

tagapamagitan ay lumulutas ng alitan.
 13:18 Kahihiyan ang kasasadlakan ng hindi nakikinig ng saway,  Ngunit ang tumatanggap ng

payo ay mag-aani ng karangalan.
 13:19 Ang pangarap na natupad ay may dulot na ligaya,  Ngunit ayaw iwan ng masama ang

kasamaan niya.
 13:20 Ang nakikisama sa may unawa ay magiging matalino,  Ngunit ang kasama ng mangmang ay

masusuong sa gulo.
 13:21 Ang hinaharap ng masama ay kahirapan sa buhay,  Ngunit sagana ang biyayang sa matuwid

ay naghihintay.
 13:22 Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan,  At sa matuwid nauuwi

ang natipon ng isang mangmang.
 13:23 Ang tiwangwang na bukid ay may pangakong kasaganaan,  Ngunit humahadlang ang masama

para ito ay mabungkal.
 13:24 Ang mapagmahal na magulang ay dapat magparusa sa anak,  Pagkat ang supling na

minamahal ay dapat ituwid ng landas.
 13:25 Ang matuwid ay sagana sa lahat ng kailangan,  Ngunit ang masama ay lagi nang

nagkukulang.
 14:1 Ang matalinong babae ay nagtatatag ng kanyang bahay,  Ngunit ang tahana'y nawawasak

dahil sa kamangmangan.
 14:2 Ang natatakot kay Yahweh ay lumalakad sa katuwiran,  Ngunit ang nagwawalang-bahala sa

kanya ay nasa likong daan.
 14:3 Ang bawat salita ng mangmang ay may katumbas na parusa,  Kaya ang matalino'y nag-

iingat sa mga salita niya.
 14:4 Kung saan walang baka ang bangan ay walang laman,  Datapwat sa maraming baka, sagana

ang anihan.
 14:5 Ang tapat na saksi'y hindi magsisinungaling,  Ngunit pawang kabulaanan ang sa saksing

sinungaling.
 14:6 Ang mangmang ay nag-aaral pero hindi matuto,  Ngunit madaling maturuan ang taong may

talino.
 14:7 Iwasan mong makisama sa mga taong mangmang,  Pagkat sa kanila ay wala kang mapupulot

na kaalaman.
 14:8 Nalalaman ng matalino ang kanyang ginagawa,  Ngunit ang mangmang ay inaakay ng mali

niyang unawa.
 14:9 Ang lahat ng masama ay itinatakwil ng Diyos,  Ngunit ipinalalasap sa matuwid ang

kagandahang-loob.
 14:10 Walang makikihati sa kabiguan ng tao,  Gayon din naman sa ligayang nadarama nito.
 14:11 Ang bahay ng masama ay mawawasak,  Ngunit ang tolda ng matuwid ay  hindi babagsak.
 14:12 May daang matuwid sa tingin ng tao,  Ngunit kamatayan ang dulo nito.
 14:13 Sa gitna ng ligaya maaaring dumating ang kalungkutan,  Ngunit ang kaligayaha'y

maaaring magwakas sa panambitan.
 14:14 Pagbabayaran ng tao ang liko niyang pamumuhay,  Ngunit ang gawa ng matuwid ay

gagantimpalaan.
 14:15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan,  Ngunit sinisiyasat ng may

unawa ang kanyang pupuntahan.
 14:16 Ang taong may unawa ay lumalayo sa kasamaan,  Ngunit ang mangmang ay napapahamak

dahil sa kapabayaan.
 14:17 Ang taong mainit ang ulo ay nakagagawa ng di marapat,  Ngunit ang mahinahon ay lagi

nang nag-iingat.
 14:18 Ang taong hangal ay nag-aani ng kamangmangan,  Ngunit ang matalino'y nagkakamit ng

karunungan.
 14:19 Ang makasalanan ay mangangayupapa sa mabuting tao,  At makikiusap na siya'y tulungan

nito.
 14:20 Ang taong mahirap kadalasa'y tinatalikdan,  Ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
 14:21 Ang humahamak sa kapwa ay gumagawa ng masama,  Ngunit ang matulungin, ligaya ang

tinatamasa.
 14:22 Ang gumagawa ng masama ay mapapahamak,  Ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y mapapanuto

ng landas.
 14:23 Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang,  Ngunit sa hangin mauuwi ang basta salita

lang.
 14:24 Ang putong ng matalino ay ang kanyang karunungan,  Ang kuwintas ng mangmang ay ang

kanyang kahangalan.
 14:25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,  Ngunit ang salita ng sinungaling ay

pawang kataksilan.
 14:26 Ang pagkatakot kay Yahweh ay nagdudulot ng kapayapaan,  May hatid na katatagan sa

buong sambahayan.
 14:27 Ang pagkatakot kay Yahweh ay bukal ng buhay,  At ang taong mayroon nito'y malayo sa

kamatayan.
 14:28 Ang karangalan ng hari ay nasa dami ng nasasakupan,  Ngunit walang kabuluhan ang

pinunong walang tauhan.
 14:29 Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan,  Ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda

ng kamangmangan.
 14:30 Ang isip na tiwasay ay nagpapahaba ng buhay,  Ngunit kabulukan ng mga buto ang

kapusukan.
 14:31 Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal,  Ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng

karangalan.
 14:32 Ang masama ay ibinabagsak ng sariling kasamaan,  Ngunit ang kanlungan ng matuwid ay

ang kanyang kabutihan.
 14:33 Sa isip ng may unawa ang nananahan ay karunungan,  Ngunit ang mangmang ay walang

kaalaman.
 14:34 Ang katuwiran ay nagpapadakila sa isang bayan  Ngunit ang kasalanan naman ay

nagdudulot ng kahihiyan.
 14:35 Sa matalinong alipin, ang amo ay nalulugod,  Ngunit sa utusang walang isip siya ay

napopoot.
 15:1 Ang malumanay na sagot ay nakapapawi ng poot,  Ngunit nakagagalit ang salitang walang

taros.
 15:2 Ang dila ng may unawa ay nagbubunga ng kaalaman,  Ngunit ang bibig ng mangmang ay

bukal ng kahangalan.
 15:3 Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar,  Ang masama at mabuti ay pawang

minamasdan.
 15:4 Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay  Ngunit ang mahayap na pangungusap ay

masakit sa kalooban.
 15:5 Di pansin ng mangmang ang turo ng kanyang ama  Ngunit dinirinig ng may isip ang

paalaala sa kanya.
 15:6 Ang tahanan ng matuwid ay puno ng kayamanan  Ngunit ang masama'y nagkukulang sa lahat

ng kailangan.
 15:7 Ang labi ng may unawa ay nagkakalat ng karunungan,  Ngunit hindi ganoon ang hangad ng

isang mangmang.
 15:8 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama,  Ngunit sa daing ng matuwid siya ay

natutuwa.
 15:9 Sa gawaing masama, si Yahweh ay namumuhi,  Ngunit kanyang minamahal ang sa matuwid ay

lumalagi.
 15:10 Ang gumawa ng masama ay tatanggap ng parusa,  At tiyak na mamamatay ang ayaw ng

paalaala.
 15:11 Kung paanong ang Sheol ay hayag kay Yahweh,  Ang laman ng puso sa kanya'y di

maikukubli.
 15:12 Ang palalo ay ayaw mapagsasabihan  At hindi lalapit sa taong may kaalaman.
 15:13 Ang taong masayahin ay laging nakangiti,  Ngunit ang may hilahil ay wari bang

nakangiwi.
 15:14 Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan,  Ngunit ang mangmang ay

nasisiyahan na sa kanyang kahangalan.
 15:15 Lahat ng araw ng masama ay batbat ng kahirapan,  Ngunit ang walang dalamhati ay

