CAFE

Tagalog 성경

27. Daniel (다니엘)

작성자드림|작성시간12.01.12|조회수613 목록 댓글 0

27. Daniel

 

 1:1 ( Ang Pagtuturo kina Daniel ) Nang ikatlong taon ng pamamahala ni Haring Joaquim sa Juda, ang Jerusalem ay nasakop ni Haring Nabucodonosor.
 1:2 Pinabayaan ni Yahweh na bihagin niya si Haring Joaquim at samsamin ang ilang kasangkapan sa templo ng Diyos. Lahat ng ito ay dinala ni Nabucodonosor sa templo ng kanyang diyus-diyusan sa Babilonia at inilagay sa silid na taguan ng kanyang kayamanan.
 1:3 Iniutos ng hari kay Aspenaz, pinuno ng kanyang mga tauhan, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika.
 1:4 Ang pipiliin nila ay yaong kabataan, walang kapansanan, makisig, matalino, madaling turuan, may kaalaman sa lahat ng sangay ng karunungan upang maging karapat-dapat na lingkod sa palasyo. Ang mga ito ay tuturuan ng salitang Caldeo.
 1:5 Iniutos ng hari na sila'y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang tuturuan bago maglingkod sa hari.
 1:6 Kabilang sa mga ito sina Daniel, Ananias, Misael, at Azarias na pawang kabilang sa lipi ni Juda.
 1:7 Ang pangalan nila'y pinalitan ng pangalang Caldeo; si Daniel ay Beltsasar, Sadrac si Ananias, Mesac si Misael, at Abednego si Azarias.
 1:8 Ngunit ipinasiya ni Daniel na huwag tikman man lamang ang pagkain at alak na bigay ng hari upang hindi siya makakain ng mga bagay na marumi ayon sa Kautusan. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakanin niyon.
 1:9 Niloob naman ng Diyos na siya'y makalugdan at pagbigyan nito.
 1:10 "Ngunit sinabi niya kay Daniel, 'Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa ibang kasinggulang ninyo. Tiyak na ako'y papupugutan niya pagkat siya mismo ang naglaan ng pagkain ninyo araw-araw.' "
 1:11 Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na nangangalaga sa kanila.
 1:12 "Sinabi niya, 'Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lamang at tubig ang ibigay ninyo sa amin."
 1:13 "Pagkatapos, pagparisin ninyo kami ng mga kasinggulang naming pinakakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at tingnan ninyo ang magiging resulta.' "
 1:14 At sinubok nga sila sa loob ng sampung araw.
 1:15 Nang sila'y pagparisin pagkaraan ng sampung araw, nakitang mas maayos sila at malusog kaysa mga kasinggulang nilang pinakain ng pagkain ng hari.
 1:16 Kaya, gulay at tubig na lamang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inumin ng hari.
 1:17 Niloob ng Diyos na silang apat ay matuto ng lahat ng uri ng kaalaman. Bukod dito, si Daniel ay binigyan pa ng kaalaman tungkol sa pangitain at panaginip.
 1:18 Pagkaraan ng tatlong taong itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nabucodonosor.
 1:19 Isa-isa silang kinausap ng hari, ngunit nakita niyang nakahihigit sina Daniel, Ananias, Misael at Azarias. Kaya, sila ang napili ng hari upang maglingkod sa palasyo.
 1:20 Sa lahat ng bagay na isangguni sa kanila, nakita ng hari na higit na di hamak ang kaalaman nila kaysa mga salamangkero at engkantador ng kaharian.
 1:21 Ang paglilingkod ni Daniel ay tumagal hanggang sa unang taon mula nang sakupin ni Haring Ciro ang Babilonia.
 2:1 ( Ang Panaginip ni Nabucodonosor ) Minsan ay nanaginip si Haring Nabucodonosor. Ito'y noong ikalawang taon ng kanyang pamamahala. Nabagabag siya at hindi makatulog.
 2:2 Dahil dito, ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero, engkantador, manggagaway, at mga manghuhula upang ipaliwanag ang kanyang panaginip.
 2:3 "Sinabi niya sa kanila, 'Ako'y nanaginip at ito ang bumabagabag sa akin hanggang ngayon. Ipaliwanag nga ninyo ang ibig sabihin niyon.' "
 2:4 "Sumagot sila, 'Mabuhay ang mahal na hari. Sabihin po ninyo ang panaginip at ipaliliwanag namin.' "
 2:5 "Sinabi ng hari, 'Hulaan ninyo ang aking panaginip saka ipaliwanag. Kapag hindi ninyo nagawa iyan, kakatayin ko kayo at ipawawasak ang inyong mga tahanan."
 2:6 "Kapag nasabi ninyo at naipaliwanag ang aking panaginip, gagantimpalaan ko kayo at pararangalan. Hala, sabihin ang aking panaginip, saka ipaliwanag.' "
 2:7 "Sumagot uli sila, 'Mahal na hari, turan po ninyo ang panaginip at ipaliliwanag namin.' "
 2:8 "Sinabi ng hari, 'Alam kong pinahahaba lamang ninyo ang oras dahil sa sinabi ko sa inyo"
 2:9 "na iisa ang sentensiya ninyo kapag hindi nasabi sa akin, at naipaliwanag ang aking panaginip. Nagkaisa kayong magsinungaling sa akin sa pagbabaka-sakaling magbago ako ng isip paglipas ng oras. Turan ninyo ang aking panaginip at saka ako maniniwalang maipaliliwanag nga ninyo iyon.' "
 2:10 "Sumagot ang mga manghuhula, 'Wala pong tao sa daigdig na makagagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari, gaano man ang kapangyarihan niya, na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, engkantador, o manghuhula."
 2:11 "Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makagagawa niyan ngunit hindi naman sila makakausap.' "
 2:12 Dahil sa sagot na ito, lalong nagalit ang hari kaya't iniutos na patayin ang lahat ng mga pantas at tagapayo sa buong Babilonia.
 2:13 Sa utos na ito laban sa lahat ng pantas ng kaharian ay saklaw pati si Daniel at ang kanyang mga kasama. ( Ang Panaginip ay Inihayag ng Diyos kay Daniel )
 2:14 Kaya, lumapit si Daniel kay Arioc, ang kapitan ng tanod ng hari at siyang inutusang pumatay sa mga pantas ng Babilonia.
 2:15 "Ang tanong niya, 'Bakit po nag-utos ng ganito kabigat ang mahal na hari?' At sinabi sa kanya ni Arioc ang dahilan. "
 2:16 Dahil dito, dumulog sa hari si Daniel at nakiusap na bigyan siya ng kaunting panahon at ipaliliwanag niya ang panaginip nito.
 2:17 Umuwi si Daniel at sinabi kina Ananias, Misael at Azarias ang pangyayari.
 2:18 Hiniling niyang ito'y sama-sama nilang idulog sa Diyos para hindi sila pataying kasama ng mga pantas ng Babilonia.
 2:19 Nang gabing yaon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos.
 2:20 "Ang sabi niya:  'Purihin ka, magpakailanman, O Diyos,  Ikaw na nagtataglay ng kaalaman at kapangyarihan; "
 2:21 Ikaw na nakapagbabago ng panahon,  Nagtitindig at nagbabagsak sa mga hari;  Ikaw na nagkakaloob ng karunungan sa matalino,  At ng kaalaman sa mga may unawa;
 2:22 Ikaw na naghahayag sa mga hiwaga,  Nakakikita ng nasa kadiliman;  Ikaw na nasa liwanag magpakailanman.
