03. Levitico
1:1 ( Kautusan Tungkol sa Paghahandog at Hain ) Tinawag ni Yahweh si Moises at mula sa Toldang Tipanan ay sinabi sa kanya,
1:2 '"Sabihin mo ito sa mga Israelita: 'Kung may maghahandog kay Yahweh, ang dapat niyang ihandog ay baka, tupa o kambing.' "
1:3 '"Para sa handog na susunugin, lalaking baka na walang kapintasan ang kailangang dalhin. Dadalhin niya ito sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang maging karapat-dapat sa akin."
1:4 Ipapatong niya sa ulo ng hayop ang kanyang kamay at iyo'y tatanggapin bilang pantubos sa kanyang kasalanan.
1:5 Pagkatapos, papatayin niya ito sa harapan ko at ang dugo'y ibubuhos ng mga saserdoteng anak ni Aaron sa palibot ng dambana, sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
1:6 Babalatan niya ang hayop saka kakatayin.
1:7 Ang mga saserdote nama'y maglalagay ng baga sa dambana at iaayos sa ibabaw nito ang kahoy na panggatong.
1:8 Ihahanay nila nang maayos sa ibabaw ng panggatong ang mga pira-pirasong karne, kasama ang ulo at taba.
1:9 Ngunit huhugasan muna nila ang lamang-loob at ang mga paa bago ilagay sa dambana. Pagkatapos, ang lahat ng ito'y sama-samang susunugin bilang mabangong handog sa akin.
1:10 '"Kung tupa o kambing ang ihahandog, kailangang ito'y lalaki rin at walang kapintasan."
1:11 Papatayin ito ng naghahandog sa harapan ni Yahweh sa gawing hilaga ng dambana at ang dugo'y ibubuhos ng mga saserdote sa paligid ng dambana.
1:12 Kakatayin niya ito at ihahanay na kasama ang ulo at taba sa ibabaw ng apoy sa dambana.
1:13 Ang lamang-loob at mga paa ay lilinisin muna bago ilagay sa dambana. Pagkatapos, ang lahat ay susunugin bilang mabangong handog sa akin.
1:14 '"Kung ibon ang handog na susunugin, ang dadalhin niya'y batu-bato o inakay ng kalapati."
1:15 Ibibigay niya ito sa saserdote upang dalhin sa dambana. Pipilipitin ng saserdote ang leeg ng ibon at ang dugo'y patutuluin sa paligid ng dambana.
1:16 Aalisin niya ang balahibo't bituka at ihahagis sa tapunan ng abo, sa gawing silangan ng dambana.
1:17 Bibiyakin niya ang ibon ngunit hindi paghihiwalayin. Pagkatapos, susunugin niya ito sa dambana bilang mabangong handog sa akin.
2:1 '"Kung may maghahandog ng pagkain, ang ihahandog niya'y mabuting uri ng harina. Bubusan niya ito ng langis ng olibo at bubudburan ng kamanyang"
2:2 bago dalhin sa mga saserdote. Ang saserdoteng namumuno sa paghahandog ay dadakot ng harina, kasama ang langis at lahat ng kamanyang para sunugin sa dambana bilang isang alaala at mabangong handog kay Yahweh.
2:3 Para kay Aaron at sa kanyang mga anak ang matitira. Ito ay banal pagkat bahagi ng pagkaing handog sa akin.
2:4 '"Kung luto sa hurno ang handog na pagkain, kailangang ito'y yari sa mabuting uri ng harina at walang lebadura. Maaari itong masahin sa langis at lutuin nang makapal o kaya'y lutuin nang maninipis at pahiran ng langis. "
2:5 '"Kung luto naman sa ihawan ang handog na pagkain, kailangang mabuti ring uri ng harina ang gamitin, walang lebadura at minasa rin sa langis."
2:6 Pagpipira-pirasuhin ito at bubusan ng langis; ito ang iyong panghandog na butil.
2:7 '"Kung luto naman sa kawali ang handog na pagkain, kailangan din ang mabuting uri ng harina at langis ng olibo."
2:8 Ang mga handog na pagkain ay dadalhin sa saserdote; dadalhin naman niya ito sa dambana.
2:9 Kukunin ng saserdote ang bahaging pang-alaala at susunugin sa dambana bilang mabangong handog sa akin.
2:10 Ang matitira ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; banal ito pagkat bahagi ng handog kay Yahweh.
2:11 '"Huwag kayong maghahandog kay Yahweh ng anumang pagkaing may lebadura sapagkat hindi kayo dapat magsunog ng lebadura o pulot kung ihahandog sa akin."
2:12 Kung unang bunga naman ng halaman ang inyong ihahandog, huwag ninyo itong susunugin sa dambana.
2:13 Titimplahan ninyo ng asin ang lahat ng handog na pagkain. Huwag na hindi ninyo lagyan ng asin ang inyong handog na pagkain sapagkat ang asin ay tanda ng inyong tipan kay Yahweh. Kaya lalagyan ninyo ng asin ang lahat ng handog.
2:14 Kung ang handog na pagkain ay trigong mula sa unang ani, kailangang ligisin ito o ibusa.
2:15 Bubusan ng langis at budburan ng kamanyang.
2:16 Kukuha ang saserdote ng bahaging susunugin kasama ang langis at kamanyang bilang alaala. Ito ang inyong handog na susunugin para kay Yahweh.
3:1 ( Mga Handog na Pangkapayapaan ) '"Kung ang bakang ihahandog ay pangkapayapaan, maging babae o lalaki, kailangang walang dungis o kapintasan ang hayop."
3:2 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at papatayin sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng saserdote ang dugo sa paligid ng dambana.
3:3 Sa handog na ito kukuha ang saserdote ng parteng susunugin para kay Yahweh. Kukunin niya ang tabang nakabalot sa lamang-loob at lahat ng taba nito;
3:4 gayon din ang dalawang bato, ang taba sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay.
3:5 Ang lahat ng ito'y ilalagay sa dambana at susunugin ng mga saserdote bilang mabangong handog sa akin.
3:6 '"Kung tupa o kambing ang handog pangkapayapaan, maging ito'y lalaki o babae, kailangang walang kapintasan."
3:7 Kung kordero naman ang handog, dadalhin niya ito sa harapan ko.
3:8 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at papatayin sa harap ng Toldang Tipanan ang hayop. Ibubuhos ng mga saserdote ang dugo nito sa paligid ng dambana.
3:9 Kukunin niya ang lahat ng taba, pati ang nasa buntot hanggang sa gulugod at ang bumabalot sa lamang-loob.
3:10 Kukunin din niya ang dalawang bato pati taba nito sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay.
3:11 Ang lahat ng ito'y ibibigay niya sa saserdote upang sunugin sa dambana bilang pagkaing handog sa akin.
3:12 '"Kung kambing naman ang handog, ihaharap niya ito kay Yahweh."
3:13 Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at papatayin sa harap ng Toldang Tipanan ang hayop. Ibubuhos ng mga saserdote ang dugo nito sa paligid ng dambana.
3:14 Kukunin niya ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob,
3:15 ang dalawang bato at ang tabang bumabalot dito, ang taba sa ibabaw ng balakang at sa atay.