masaya araw-araw.
 15:16 Mas mabuti na ang mahirap na may takot sa Diyos,  Kaysa mayamang panay ang hirap ng

loob.
 15:17 Mas masarap ang isang plato ng gulay na inihaing may pag-ibig  Kaysa isang matabang

baka na inihaing may galit.
 15:18 Ang mainit na ulo ay humahantong sa alitan,  Ngunit pumapayapa sa kaguluhan ang

mahinahong isipan.
 15:19 Ang landas ng batugan ay punung-puno ng tinik,  Ngunit patag na lansangan ang daan ng

matuwid.
 15:20 Ang anak na may unawa ay kaligayahan ng isang ama,  Ngunit ang isang mangmang ay

kadustaan ng kanyang ina.
 15:21 Ang mga walang isip ay natutuwa sa mga bagay na kahangalan,  Ngunit lumalakad nang

matuwid ang taong may kaalaman.
 15:22 Ang isang balak na mabilis ay di pakikinabangan,  Ngunit ang planong pinag-aralan ay

magtatagumpay.
 15:23 Ang matalinong pangungusap ay nagdudulot ng kasiyahan,  At ang salitang angkop sa

pagkakataon, may dulot na pakinabang.
 15:24 Ang daan ng matuwid ay paakyat sa buhay,  At hindi papalusong sa Sheol na parusahan.
 15:25 Wawasakin ni Yahweh ang bahay ng hambog,  Ngunit ang tirahan ng babaing balo ay

iingatan ng Diyos.
 15:26 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang iniisip ng masama,  Ngunit kasiyahan niya ang

pangungusap ng may malinis na diwa.
 15:27 Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan,  Ngunit ang tumatanggi sa suhol ay

mabubuhay nang matagal.
 15:28 Tinitimbang ng matuwid kung ano ang sasabihin,  Ngunit di na iniisip ng masama ang

kanyang sasalitain.
 15:29 Pinakikinggan ng Diyos ang daing ng matuwid,  Ngunit ang panawagan ng masama ay hindi

dinirinig.
 15:30 Ang masayang ngiti sa iba  At ang mabuting balita ay may dulot na ligaya.
 15:31 Ang marunong makinig sa paalaala  Ay mayroong unawa at mabuting pasiya.
 15:32 Ipinapahamak ang sarili ng ayaw makinig sa saway,  Ngunit ang nagpapahalaga sa

paalaala ay nagdaragdag ng kaalaman.
 15:33 Ang pagkatakot kay Yahweh ay nagtuturo ng kaalaman,  At ang kababaan ay nagbubunga ng

karangalan.
 16:1 ( Mga Kawikaan Tungkol sa Buhay at Pag-uugali ) Nasa tao ang pag-iisip at pagbabalak 

Ngunit ang tagumpay ay sa Diyos nagbubuhat.
 16:2 Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos,  Ngunit sa tunay niyang layon, Diyos lang

ang nakatatalos.
 16:3 Itiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin  At magtatagumpay ka sa lahat mong

layunin.
 16:4 Lahat ng nilalang ng Diyos ay mayroong wakas  At ang masasama sa kaparusahan babagsak.
 16:5 Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayabang  At walang pagsalang sila'y parurusahan.
 16:6 Ang kasalanan ay ipatatawad kung tapat ka sa Diyos,  Malalayo ka sa kasamaan kung sa

kanya'y matatakot.
 16:7 Kapag ang tao'y kalugud-lugod sa Diyos,  Pati kaaway niya ay kanyang maaayos.
 16:8 Ang maliit na halaga buhat sa mabuting paraan  Ay higit na mabuti sa yamang buhat sa

kasamaan.
 16:9 Ang tao ang nagbabalak,  Ngunit si Yahweh ang nagpapatupad.
 16:10 Ang bibig ng hari ay bukal ng mga pasiyang kinasihan  Hindi siya namamali sa lahat

niyang kahatulan.
 16:11 Ang nais ni Yahweh ay tamang timbangan  At sa negosyo ay ang katapatan.
 16:12 Di dapat tulutan ng isang hari ang gawang kasamaan  Pagkat ang tatag ng pamamahala ay

nasa katarungan.
 16:13 Ang ibig pakinggan ng hari ay ang katotohanan  At ang nagsasabi nito ay kanyang

kinalulugdan.
 16:14 Sinisikap ng matalino na masiyahan ang kanyang hari,  Pagka nagalit ang hari, may

buhay na masasawi.
 16:15 Ang kagandahang-loob ng hari ay parang ulap na makapal,  May dalang ulan at taglay na

buhay.
 16:16 Higit pa sa ginto ang karununga't kaalaman,  Mahalaga kaysa pilak ang unawang

tinataglay.
 16:17 Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan,  Ang maingat sa paglakad ay nag-iingat

sa kanyang buhay.
 16:18 Ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak  At ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak.
 16:19 Higit na mabuti ang mabababa na kasama ng mahirap  Kaysa managana sa pakikihati sa

mapagmataas.
 16:20 Ang marunong makinig ng payo ay mananagana  At mapalad ang sa Diyos naglalagak ng

tiwala.
 16:21 Ang matalinong tao ay nakikilala sa kanyang pang-unawa,  Ang matamis niyang

pangungusap ay awit sa ibang diwa.
 16:22 Ang karunungan ay may pang-akit sa matalino,  Ngunit mahirap maturuan ang mangmang na

tao.
 16:23 Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin,  Kaya naman ang kausap ay madali niyang

akitin.
 16:24 Ang magiliw na pangungusap ay parang pulot-pukyutan,  Matamis sa panlasa, pampalusog

ng katawan.
 16:25 May daang matuwid sa tingin ng tao,  Ngunit kamatayan ang dulo nito.
 16:26 Dahil sa pagkain ang tao'y nagsisikap  Upang ang gutom ay bigyan ng lunas.
 16:27 Ang laman ng isip ng tampalasan ay panay kasamaan,  Ang kanyang mga labi ay parang

apoy na pumupugnaw.
 16:28 Ang taong may masamang isipan ay naghahasik ng kaguluhan  At ang mapaghatid-dumapit

ay sumisira ng magandang samahan.
 16:29 Inuupatan ng taong liko ang kanyang kapwa  At ibinubunsod sa landas na masama.
 16:30 Mag-ingat ka sa taong ngingiti-ngiti at kikindat-kindat  Pagkat tiyak na mayroon

siyang masamang binabalak.
 16:31 Ang mga puting buhok ay putong ng karangalan,  Ito ay natamo sa matuwid na pamumuhay.
 16:32 Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan  At ang pagsupil sa sarili kaysa

pagsakop sa mga bayan.
 16:33 Isinasagawa ng tao ang palabunutan  Ngunit buhat kay Yahweh ang kapasiyahan.
 17:1 Kahit tinapay ang kinakain ngunit may kapayapaan,  Mabuting di hamak kaysa malaki

ngunit magulong handaan.
 17:2 Ang tusong alipin ay makakahati pa sa mamanahin  Ng anak ng kanyang amo kung ito'y

inutil.
 17:3 Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak,  Ngunit sa puso ng tao'y si Yahweh ang

sumisiyasat.
 17:4 Ang taong masama ay nakikinig sa payo ng masama  At ang sinungaling ay sumusunod sa

baluktot na dila.
 17:5 Ang lumilibak sa mahirap ay humahamak sa Maykapal  At ang nagagalak sa kapahamakan ng

iba'y mayroon ding pananagutan.
 17:6 Ang mga apo ay putong ng katandaan,  Ang karangalan ng mga anak ay ang kanilang

magulang.
 17:7 Ang pinong pananalita ay di mahahanap sa mangmang  Ni ang kasinungalingan sa taong

marangal.
 17:8 Sa paniwala ng iba ang suhol ay parang salamangka  Kaya lahat ay makukuha kung may