 2:23 "Pinupuri kita at pinasasalamatan,  O Diyos ng aking mga magulang,  Dahil sa dunong at lakas na ipinagkaloob mo sa akin.  Ngayo'y ibinigay mo sa akin ang hinihiling ko sa iyo.  Ipinaalam mo sa akin ang panaginip ng hari.' ( Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari )"
 2:24 "Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc. Sinabi niya, 'Huwag mo munang papatayin ang mga pantas. Samahan mo ako sa hari at ipaliliwanag ko ang kanyang panaginip.' "
 2:25 "Si Daniel ay dali-daling iniharap ni Arioc sa hari. Sinabi niya, 'Mahal na hari, narito po ang isa sa mga bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.' "
 2:26 "Si Daniel na tinatawag na Beltsasar ay tinanong ng hari, 'Masasabi mo ba sa akin ang panaginip ko at maipapaliwanag pagkatapos?' "
 2:27 "Sumagot si Daniel, 'Ang hiwagang hinihiling ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang pantas, engkantador, salamangkero, o astrologo."
 2:28 Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga. At sa pamamagitan po ng inyong panaginip ay inihahayag niya sa inyo ang mangyayari sa hinaharap.
 2:29 '"Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ito'y inihahayag sa inyo ng Diyos na nakaaalam ng lahat ng hiwaga."
 2:30 Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi sapagkat ako'y nakahihigit sa mga pantas kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at nang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan.
 2:31 '"Mahal na hari, ang napanaginip ninyo ay isang malaki at nakasisilaw na rebulto. Nakatayo ito sa harap ninyo at nakatatakot tingnan."
 2:32 Ang ulo nito ay dalisay na ginto, pilak ang dibdib at mga bisig, tanso ang tiyan at mga hita.
 2:33 Ang mga binti at mga paa ay bakal at luwad.
 2:34 Habang ito'y tinitingnan ninyo, may batong natipak sa bundok. Bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa.
 2:35 Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, luwad, tanso, pilak, at ginto; anupat naging parang ipa. Tinangay ito ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.
 2:36 '"Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan."
 2:37 Kayo ay pinagkalooban ng Diyos ng kaharian, pinuspos ng kapangyarihan, kapamahalaan, at karangalan.
 2:38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang katumbas ng ulong ginto.
 2:39 Ang susunod sa inyo ay ikalawang kaharian ngunit mahina kaysa sa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na sinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang mga naunang kaharian.
 2:40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig.
 2:41 Ang ibig namang sabihin ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at luwad ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal pagkat ito'y pinaghalong bakal at luwad.
 2:42 Ganito naman ang ibig sabihin ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at luwad: Magiging makapangyarihan ang kaharian ngunit madaling babagsak.
 2:43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay haluang pag-aasawa; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong di maaaring paghaluin ang bakal at putik.
 2:44 Sa panahon ng mga haring yaon, ang Diyos ay magtitindig ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian.
 2:45 "Anupat hindi na makababangon ang mga iyon kahit kailan. Ang katulad nito'y yaong tipak ng batong dumurog sa rebultong yari sa bakal, luwad, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinaaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Iyan po ang inyong panaginip at ang kanyang kahulugan.' ( Ginantimpalaan si Daniel )"
 2:46 Nagpatirapa si Haring Nabucodonosor sa harapan ni Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang sambahin ito sa pamamagitan ng mga handog at iba pang alay.
 2:47 "Sinabi niya kay Daniel, 'Dahil sa paglinaw mo sa hiwagang ito, naniniwala na akong ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng diyos. Siya ang dapat kilalaning Panginoon ng lahat ng hari. Siya lamang ang makapaghahayag ng anumang hiwaga.'"
 2:48 At si Daniel ay binigyan niya ng maraming handog, ginawang tagapamahala sa isang lalawigan, at pinakapuno ng mga pantas ng Babilonia.
 2:49 Hiniling naman nito sa hari na sina Sadrac, Mesac at Abednego ang pamahalain sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari.
 3:1 ( Iniutos sa Lahat na Sumamba sa Rebultong Ginto ) Si Haring Nabucodonosor ay nagpagawa ng rebultong gintong siyamnapung talampakan ang taas at siyam naman ang lapad. Nang mayari, ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura, Babilonia.
 3:2 Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga gobernador, katulong na gobernador, komisyonado, ingat-yaman, hukom, at iba pang pinunong bayan, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto.
 3:3 Nang nasa harap na sila ng rebulto,
 3:4 "malakas na ipinahayag ng tagapagbalita: 'Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa alinmang bansa at wika,"
 3:5 na magpatirapa at sumamba sa rebultong ito sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang instrumento ng musika.
 3:6 "Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis sa naglalagablab na pugon.'"
 3:7 Nang tumunog nga ang mga instrumento, lahat ng nakarinig nito ay nagpatirapa at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nabucodonosor. ( Pinaratangan ang Tatlong Judio )
 3:8 Sinamantala ito ng ilang Caldeo upang paratangan ang mga Judio.
 3:9 "Sinabi nila kay Haring Nabucodonosor, 'Mabuhay ang mahal na hari!"
 3:10 Iniutos po ninyo na magpatirapa at sumamba sa inyong rebultong ginto ang sinumang makarinig sa tugtog ng mga instrumento.
 3:11 At sinumang di sumunod ay ihahagis sa naglalagablab na pugon.
 3:12 "Hindi po sumusunod sa utos ninyo sina Sadrac, Mesac, at Abednego, ang inilagay ninyong mga tagapamahala sa Babilonia. Hindi po sila nagpatirapa at sumamba sa ipinagawa ninyong rebulto.' "
 3:13 Nagalit si Haring Nabucodonosor nang marinig ito, at ipinatawag niya sina Sadrac, Mesac at Abednego.
 3:14 '"Sadrac, Mesac, at Abednego, totoo bang hindi kayo sumasamba sa rebultong ipinagawa ko?' tanong ng hari."
 3:15 '"Iniuutos ko sa inyong sumamba kayo sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Tingnan ko lang kung may diyos na makapagliligtas sa inyo.' "
 3:16 "Sinabi nina Sadrac, Mesac at Abednego, 'Mahal na hari, wala po kaming itututol sa inyo tungkol sa bagay na ito."
 3:17 Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan.
 3:18 "At kung hindi man niya gawin ito, hindi pa rin kami sasamba sa rebultong ipinagawa ninyo.' ( Inihagis sa Pugon ang Tatlo )"
 3:19 Namula si Haring Nabucodonosor sa tindi ng galit kina Sadrac, Mesac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painiting makapitong ibayo ang pugon.
 3:20 Iniutos din niya sa pinakamalalakas niyang tauhan na gapusin sina Sadrac, Mesac at Abednego at ihagis sa apoy.
 3:21 Ginapos nga sila nang di na inalis ang pantalon, baro, gora, o alinman sa kanilang kasuutan, at inihagis sa pugon.
 3:22 Dahil sa pagsunod sa utos ng hari at sa tindi ng init ng pugon, namatay ang may dala kina Sadrac, Mesac at Abednego.
 3:23 Samantala, yaong tatlo ay tuluy-tuloy na bumagsak sa naglalagablab na apoy.
 3:24 "Walang anu-ano'y napalundag si Haring Nabucodonosor. Pamanghang itinanong niya sa kanyang mga tagapayo, 'Hindi ba't tatlo lamang ang inihagis sa apoy?' 'Opo, kamahalan,' sagot nila. "
 3:25 '"Bakit apat ang nakikita kong lalakad-lakad sa apoy at hindi nasusunog? At yaong isa, ang tingin ko'y diyos!' ( Pinawalan at Itinaas sa Tungkulin sina Sadrac )"
 3:26 "Si Haring Nabucodonosor ay lumapit sa bunganga ng hurno. Sinabi niya, 'Halikayo rito, Sadrac, Mesac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos.' Lumapit ang tatlo."
 3:27 Paglabas nila sa pugon, ang mga gobernador, katulong na gobernador, at ang mga tagapayo ay lumapit sa kanila. Tiningnan silang mabuti ngunit wala man lamang makitang bakas na likha ng apoy sa katawan ng tatlo. Hindi nasunog kahit bahagya ang kanilang buhok, hindi naano ang kanilang kasuutan, ni hindi sila nag-amoy usok.