3:16 Lahat ng ito'y ibibigay niya sa saserdote at susunugin sa dambana bilang pagkaing handog na kalugud-lugod sa akin. Lahat ng taba ay akin.
3:17 "Ito ang tuntuning susundin ninyo habang panahon saanman kayo naroroon: 'Huwag kayong kakain ng taba o dugo.''"
4:1 ( Mga Handog para sa Kasalanang Di Sinasadya ) Sinabi ni Yahweh kay Moises,
4:2 '"Ipahayag mo sa bayang Israel ang mga tuntunin sa hindi sinasadyang paglabag sa Kautusan. "
4:3 '"Kung ang magkasala'y ang punong saserdote, anupat nadamay pati mga tao, maghahandog siya ng isang batang toro na walang kapintasan."
4:4 Dadalhin niya ito sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at papatayin ito.
4:5 Kukuha ng kaunting dugo ang saserdote at dadalhin sa Toldang Tipanan.
4:6 Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at sa harapan ko ay wiwisikan niyang pitong beses ang tabing ng santwaryo.
4:7 Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay ng dambana ng kamanyang na nasa harapan ni Yahweh sa Dakong Banal. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambanang sunugan ng mga handog sa harap ng Toldang Tipanan.
4:8 Ang lahat ng taba nito ay kukunin, pati tabang bumabalot sa lamang-loob.
4:9 Kukunin din ang dalawang bato, ang taba ng balakang at ang tabang bumabalot sa atay.
4:10 Ibubukod ito gaya ng ginawa sa taba ng torong handog pangkapayapaan, dadalhin sa dambana at susunugin ng saserdote.
4:11 Ngunit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, ulo't mga hita, lamang-loob, kasama ang dumi
4:12 ay ilalabas na lahat sa kampamento at susunugin sa isang malinis na dakong pinagtatapunan ng abo.
4:13 '"Kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang di sinasadya, kung makagawa sila nang labag sa Kautusan nang di nila nalalaman"
4:14 at pagkatapos ay malaman nila ito, maghahandog ng isang batang toro ang buong kapulungan para sa kanilang kasalanan. Dadalhin nila ito sa harap ng Toldang Tipanan.
4:15 Ipapatong ng matatanda ang kanilang kamay sa ulo ng toro at papatayin nila ito sa harapan ko.
4:16 Kukuha ng kaunting dugo ang punong saserdote at dadalhin sa Toldang Tipanan.
4:17 Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at pitong beses niyang iwiwisik iyon sa harap ng tabing.
4:18 Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay sa dambanang nasa Toldang Tipanan. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambanang sunugan ng mga handog sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
4:19 Kanyang susunugin sa dambana ang lahat ng taba
4:20 tulad ng ginagawa sa taba ng torong inihandog para sa kasalanan. Ito ang gagawin ng saserdote para patawarin ang buong kapulungan.
4:21 Pagkatapos, ilalabas sa kampamento ang torong pinatay at susunugin din sa dakong pinagdalhan sa unang toro. Ito ang handog para sa kasalanan ng kapulungan.
4:22 '"Kung ang isang pinuno ang magkasala nang di sinasadya dahil sa nakagawa siya ng isang bagay na ipinagbabawal ni Yahweh"
4:23 at malaman niya ito pagkaraan, maghahandog siya ng lalaking kambing na walang kapintasan.
4:24 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito sa harapan ko, sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin para sa kasalanan.
4:25 Kukuha ng dugo ang saserdote at sa pamamagitan ng kanyang daliri, papahiran niya ang mga sungay ng dambanang sunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
4:26 Dadalhin niya sa dambana ang lahat ng taba at susunugin gaya ng taba na handog pangkapayapaan. Ito ang gagawin ng saserdote para matubos ang kasalanan ng pinuno at siya'y patatawarin.
4:27 '"Kung ang magkasala nang di sinasadya ay isang karaniwang tao dahil sa lumabag siya sa utos ko"
4:28 at malaman niya ito pagkatapos, maghahandog siya ng babaing kambing na walang kapintasan.
4:29 Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito sa dakong pinagsusunugan ng mga handog.
4:30 Kukuha ng dugo ang saserdote at sa pamamagitan ng kanyang daliri'y papahiran niya ang mga sungay ng dambana. Ibubuhos niya sa paanan nito ang natirang dugo.
4:31 Kukuning lahat ang taba nito, tulad ng taba ng handog pangkapayapaan at dadalhin sa dambana. Ito'y susunugin ng saserdote bilang mabangong handog sa akin para matubos ang kasalanan ng taong iyon.
4:32 '"Kung ang handog para sa kasalanan ay isang tupa, kailanga'y babaing walang kapintasan."
4:33 Ipapatong niya sa ulo ng tupa ang kanyang kamay at papatayin ito sa pinagpapatayan ng handog na susunugin.
4:34 Kukuha ng kaunting dugo ang saserdote at sa pamamagitan ng kanyang daliri, papahiran niya ang mga sungay ng dambanang pinagsusunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
4:35 Kukunin niya ang lahat ng taba nito gaya ng ginawa sa taba ng tupang handog pangkapayapaan at dadalhin sa dambana. Kasama ng pagkaing handog, susunugin ito ng saserdote para matubos ang kasalanan ng naghandog.
5:1 '"Kung hinihingi ng pagkakataon na ang isang tao'y sumaksi sa isang pangyayari na kanyang nakita o nalaman ngunit hindi niya ito ginawa, nagkasala siya at dapat panagutin."
5:2 Kung ang sinuman ay makahipo ng anumang bagay na marumi ayon sa Kautusan, gaya ng patay na hayop mailap man o hindi
5:3 o anumang bagay na marumi na nanggaling sa tao matapos niyang malaman ito, siya'y nagkasala at dapat panagutin.
5:4 '"Kung ang isang tao ay makapanumpa nang pabigla-bigla tungkol sa anumang bagay mabuti man o masama at maalaala niya ito pagkatapos, siya'y nagkasala at dapat panagutin. "
5:5 '"Kung magkasala ang sinuman sa alinmang paraang nabanggit, dapat niyang ipahayag ang kanyang kasalanan."
5:6 Bilang kabayaran, maghahandog siya kay Yahweh ng isang babaing tupa o kambing. Ihahandog ito ng saserdote para siya patawarin sa kanyang kasalanan.
5:7 '"Ngunit kung hindi niya kayang maghandog ng tupa o kambing, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang pitson; ang isa'y handog para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin."
5:8 Dadalhin niya ito sa saserdote upang ihandog sa akin. Ang ibong handog para sa kasalanan ay gigilitan niya ng leeg ngunit hindi puputulin ang ulo.
5:9 Iwiwisik niya sa tabi ng dambana ang dugo at ang natira'y patutuluin sa paanan nito. Iyan ang handog pangkasalanan.
5:10 Ang isa naman ay iaalay bilang handog na susunugin ayon sa Kautusan upang patawarin siya.
5:11 '"Kung hindi pa rin niya makayang maghandog ng dalawang batu-bato o dalawang inakay ng kalapati, magdadala na lamang siya ng tatlo't kalahating litro ng mabuting uri ng harina. Hindi niya ito bubusan ng langis ni hahaluan ng kamanyang pagkat ito'y handog pangkasalanan."