pansuhol ka.
 17:9 Ang pagpapatawad sa kapwa ay nagpapasarap sa samahan,  Ngunit ang pagkakalat sa

kasamaan ay sumisira sa pagkakaibigan.
 17:10 Ang matalino'y natututo sa isang salita  Ngunit ang mangmang ay hindi, hampasin mang

walang awa.
 17:11 Ang nais ng masama'y paghihimagsik  Kaya ipadadala sa kanya'y isang sugong malupit.
 17:12 Mabuti pang harapin ang inahing osong inagawan ng anak  Kaysa kausapin ang isang

mangmang sa masama niyang balak.
 17:13 Kapag masama ang iginanti sa mabuting ginawa  Ang kapahamakan sa buhay ay di

mawawala.
 17:14 Ang simula ng kaguluha'y parang butas sa isang dike  Na dapat ay sarhan bago ito

lumaki.
 17:15 Ang humahatol sa walang kasalanan at ang umaayon sa kasamaan  Kay Yahweh ay kapwa

kasuklam-suklam.
 17:16 Walang pakinabang ang hangal gumugol man sa pag-aaral  Pagkat siya'y sadyang walang

muwang.
 17:17 Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon  At sa oras ng kagipita'y kapatid na

tumutulong.
 17:18 Ang taong nananagot sa iba ay yaong walang isip  Pagkat sarili niya'y ipinapasok sa

gipit.
 17:19 Ang may gusto sa kaguluhan ay gumugusto sa kasalanan  At ang mataas magsalita ay

naghahanap ng kapahamakan.
 17:20 Ang masamang isipan ay hindi uunlad  Ang sinungaling ay aabot sa kasawiang-palad.
 17:21 Ang anak na mangmang ay problema ng ama  Ang magulang ng walang isip ay kapos sa

ligaya.
 17:22 Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan  At ang malungkuti'y unti-unting namamatay.
 17:23 Ang taong masama ay tumatanggap ng suhol  Upang ang daan ng katarungan ay hindi

matunton.
 17:24 Kaalaman ang pangarap ng taong may unawa  Ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
 17:25 Ang hangal na anak ay problema ng kanyang ama  At pabigat sa damdamin ng kanyang ina.
 17:26 Ang pagpaparusa sa matuwid ay hindi mainam  At di tamang pahirapan ang taong

marangal.
 17:27 Nagtataglay ng kaalaman ang maingat magsalita,  Ang mahinahon ay taong may

pagkaunawa.
 17:28 Ang mangmang na hindi madaldal ay iisiping marunong  Kung hindi siya masalita at ang

bibig ay laging tikom.
 18:1 Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan  At salungat sa lahat ng tamang

isipan.
 18:2 Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay  Ang layon ay ipakitang mayroon siyang

nalalaman.
 18:3 Pagsipot ng kasamaan, kasunod ay kahihiyan.  Pag nawala ang karangalan, kapalit ay

kadustaan.
 18:4 Ang wika ng tao ay bukal ng karunungan  Parang dagat na malalim at malamig na batisan.
 18:5 Ang pagkiling sa may sala ay hindi mainam  Ganoon din ang pagkakait ng katarungan.
 18:6 Ang pagsasalita ng mangmang ay humahangga sa kaguluhan  Pagkat ang salita niya'y

laging may bantang taglay.
 18:7 Ang bibig ng masama ang maghahatid sa kapahamakan  At ang labi niya ang maglalagay sa

kanya sa kapanganiban.
 18:8 Ang tsismis ay masarap pakinggan  Gustung-gusto ng lahat na pag-uusapan.
 18:9 Ang taong batugan ay sinsama ng taong mapanira.
 18:10 Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan  Kanlungan ng matuwid mula sa

kapahamakan.
 18:11 Ang akala ng tao kung siya ay mayaman  Ay ligtas na sa lahat ng kapahamakan.
 18:12 Nagpapakataas ang tao hanggang hindi bumabagsak  Ngunit kababaan ang daan ng buhay na

sakdal dilag.
 18:13 Ang sumasabad sa usapan na hindi nauunawaan  Ay taong walang isip, walang bait,

walang muwang.
 18:14 Ang matatag na kalooban ay mabuti sa tao  Ngunit kung mahina ang loob, anong

mangyayari rito?
 18:15 Ang matalino ay nagdaragdag ng kaalaman  Ang may unawa'y namumulot pa ng karunungan.
 18:16 Kung nais mapalapit sa maykapangyarihan  Magdala ng regalo, sa kanya ay ibigay.
 18:17 Ang unang salita ay kinikilalang tama  Hanggang hindi nasusuri at nakikitang

balintuna.
 18:18 Ang sapalaran ay lumulutas sa sigalutan  At nagpapakasundo sa mahigpit na magkaaway.
 18:19 Tiyak na ipagtatanggol ka ng matulunging kaibigan  Ngunit kapag inaway mo, ikaw ay

tatalikdan.
 18:20 Anumang sabihin ng tao'y kanyang pananagutan  Ayon sa salita niya ay gagantimpalaan.
 18:21 Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay  Makikinabang ng bunga nito ang dito ay

nagmamahal.
 18:22 Ang mabuting maybahay ay magandang kapalaran  Isang kagandahang-loob na si Yahweh ang

may bigay.
 18:23 Ang mahirap ay lumalapit sa diwa ng pakiusap  Ngunit ang sagot ng mayama'y salitang

mararahas.
 18:24 May pagkakaibigang madaling lumamig  Ngunit may kaibigang higit pa sa kapatid.
 19:1 Mas mabuti ang mahirap na marangal ang pamumuhay,  Kaysa taong masalita ngunit walang

nalalaman.
 19:2 Masugid man kung mangmang, walang mapapakinabang;  Ang kawalan ng tiyaga'y magbubulid

sa kaguluhan.
 19:3 Ipinapahamak ng tao ang kanyang sarili  Pagkatapos kay Yahweh ang bagsak ng sisi.
 19:4 Ang kasaganaa'y umaakit ng mga kaibigan  Ngunit ang mahirap ay tinatalikdan ng dating

kasamahan.
 19:5 Di maaaring di magdusa ang saksing hindi tapat  Ang nagsisinungaling ay di

makaliligtas.
 19:6 Marami ang lumalapit sa taong mabait  At sa taong bukas-palad, lahat ay malapit.
 19:7 Kung ang mahirap ay tinatalikdan ng mismong kapatid  Ay wala na itong magiging

kaibigan, kaninuman lumapit.
 19:8 Ang nagsisikap matuto sa sarili ay nagmamahal  Ang nagpapahalaga sa kaalaman ay

magtatagumpay.
 19:9 Di maaaring di magdusa ang saksing hindi tapat  At ang nagsisinungaling, tiyak na

mapapahamak.
 19:10 Ang masaganang pamumuhay ay di angkop sa isang mangmang  Gayon din ang alipin, di

dapat manguna sa mga dugong bughaw.
 19:11 Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan  Ang di pagpansin sa masamang ginawa

sa kanya ay kanyang karangalan.
 19:12 Ang poot ng hari ay parang leong umuungal  Ngunit ang kanyang paglingap ay parang

hamog sa halaman.
 19:13 Ang anak na hangal ay kasawiang-palad ng kanyang ama  At tila ulang walang tigil ang

bibig ng madaldal na asawa.
 19:14 Namamana sa magulang ang bahay at kayamanan  Ngunit buhat kay Yahweh ang mabuting

maybahay.
 19:15 Ang taong tamad ay laging nakatihaya  Kaya't siya'y magugutom, walang panlagay sa

sikmura.
 19:16 Ang nag-iingat sa kautusan ay nag-iingat ng kanyang buhay  At ang nagwawalang-bahala

sa utos ay tiyak na mamamatay.
 19:17 Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap  At pagdating ng panahon ay

siya ang magbabayad.
 19:18 Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon  Kung hindi'y ikaw pa ang nagtulak sa

kanyang pagkaparool.
 19:19 Di dapat pansinin ang taong mainit ang ulo  Mapayuhan mo mang minsan, patuloy ding

manggugulo.
 19:20 Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo  At pagdating ng araw, pakikinabangan mo.
 19:21 Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak  Ngunit ang kalooban din ni