 3:28 "Dahil dito, sinabi ng hari, 'Purihin ang Diyos nina Sadrac, Mesac at Abednego! Nagsugo siya ng anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na nanalig sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila'y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyusan."
 3:29 "Kaya, inilalagda ko ang isang utos: Sinuman mula sa alinmang lahi, bansa o wika na magsasalita laban sa Diyos nina Sadrac, Mesac at Abednego ay kakatayin. Hindi lamang ito, wawasakin pa ang kanilang tirahan. Pagkat walang diyus-diyusan na makapagliligtas sa tao, tulad ng ginawa ng kanilang Diyos.' "
 3:30 At ang tatlong ito'y itinaas niya sa tungkulin.
 4:1 ( Ang Ika-2 Panaginip ni Haring Nabucodonosor ) "Si Haring Nabucodonosor ay gumawa ng isang pahayag at ipinakalat sa buong daigdig. Ganito ang isinasaad: 'Minamahal kong mga kababayan,"
 4:2 kagalakan kong ihayag sa inyo ang kababalaghang ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
 4:3 '"Kamangha-mangha ang kanyang kababalaghan at kagila-gilalas ang kanyang mga gawa. Ang paghahari niya'y magpakailanman at saklaw ng kapangyarihan niya ang lahat ng salinlahi. "
 4:4 '"Akong si Nabucodonosor ay namumuhay nang panatag sa gitna ng kasaganaan."
 4:5 Minsan, nagkaroon ako ng isang nakatatakot na panaginip.
 4:6 Kaya, ipinatawag ko ang mga pantas ng Babilonia upang ipaliwanag ang panaginip na iyon.
 4:7 Dumating naman ang mga salamangkero, engkantador, manghuhula at mga astrologo. Sinabi ko sa kanila ang aking panaginip ngunit di nila maipaliwanag.
 4:8 Sa bandang huli, lumapit sa akin si Daniel na pinangalanan naming Beltsasar, ayon sa pangalan ng aking banal na diyos pagkat sumasakanya ang espiritu ng mga diyos. At inilahad ko sa kanya ang aking panaginip. Ang sabi ko:
 4:9 Beltsasar, puno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at alam mo ang lahat ng hiwaga. Sasabihin ko sa iyo ang aking panaginip, ipaliwanag mo sa akin.
 4:10 '"Ito ang napanaginip ko: Isang napakataas na puno ng kahoy na nakatanim sa gitna ng daigdig."
 4:11 Tumaas ito hanggang sa langit; kaya, tanaw sa buong daigdig.
 4:12 Malabay ang mga sanga nito, maraming bunga, at maaaring kanin. Ang mga hayop ay sumisilong dito, at ang mga ibon ay namumugad sa kanyang mga sanga. Lahat ng nilalang ay dito kumukuha ng pagkain.
 4:13 '"Nakita ko rin ang anghel na bumaba mula sa langit at tila siyang bantay."
 4:14 Sumigaw siya nang malakas, 'Ibuwal ang punongkahoy na iyan! Putulin ang mga sanga! Lagasin ang mga dahon at isabog ang mga bunga. Bugawin ang mga hayop na nakasilong dito pati ang mga ibong namumugad sa mga sanga nito.
 4:15 "Ngunit huwag gagalawin ang tuod nito't mga ugat. Bilibiran ito ng bakal at tanso. Bayaan ito sa damuhan sa gitna ng parang. ''Bayaang mabasa ng hamog ang taong ito at manirahan sa parang na kasama ng mga hayop at halaman."
 4:16 Ang isipan niya'y papalitan ng isipan ng hayop sa loob ng pitong taon.
 4:17 Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang ibig niya, kahit na ang pinakaabang tao.'
 4:18 '"Ito ang napanaginip ko, Beltsasar, at hinihiling kong ipaliwanag mo sa akin. Ito'y di naipaliwanag ng mga pantas ng Babilonia ngunit naniniwala akong kayang-kaya mo, pagkat sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.' ( Ang Paliwanag ni Daniel sa Panaginip ng Hari )"
 4:19 "Si Daniel ay nag-isip nang matagal. Sinabi sa kanya ng hari, 'Beltsasar, huwag mong ikabahala ang aking panaginip.' 'Mahal na hari,' sagot niya, 'ang inyong panaginip ay sa inyong mga kaaway nawa mangyari."
 4:20 Ang napanaginip ninyong puno ng kahoy na lumaki, tumaas hanggang sa langit, at tanaw sa buong daigdig,
 4:21 marami ang dahon, makapal ang bunga at maraming nakakakain, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon,
 4:22 ay kayo. Kayo ang lumakas at lumaking sagad sa langit na ang nasasakop ay abot sa magkabilang panig ng daigdig.
 4:23 Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at bibilibiran ng bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, manginain ng damo, tulad ng mga hayop sa parang at parurusahan sa loob ng pitong taon.
 4:24 Ito po ang ibig sabihin, mahal na hari. Yaon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos.
 4:25 Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Manginginain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa labas kayo maninirahan at pitong taong parurusahan hanggang sa kilalanin ninyo na ang lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya kaninuman ang kaharian.
 4:26 Tungkol naman sa tuod na naiwan sa lupa, ibig sabihi'y mababawi ninyo ang kaharian sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa kapangyarihan ng Diyos.
 4:27 "Kaya, mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa maliliit na mamamayan nang manatiling payapa ang inyong buhay.' "
 4:28 Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nabucodonosor.
 4:29 Nakalipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, siya'y namamasyal sa hardin sa bubong ng palasyo.
 4:30 "Sinabi niya, 'Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtindig nito upang gawing punong-lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.' "
 4:31 "Hindi pa siya halos natatapos sa pagsasalita, isang tinig mula sa langit ang nagsabi, 'Haring Nabucodonosor, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian."
 4:32 "Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan, kasama ng mga hayop. Damo ang kakanin mo. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at ito'y maaari niyang ibigay kaninuman niya ibig.' "
 4:33 Pagdaka, naganap sa buhay ni Nabucodonosor ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at nanginain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon.
 4:34 '"Pagkatapos ng takdang panahon, akong si Nabucodonosor ay tumingin sa langit at nanumbalik ang dati kong isip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman.  Ang paghahari niya'y walang hanggan,  Ang pamamahala niya'y walang katapusan. "
 4:35 Lahat ng nabubuhay ay walang halaga.  Ginagawa niya sa hukbo ng langit ang balang ibigin niya.  Walang maaaring mag-utos sa kanya  Ni makasisiyasat sa kanyang ginagawa.
 4:36 '"Nang manauli ang aking isip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga kanang-kamay."
 4:37 "Kaya, akong si Nabucodonosor ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan pagkat lahat ng gawa niya ay tumpak at ang tuntunin niya ay matuwid; ibinabagsak niya ang mga palalo.'"
 5:1 ( Ang Piging ni Belsasar ) Minsan, si Haring Belsasar ay nagdaos ng malaking piging para sa 1,000 tagapamahala niya.
 5:2 Nang kasalukuyan silang nag-iinuman, ipinakuha ni Haring Belsasar ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nabucodonosor sa templo ng Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman nila---ng mga maharlika ng kaharian, mga tunay na asawa at mga aliping asawa.
 5:3 Ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam sa templo ng Diyos ay dinala nga sa bulwagang pinagdarausan ng piging.
 5:4 Habang sila'y nag-iinuman, sinasamba naman nila ang kanilang diyus-diyusang ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.
 5:5 Walang anu-ano, lumitaw ang isang kamay at kitang-kita ni Haring Belsasar na ito'y sumulat sa pader ng palasyo, sa tapat ng kandelero.
 5:6 Dahil dito, nangalisag ang kanyang mga balahibo at namutla siya sa matinding takot.