5:12 Dadalhin niya sa saserdote ang harina. Kukuha naman ito ng sandakot at susunugin sa dambana bilang tanda na iyon ay handog kay Yahweh.
5:13 "Ganito ang gagawin ng saserdote bilang pantubos sa alinmang pagkakasalang nabanggit. Tulad ng handog na pagkain, ang matitira ay para sa saserdote.' "
5:14 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
5:15 '"Kung ang sinuma'y magkamaling di magbigay ng anumang nauukol kay Yahweh, maghahandog siya ng isang lalaking tupa na walang dungis o kapintasan para sa kanyang kasalanan. Hahalagahan mo ito ayon sa halaga ng salapi ng templo."
5:16 Babayaran niya ang halagang di niya naibigay; magdaragdag pa siya ng ika-5 parte nito at ibibigay sa saserdote. Ang tupa'y dadalhin sa saserdote upang ihandog para sa kanyang kasalanan at patatawarin siya.
5:17 '"Kung ang sinuma'y makalabag sa alinmang utos ko bagaman hindi niya ito nalalaman, siya'y nagkakasala at pananagutan niya iyon."
5:18 Magdadala siya sa saserdote ng isang lalaking tupa na walang dungis o kapintasan. Hahalagahan mo rin ito ayon sa halaga ng salapi sa templo. Ito'y ihahandog ng saserdote at patatawarin ang nagkasala.
5:19 "Ang handog na ito'y para sa kasalanan, pagkat nagkasala siya kay Yahweh.'"
6:1 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
6:2 '"Nagkakasala ang sinumang magkaila tungkol sa isang bagay na inilagak sa kanya, ang sumira sa kasunduan, ang magnakaw o magsamantala sa kapwa"
6:3 at ang mag-angkin ng isang bagay na napulot at manumpang iyon ay wala sa kanya.
6:4 Babayaran niya ang kanyang ninakaw, kinamkam na napulot o inilagak na inangkin niya.
6:5 Ibabalik niya ang alin man sa mga ito at papatungan pa ng ika-5 bahagi ng halaga niyon sa araw na maghandog siya para sa kasalanan.
6:6 Ang ihahandog naman niya ay isang lalaking tupa na walang dungis o kapintasan at hahalagahan ayon sa halaga ng panghandog sa kasalanan.
6:7 "Ihahandog iyon ng saserdote at siya'y patatawarin sa alinmang pagkakasala niya.' ( Handog na Susunugin )"
6:8 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
6:9 '"Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, 'Ito ang tuntunin tungkol sa handog na susunugin. Kailangang ilagay sa dambana ang handog na susunugin at bayaan doong magdamag na may apoy na nagniningas."
6:10 Magsusuot ng tunikang lino at pantalong lino ang saserdote at aalisin niya ang abo ng sinunog na handog at ilalagay sa tabi ng dambana.
6:11 Pagkatapos, magpapalit siya ng kasuutan at dadalhin niya ang abo sa labas ng lunsod sa isang dakong malinis.
6:12 Ang apoy sa dambana ay mananatiling maningas at gagatungan tuwing umaga. Ihahanay sa ibabaw ng gatong ang handog na susunugin at ang tabang kinuha sa handog pangkapayapaan.
6:13 Patuloy na paniningasin ang apoy sa dambana at di ito babayaang mamatay.' ( Handog na Pagkain )
6:14 '"Ito naman ang tuntunin tungkol sa mga pagkaing ihahandog. Mga saserdote lamang ang maghahandog nito sa dambana."
6:15 Dadakot ang saserdote ng harinang binusan ng langis at binudburan ng kamanyang at ito'y susunugin sa dambana bilang handog sa akin. Ang masarap na samyo nito ay paiilanlang sa akin.
6:16 Ang natira ay magiging pagkain ng mga saserdote.
6:17 Lulutuin ito nang walang lebadura at doon nila kakanin sa isang banal na dako, sa patyo ng Toldang Tipanan. Inilaan ko iyon para sa kanila, bilang kaparte ng pagkaing handog sa akin at tulad ng mga handog na pangkasalanan, iyo'y banal din.
6:18 "Lahat ng lalaki mula sa lahi ni Aaron ay maaaring kumain nito. Ito ay kaparte nila magpakailanman sa mga pagkaing handog sa akin. Anumang masayaran nito ay ituturing na banal.' "
6:19 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
6:20 '"Ito ang handog na dadalhin sa akin nina Aaron at ng kanyang mga anak sa araw ng pagtatalaga sa kanila: tatlo't kalahating litro ng mahusay na harinang panghandog. Ang kalahati nito'y ihahandog sa umaga at ang kalahati nama'y sa gabi."
6:21 Ito'y mamasahing mabuti sa langis at ipiprito sa kawali at pagpipira-pirasuhin. Pagkatapos, susunugin sa dambana bilang masamyong handog sa akin, gaya ng handog na pagkain.
6:22 Ang saserdote sa lipi ni Aaron ang maghahandog nito sa akin; ito'y batas na dapat sundin magpakailanman. Ang handog na ito ay susunugin para sa akin.
6:23 "Ang lahat ng pagkaing handog ng saserdote ay lubusang susunugin; hindi ito maaaring kainin.' ( Mga Tuntunin Tungkol sa Handog para sa Kasalanang Di Sinasadya )"
6:24 Sinabi pa rin ni Yahweh kay Moises,
6:25 '"Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, 'Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkasalanang di sinasadya. Ang handog pangkasalanang di sinasadya ay doon papatayin sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. Ito'y napakabanal."
6:26 Ang natirang hindi sinunog ay maaaring kanin ng saserdoteng naghandog nito. Ngunit kakanin niya ito sa isang dakong banal, sa patyo ng Toldang Tipanan.
6:27 Ang anumang madantay sa laman niyon ay ituturing na banal. Ang damit na malagyan ng dugo nito ay lalabhan sa isang dakong banal.
6:28 Ang palayok na pinaglutuan ng handog pangkasalanang di sinasadya ay babasagin; ngunit kung ang pinaglutuan ay sisidlang tanso, ito'y kukuskusin at huhugasang mabuti.
6:29 Ang sinumang lalaki sa sambahayan ng saserdote ay maaaring kumain ng handog na ito; iyon ay napakabanal.
6:30 Ngunit hindi maaaring kainin ang handog na pangkasalanang di sinasadya. Kung ang dugo nito ay dinala sa Toldang Tipanan upang doo'y gawing pantubos sa kasalanan, ito ay susunugin na lamang.'
7:1 ( Mga Tuntunin Tungkol sa Handog Pangkasalanan ) '"Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog para sa kasalanan: ito'y napakabanal."
7:2 Ang handog para sa kasalanan ay doon papatayin sa dakong pinagpapatayan ng mga handog na susunugin at ang dugo nito'y ibubuhos sa paligid ng dambana.
7:3 Ang lahat ng taba nito ay ibubukod at ihahandog---taba ng buntot, tabang bumabalot sa lamang-loob,
7:4 ang dalawang bato, ang taba ng balakang at ang lamad na bumabalot sa atay.