Yahweh ang mananaig sa wakas.
 19:22 Kasiraan ng tao ang kasakiman  Kaya mabuti pa ang mahirap kaysa walang katapatan.
 19:23 Ang pagkatakot kay Yahweh ay maghahatid sa buhay  Magdudulot ng kasiyahan, maglalayo

sa kapahamakan.
 19:24 Ang kamay ng batugan ay ibinababa niya sa pinggan  Ngunit di halos makasubo dahil sa

katamaran.
 19:25 Parusahan mo ang mapanuya, matututo pati mangmang  Pagsabihan mo ang may unawa,

lalawak ang kaalaman.
 19:26 Ang anak na suwail sa magulang  Ay anak na masama at walang kahihiyan.
 19:27 Ang anak na ayaw makinig sa pangaral  Ay tumatalikod sa turo ng kaalaman.
 19:28 Ang saksing masama ay sumisira sa takbo ng katarungan,  Ang bibig ng liko ay

nagbubunga ng kasamaan.
 19:29 May hatol na nakalaan sa mga mapanuya  At sa mga mangmang ay may hagupit na

nakahanda.
 20:1 Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao  Kaya isang kaululan ang magpakalulong

dito.
 20:2 Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,  Ang gumalit sa kanya'y nanganganib ang

buhay.
 20:3 Ang marangal na tao'y umiiwas sa kaguluhan  Ngunit ang ibig ng mangmang ay laging

pag-aaway.
 20:4 Ang magsasakang tamad magbungkal  Ay walang maaani pagdating ng anihan.
 20:5 Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao  Ngunit ito'y matatarok ng isang

matalino.
 20:6 Sinasabi ng bawat isa na siya ay tapat  Ngunit kahit kanino sa kanila'y hindi ka

nakatitiyak.
 20:7 Kung ang isang ama'y namumuhay sa katuwiran  Mapalad ang mga anak na siya ang

sinusundan.
 20:8 Sa pagluklok ng hari upang igawad ang kahatulan,  Walang matatagong anumang kasamaan.
 20:9 Sino ang makapagsasabi na ang puso niya'y malinis  At di namuhay sa kasamaan kahit

isang saglit?
 20:10 Ang magdarayang timbangan at magdarayang sukatan  Kay Yahweh ay parehong kasuklam-

suklam.
 20:11 Kahit ang bata ay makikilala sa kanyang mga gawa  Makikita sa kanyang kilos kung siya

ay tapat nga.
 20:12 Ang taingang nakaririnig at matang nakakikita  Parehong si Yahweh ang may likha sa

kanilang dalawa.
 20:13 Magtulog ka nang magtulog at ikaw'y maghihirap  Ngunit kung magsisikap ka, maganda

ang iyong bukas.
 20:14 "Ang sabi ng mamimili, 'Ang presyo mo'y ubod taas.'  Ngunit pagtalikod ay

ipinamamalitang nakabarat. "
 20:15 Ang taong nakaaalam ng kanyang sinasabi,  Daig pa ang may ginto at alahas na marami.
 20:16 Ang sinumang nananagot sa utang ng iba,  Dapat kunan ng ari-arian bilang garantiya.
 20:17 Anumang nakuha sa pandaraya ay parang masarap na pagkain  Ngunit sa lumaon ay para

kang kumain ng buhangin.
 20:18 Ang mabuting payo ay kailangan para magtagumpay  Kung hindi ka handa huwag nang

pumalaot sa labanan.
 20:19 Ang lihim ay nahahayag dahil sa masisitsit  Kaya di dapat makisama sa mapaghatid-

dumapit.
 20:20 Sinumang sumumpa sa kanyang magulang  Parang ilaw na walang ningas ang wakas ng

kanyang buhay.
 20:21 Ang perang hindi pinaghirapan  Kung gastusin ay walang hinayang.
 20:22 Huwag mong gantihin ng masama ang masama  Tutulungan ka ni Yahweh, sa kanya ka

magtiwala.
 20:23 Ang Diyos ay napopoot sa panukat na di tama,  Siya ay namumuhi sa timbangang

magdaraya.
 20:24 Itinakda ni Yahweh ang landasin ng tao  Pagkat di alam nito kung saan patutungo.
 20:25 Bago mangako sa Diyos ay isiping mabuti  Para hindi ka magsisi sa bandang huli.
 20:26 Malalaman ng haring matalino ang lahat ng gumagawa ng masama  At pagdating ng araw

sila'y pinarurusahan nang walang awa.
 20:27 Binigyan tayo ng Diyos ng isipan at ng budhi  Kaya't wala tayong maitatago kahit na

sandali.
 20:28 Ang haring tapat at makatarungan  Ay magtatagal sa kanyang luklukan.
 20:29 Karangalan ng kabataan ang kanyang kalakasan,  Ang putong ng katandaan, buhok na

panay uban.
 20:30 Ang hampas na lumalatay ay lumilinis ng kasamaan  At ang palong nadarama'y humuhugas

sa kalooban.
 21:1 Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari  At naibabaling niya ito kung saan igawi.
 21:2 Ang akala ng tao lahat ng kilos niya ay wasto  Ngunit si Yahweh lang ang

nakasasaliksik ng puso.
 21:3 Ang paggawa ng matuwid at kalugud-lugod  Ay higit na kasiya-siya kay Yahweh kaysa mga

handog.
 21:4 Ang masama ay alipin ng kapalaluan,  Ang ganitong ugali ay kasalanan.
 21:5 Ang mabuting pagbabalak ay pinakikinabangan  Ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y

walang kahihinatnan.
 21:6 Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan  Ay maghahatid sa maagang kamatayan.
 21:7 Ang masama'y ipinapahamak ng sariling karahasan  Pagkat ayaw gawin ang talagang

katuwiran.
 21:8 Ang landas ng may sala ay paliku-liko  Ngunit ang lakad ng matuwid ay laging wasto.
 21:9 Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay  Kaysa loob ng bahay na ang kasama'y

babaing madaldal.
 21:10 Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan  Kahit na kanino'y walang pakundangan.
 21:11 Parusahan mo ang manlilibak at matututo ang mangmang,  Pagsabihan mo ang matino,

lalong lalawak ang kaalaman.
 21:12 Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama  Kaya siya'y gumagawa ng

paraan upang sila'y mapariwara.
 21:13 Ang hindi pumapansin sa hibik ng mahirap  Daraing din balang araw ngunit walang

lilingap.
 21:14 Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,  Regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.
 21:15 Pag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid  Ngunit nalulungkot ang masama at

may likong pag-iisip.
 21:16 Ang lumilihis sa daan ng kaalaman  Ay hahantong sa kamatayan.
 21:17 Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman, sa hirap masasadlak.
 21:18 Ang masamang balak sa taong matuwid  Ay babalik sa liko ang isip.
 21:19 Mas mabuti ang mag-isang manirahan sa ilang  Kaysa makisama sa babaing madaldal at

palaaway.
 21:20 Ang bahay ng matalino'y napupuno ng kayamanan  Ngunit lahat ay winawaldas ng taong

mangmang.
 21:21 Ang tumatahak sa daan ng katuwiran at katapatan  Ay nakasusumpong ng buhay at

karangalan.
 21:22 Ang matalinong pinuno ay makapapasok sa lunsod na may mga bantay  At kanyang