 5:7 "Pasigaw niyang ipinatawag ang mga engkantador, manghuhula at astrologo. Sinabi niya sa mga ito, 'Pararamtan ko ng purpura, kukuwintasan ng ginto, at gagawin kong pangatlong tao sa kaharian ang makababasa at makapagpapaliwanag sa sulat na iyon.'"
 5:8 Dumating na lahat ang mga tagapayo ng hari ngunit isa ma'y walang makabasa o makapagpaliwanag sa sulat sa pader.
 5:9 Lalo nang nabagabag at namutla ang hari. Gulung-gulo naman ang isipan ng kanyang mga maharlika.
 5:10 "Ang reyna na ina ni Haring Belsasar ay pumasok sa bulwagan at narinig niya ang pag-uusap ng anak niyang hari at ng mga tagapamahala nito. Sinabi niya, 'Mabuhay ang anak kong hari. Huwag mong guluhin ang isip mo sa bagay na iyan."
 5:11 Sa kaharian mo ay mayroong isang taong kinakasihan ng espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong amang si Nabucodonosor, nagpakita siya ng pambihirang katalinuhan, tulad ng katalinuhan ng mga diyos. Ang lalaking yaon ay hinirang noon ng iyong ama bilang pangunahing salamangkero, engkantador, manghuhula at astrologo
 5:12 "dahil sa pambihira niyang talino sa pagpapaliwanag ng mga panaginip, bugtong at paglutas ng anumang palaisipan. Ang lalaking yaon ay si Daniel na tinatawag na Beltsasar. Ipatawag mo siya at maipapaliwanag niya ito sa iyo.' ( Ipinaliwanag ni Daniel ang Sulat sa Pader )"
 5:13 "Ipinatawag nga si Daniel at iniharap sa hari. Sinabi nito kay Daniel, 'Ikaw ba ang Daniel na kasama sa mga binihag ng aking ama mula sa Juda?"
 5:14 Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. May pambihirang talino ka raw at kaalaman.
 5:15 Ang sulat na iyon ay ipinabasa ko sa mga pantas at mga engkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit di nila nagawa.
 5:16 "Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga bagay na tulad nito at mahusay kang lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, pararamtan kita ng purpura, kukuwintasan ng ginto at gagawing pangatlong tao sa kaharian.' "
 5:17 "Sinabi ni Daniel sa hari, 'Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na po lamang at ipaliliwanag ang sulat. "
 5:18 '"Mahal na hari, ang inyong amang si Nabucodonosor ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan ng karangalan."
 5:19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao, bansa at wika ay nangayupapa sa kanya. Maaari niyang ipapatay ang sinumang ibig niya at maaaring panatilihing buhay ang gusto niya. Naitataas niya sa tungkulin ang kanyang maibigan at naibababa ang gustong ibaba.
 5:20 Ngunit dumating ang araw na siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas. Dahil doon, inalis siya sa pagiging hari,
 5:21 ipinagtabuyan sa labas ng bayan at doon nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isipan niya'y pinalitan ng isipan ng hayop. Ang kinakain niya'y damo, tulad ng mga baka. Siya'y sa labas natutulog at gabi-gabi'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa makilala niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at maibibigay niya ito kanino man niya magustuhan.
 5:22 '"At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsasar, hindi kayo nagpakumbaba."
 5:23 Sa halip, nagpakataas kayo sa harapan ni Yahweh. Ipinakuha ninyo ang mga kagamitan sa kanyang templo at ginamit sa inuman. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakikita ni nakaririnig. At ang Diyos na nagbibigay sa inyo ng buhay ay hindi ninyo pinarangalan.
 5:24 Kaya, ipinadala ang kamay na yaon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.
 5:25 '"Ito ang sulat: Mene, mene, tekel parsin."
 5:26 Ito naman ang ibig sabihin: Mene, nabibilang na ang araw ng iyong kaharian pagkat wawakasan na ito ng Diyos.
 5:27 Tekel, ikaw ay tinimbang at napatunayang nagkukulang.
 5:28 "Parsin, ang kaharian mo ay mahahati at ibibigay sa Media at Persia.' "
 5:29 Iniutos ng Haring Belsasar na si Daniel ay bihisan ng purpura at kuwintasan ng dalisay na ginto. Pagkatapos ay ipinahayag niyang ito ay pangatlo sa hanay ng mga tagapamahala ng kaharian.
 5:30 Nang gabi ring yaon, pinatay si Haring Belsasar,
 5:31 at ang kaharian ay nauwi kay Dario, hari ng Media na noo'y animnapu't dalawang taon na.
 6:1 ( Si Daniel sa Kulungan ng mga Leon ) Si Haring Dario ay humirang ng 120 gobernador at itinalaga niya sa buong kaharian.
 6:2 Pinili naman niya si Daniel at dalawa pang katao upang mamahala sa mga gobernador at mangalaga sa mga kapakanan ng hari.
 6:3 Si Daniel ang naging pangunahin sa tatlong tagapamahala at sa mga gobernador dahil sa pambihira niyang karunungan. Dahil dito, inisip ng hari na siya ang gawing tagapamahala sa buong kaharian.
 6:4 Kaya, ang dalawang kasama niyang tagapamahala at ang mga gobernador ay humanap ng maibibintang kay Daniel upang huwag matuloy ang magandang balak ng hari para sa kanya. Ngunit wala silang makita pagkat laging tapat si Daniel sa kanyang tungkulin.
 6:5 "Kaya't sinabi nila, 'Wala tayong maibibintang sa kanya maliban sa kanyang relihiyon.' "
 6:6 "Nagkaisa silang humarap sa hari. Sinabi nila, 'Mabuhay ang Haring Dario!"
 6:7 Kami pong mga tagapamahala ng kaharian, mga gobernador, katulong na gobernador at mga tagapayo ay nagkakaisa ng palagay. Mabuti po'y ipag-utos ninyo na sa loob ng tatlumpung araw ay walang sasamba o mananalangin sa ibang diyos o tao liban sa inyo. Sinumang hindi susunod sa utos na ito ay ihahagis sa kulungan ng mga leon.
 6:8 "Kaya, mahal na hari, magpalabas po kayo ng gayong kautusan at inyong lagdaan upang maging batas ng Media at Persia, batas na di mababago kailanman.'"
 6:9 At gayon nga ang ginawa ni Haring Dario.
 6:10 Nang malaman ni Daniel na ang gayong kautusan ay nalagdaan na ng hari, siya'y umuwi. Umakyat siya sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan at sa tapat ng bintanang nakaharap sa Jerusalem ay lumuhod siya at nanalangin sa Diyos tatlong beses maghapon, gaya ng kanyang kinaugalian.
 6:11 Ngunit binabantayan pala siya ng kanyang mga kaaway. Nang makita siyang nananalangin,
 6:12 "dali-dali siyang isinumbong sa hari. Ang sabi nila, 'Hindi po ba't naglagda kayo ng kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?' Sumagot ang hari, 'Ayon sa kautusan ng Media at Persia, hindi mababago ang kautusang nilagdaan ko.' "
 6:13 "Sinabi nila, 'Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga bihag mula sa Juda ay lumalabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.' "
 6:14 Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel.
 6:15 "Nang magkaroon uli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, 'Alalahanin ninyo, mahal na hari, na di maaaring baguhin ang alinmang kautusan sa Media at Persia.' "
 6:16 "Dahil dito, iniutos ni Haring Dario na ihagis si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, 'Nawa'y iligtas ka ng Diyos na pinaglilingkuran mo ng buong katapatan.'"
 6:17 Ang pintuan ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga ministro para hindi mabuksan ng sinuman.
 6:18 Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Magdamag siyang hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw niyang paaliw.
 6:19 Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon.
 6:20 "Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, 'Daniel, tapat na alipin ng Diyos na buhay! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?' "
 6:21 "Sumagot si Daniel, 'Mabuhay ang kanyang kamahalan!"