7:5 Lahat ng ito'y dadalhin sa dambana at susunugin ng saserdote bilang handog kay Yahweh para sa kasalanan.
7:6 Ang matitira ay maaaring kanin ng mga anak na lalaki ng angkan ng saserdote. Lamang, ito'y doon kakanin sa isang dakong banal sapagkat ang pagkaing ito'y napakabanal.
7:7 '"Iisa ang tuntunin sa handog para sa paglabag na di sinasadya at sa handog para sa kasalanan. Ang kukuha ng handog na ito ay ang saserdoteng gumaganap ng paghahandog."
7:8 Ang balat ng handog na susunugin ay mauuwi rin sa saserdoteng gumanap ng paghahandog.
7:9 Gayon din ang mga handog na pagkaing niluto sa hurno, sa ihawan o pinirito sa kawali.
7:10 Ngunit ang natirang handog na harina, maging ito'y may halong langis o wala man, ay papartihin ng mga anak ni Aaron. ( Handog Pangkapayapaan )
7:11 '"Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkapayapaan."
7:12 Kung ang paghahandog ay upang magpasalamat, ang handog ay sasamahan ng tinapay na walang lebadura. Ito'y maaaring makakapal na tinapay na yari sa harinang minasa sa langis; o manipis na tinapay na pinahiran ng langis; o maninipis na tinapay na yari rin sa harinang minasa sa langis.
7:13 Ang mga ito ay isasama sa tinapay na may lebadura at sa handog ng pagpapasalamat na pinagsasaluhan.
7:14 Sa bawat uri ng tinapay ay magbubukod ng isa na ihahandog sa akin at kukunin ng saserdoteng nagbuhos ng dugo ng handog pangkapayapaan.
7:15 Ang laman ng handog pangkapayapaan upang magpasalamat ay kakaning lahat sa araw ng paghahandog; walang maaaring paabutan ng bukas.
7:16 '"Ngunit kung ang handog pangkapayapaan ay panata o kusang-loob, makakain iyon sa araw ng paghahandog at ang matitira'y maaaring kanin sa kinabukasan."
7:17 Kung mayroon pa ring natira sa ika-3 araw, dapat nang sunugin iyon.
7:18 Pag may kumain pa nito, ang handog na iyo'y hindi tatanggapin at mawawalan ng kabuluhan. Iyo'y magiging kasuklam-suklam at pananagutin ang sinumang kumain niyon.
7:19 "Ang handog na karneng nasayaran ng anumang bagay na marumi ay di dapat kainin; dapat itong sunugin. 'Ang sinumang malinis ayon sa batas ay maaaring kumain ng karneng ito."
7:20 Ngunit ang kumain ng karneng handog pangkapayapaan nang di nararapat ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos.
7:21 "Ang sinumang makahipo ng marumi: tao, hayop o anumang bagay na karumal-dumal at pagkatapos ay kumain ng handog para sa kapayapaan, ay dapat ihiwalay sa kalipunan ng bayan ng Diyos.' "
7:22 Wika pa ni Yahweh kay Moises,
7:23 '"Sabihin mo sa bayang Israel na huwag silang kakain ng taba ng baka, tupa o kambing."
7:24 Ang taba ng hayop na kusang namatay o hayop na niluray ng kapwa hayop ay maaaring pakinabangan kung gusto, huwag lamang kakanin.
7:25 Kaya, ang sinumang kumain ng taba ng hayop na inihandog sa akin ay ihihiwalay sa kapulungan.
7:26 Hindi lamang iyon; kahit saan kayo naroon, huwag kayong kakain ng dugo ng anumang hayop o ibon.
7:27 "Ang sinumang kumain nito ay ihihiwalay sa kapulungang bayan ng Diyos.' "
7:28 Patuloy na nag-utos si Yahweh kay Moises,
7:29 '"Sabihin mo rin ito sa bayang Israel: 'Ang sinumang maghahandog para sa kapayapaan ay magbubukod ng bahagi nito para sa akin."
7:30 Siya mismo ang maghahandog nito. Dadalhin din niya ang taba at dibdib nito sa harap ng dambana upang ihain na tanging handog.
7:31 Kukunin ng saserdote ang taba nito at susunugin sa dambana, ngunit ang dibdib ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak.
7:32 Ang kanang hita naman ay ibibigay sa saserdoteng
7:33 nagbuhos ng dugo sa dambana at nagsunog ng tabang handog para sa kapayapaan.
7:34 Sapagkat iniuutos ko sa bayang Israel na ang dibdib at ang hita ng hayop na handog para sa kapayapaan ay ipagkakaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang utos na ito'y panghabang panahon.
7:35 Ito nga ang bahagi ng handog kay Yahweh na nakalaan kay Aaron at sa kanyang mga anak mula nang sila'y italaga sa paglilingkod kay Yahweh bilang saserdote.
7:36 "Nang araw na iyon, iniutos ni Yahweh na ito'y ibigay sa kanila. Ang utos na ito ay dapat tupdin ng bayang Israel habang panahon.'' "
7:37 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga handog na susunugin, handog na pangkasalanan, handog na pagkain at handog na pangkapayapaan.
7:38 Iniutos ito ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, noong sila'y nasa ilang, nang araw na ang mga Israelita'y utusan ni Yahweh na maghandog sa kanya.
8:1 ( Pagtatalaga sa mga Saserdote )[ (Exo. 29:1-37) ] Sinabi ni Yahweh kay Moises,
8:2 '"Ipagsama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Ipadala mo ang kanilang kasuutan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang lebadura"
8:3 "at tipunin mo roon ang buong bayan.' "
8:4 Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh.
8:5 Nang matipon na ang mga tao, sinabi ni Moises sa kapulungan na ang gagawin nila'y utos ni Yahweh.
8:6 Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila'y pinaliguan.
8:7 Pagkatapos, ipinasuot niya kay Aaron ang tunika at binigkisan. Isinunod ang barong ng efod, ipinatong ang efod at binigkisang muli.
8:8 Ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim.
8:9 Sinakluban ng turbante at sa noo'y ikinabit ang plakang ginto na may titik ng pagtatalaga, ayon sa iniutos ni Yahweh.
8:10 Nang magawang lahat ito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang pagtatalaga.
8:11 Itinalaga rin niya ang dambana at ang mga kagamitang naroon; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito.
8:12 Binusan niya ng langis ang ulo ni Aaron bilang pagtatalaga.
8:13 Pagkatapos, pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuutan ng kanilang tunika, tinalian ng pamigkis at nilagyan ng turbante, gaya ng utos ni Yahweh.
8:14 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang torong handog para sa kasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro.
8:15 Pinatay niya ito, kumuha ng kaunting dugo at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay pinahiran ang mga sungay ng dambana upang ito'y dalisayin. Ang natirang dugo ay ibinuhos sa paanan ng dambana bilang pagtatalaga at pagtubos.
8:16 Kinuha ni Moises ang taba ng lamang-loob, ang lamad na bumabalot sa atay, ang dalawang bato pati ang taba nito at sinunog sa dambana.
8:17 Ang balat, laman at dumi nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampamento, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
8:18 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang lalaking tupa na iaalay bilang handog na susunugin. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito bago niya ito pinatay.