maiguguho ang inaasahan nilang muog na matibay.
 21:23 Ang pumipigil sa kanyang dila  Ay umiiwas sa masama.
 21:24 Ang taong makasarili  Ay palalo at mapang-api.
 21:25 Kagutuman ang papatay sa taong batugan  Pagkat ayaw niyang igawa ang kanyang mga

kamay.
 21:26 Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw  Ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng

kabibigay.
 21:27 Ang hain ng masama ay kasuklam-suklam sa Diyos  Lalo't ang layunin nito ay di

kalugud-lugod.
 21:28 Ang patotoo ng sinungaling ay di pakikinggan  Ngunit ang salita ng tapat ay

pahahalagahan.
 21:29 Alam ng matuwid ang kanyang hinaharap  Di tulad ng masama, nagkukunwa, nagpapanggap.
 21:30 Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan  Ay di makatutulong kung si Yahweh ay

kalaban.
 21:31 Ang kabayo'y naihahanda para sa digmaan  Ngunit buhat kay Yahweh ang bawat tagumpay.
 22:1 Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan  Kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.
 22:2 Kay Yahweh ay pareho ang mayama't mahirap  Pagkat siya ang may lalang sa kanilang

lahat.
 22:3 Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat,  Ngunit di ito pansin ng

mangmang kaya siya'y napapahamak.
 22:4 Ang pagkatakot kay Yahweh at ang kapakumbabaan  Ay nagbubunga ng yaman, buhay at

karangalan.
 22:5 Sa landas ng masama ay naghalang ang patibong,  Ang nagmamahal sa sarili ay umiiwas

doon.
 22:6 Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran,  At hanggang sa paglaki'y di niya ito

malilimutan.
 22:7 Ang mahirap ay nasa kapangyarihan ng mayaman,  Ang nangangailangan ay alipin ng

nagpapahiram.
 22:8 Ang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kaguluhan,  At ang bunga ng ginagawa niya ay

kapahamakan.
 22:9 Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain,  At tiyak na ikaw ay pagpapalain.
 22:10 Palayasin mo ang manunudyo at mawawala ang alitan,  At matitigil ang kaguluhan pati

pag-aaway.
 22:11 Ang magiliw mangusap at may pusong dalisay  Pati ang hari'y magiging kaibigan.
 22:12 Binabantayan ni Yahweh ang mga nag-iingat ng kaalaman,  Ngunit di niya pinangyayari

ang salita ng mga mangmang.
 22:13 Ang tamad ay ayaw lumabas ng bahay,  Ang idinadahila'y may leon sa daan.
 22:14 Ang pangangalunya ay parang patibong,  Ang mga hindi nagbibigay-lugod kay Yahweh ang

nahuhulog doon.
 22:15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo  Ngunit sa pamamagitan ng palo, sila'y matututo.
 22:16 Ang nagreregalo sa mayaman o umaapi sa mahirap para magpayaman,  Ay mauuwi rin sa

karalitaan. ( Mga Utos at Babala )
 22:17 Pakinggan mo at pag-aralang mabuti itong salita ng matatalino.
 22:18 Ito'y magdudulot sa iyo ng kaligayahan kung isasaulo mo.
 22:19 Sinasabi ko ito sa iyo pagkat nais kong si Yahweh ang panaligan.
 22:20 Tatlumpu ang kawikaang ito. Bawat isa ay magandang panuntunan at magdudulot ng

kaalaman.
 22:21 Ituturo nito sa iyo kung ano ang katotohanan. Sa gayon, may maisasagot ka kung may

magtanong sa iyo.
 22:22 Huwag mong samantalahin ang kahinaan ng mahihirap, ni pagmalabisan ang dukha sa harap

ng hukuman
 22:23 pagkat ipagtatanggol sila ni Yahweh, at aagawan niya ang nang-agaw sa mga iyon.
 22:24 Huwag makikipagkaibigan sa mainit ang ulo
 22:25 pagkat baka mahawa ka sa kanila.
 22:26 Huwag kang mananagot sa utang ng iba,
 22:27 pag hindi siya nakabayad ay kukunin pati higaan mo.
 22:28 Huwag mong babaguhin ang mga hangganang itinayo ng iyong mga ninuno.
 22:29 Ang mahusay magtrabaho ay higit kanino man, hindi alangang isama sa hari.
 23:1 Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang

iyong kaharap.
 23:2 Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili.
 23:3 Huwag dudukwangin agad ang pagkain, baka iyon ay pain lang sa iyo.
 23:4 Huwag mong guluhin ang isip mo sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon.
 23:5 Pagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa

kalawakan.
 23:6 Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain,
 23:7 pagkat yao'y maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom,

ngunit hindi bukal sa kalooban.
 23:8 Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lamang ang maganda mong

sasabihin.
 23:9 Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi niya mauunawaan kahit gaano

kaganda ang sabihin mo.
 23:10 Huwag mong babaguhin ang hangganang malaon nang nakalagay, ni sasakupin ang lupa ng

mga ulila.
 23:11 Pagkat ang tagapagtanggol nila ay ang Makapangyarihan, at siya ang iyong makakalaban.
 23:12 Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng

karunungan.
 23:13 Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay,
 23:14 manapa'y ililigtas mo ang kanyang buhay.
 23:15 Anak, matutuwa ako kung lalabas kang matalino.
 23:16 Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.
 23:17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan bagkus igalang mo si Yahweh habang ikaw ay

nabubuhay.
 23:18 Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.
 23:19 Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay.
 23:20 Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain.
 23:21 Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng

basahan.
 23:22 Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang

iyong ina sa kanyang katandaan.
 23:23 Hanapin mo ang katotohanan, kaalaman at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag

pababayaang mawala.
 23:24 Ang ama ng taong matuwid ay tigib ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na

matalino.
 23:25 Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at

madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.
 23:26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay.
 23:27 Ang masasamang babae ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon.
 23:28 Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong

magtaksil.
 23:29 Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at

kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan?
 23:30 Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa bago't bagong alak!
 23:31 Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam.
 23:32 Pagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag.
 23:33 Halos hindi ka makadilat at parang matigas ang iyong dila at di ka makapag-isip na

mabuti.
 23:34 Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at inihahampas ng malalaking alon; pasuray-

suray ka at parang nakahiga sa gilingan.
 23:35 "Ang sasabihin mo, 'Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, walang

kailangan. Pagbangon ko, iinom ako uli.'"
 24:1 Huwag mong kainggitan ang mga makasalanan ni sa kanila'y makipagkaibigan.
 24:2 Ang nasa isip nila'y lagi nang kaguluhan, at ang dila nila'y tigib ng kasinungalingan.
 24:3 Sa pamamagitan ng kaalaman, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa

kaunawaan.
 24:4 Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay sa pamamagitan ng

karunungan.
 24:5 Ang karunungan ay higit na mabuti kaysa kalakasan.
 24:6 Ang digmaa'y naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pamamaraan pagkat ang tagumpay ay

bunga ng mahusay na plano.
 24:7 Ang malalim na kasabihan ay di mauunawaan ng mangmang. Hindi ito makasasali sa

mahahalagang usapan.
 24:8 Ang mahilig sa paggawa ng masama ay tinatawag na puno ng kasamaan.
 24:9 Anumang pakana ng masama ay kasalanan at kinamumuhian ng tao ang nanunuya sa kapwa.
 24:10 Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugang wala kang lakas.
 24:11 Tulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay nang walang katarungan.
 24:12 "Kapag sinabi mong, 'Wala akong pakialam sa taong iyan,' ito'y hindi makakaila sa

Diyos na nakaaalam ng laman ng iyong puso. Alam ito ng Diyos na nakatunghay sa iyo.