 6:22 "Hindi po ako naano pagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na sinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito pagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagagawang masama laban sa inyo.' "
 6:23 Dahil dito, labis na nagalak ang hari at ipinahango niya si Daniel sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon, wala silang nakita kahit bahagyang galos sa katawan ni Daniel.
 6:24 Ang lahat ng may kinalaman sa pagkahagis kay Daniel sa kulungan ng mga leon ay ipinahagis doon ng hari pati ang kanilang sambahayan. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon.
 6:25 "Pagdating sa palasyo, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng lahi, wika at bansang kanyang nasasakupan. Anang sulat: 'Sa lahat ng kinauukulan:"
 6:26 Iniuutos ko sa lahat kong nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel.  Siya ang Diyos na buhay  at maghahari magpakailanman.  Hindi mawawasak ang kanyang kaharian  at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan.
 6:27 Siya ay nagliligtas.  Gumagawa siya ng mga kababalaghan  sa langit at sa lupa.
 6:28 At si Daniel ay nanagana sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia.
 7:1 ( Ang Pangitain ni Daniel Tungkol sa Apat na Halimaw ) Noong unang taon ni Haring Belsasar, akong si Daniel ay nagkaroon ng pangitain samantalang namamahinga. Isinulat ko ito
 7:2 gaya ng sumusunod: Nakita ko ang isang malaking dagat na binabayo ng malakas na hangin kabi-kabila.
 7:3 Mula sa dagat ay may lumitaw na apat na iba't ibang dambuhala.
 7:4 Ang una ay parang leon ngunit may pakpak ng agila; nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong tila tao. Binigyan ito ng isipan ng tao.
 7:5 "Ang ikalawa naman ay mukhang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, 'Sige, magpakasawa ka sa karne.'"
 7:6 Ang ikatlo ay kawangis ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod, apat ang ulo at binigyan ng kapangyarihan.
 7:7 Pagkaraan, nakita ko ang ikaapat na hayop. Nakatatakot itong tingnan at mukhang napakalakas. Bakal ang ngipin nito at tanso naman ang mga panga. Niluluray ng bibig nito ang anumang makagat at tinatadyakan ang matira doon. Kaiba ito sa tatlong nauna pagkat ito'y may sampung sungay.
 7:8 Pinagmasdan kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ito ay tulad ng tao, may mga mata at bibig. Nakapangingilabot ang sinasabi nito. ( Ang Pangitain Tungkol sa Nabubuhay Magpakailanman )
 7:9 Habang ako'y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuutan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya'y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab.
 7:10 Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya'y 1,000,000 bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.
 7:11 Dahil sa kakila-kilabot na mga bagay na sinasabi ng sungay, naakit akong manood hanggang sa mapatay ang ikaapat na hayop at ihagis sa apoy.
 7:12 Yaong ibang hayop ay inalisan ng kapangyarihan ngunit pinanatiling buhay nang kaunti pang panahon.
 7:13 Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman.
 7:14 Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian. ( Ang Kahulugan ng mga Pangitain )
 7:15 Akong si Daniel ay nabagabag sa pangitaing yaon.
 7:16 Kaya't nilapitan ko ang isang naroon at tinanong tungkol sa mga bagay na aking nasaksihan. At ipinaliwanag naman niya sa akin.
 7:17 "Ang sabi niya, 'Ang apat na hayop ay apat na haring lilitaw sa daigdig."
 7:18 "Ngunit ang mga banal ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.' "
 7:19 Sabik na sabik akong malaman ang kahulugan ng ikaapat na halimaw dahil sa malaking kaibahan nito sa tatlo at sa nakatatakot nitong anyo: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilululon ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira.
 7:20 Nananabik din akong malaman ang ibig sabihin ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at ikinabunot ng tatlo. Ibig ko ring malaman ang kahulugan ng mata nito at ng bibig na pawang kapalaluan ang sinasabi, at kung bakit ang sungay na ito'y mas malaki kaysa iba.
 7:21 Samantalang ako'y nakatingin, nakita kong dinigma nito at nilupig ng sungay ang mga lingkod ng Diyos.
 7:22 Pagkatapos, dumating ang nabubuhay magpakailanman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga lingkod ng Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian.
 7:23 "Ganito ang sinabi niya sa akin: 'Ang ikaapat na hayop ay ikaapat na kahariang babangon sa daigdig. Kaiba ito sa lahat ng kaharian pagkat masasakop nito ang sandaigdigan, yuyurakan at iiwang luray-luray."
 7:24 Ang sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari. Sa gitna nila'y mayroong isang sisilang. Iba ito sa karamihan at sa kanyang pagtayo, tatlong hari ang mabubuwal.
 7:25 Magsasalita siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hirang ng Diyos. Kung maaari'y babaguhin ang kautusan at mga gawaing panrelihiyon. Ang mga hirang ay ipaiilalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati.
 7:26 Ngunit siya'y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at dudurugin siya nang lubusan.
 7:27 "Ang kaharian, pati ang karangalan ay ibibigay sa mga hirang ng Kataas-taasan. Sila ang maghahari magpakailanman, at maglilingkod sa kanila ang lahat ng kaharian.' "
 7:28 Dito natapos ang pangitain. Akong si Daniel ay nagulumihanan at nanginig sa takot. Ang lahat ng ito'y hindi ko sinabi kahit kanino.
 8:1 ( Ang Pangitain Tungkol sa Tupang Lalaki at sa Kambing na Lalaki ) Nang ikatlong taon ng pamamahala ni Haring Belsasar, muli akong nagkaroon ng pangitain tulad ng una.
 8:2 Nasa baybay ako noon ng Ilog Ulai, sa Susa, ang kabisera ng Elam.
 8:3 Nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog ang isang tupang lalaki. Ito'y may dalawang sungay na mahahaba at 'yong huling tumubo ay mabilis humaba kaysa una.
 8:4 Nakita kong ito'y nanunuwag kabi-kabila. Walang ibang hayop na makalaban sa kanya, ni walang makalapit upang saklolohan ang sinumang daluhungin nito. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin upang ipamalas ang kanyang lakas.
 8:5 Habang ito'y pinagmamasdan ko, isang bulugang kambing ang bigla na lamang sumulpot. Humahagibis ito mula sa kanluran, at hindi man lang sumasayad sa lupa ang mga paa. Kapansin-pansin ang sungay nito sa pagitan ng dalawang mata.
 8:6 Buong galit niyang sinugod yaong tupang nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog.
 8:7 Walang pakundangan niya itong pinagsusuwag hanggang sa mabali ang dalawang sungay ng tupa. Hindi naman ito makalaban. Ibinuwal ito ng kambing at niyurakan. Walang makasaklolo sa kanya.
 8:8 Lalong naging palalo ang bulugang kambing. Nang nasa sukdulan na ang kanyang lakas, nabali ang sungay niyang malaki ngunit apat naman ang kapalit.
 8:9 Ang isa sa apat niyang sungay ay nagsanga ng maliit. Ito'y lumaki nang lumaki hanggang maging makapangyarihan, anupat nasakop niya ang lupain sa gawing timog, silangan at ang lupang pangako.
 8:10 Ang kapangyarihan niya'y umabot hanggang sa kalawakan. Pinabagsak niya sa lupa ang ilan sa mga bituin at niyurakan.
 8:11 Dahil sa kanyang kapangyarihan, inisip niyang labanan pati ang prinsipe ng kalangitan. Inalis niya ang pang-araw-araw na handog at iginuho ang templo.
 8:12 Ang pang-araw-araw na paghahandog ay napalitan ng kasamaan at natigil ang mga pananambahan. Nagawa ng sungay ang lahat ng gusto niyang gawin.