8:19 Ibinuhos ni Moises ang dugo nito sa palibot ng dambana.
8:20 Kinatay niya ang tupa at ang ulo't mga pira-pirasong laman pati taba nito ay kanyang sinunog.
8:21 Hinugasan niya ang lamang-loob at mga hita nito at sinunog na lahat sa dambana bilang handog na susunugin, gaya ng utos sa kanya. Ang masarap na halimuyak nito'y nakalulugod kay Yahweh.
8:22 Kinuha niya pagkatapos ang isa pang lalaking tupa, ang handog sa pagtatalaga. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito.
8:23 Pinatay niya ang hayop at ang kaunting dugo nito'y ipinahid niya sa likod ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa nito.
8:24 Tinawag ni Moises ang mga anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo ang likod ng mga kanang tainga at ang hinlalaki ng mga kanang kamay at paa ng mga ito. Ibinuhos niya ang natirang dugo sa paligid ng dambana.
8:25 Pagkatapos kinuha niya ang taba ng buntot, tabang bumabalot sa lamang-loob, ang lamad ng atay, ang dalawang bato pati taba nito at ang kanang hita ng tupa.
8:26 Sa basket na nasa dambana'y dumampot siya ng isang tinapay na walang lebadura, isang tinapay na pinirito sa langis, isang tinapay na manipis at ipinatong na lahat sa taba at kanang hita ng pinatay na tupa.
8:27 Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inihandog nila ito sa harapan ni Yahweh.
8:28 Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa dambana at sinunog bilang handog sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y kaaya-aya kay Yahweh.
8:29 Kinuha ni Moises ang dibdib ng tupa at iniharap na tanging handog; ito ang kanyang parte sa tupang handog na pantalaga, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
8:30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa dambana at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuutan nila. Ganito itinalaga sila at ang kanilang mga kasuutan.
8:31 "Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, 'Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at iulam sa tinapay na handog sa pagtatalaga na nasa basket sa harap ng dambana. Ito ang iniuutos ni Yahweh."
8:32 Ang matira ninyo ay inyong susunugin.
8:33 Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hanggang hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo.
8:34 Ito ang iniutos ni Yahweh para sa araw na ito upang kayo'y matubos sa inyong kasalanan.
8:35 "Araw-gabi, sa loob ng pitong araw kayo'y magbabantay sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ito ang utos ni Yahweh. Kailangang sundin ninyo para hindi kayo mamatay.'"
8:36 Sinunod na lahat nina Aaron at ng kanyang mga anak ang iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.
9:1 ( Ang Handog ni Aaron ) Nang ika-8 araw, ipinatawag ni Moises si Aaron, ang kanyang mga anak at ang matatanda ng Israel.
9:2 "Sinabi niya kay Aaron, 'Kumuha ka ng isang batang toro at isang lalaking tupa na walang kapintasan at ihandog mo kay Yahweh. Ang una'y handog para sa kasalanan at ang ikalawa'y handog na susunugin."
9:3 Sabihin mo naman sa bayang Israel na magdala sila ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan. Magdala rin sila ng isang dumalagang baka at isang tupang kapwa santaon ang gulang at walang dungis o kapintasan bilang handog na susunugin.
9:4 "Papagdalhin mo rin sila ng isang toro at isang lalaking tupa upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Ihahandog nila ang lahat ng ito na may kasamang harinang nilagyan ng langis pagkat ngayo'y pakikita sa inyo si Yahweh.'"
9:5 Dinala nga nila ang mga ito sa harap ng Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Moises. Nagtipon naman ang bayan sa harapan ni Yahweh.
9:6 "Sinabi sa kanila ni Moises, 'Ito ang utos ni Yahweh na dapat ninyong tupdin upang mahayag sa inyo ang kadakilaan niya.'"
9:7 "Kay Aaron nama'y sinabi ni Moises, 'Lumapit ka sa dambana at iharap mo roon ang iyong handog para sa kasalanan at ang handog na susunugin para sa iyo at sa iyong sambahayan. Dalhin mo rin ang handog ng mga tao upang sila'y matubos din sa kanilang mga kasalanan; iyan ang iniutos ni Yahweh.' "
9:8 Lumapit nga si Aaron sa dambana at pinatay ang dumalagang baka na handog niya para sa kasalanan.
9:9 Ang dugo nito'y iniharap ng mga anak ni Aaron sa kanya. Inilubog naman niya sa dugo ang kanyang daliri at nilagyan ang mga sungay ng dambana at ibinuhos sa paanan nito ang natira.
9:10 Ngunit ang taba, mga bato at ang lamad sa atay ng handog para sa kasalanan ay sinunog niya sa dambana, gaya ng utos ni Yahweh.
9:11 Ang laman at balat nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampamento.
9:12 Pinatay rin ni Aaron ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng kanyang mga anak ang dugo nito at ibinuhos sa paligid ng dambana.
9:13 Ibinigay din sa kanya ang kinatay na handog at kasama ng ulo, sinunog niya ang mga ito sa dambana.
9:14 Hinugasan niya ang lamang-loob, ang mga hita at sinunog din sa dambana, kasama ng iba pang bahagi ng handog na susunugin.
9:15 Pagkatapos, inilapit sa kanya ang lalaking kambing at pinatay niya ito bilang handog para sa kasalanan ng mga tao.
9:16 Ang handog na susunugin ay inihandog din niya ayon sa utos.
9:17 Kumuha siya ng isang dakot na harina mula sa handog na pagkain at sinunog ito sa dambana kasama ng pang-umagang handog na susunugin.
9:18 Sa kahuli-huliha'y pinatay niya ang toro at ang lalaking tupa, ang handog ng mga tao para sa kapayapaan. Dinala kay Aaron ng kanyang mga anak ang dugo nito at ibinuhos niya sa paligid ng dambana.
9:19 Ang taba naman ng mga ito, yaong nasa buntot, ang bumabalot sa lamang-loob, mga bato at lamad ng atay,
9:20 ay ipinatong niya sa mga dibdib ng mga handog. Pagkatapos, sinunog niya ang mga taba.
9:21 Ang dibdib at kanang hita ng mga hayop ay ginawang tanging handog para kay Yahweh, ayon sa iniutos ni Moises.
9:22 Itinaas ni Aaron ang kanyang mga kamay at binasbasan ang mga tao. Pagkatapos, bumaba siya mula sa dambanang pinaghandugan niya.
9:23 Sina Moises at Aaron ay pumasok sa Toldang Tipanan. Paglabas doon, binasbasan nila ang mga tao at napakita sa lahat ang kaningningan ni Yahweh.
9:24 Sa harapan niya, lumabas ang apoy at tinupok ang handog na susunugin pati ang tabang nasa dambana. Nang makita ito ng mga tao, sila'y napasigaw at nagpatirapa.
10:1 ( Ang Kasalanan ni Nadab at Abihu ) Sina Nadab at Abihu, dalawang anak ni Aaron ay kumuha ng insensaryo, nilagyan ng apoy at nagsunog ng kamanyang at humarap kay Yahweh. Gumamit sila ng apoy nang di nararapat, pagkat hindi ito iniutos sa kanila.