Pagbabayarin niya ang tao ayon sa kanyang ginawa. "
 24:13 Anak, uminom ka ng pulot-pukyutan at ito'y makabubuti sa iyo. Kung ang pulot-pukyutan

ay masarap sa panlasa,
 24:14 ang kaalaman naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at

magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
 24:15 Huwag mong pag-isipang looban ang taong matuwid,
 24:16 pagkat siya'y makatatayo uli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling

nababagsak sa panahon ng kahirapan.
 24:17 Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan.
 24:18 Pag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at ikaw ay kanyang parurusahan.
 24:19 Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa.
 24:20 Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap.
 24:21 Anak, igalang mo si Yahweh, gayon din ang hari. Huwag mong susuwayin ang sinuman sa

kanila
 24:22 pagkat bigla na lang kayong mapapahamak. Hindi ka ba natatakot sa pinsalang magagawa

nila sa iyo? ( Mga Karagdagang Kawikaan )
 24:23 Narito pa ang ilang mahalagang kawikaan: Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng

katarungan.
 24:24 Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa

ng bayan.
 24:25 Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain.
 24:26 Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
 24:27 Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka

magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.
 24:28 Huwag kang sasaksi sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan ni magsasabi ng

kasinungalingan laban sa kanya.
 24:29 "Huwag mong sasabihin, 'Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin para ako

makaganti.' "
 24:30 Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad.
 24:31 Ito'y puro dawag at mahalagang damo. Naguho na ang bakod nito.
 24:32 Pinag-isipan ko itong mabuti at may nakuha akong magagandang aral:
 24:33 Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip,
 24:34 samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang magnanakaw upang kunin

ang lahat ng kailangan natin.
 25:1 ( Mga Paghahambing at Aral sa Buhay ) Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon, sinipi ng

mga tauhan ni Ezequias na hari ng Juda.
 25:2 Kadakilaan ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng

hari na ito'y saliksikin upang ilitaw.
 25:3 Isipan ng hari'y mahirap malaman, pagkat sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.
 25:4 Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday.
 25:5 Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang

mamamalagi.
 25:6 Huwag kang magmamataas sa harap ng hari ni ihanay ang sarili sa mga taong pili.
 25:7 "Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, 'Halika rini,' kaysa hamakin ka sa harap ng

marami. "
 25:8 Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang

may kasalanan.
 25:9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala.
 25:10 Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.
 25:11 Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa enggasteng pilak.
 25:12 Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling

alahas.
 25:13 Ang utusang tapat ay kasiyahan ng pinaglilingkuran, tulad ng malamig na tubig sa

panahon ng tag-araw.
 25:14 Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.
 25:15 Sa malambing na pakiusap pusong bato'y nababagbag, pati na ang hari ay nahihikayat.
 25:16 Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lamang.
 25:17 Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.
 25:18 Ang taong sumasaksi nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong

pumapatay.
 25:19 Ang taksil na pagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at

mga paang pilay.
 25:20 Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na

balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.
 25:21 Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakanin mo at painumin kung siya'y nauuhaw.
 25:22 Sa gayo'y ilalagay mo siya sa kahihiyan at buhat kay Yahweh, mayroon kang kagantihan.
 25:23 Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang

paninira ng karangalan.
 25:24 Masarap pa ang tumira sa bubungan kaysa loob ng bahay na ang kasama'y babaing

madaldal.
 25:25 Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa

malayong bayan.
 25:26 Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakibagay.
 25:27 Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa

karangalan.
 25:28 Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop

ng mga kaaway.
 26:1 Ang papuri'y di angkop sa taong mangmang, parang ulan ng yelo sa tag-araw o panahon ng

anihan.
 26:2 Ang sumpang di nararapat ay hindi tatalab, tulad lamang ito ng ibong hindi dumadapo,

lilipad-lipad.
 26:3 Ang latigo'y para sa kabayo, ang bokado'y para sa asno, ang pamalo naman ay sa

mangmang na tao.
 26:4 Huwag mong papatulan ang isang mangmang at baka lumabas na higit ka pang hangal.
 26:5 Kapag pinatulan mo ang mangmang, iisipin niyang siya'y may katuwiran.
 26:6 Ang magpadala ng balita sa mangmang na tao ay parang kumuha ng batong ipinukpok sa

sariling ulo.
 26:7 Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng

mangmang.
 26:8 Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa tirador.
 26:9 Ang isang kasabihan sa bibig ng haling ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing.
 26:10 Ang kumukuhang upahan sa isang mangmang ay tulad ng pumapana sa bawat magdaan.
 26:11 Ang taong nananatili sa kanyang kahangalan ay tulad ng aso, ang suka ay binabalikan.
 26:12 Sa nag-aakalang siya ang pinakamatalino ay mabuti pa ang mangmang, may pag-asang

mabago.
 26:13 "Ano ang idinadahilan ng taong batugan? 'May leon sa daan, may leon sa lansangan.' "
 26:14 Kung lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama.
 26:15 Ang kamay ng tamad ay nadidikit sa pinggan, ni hindi mailapit sa bibig dahil sa

katamaran.
 26:16 Ang palagay ng tamad siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon.
 26:17 Ang nanghihimasok sa gulo ng may gulo ay tulad ng dumadakma sa tainga ng aso.
 26:18 Ang taong nandadaya saka sasabihing nagbibiro lang ay tulad ng baliw na naglalaro ng

sandatang nakamamatay.
 26:19 (*papuloy)
 26:20 Namamatay ang apoy kung ubos na ang kahoy, natitigil ang away pag walang nanunulsol.
 26:21 Kung ang baga'y nagdidikit dahil sa pag-ihip, at nagliliyab ang apoy kung maraming

gatong, patuloy ang labu-labo kung maraming mapanggulo.
 26:22 Ang sitsit ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin.
 26:23 Ang matamis ngunit pakunwaring salita ay parang pintura ng mumurahing banga.
 26:24 Ang tunay na damdamin ng mapagpaimbabaw ay maitatago sa salitang mainaman.
 26:25 Matamis pakinggan ngunit huwag paniwalaan pagkat iyon ay bunga ng kanyang

pagkasuklam.
 26:26 Maaaring ang galit niya'y maitago sa magandang paraan ngunit nalalantad din sa mata

ng tanan.
 26:27 Ang gumagawa ng patibong ay siya ring mahuhuli noon. Ang nagpapagulong ng bato ang

siyang tatamaan nito.
 26:28 Ang dilang di tapat sa walang-sala ay nagpapasama. Ang magdarayang salita ay

nagpapahamak sa kapwa.
 27:1 Huwag ipaghahambog ang araw ng bukas, pagkat di mo alam kung anong magaganap.
 27:2 Bayaan mong iba ang sa iyo'y pumuri at ang bangko mo'y huwag buhatin ng sarili.
 27:3 Ang bato ay mabigat, ang buhangin ay may timbang, ngunit mas mabigat ang alitan ng mga

hangal.
 27:4 Ang galit ay mabagsik, ang poot ay mabangis, ngunit ang panibugho'y may ibayong lupit.
 27:5 Mas mabuti ang panunumbat nang hayagan kaysa ipakita mong wala kang pagmamahal.
 27:6 May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway.
 27:7 Ang taong busog ay tatanggi kahit sa pulot-pukyutan, ngunit sa taong gutom, matamis

kahit ang mapait na bagay.
 27:8 Ang taong lumayas sa kanyang tahanan ay tulad ng ibong sa pugad lumisan.
 27:9 Ang langis at pabango'y pampasigla ng pakiramdam ngunit ang kabalisaha'y pampahina ng

kalooban.
 27:10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan, ni ang katoto ng iyong magulang. Kung ikaw

ay nagigipit, huwag sa kapatid lalapit. Higit na mabuti ang kapitbahay na malapit, kaysa

isang malayong kapatid.
 27:11 Magpakatalino ka, anak, upang ako'y masiyahan at sa gayo'y di ako mapahiya sa mga