 8:13 "May narinig akong nag-uusap na dalawang anghel. Ang tanong ng isa 'Hanggang kailan tatagal ang mga nangyayaring ito? Hanggang kailan pababayaang mapigil ang pang-araw-araw na handog? Hanggang kailan pababayaang maghari ang kasamaan? At hanggang kailan pababayaang yurakan ang templo at ang hukbo ng langit?' "
 8:14 '"Sa loob ng 1,150 araw. Pagkatapos, ibabalik sa dati ang templo,' sagot ng ikalawa. ( Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain )"
 8:15 Akong si Daniel ang nakakita ng pangitaing ito at gustung-gusto kong malaman ang kahulugan. At bigla ko na lamang nakita sa unahan ko ang isang animo'y tao.
 8:16 "At mula sa pampang ng Ilog Ulai ay narinig ko ang isang tinig na nagsabi: 'Gabriel, ipaliwanag mo sa kanya ang pangitain.'"
 8:17 "Lumapit siya sa akin. Nang tingnan ko siya, napasubsob ako sa lupa sa matinding takot. Sinabi niya sa akin, 'Tao, unawain mo ito: ang pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.' "
 8:18 Samantalang nagsasalita siya, nawalan ako ng malay-tao; napasubasob ako sa lupa. Ngunit hinawakan niya ako at itinayo.
 8:19 "Sinabi niya sa akin, 'Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari pag ibinuhos ng Diyos ang kanyang poot. Tungkol nga sa katapusan ng panahon ang pangitaing ito."
 8:20 Ang dalawang sungay ng tupang nakita mo ay ang dalawang kaharian ng Media at Persia.
 8:21 Yaong kambing ay ang kaharian ng Grecia at kinakatawan ng unang sungay ang unang hari nito.
 8:22 Tungkol sa apat na sungay naman na humalili sa unang sungay, ibig sabihin ay mahahati sa apat ang kaharian ngunit di magiging makapangyarihang tulad noong una.
 8:23 Sa bandang huli, kapag nasa sukdulan na ang kanilang kasamaan, isang malupit na hari ang lilitaw. Ito ang hari ng katusuhan.
 8:24 Magiging makapangyarihan siya at katatakutan ng lahat pagkat magagawa niya ang balang maibigan; lulupigin niya pati ang malalakas at ang mga banal ng Diyos.
 8:25 Dahil sa kanyang katusuhan, lahat ng balakin niya ay magtatagumpay, anupat walang sabi-sabi niyang yuyurakan ang marami. Walang sinumang taong makahahadlang sa kanya; anupat pati ang Prinsipe ng mga prinsipe ay lalabanan niya. Ngunit malulupig siya ng kapangyarihan ng Diyos.
 8:26 "Ang mga pangitaing nakita mo tungkol sa paghahandog sa hapon at sa umaga ay katotohanan ngunit huwag mo munang ihahayag pagkat matatagalan pa bago maganap.' "
 8:27 Akong si Daniel ay nawalan ng lakas at nagkasakit nang ilang araw. Nagbalik ako sa gawain ko sa palasyo. Ang pangitaing yaon ay hindi ko maubos-maisip.
 9:1 ( Ang Panalangin ni Daniel para sa Kanyang mga Kababayan ) Noong unang taon ng pamamahala ni Haring Dario, anak ni Asuero at buhat sa lahi ng mga Medo,
 9:2 akong si Daniel ay nagbabasa ng aklat ni Propeta Jeremias. Inisip-isip ko ang pitumpung taon ng paghihirap na daranasin ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.
 9:3 Dahil dito, buong taimtim akong dumulog kay Yahweh. Nag-ayuno ako, nagdamit ng sako at nagbuhos ng abo.
 9:4 "Ganito ang dalangin ko: 'Panginoon, dakila at Makapangyarihang Diyos na laging tapat sa umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga utos."
 9:5 Nagkasala po kami. Nagpakasama kami at sumuway sa iyong mga tuntunin at kautusan.
 9:6 Hindi kami nakinig sa iyong mga propeta na nagpahayag sa aming mga hari, tagapamuno, magulang at sa buong bayan.
 9:7 Yahweh, ikaw ay laging nasa matuwid at kami ay laging nasa kasamaan tulad ngayon: ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, ang lahat pati mga itinapon mo sa iba't ibang dako dahil sa kataksilan sa iyo.
 9:8 Kami po, ang aming mga hari, pinuno at ang aming mga magulang ay laging nagkakasala sa iyo.
 9:9 Ikaw, Yahweh ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming pagsalansang
 9:10 at pagsuway sa mga utos na ibinigay mo sa amin na iyong mga alipin sa pamamagitan ng iyong mga propeta.
 9:11 Ang buong Israel ay nagkasala sa iyo, tumalikod sa iyong kautusan at hindi nakinig sa iyong tinig. Dahil dito, ibinuhos mo sa amin ang matinding poot mo na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod mong si Moises.
 9:12 Tinotoo mo ang iyong sinabi sa amin na kami'y parurusahan mo dahil sa aming pagkakasala. Pagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem.
 9:13 Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang pahirap na ito. Gayunman, wala kaming ginawa upang maglubag ang iyong kalooban. Hindi rin namin tinalikdan ang aming kasamaan ni inisip na totoo ang iyong salita.
 9:14 Kaya, pinarusahan mo kami dahil sa aming pagsuway pagkat ikaw ay Diyos ng katwiran.
 9:15 Yahweh, aming Diyos, ipinakilala mo ang iyong kapangyarihan nang iligtas mo ang iyong bayan mula sa pagkaalipin sa Egipto. Hindi po namin ito nakakalimutan. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa iyo.
 9:16 Kaya nga, alang-alang sa iyong pag-ibig, isinasamo ko na alisin mo na ang iyong poot sa Jerusalem, ang iyong banal na lunsod at sentro ng iyong kaharian. Dahil sa kasamaan namin at ng aming mga magulang, kami na lamang ang pinag-uusapan ng mga nakapaligid sa amin.
 9:17 Dahil dito, aming Diyos, dinggin mo ang samo at daing ng iyong alipin para na rin sa iyong pangalan. Lingapin mo ang iyong templo na ngayon ay wasak at napapabayaan.
 9:18 Diyos ko, dinggin mo kami. Tunghayan mo ang mapanglaw naming kalagayan. Masdan mo ang iyong lunsod na itinangi at itinalaga. Hindi kami dumudulog sa iyo dahil sa matuwid kami kundi dahil alam naming ikaw ay mahabagin.
 9:19 "Dinggin mo kami, Yahweh. Patawarin mo kami. Lingapin mo na kami alang-alang sa iyong pangalan, yamang ang lunsod at ang bayang ito'y itinalaga mo para sa iyo.' ( Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pahayag )"
 9:20 Patuloy ako sa pananalangin. Ipinahahayag ko ang aking kasalanan at ng bayan. Isinamo kong muling matayo ang templo sa banal na bundok.
 9:21 At habang nananalangin ako, ang lalaking si Gabriel na nakita ko sa unang bahagi ng aking pangitain ay mabilis na lumipad sa akin sa oras ng paghahandog sa gabi.
 9:22 "Sinabi niya, 'Naparito ako para bigyan ka ng karunungan at pang-unawa."
 9:23 Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay tinugon ka na, ikaw na labis na kinalugdan ng Diyos. Naparito ako para sabihin sa iyo ang katugunan. Kaya, pakinggan mo at unawain ang ihahayag ko.
 9:24 '"Ang lunsod na ito at ang iyong mga kababayan ay binibigyan ng 490 taon upang tigilan ang pagsalansang, layuan ang kasamaan at pagsisihan ang kasalanan. Pagkatapos, iiral na ang katarungan at magaganap na ang kahulugan ng pangitain. Itatalaga na ang Dakong Kabanal-banalan."
 9:25 Unawain mo ito: mula sa pagkabigay ng utos na muling itindig ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng prinsipeng hinirang ng Diyos ay lilipas ang apatnapu't siyam na taon. Muling itatayo na ang Jerusalem. Aayusin ang mga lansangan at muog at mananatiling gayon sa loob ng 434 taon. Ngunit ang panahong iyon ay paghaharian ng kaguluhan.