10:2 Kaya't mula kay Yahweh, lumabas ang apoy at tinupok sila.
10:3 "Sinabi ni Moises kay Aaron, 'Ito ang kahulugan ng sinabi ni Yahweh: 'Dapat akong kilalaning banal ng sinumang lumalapit sa akin at dapat parangalan sa harapan ng mga tao.'' Hindi nakakibo si Aaron. "
10:4 "Kaya't ipinatawag ni Moises sina Misael at Elzafan, mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron. Sinabi sa kanila, 'Alisin ninyo sa banal na dako ang bangkay ng inyong mga pinsan at ilabas ninyo sa kampamento.'"
10:5 Lumapit nga ang dalawa at inilabas ang mga bangkay na suot pa rin ang kanilang tunika.
10:6 "Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak nitong sina Eleazar at Itamar, 'Huwag ninyong guluhin ang inyong buhok ni wahakin man ang inyong damit dahil sa nangyari kung hindi ninyo gustong mamatay at magalit ang Diyos sa mga tao. Ngunit maaari silang ipagluksa ng bayan dahil sa kanilang sinapit."
10:7 "Huwag kayong lalayo sa pintuan ng Toldang Tipanan pagkat kayo ay pinahiran na ng langis ni Yahweh. Baka kayo ay mamatay kapag di kayo sumunod.' At sinunod naman nila ang iniutos ni Moises. ( Mga Tuntunin Tungkol sa Pagkain ng mga Saserdote )"
10:8 Sinabi ni Yahweh kay Aaron,
10:9 '"Kung ikaw at ang iyong mga anak ay pupunta sa Toldang Tipanan, huwag kayong iinom ng alak o anumang inuming matatapang, baka kayo'y mamatay."
10:10 Ang utos na ito ay panghabang panahon at dapat sundin ng iyong lahi. Dapat ninyong makilala kung alin ang banal o hindi at kung alin ang malinis o marumi.
10:11 "Ang lahat ng iniuutos ko kay Moises ay dapat ninyong ituro sa kanila.' "
10:12 "Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawa pang anak niyang natitira, sina Eleazar at Itamar, 'Kunin ninyo ang natira sa harinang handog kay Yahweh at gawing tinapay na walang lebadura. Kakanin ninyo ito sa tabi ng dambana sapagkat ito'y banal."
10:13 Ito ang kaparte ninyo at ng inyong mga anak na lalaki sa handog na pagkain para sa kanya na iniutos sa akin.
10:14 Ngunit ang dibdib at hita ng handog na susunugin ay para sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae. Doon ninyo iyon kakanin sa malinis na dako pagkat iyo'y kaloob sa inyo bilang kaparte sa handog na pangkapayapaan ng mga Israelita.
10:15 "Ang dibdib at ang hitang binanggit ay dadalhin nila sa dambana kasama ng mga tabang susunugin at ihahandog kay Yahweh. Pagkatapos, ito'y ibibigay sa inyo. Ang batas na ito ay pangwalang hanggan, ayon sa utos ni Yahweh.' "
10:16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na inihandog para sa kasalanan, natuklasan niyang iyo'y nasunog na, pati ang di dapat sunugin. Nagalit siya kina Eleazar at Itamar at ang wika,
10:17 '"Bakit hindi ninyo kinain sa banal na dako ang handog para sa kasalanan? Hindi ba ninyo alam na iyo'y banal at ibinigay sa inyo para kumatawan kayo sa harapan ni Yahweh upang sila'y maging karapat-dapat sa kanya?"
10:18 "Sapagkat ang dugo niyo'y hindi dinala sa loob ng santwaryo, dapat ninyong kinain ang handog para sa kasalanan, pagkat iyon ang iniutos sa akin.' "
10:19 "Ngunit sumagot si Aaron, 'Sa araw na ito'y naghain sila ng handog para sa kasalanan at handog na susunugin, ngunit ito pa ang aking sinapit. Kung ako ba'y kumain ngayon ng handog para sa kasalanan, ako ba'y magiging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh?'"
10:20 Nasiyahan si Moises sa mga pangungusap na ito ni Aaron.
11:1 ( Mga Hayop na Maaari at Di Maaaring Kanin )[ (Deut. 14:3-21) ] Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
11:2 '"Ganito ang sabihin ninyo sa bayang Israel: Sa mga hayop na lumalakad sa lupa, makakain ninyo"
11:3 ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura.
11:4 Kaya ang kamelyo bagamat ngumunguya nito ngunit hindi biyak ang kuko ay di dapat kainin.
11:5 Ang kuneho ay ngumunguya rin ng pagkaing mula sa sikmura ngunit hindi rin biyak ang kuko; hindi ito malinis, kaya di dapat kainin.
11:6 Ang liebre ay ngumunguya rin ng pagkaing galing sa sikmura ngunit hindi biyak ang kuko; hindi ito malinis.
11:7 Ang baboy, biyak nga ang kuko, ngunit hindi naman ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura, kaya hindi ito dapat kanin.
11:8 Huwag kayong kakain ng karne ni hihipo man ng mga patay na hayop na iyan; marurumi iyan para sa inyo.
11:9 '"Sa mga nilikhang nasa tubig, maging alat o tabang, ang maaari lamang ninyong kainin ay isdang may mga palikpik at kaliskis."
11:10 Kaya, ang walang palikpik at kaliskis, isda mang malalaki o maliliit sa dagat o ilog ay kasuklam-suklam.
11:11 Huwag kayong kakain nito at iwasan ninyo ang mga patay nito.
11:12 Lahat ng nilikha sa tubig na walang palikpik at kaliskis ay kasuklam-suklam; iya'y karumal-dumal para sa inyo.
11:13 '"Tungkol sa mga ibon, ito naman ang huwag ninyong kakanin pagkat marurumi: ang agila, ang buwitre at ang agilang-dagat;"
11:14 ang lawin at ang limbas at mga kauri nito;
11:15 lahat ng uri ng uwak;
11:16 ang avestrus, panggabing lawin, lawing-dagat at mga kauri nito;
11:17 lahat ng uri ng kuwago, ibong maninisid ng isda;
11:18 ang kuwagong may sungay, ang pelicano;
11:19 ang lahat ng uri ng tagak, ang tariktik, paniki at kabag-kabag.
11:20 '"Lahat ng kulisap na may apat na paa ay dapat ninyong itakwil,"
11:21 maliban yaong may hitang ginagamit sa paglundag,
11:22 tulad ng lahat ng balang na mahahaba ang ulo, balang na kulay berde at bawat balang sa ilang.
11:23 Ang lahat ng naglipanang lumilipad na may apat na paa ay kasuklam-suklam.
11:24 '"Ang sinumang humipo sa bangkay ng mga hayop na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw."
11:25 Ang sinumang dumampot sa bangkay na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw at dapat niyang labhan ang kanyang damit:
11:26 bawat hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura ay marumi nga at ituturing na marumi rin ang bawat humipo rito.
11:27 Ituturing ninyong marumi ang mga hayop na may apat na paa, ngunit ang kuko'y hindi sumasayad sa lupa kapag lumalakad. Ang sinumang humipo sa bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
11:28 Dapat labhan ang kanyang kasuutan ng humipo nito at ituturing ninyong marumi siya hanggang sa paglubog ng araw.