nang-uuyam.
 27:12 Alam ng matalino kung may panganib at siya'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng

mangmang kaya siya'y napapahamak.
 27:13 Kunin mo ang kasuutan ng sinumang nananagot para sa iba, at siya ang pagdusahin mo

dahil sa pag-ako sa di niya kilala.
 27:14 Ang pahiyaw na pagbati bilang panggising sa kaibigan ay para nang sumpang

binibitiwan.
 27:15 Nakayayamot ang babaing masalita tulad ng ulang ayaw tumila.
 27:16 Mahirap siyang patigilin. Para kang dumadakot ng langis o pumipigil sa hangin.
 27:17 Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan.
 27:18 Ang nag-aalaga sa punong igos ay makakakain ng bunga niyon; ang nagmamalasakit ay

pararangalan naman ng kanyang panginoon.
 27:19 Kung paanong ang mukha ay nalalarawan sa tubig, sa kilos naman nahahalata ang

iniisip.
 27:20 Ang nasa ng tao'y walang kasiyahan, tulad ng libingan, laging naghihintay.
 27:21 Kung dalisay ang pilak at ginto ay sa apoy malalaman, ugali ng tao ay makikilala sa

gawa araw-araw.
 27:22 Bayuhin mang parang bigas ang isang taong mangmang, hindi rin maaalis ang kanyang

kahangalan.
 27:23 Ang iyong mga hayop ay iyong bantayan, alagaang mabuti ang iyong kawan.
 27:24 Di mamamalagi ang yaman, ganoon din ang mga nasa kapangyarihan.
 27:25 Putulin muna ang dayami, saka gapasin ang damo sa parang habang hinihintay ang

susunod na anihan.
 27:26 Sa mga tupa kinukuha yaong ginagawang kasuutan, ang pambili niyong bukid ay kambing

ang nagbibigay.
 27:27 Ang gatas ng inahing kambing ay sa ibang kailangan, pagkain ng pamilya mo't mga

katulong sa bahay.
 28:1 ( Ang Matuwid at ang Masama ) Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit

panatag ang matuwid, ang katulad ay leon.
 28:2 Ang bayan ay magulo kung may nag-aagawan sa kapangyarihan,  Ngunit kung matalino ang

namumuno ang bansa ay magtatagal.
 28:3 Ang pinunong sa mahihirap ay sumisiil  Ay tulad ng ulang sumisira sa pananim.
 28:4 Ang masama ay pinupuri ng masuwayin sa batas,  At kalaban nila ang mga taong sa

tuntunin nanghahawak.
 28:5 Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan,  Ngunit sa mga alipin ni Yahweh ay lubos

itong malinaw.
 28:6 Mabuti na ang mahirap na lumalakad sa katuwiran,  Kaysa taong mayaman ngunit

makasalanan.
 28:7 Ang anak na matalino ay sumusunod sa aral,  Ngunit ang bumabarkada sa masasama,

kahihiyan ng magulang.
 28:8 Ang yamang natamo sa pamamagitan ng patubuan  Ay mauuwi sa maawain at matulungin sa

nangangailangan.
 28:9 Ang taong ayaw sumunod sa kautusan  Ang dalangin niya ay di pakikinggan.
 28:10 Ang tumutukso sa mabuti upang magpakasama  Ay mabubulid sa sariling pakana,  Ngunit

ang taong may tapat na pamumuhay  Ay magmamana ng maraming kabutihan.
 28:11 Ang palagay ng mayaman ay marunong siya  Ngunit ang mahirap na may unawa ay mabuti pa

sa kanya.
 28:12 Pag matuwid ang nasa kapangyarihan, ang lahat ay nagdiriwang,  Ngunit kung mapalit ay

masama, lahat ay nasa taguan.
 28:13 Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti  Ngunit kahahabagan ng Diyos ang

nagbabalik-loob at nagsisisi.
 28:14 Mapalad ang taong sumusunod sa Panginoon  Ngunit ang matigas ang ulo ay mapaparool.
 28:15 Ang masamang hari ay tila leong mabagsik  At nakatatakot na parang osong mabangis.
 28:16 Ang haring walang pang-unawa ay tiyak na malupit,  Ang pamamahala ng tapat na hari ay

lalawig.
 28:17 Ang pumatay sa kapwa ay humuhukay ng sariling libingan,  At di dapat na tulungan.
 28:18 Ang taong tapat ay ligtas sa kapahamakan,  Ngunit ang masama ay biglang mabubuwal.
 28:19 Sagana sa pagkain ang magsasakang masipag,  Ngunit nagdarahop ang taong tamad.
 28:20 Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala,  Ngunit parurusahan ang yumaya sa

pandaraya.
 28:21 Ang paghatol nang may kinikilingan ay hindi mainam,  Ngunit dahil sa suhol may hukom

na gumagawa ng ganitong kasamaan.
 28:22 Ang kuripot ay nagmamadali na yumaman  Ni hindi iniisip na kahirapan ay daratal.
 28:23 Sa taong mapanumbat sa huli'y marami ang magpapasalamat  Kaysa taong panay ang

pagpuri kahit hindi nararapat.
 28:24 Ang nagnanakaw sa magulang sa matuwid na hindi iyon kasalanan  Ay tulad na rin ng

karaniwang magnanakaw.
 28:25 Ang taong gahaman ay lumilikha ng kaguluhan,  Ngunit ang may takot kay Yahweh ay

uunlad ang buhay.
 28:26 Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang,  Ngunit ang sumusunod sa magandang

payo ay malayo sa kapahamakan.
 28:27 Ang namimigay sa mahirap ay di magkukulang,  Ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.
 28:28 Kapag masama ang pinuno, ang lahat ay nagkukubli,  Ngunit kapag sila ay wala na ang

kapalit ay mabubuti.
 29:1 Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas  Ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak.
 29:2 Kapag matuwid ang namamahala, nagsasaya ang madla,  Ngunit matamlay ang bayan kung ang

pinuno ay masama.
 29:3 Ang magustuhin sa kaalaman ay nagbibigay galak sa magulang,  Ngunit ang nakikisama sa

patutot ay nagwawaldas ng kayamanan.
 29:4 Ang kaharian ay matatag kung ang hari'y makatarungan,  Ngunit ito'y mawawasak kung sa

salapi siya'y gahaman.
 29:5 Ang kunwa'y pumupuri sa kanyang kapwa  Ay nag-uumang ng bitag na sa sarili inihahanda.
 29:6 Ang masama ay nahuhuli sa sariling kasalanan,  Ngunit ang matuwid ay panatag, may awit

ng kagalakan.
 29:7 Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap,  Ngunit ito'y bale-wala sa mga taong

sukab.
 29:8 Ang buong bayan ay ginugulo ng palalo,  Ngunit ang galit ng mga tao'y pinapawi ng

matitino.
 29:9 Kapag inihabla ng may unawa ang isang taong mangmang,  Ito ay hahalakhak at lilikha ng

kaguluhan.
 29:10 Ang mamamatay-tao ay namumuhi sa taong tapat,  Ngunit ang matuwid, sa kanila'y nag-

iingat.
 29:11 Kung magalit ang mangmang ay walang patumangga  Ngunit ang matalino'y nagpipigil na

ang galit niya'y mahalata.
 29:12 Kapag nakinig ang hari sa kasinungalingan,  Lahat ng lingkod niya'y mabubuyo sa

kasamaan.
 29:13 Magkapareho sa iisang bagay ang mahirap at maniniil:  Si Yahweh ang may bigay ng

kanilang paningin.
 29:14 Kung ang pagtingin ng hari ay pantay-pantay,  Magiging matatag ang kanyang kaharian.
 29:15 Magbibigay ng aral ang pamalo at ang saway  Ngunit ang batang pinalayaw ay kahihiyan

ng magulang.
 29:16 Pag masama ang namamahala, naglipana ang karahasan,  Ngunit masasaksihan ng matuwid

ang kanilang kapahamakan.
 29:17 Ang anak mo'y busugin sa pangaral,  At pagdating ng araw, siya'y iyong karangalan.
 29:18 Ang bansang walang Diyos ay puno ng kaguluhan,  Ngunit mapalad ang taong sumusunod sa