 9:26 Pagkalipas ng 434 taon, isang hinirang ng Diyos ay papatayin. Ang lunsod ng templo'y wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari. Ang pagkawasak ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan hanggang sa wakas na itinakda ng Diyos.
 9:27 "Ang pinunong ito'y gagawa ng isang matibay na pakikipagkasundo sa makapal na tao sa loob ng pitong taon. Pagkaraan ng tatlong taon at kalahati, pipigilin niya ang paghahandog. Itataas niya sa templo ang Kalapastanganang Walang Kapantay at mananatili siya roon hanggang sa ang naglagay sa kanya ay parusahan ng Diyos ayon sa itinakda sa kanya.'"
 10:1 ( Ang Pangitain ni Daniel sa Baybay ng Ilog Tigris ) Nang ikatlong taon ng pamamahala ni Haring Ciro ng Persia, isang pahayag ang dumating kay Daniel na tinatawag ding Beltsasar. Ang pahayag na yaon ay katotohanan ngunit mahirap unawain. Datapwat naunawaan din niya matapos ipaliwanag sa kanya.
 10:2 Noon, akong si Daniel ay tatlong linggo nang nag-aayuno.
 10:3 Tatlong linggong singkad na di ako tumitikim ng anumang pagkain o inumin. Ni hindi ako nag-ayos ng katawan.
 10:4 Noong ika-24 ng unang buwan, nasumpungan ko na lamang ang aking sariling nakatayo sa pampang ng malaking Ilog Tigris.
 10:5 Nang tumingala ako, may nakita akong isang taong nakadamit ng kayong lino at may pamigkis na ginto.
 10:6 Ang katawan niya'y kumikinang na parang topasyo at kumikislap na parang kidlat ang mukha. Nagniningas na parang sulo ang kanyang mga mata, ang mga paa't kamay ay nagniningning na parang makinis na tanso. Ang tinig niya ay umuugong na parang sigaw ng maraming tao.
 10:7 Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitain pagkat nanginginig na nagsipagtago ang aking mga kasama.
 10:8 Naiwan akong mag-isa, kaya ako lamang ang nakakita sa pangitain. Ako'y natulala at tinakasan ng lakas.
 10:9 Nagsalita ang mahiwagang tao. Nang marinig ko ang kanyang tinig, nasubasob ako sa lupa at nawalan ng malay.
 10:10 Walang anu-ano, may humawak sa akin at ako'y itinindig.
 10:11 "Sinabi niya, 'Daniel, lubos na kinalulugdan, tumindig ka at pakinggan mong mabuti itong sasabihin ko. Sinugo ako para sabihin ito sa iyo.' Tumayo naman ako bagamat ako'y nanginginig."
 10:12 "Sinabi pa niya sa akin, 'Huwag kang matakot pagkat mula pa nang ilagak mo sa Diyos ang iyong isipan, at magpakababa sa kanyang paningin, dininig na ang iyong dalangin. Naparito nga akong taglay ang katugunan"
 10:13 ngunit napigilan ako sa kaharian ng Persia pagkat dalawampu't isang araw muna akong nakipaglaban sa anghel na bantay roon. Nang makita ni Miguel, isa sa mga pinuno ng mga anghel, na ako'y nakikipaglaban, sinaklolohan niya ako. Iniwan ko siya roon.
 10:14 "Nagtuloy na ako rito upang ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayan pagdating ng araw. Ang nakita mong pangitain ay tungkol sa hinaharap.' "
 10:15 Nang siya'y nagsasalita, napayuko na lamang ako at hindi makakibo.
 10:16 "Walang anu-ano, may humipo sa aking labi at muli akong nakapagsalita. Sinabi ko sa aking kaharap, 'Ginoo, tinakasan po ako ng lakas dahil sa pangitaing ito."
 10:17 "Hindi po ako makapagsalitang tulad ninyo pagkat wala nga akong lakas. Halos hindi ako makahinga.' "
 10:18 Muli niya akong hinipo at nagbalik ang aking lakas.
 10:19 "Sinabi niya sa akin, 'Ikaw na labis na kinalulugdan ng Diyos, huwag kang matakot. Ipanatag mo ang iyong loob.' Pagkatapos niyang magsalita, tuluyan nang nanauli ang aking lakas. Sinabi ko, 'Magpatuloy kayo, ginoo, at napanauli na ninyo ang aking lakas.' "
 10:20 "Sinabi niya, 'Babalik ako sa Persia upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa anghel na bantay ng kahariang iyon. Darating naman ang anghel ng Grecia. Alam mo ba kung bakit ako naparito?"
 10:21 "Naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang nasa aklat ng katotohanan. Sa pakikipaglaban ko'y wala akong makakatulong kundi si Miguel, ang anghel na bantay ng Israel.'"
 11:1 ( Ang mga Hari ng Hilaga at ng Timog ) "Sinabi pa ng nakadamit ng kayong lino, 'Nang unang taon ni Haring Dario, ako ang tumulong at nakasama ni Miguel. "
 11:2 '"Narito ngayon ang katotohanan: Tatlo pa ang magiging hari ng Persia. Pagkaraan, lilitaw ang ikaapat na magiging mas mayaman kaysa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia."
 11:3 Pagkatapos, isa namang makapangyarihang hari ang lilitaw; malawak ang kanyang sakop at gagawin ang balang maibigan.
 11:4 Kapag naisaayos na niya ang lahat, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang kaanak. Sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kahariang tulad niya, pagkat ang kaharian niya'y mahahati at masasakop ng mga taga-ibang bayan.
 11:5 '"At ang hari sa timog ay magiging makapangyarihan bagamat magiging mas makapangyarihan kaysa kaniya ang isa niyang pinuno. Anupat makapagtatayo ito ng mas malaking kaharian."
 11:6 Pagkalipas ng ilang taon, magsasanib silang dalawa. Ang anak ng hari sa timog ay mapapangasawa ng hari sa hilaga. Ngunit hindi sila magtatagal sa ganoong kalagayan pagkat ang reyna, ang kanyang mga tanod, mga anak, pati ng hari ay mapapatay dahil sa isang sabuwatan.
 11:7 '"Ngunit darating din ang panahon na may isang supling mula sa lahi ng reynang yaon at ito ang hahalili sa kanyang ama. Sisirain nila ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Lulusubin nila ito at sila'y magtatagumpay."
 11:8 Sasamsamin nito at iuuwi sa Egipto pati mga diyus-diyusan, sampu ng mga kagamitang pilak at ginto. Pagkaraan noon, hindi na niya sasalakayin uli ang kaharian sa hilaga.
 11:9 Sila ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit di magtatagal at babalik na rin sa kanilang bayan ang mga iyon.
 11:10 '"Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Isa sa kanila ay hindi mapipigil na parang baha. Sasalakayin niya pati tanggulan ng isang hari sa timog."
 11:11 Dahil dito, sila'y haharapin ng hari ng Egipto, kasama ang marami niyang kawal at sila'y malulupig.
 11:12 Bunga nito, lalakas ang loob ng hari ng Egipto at lilipulin ang libu-libong kawal ng hari ng Siria. Ngunit panandalian lamang ang pagtatagumpay ng hari sa timog.
 11:13 Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbong mas malaki sa una at pagkalipas ng ilang taon, muli siyang sasalakay, kasama ang mas maraming kawal na labis-labis sa lahat ng pangangailangang pandigma.
 11:14 '"Sa panahong yaon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila bilang katuparan ng pangitain, ngunit pawang mabibigo."
 11:15 Ang hari sa hilaga ay darating upang kubkubin at salakayin ang matibay na lunsod, hanggang sa masakop ito. Mapipipilan ang hukbo ng hari ng Egipto at walang magagawa pati ang mga pinakapiling kawal.
 11:16 Kaya, magagawa ng kaaway ang lahat ng gusto nila at walang sinumang makahahadlang sa kanila. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim ng kanyang kapangyarihan.