11:29 '"Sa mga hayop na naglipana sa lupa, ituturing ninyong marumi ang sumusunod: ang bubuwit, ang daga at lahat ng uri ng bayawak;"
11:30 ang tuko, ang buwaya, ang butiki, ang bubuli at ang hunyango.
11:31 Marurumi ang lahat ng ito at sinumang humipo sa alinmang patay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
11:32 Kung ang alinman sa mga ito ang mamatay at lumagpak sa damit, kagamitang kahoy, katad o anumang kagamitang pang-araw-araw, ituturing na marumi ang nilagpakan nito hanggang sa paglubog ng araw; kailangang ibabad sa tubig ang nasabing kagamitan.
11:33 Kung sa palayok ito mahulog, marumi na ang laman nito at dapat basagin na ang palayok.
11:34 Anumang pagkaing may sabaw o tubig na malagay dito ay ituturing na marumi.
11:35 Marumi nga ang anumang lagpakan ng ganitong uri ng patay na hayop. Kung mahulog sa kalan, dapat sirain ito; ituturing nang marumi iyon.
11:36 Ngunit ang batis o tipunan ng tubig na malagpakan nito ay mananatiling malinis; gayunman ang humipo sa patay na hayop ay ituturing na marumi.
11:37 Kung ang patay na hayop ay lumagpak sa binhing pananim, ito'y mananatiling malinis,
11:38 ngunit kung ang binhi ay babad na ng tubig, magiging marumi na ito.
11:39 '"Kung kusang mamatay ang anumang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humipo rito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw."
11:40 Dapat labhan ang kasuutan ng sinumang kumain o bumuhat nito at siya'y ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
11:41 '"Lahat ng maliliit na hayop na nagsasama-sama ay marumi at huwag ninyong kakanin,"
11:42 maging ito'y gumagapang sa lupa o naglalakad na may apat na paa o higit pa.
11:43 Huwag ninyong hihipuin ang anumang hayop na karumal-dumal; kayo'y mahahawa nila.
11:44 Iingatan ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat ako, si Yahweh, ang inyong Diyos ay banal.
11:45 "Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal.' "
11:46 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga hayop at mga ibong naglipana sa lupa at mga nilikhang lumalangoy,
11:47 para mabatid ninyo ang malinis o hindi, ang makakain at hindi makakain.
12:1 ( Tuntunin sa Paglilinis ng Nanganak ) Sinabi ni Yahweh kay Moises,
12:2 '"Ganito ang sabihin mo sa mga taga-Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad ng pinapanahon."
12:3 Pagdating ng ika-8 araw, dapat tuliin ang bata.
12:4 Maghihintay ng tatlumpu't tatlong araw ang ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humipo ng anumang bagay na banal at hindi rin makapapasok sa santwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon.
12:5 Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw siyang maghihintay bago siya ituring na malinis.
12:6 '"Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae ang kanyang anak. Magdadala siya sa saserdote sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang korderong iisahing taon bilang handog na susunugin at isang pitson o batu-bato bilang handog para sa kasalanan."
12:7 Ihahandog ito ng saserdote para sa nanganak at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak.
12:8 '"Kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang pitson; ang isa'y handog na susunugin at handog para sa kasalanan ang isa. Matapos ihandog ng saserdote para sa ina, ito'y ituturing nang malinis.'"
13:1 ( Tuntunin Tungkol sa Ketong ) Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
13:2 '"Kung ang balat ninuman ay magbago ng kulay, mamaga o kaya'y magkaroon ng singaw na parang ketong, dadalhin siya kay Aaron o sa mga anak niyang saserdote."
13:3 Susuriin siya ng saserdote at kung makita nitong namuti ang balahibo sa balat at sa palagay nito'y tagos sa kalamnan, may ketong ang taong iyon. Kung magkagayon, ipapahayag niya itong marumi.
13:4 Ngunit kung balat lamang ang namuti at hindi pati balahibo, ibubukod siya nang pitong araw.
13:5 Pagkatapos, kung sa tingin ng saserdote ay hindi lumalala ang pamamaga, pitong araw pa niya itong ikukulong.
13:6 Pagkaraan ng pitong araw, susuriin niyang muli ang maysakit. Kung nagbalik sa dati ang kulay ng kanyang balat at ang pamamaga ay hindi kumalat sa ibang bahagi ng kanyang katawan, ipapahayag siyang malinis. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y maliligo.
13:7 Ngunit kung mamaga uli ang kanyang balat at kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan, muli siyang haharap sa saserdote.
13:8 Sisiyasatin siyang muli at kung ang pamamaga ay kumakalat nga, ipapahayag ng saserdoteng ang maysakit ay marumi. May ketong ang taong iyon.
13:9 '"Ang sinumang magkaroon ng ketong ay dapat dalhin sa saserdote"
13:10 para masuri. Sisiyasatin ito at kung ang namamagang balat ay pumuti at magsugat at ang balahibo nito ay pumuti rin,
13:11 hindi na siya ikukulong pagkat tiyak na ngang siya'y marumi.
13:12 Kung lumaganap sa buong katawan ang pamamaga,
13:13 sisiyasatin siya ng saserdote at kung naging maputing lahat ang balat niya, ipapahayag siyang malinis ayon sa ritwal.
13:14 Subalit sa sandaling magbalik ang dating kulay at ang balat ay magsugat-sugat, ipapalagay na siya'y marumi.
13:15 Sisiyasatin siya ng saserdote at kung gayon nga ang makita rito, ipapahayag nitong marumi ang taong iyon. Ang paglitaw ng mga sugat ay tanda ng nakakahawang sakit sa balat at ang taong iyon ay marumi.
13:16 Kung sakaling gumaling ang sugat at pumuti ang balat, dapat siyang pumunta sa saserdote
13:17 upang magpasuri. Kung makita ng saserdoteng ang kanyang sugat ay pumuti, ipapahayag siyang magaling na. Malinis na siya ayon sa ritwal.
13:18 '"Kung magkabukol ang alinmang bahagi ng kanyang katawan at gumaling,"
13:19 ngunit ito'y mamaga uli at mamuti o mamula, dapat humarap sa saserdote ang taong iyon.
13:20 Kung makita niyang tagos sa laman ang sugat at ang balahibo nito ay namuti, may ketong ang taong iyon.
13:21 Ngunit kung hindi naman tagos sa laman at hindi namuti ang balahibo, ang maysakit ay ibubukod nang pitong araw.
13:22 Kung lumaganap ito sa ibang bahagi ng katawan, ipapahayag siyang marumi; siya'y talagang may ketong.
13:23 Kung hindi naman kumalat sa ibang bahagi ng katawan, ito'y marka lamang ng bukol at ipapahayag ng saserdoteng malinis ang taong iyon.
13:24 '"Kung mapaso ang isang parte ng katawan at ang parteng hindi napaso ay namula o namuti,"
13:25 susuriin ito ng saserdote. Kung pumuti ang balahibo nito at tumagos sa laman ang sugat, ito'y naging ketong. Ipapahayag niya na marumi ang may sugat.