Kautusan.
 29:19 Ang utusan ay di matututo dahil lamang sa salita  Pagkat di niya susundin kahit ito

maunawa.
 29:20 Mabuti nang di hamak ang hangal  Kaysa taong ang sinasabi'y hindi na tinitimbang.
 29:21 Kapag ang utusan ay iyong pinalayaw,  Siya na ang mag-uutos pagdating ng araw.
 29:22 Ang taong magagalitin ay laging napapasok sa gulo;  Laging nakikipag-away dahil sa

init ng ulo.
 29:23 Ang magbabagsak sa tao'y ang kanyang kapalaluan  Ngunit ang mapagpakumbaba ay

magtatamong karangalan.
 29:24 Ang makipagsabuwatan sa magnanakaw ay mahirap na kalagayan:  Pag nagsabi ng totoo,

ipabibilanggo ng hukuman,  Ngunit parurusahan naman ng  Diyos pag ang sinabi'y

kasinungalingan.
 29:25 Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba,  Magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
 29:26 Marami ang lumalapit sa hari upang humingi ng tulong  Ngunit sa lahat ng bagay, ang

nagpapasiya'y ang Panginoon.
 29:27 Ang masama ay kinasusuklaman ng mga matuwid;  Ang masasama naman sa matuwid

nagagalit.
 30:1 ( Ang mga Pananalita ni Agur ) "Mga pananalita ni Agur na anak ni Jaque ng Massa. Ito

ang sinabi niya kina Itiel at Ucal: 'Ang Diyos ay malayo sa akin, wala akong magagawa. "
 30:2 '"Ako ay mangmang, alangang maging tao. Wala akong karunungan, hindi ako matalino. "
 30:3 '"Di ako nakapag-aral, walang alam tungkol sa Maykapal. "
 30:4 '"Sino ang dalubhasa tungkol sa kalangitan? Sino ang nakapigil ng hangin sa kanyang

palad? Sino ang nakapagbalot ng tubig sa isang damit? Naglagay ng mga hangganan sa daigdig?

Sino siya? Sino ang kanyang anak? "
 30:5 '"Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig

sa kanya."
 30:6 "Huwag mong daragdagan ang kanyang salita pagkat pagsasabihan ka niya na isang

sinungaling.' ( Karagdagang Kawikaan )"
 30:7 Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay:
 30:8 Huwag akong bayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat

na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin.
 30:9 Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung

maghirap ako'y matuto akong magnakaw at sa gayo'y malapastangan kita.
 30:10 Ang alipin ay huwag mong sisiraan sa kanyang amo,  Baka isumpa ka niya't pagbayarin

sa ginawa mo.
 30:11 May mga taong naninira sa kanilang ama,  Masama ang sinasabi tungkol sa kanilang ina.
 30:12 May mga taong nagmamalinis sa sarili,  Ngunit ang totoo'y walang kasindumi.
 30:13 May mga taong masyadong palalo, ang akala nila'y kung sino na sila.
 30:14 May mga tao namang masyadong masakim,  Pati mahihirap, kanilang sinisikil.
 30:15 "Ang linta ay may dalawang anak, 'Bigyan mo ako,' ang lagi nilang hiling. May apat na

bagay na kailanma'y di masiyahan: "
 30:16 Ang libingan,  ang babaing walang anak,  ang lupang tuyo, laging ibig matigmak  at

ang apoy na naglalagablab.
 30:17 Ang anak na kumukutya sa kanyang ama at laging sumusuway sa salita ng ina, ay sa

parang malalagutan ng hininga. Tutukain ng uwak ang kanilang mata at kakanin ng buwitre ang

kanilang bangkay.
 30:18 May apat na bagay na di ko maunawaan.
 30:19 Ang landas ng agila sa kalangitan,  Ang daan ng ahas sa ibabaw ng batuhan,  Ang ruta

ng barko sa karagatan,  Ang babae't lalaking nagmamahalan.
 30:20 Ganito naman ang ginagawa ng babaing nagtataksil: makikipagtalik, pagkatapos ay

magbibihis saka sasabihing wala siyang ginagawang masama.
 30:21 May apat na bagay na yayanig sa daigdig:
 30:22 Ang aliping naging hari  Ang isang mangmang na nanagana sa pagkain
 30:23 Ang babaing masungit na nagkaasawa  At ang isang aliping babaing naging amo.
 30:24 Sa daigdig ay may apat na maliliit na hayop ngunit may pambihirang kaisipan:
 30:25 Ang mga langgam: sila ay mahina ngunit nag-iipon  Ng pagkain kung tag-araw.
 30:26 Ang mga kuneho: mahihina rin sila ngunit nakagagawa  Ng kanilang tirahan sa batuhan.
 30:27 Ang mga balang: bagamat walang haring sumusubaybay  Ay lumalakad nang maayos at buong

inam.
 30:28 Ang mga butiki: maaaring kuyumin sa iyong palad dahil sa kaliitan  Nasa palasyo ng

hari at doon naninirahan.
 30:29 May apat na bagay na kasiya-siyang pagmasdan sa kanilang paglakad:
 30:30 Ang leon, pinakamatapang na hayop  At kahit kanino ay di natatakot.
 30:31 Ang tandang na magilas, ang kambing na mabulas  At ang hari sa harap ng bayan.
 30:32 Kung sa kahangalan mo'y naging palalo ka at nagbalak ng masama, mag-isip-isip ka.
 30:33 Batihin mo ang gatas at may mantikilya ka; suntukin mo ang ilong ng iyong kapwa at

dudugo nang sagana; guluhin mo ang iba at mapapaaway ka.
 31:1 ( Payo sa Hari ) Ito ang mga payo ng ina ni Lemuel na hari ng Massa.
 31:2 '"Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin."
 31:3 Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapalungi kang tulad ng

ibang hari.
 31:4 Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin.
 31:5 Kadalasan pag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang

karapatan ng mahihirap.
 31:6 Ang alak ay ibigay mo sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding

kahirapan.
 31:7 Bayaan silang uminom upang malimutan ang hirap at kasawian.
 31:8 '"Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan."
 31:9 "Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan

sa api at mahirap.' ( Ang Huwarang Maybahay )"
 31:10 Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
 31:11 Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
 31:12 Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang

ginagawa at di kasamaan.
 31:13 Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang lino

at saka ng lana.
 31:14 Tulad ng isang barkong tigib ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong

lugar.
 31:15 Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati

na ng gawain ng mga katulong sa bahay.
 31:16 Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay

ipinagpapatanim ng ubas.
 31:17 Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng tungkulin niya

araw-araw.
 31:18 Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.
 31:19 Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
 31:20 Matulungin siya sa mahirap at sa nangangailangan ay bukas ang palad.
 31:21 Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may

makapal na kasuutan.
 31:22 Gumagawa siya ng makakapal na kubrekama at damit na pinong lino ang dinaramit niya.
 31:23 Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.
 31:24 Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuutan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
 31:25 Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na

daratal.
 31:26 Ang mga salita niya ay puspos ng kaalaman at ang turo niya ay pawang katapatan.
 31:27 Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa

araw-araw.
 31:28 Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak:
 31:29 '"Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.' "
 31:30 Magdaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda ngunit ang babaing may takot kay

Yahweh ay pupurihin ng balana.
 31:31 Ibunton sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.

다음검색
현재 게시글 추가 기능 열기

댓글

댓글 리스트
맨위로

카페 검색

카페 검색어 입력폼