 11:17 '"Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari roon at iaalok ang kanyang anak upang maging asawa nito. Ngunit hindi siya magtatagumpay."
 11:18 Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang mga tagaroon. Ngunit malulupig siya ng isang di kilalang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan.
 11:19 Ang haring ito ay babalik sa sariling kuta ngunit mamamatay siya sa daan at hindi na makikita kailanman.
 11:20 '"May papalit sa haring ito. Magsusugo siya ng mga tauhan upang sapilitang maningil ng buwis. Ngunit di magtatagal at siya'y palihim na papatayin. ( Ang Masamang Hari )"
 11:21 '"Isa namang hamak na tao ang papalit sa kanya. Wala siyang karapatang maging hari. Gayunman, sa panahong hindi inaasahan, kukunin niya ang pamamahala sa pamamagitan ng daya at katusuhan."
 11:22 Lahat ng humadlang sa kanya ay papatayin niya pati ang punong saserdote.
 11:23 Makikipagsundo siya sa maraming mga bansa ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagamat maliit ang sariling bansa, siya ay magiging makapangyarihan. Walang sabi-sabi niyang
 11:24 kukunin ang pinakamainam na lalawigan. Gagawa siya ng mga bagay na di nagawa ng kanyang mga ninuno. Babahaginan niya ang kanyang mga tagasunod ng mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga paraan laban sa iba't ibang tanggulan, ngunit hindi siya magtatagal.
 11:25 '"Ang haring ito ay magtatatag ng isang malakas na hukbo upang salakayin ang Egipto, ngunit mas malaki ang hukbong ihaharap nito sa kanila. Gayunman, malulupig ang Egipto sa katusuhan ng kaaway."
 11:26 Pati ang mga kasalo niya sa pagkain ay makikipagsabuwatan laban sa kanya, kaya malulupig ang hukbo niya at marami ang mamamatay sa labanan.
 11:27 Ang dalawang hari ay magkasalong kakain at magpupulong ngunit parehong may masamang iniisip sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila pagkat di pa dumarating ang takdang panahon.
 11:28 Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.
 11:29 '"Darating ang araw na muli niyang sasalakayin ang Egipto, ngunit sa pagkakataong yaon ay iba na ang magiging pangyayari."
 11:30 Hahadlangan siya ng hukbong-dagat ng mga Romano at siya'y matatakot. Dahil dito'y uurong siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga Judiong tumalikod sa kanilang relihiyon.
 11:31 Magsusugo siya ng mga kawal upang lapastanganin ang templo. Ipatitigil pa niya ang pang-araw-araw na pagsusunog ng handog, at ipapalit ang Kalapastanganang Walang Kapantay.
 11:32 Aakitin niya sa pamamagitan ng daya ang mga Judiong tumalikod sa kanilang relihiyon ngunit maninindigan ang mga kumikilala sa Diyos at sila'y magtatagumpay.
 11:33 Ang mga tao'y pangungunahan ng mga kababayan nilang may pagkaunawa. Ngunit may mamamatay sa kanila sa labanan. Ang iba'y susunugin at ang iba'y bibihagin.
 11:34 Sa ganito nilang kalagayan, may tutulong sa kanila nang bahagya at marami ang magkukunwaring kasama nila.
 11:35 Kabilang sa magiging biktima ang ilan sa mga lider na may unawa. Dahil sa pag-uusig na ito ang bayan ng Diyos ay magiging dalisay at lilinis hanggang sa dumating ang takdang wakas.
 11:36 '"Gagawin ng hari ang kanyang maibigan: itataas niya ang kanyang sarili, sasabihing higit siya kaysa alinmang diyus-diyusan, at hahamakin ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay siya hanggang sa araw na ibuhos ng Diyos ang kanyang poot; pagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda."
 11:37 Hindi niya pahahalagahan ang diyus-diyusan ng kanyang mga magulang ni ang dinidiyos ng mga kababaihan. Sa halip, ipalalagay niyang higit siya sa mga iyon.
 11:38 Wala siyang kikilanling diyos kundi ang diyos ng digmaan, diyus-diyusang ni hindi naisip ng kanyang mga magulang; ang diyus-diyusan niyang ito ang aalayan niya ng ginto, pilak, mamahaling bato at mamahaling regalo.
 11:39 Kakasangkapanin niya ang mga taong sumasamba sa mga diyus-diyusang hindi kilala. Hahatian niya ng samsam ang lahat ng kikilala sa kanya. Sila'y gagawin niyang tagapamahala at babahaginan ng lupa.
 11:40 '"Darating ang araw na ang Siria ay sasalakayin ng Egipto, ngunit haharapin niya ito sa pamamagitan ng maraming karwaheng pandigma, kabayuhan at mga bapor. Sasalakayin niya ang mga bansa sa palibot at malulupig ang mga ito,"
 11:41 pati ang lupang pangako. Libu-libo ang mamamatay sa labanan. Ngunit hindi niya masasakop ang Edom, ang Moab at ang kalakhang bahagi ng Ammon.
 11:42 Maraming bansa ang masasakop niya, kabilang dito ang Egipto.
 11:43 Sasamsamin niya ang ginto, pilak at lahat ng kayamanan ng Egipto; pati ang Libya, at ang Etiopia ay masasakop niya.
 11:44 Ngunit mababagabag siya dahil sa balitang darating mula sa silangan at hilaga. Dahil dito'y mag-aalab ang kanyang poot, kaya't ilalabas niya ang kanyang hukbo upang pumatay kabi-kabila, anupat makapal na tao ang kanyang mapapatay.
 11:45 At magtatayo siya ng malapalasyong tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok. Ngunit doon na siya mamamatay nang wala man lamang tutulong sa kanya.
 12:1 ( Pahayag Tungkol sa Huling Panahon ) '"Sa pagkakataong yaon, darating si Miguel, ang makapangyarihang bantay ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos."
 12:2 Mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba'y sa kaparusahang walang hanggan.
 12:3 At yaong may pagkaunawa at umakay sa marami tungo sa kabutihan ay magniningning na parang tala sa kalangitan magpakailanman.
 12:4 "Daniel, ingatan mo muna ang mga salitang ito at isara ang aklat hanggang sa takdang panahon. Marami ang magsasaliksik upang tumuklas ng karunungan.' "
 12:5 Akong si Daniel ay tumingin at may nakita akong dalawang tao, isa sa magkabilang pampang ng ilog.
 12:6 "Tinanong ng isa yaong lalaking nakatayo sa gawing dulo, 'Gaano pa katagal bago maganap ang mga pangitaing ito?' "
 12:7 "Itinaas nito ang dalawang kamay at narinig kong sinabi niya: 'Sa ngalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman, magaganap ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng bayan ng Diyos.' "
 12:8 "Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot kaya nagtanong ako uli, 'Ginoo, ano'ng talaga ang mangyayari?' "
 12:9 "Sinabi niya sa akin, 'Tumahimik ka na, Daniel. Ang kahulugan nito'y mananatiling lihim hanggang sa huling araw."
 12:10 Magpapakabuti ang marami at maglilinis ng kanilang sarili. Ngunit magpapakasama pa ang masama, at isa man sa kanila'y di aabot sa pagkaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong.
 12:11 Pararaanin ang 1,290 araw mula sa pagpapatigil sa paghahandog araw-araw at sa paghahalili rito ng Kalapastanganang Walang Kapantay na siyang dahilan ng mga kahirapan.
 12:12 Mapalad ang sinumang umabot sa pagdating ng ika-1,335 araw.
 12:13 "Daniel, ipagpatuloy mo ang gawain mo hanggang sa wakas. Pagkamatay mo, bubuhayin ka sa huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala.'"

다음검색
현재 게시글 추가 기능 열기

댓글

댓글 리스트
맨위로

카페 검색

카페 검색어 입력폼