13:26 Kung makita ng saserdote na ang balahibo ng napasong parte ng katawan ay hindi namuti at hindi tagos sa laman ang sugat, ngunit hindi niya ito matiyak, ang tao'y ikukulong niya nang pitong araw.
13:27 Pagkatapos, susuriin siya ng saserdote at kung ang sakit ay lumalaganap sa katawan, ipapahayag na marumi ang taong iyon. Mayroon siyang ketong.
13:28 Ngunit kung hindi kumakalat o humahawa sa ibang panig ng katawan at mapusyaw ang kutis, pamamaga lamang ito ng napaso; ipapahayag siya ng saserdote na malinis pagkat ito'y pilat lamang.
13:29 '"Kung ang isang lalaki o babae ay magkasugat sa ulo o sa baba,"
13:30 susuriin siya ng saserdote. Kung tagos sa laman ang sugat at ang buhok ay nandadalang at naninilaw-nilaw, ipapahayag siyang marumi; siya'y may ketong.
13:31 Ngunit kung sa balat lamang ang sugat at ni hindi dumidilaw ang buhok, ibubukod lamang siya sa loob ng pitong araw.
13:32 Pagkatapos, susuriin siya ng saserdote. Kung hindi ito kumakalat at di tagos sa laman o hindi naninilaw ang buhok,
13:33 ang maysakit ay mag-aahit na lamang, ngunit pitong araw pa siyang ikukulong.
13:34 Pagkatapos ng taning na panahon, susuriin siyang muli ng saserdote. Kung ang sugat ay hindi kumakalat sa ibang panig ng katawan, ipapahayag siya ng saserdote na malinis. Maglalaba siya ng kanyang damit at siya'y magiging malinis.
13:35 Ngunit pagkatapos niyang makapaglinis at magkaroon uli ng sugat sa ibang panig ng katawan,
13:36 susuriin siya ng saserdote. Kung kumakalat ang sugat, ang taong iyon ay ituturing na marumi kahit hindi naninilaw ang buhok sa sugat.
13:37 Kung sa tingin ng saserdote ay hindi kumakalat ang sugat at tinutubuan na ng itim na buhok, magaling na ang taong iyon at ituturing nang malinis.
13:38 '"Kung ang sinumang babae o lalaki ay singawan ng mga batik na puti sa kanyang balat,"
13:39 susuriin siya ng saserdote. Kung hindi masyadong maputi ang batik, anan lamang iyon; siya'y ituturing na malinis.
13:40 '"Kung nalugas ang buhok ng isang tao, hindi siya ituturing na marumi kahit siya'y kalbo."
13:41 Kung malugas ang buhok sa gawing noo, siya ay kalbo rin, ngunit ituturing na malinis.
13:42 Ngunit kung may lumitaw na mamula-mulang sugat sa kalbo niyang ulo o noo, maaaring ketong ang sakit niya.
13:43 Susuriin siya ng saserdote. Kung ang sugat na yaon ay tulad ng ketong na tumubo sa ibang bahagi ng katawan,
13:44 ituturing siyang marumi at di ito dapat kaligtaang ipahayag ng saserdote.
13:45 '"Ang may ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, hindi magsusuklay, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, 'Marumi! Marumi!'"
13:46 Hanggang may sugat, siya'y ituturing na marumi at sa labas ng kampamento mamamahay na mag-isa. ( Tuntunin Tungkol sa Mantsa sa Damit o Kagamitang Katad )
13:47 '"Kung magkaroon ng mantsa ang damit na lana o de-ilo"
13:48 o ang sinulid na lana o de-ilo na di pa nahahabi o anumang yari sa balat,
13:49 kung berde o mamula-mula ang mantsa, ito'y dapat ipakita sa saserdote.
13:50 Susuriin niya ito at ipatatagong pitong araw ang damit na nagkabatik.
13:51 Sa ika-7 araw, muli niyang titingnan ito at kung ang batik ay humawa sa ibang bahagi ng damit, maging ito'y kagamitang katad o sinulid, ituturing itong marumi.
13:52 Susunugin na niya ang mga ito pagkat makakahawa.
13:53 '"Subalit kung hindi naman humahawa sa ibang parte ang mantsa nito, maging ito'y sa damit, sa kagamitang balat o sinulid,"
13:54 iuutos niyang labhan iyon, ngunit ipatatago pa niya nang pitong araw.
13:55 Pagkatapos, muling sisiyasatin ito ng saserdote. Kung hindi nagbabago ang kulay, bagaman hindi humahawa, ituturing na itong marumi at dapat sunugin, kahit nasaan ang mantsa.
13:56 '"Ngunit kung mapuna niyang kumupas ang mantsa, ang bahaging iyo'y gugupitin niya sa damit o kagamitang katad."
13:57 At kung may lumitaw pang ibang mantsa, ang damit ay dapat nang sunugin.
13:58 "Ngunit kung malabhan ang damit, kagamitang katad o sinulid at maalis ang mantsa, ito'y lalabhang muli at ituturing na malinis na.' "
13:59 Ito ang tuntunin tungkol sa mga mantsa ng anumang kasuutang damit o balat upang malaman kung marumi o hindi ang mga iyon.
14:1 ( Paglilinis Matapos Gumaling sa Sakit sa Balat ) Sinabi ni Yahweh kay Moises,
14:2 '"Ganito naman ang tuntunin sa paglilinis ng nagkasakit ng ketong. Sa araw na siya'y lilinisin, haharap siya sa saserdote"
14:3 sa labas ng kampamento at susuriin. Kung magaling na ang maysakit,
14:4 magpapakuha ang saserdote ng dalawang ibong buhay at malinis, kapirasong kahoy na sedro, lanang pula at isopo.
14:5 Ipapapatay sa kanya ng saserdote ang isang ibon sa tapat ng isang bangang may tubig na buhay.
14:6 Itutubog niya sa dugo nito ang ibong buhay, ang kahoy na sedro, ang lanang pula at ang isopo.
14:7 Ang dugo ay iwiwisik nang pitong beses sa taong nagkasakit at pagkatapos ay paliliparin niya sa kabukiran ang ibong buhay.
14:8 Lalabhan ng nagkasakit ang kanyang damit, siya'y magpapakalbo at maliligo. Pahihintulutan na siyang makapasok sa kampamento ngunit mananatili pang pitong araw sa labas ng kanyang tolda.
14:9 Pagkatapos, aahitin niyang muli ang lahat ng buhok niya sa ulo, ang kanyang balbas at kilay at lahat ng balahibo sa katawan. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y maliligo; sa gayon, magiging malinis siya.
14:10 '"Sa ika-8 araw, magdadala siya ng tatlong kordero na iisahing taon at walang kapintasan; dalawa nito'y lalaki. Magdadala rin siya ng anim na litro't kalahating mainam na harina na may halong langis at tatlo't kalahating litrong langis bilang handog na pagkain."
14:11 Dala ang kanyang handog, isasama siya ng saserdote sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
14:12 Ang isang lalaking tupa at ang langis ay ihahandog ng saserdote bilang pambayad-puri sa harapan ni Yahweh.
14:13 Papatayin ang tupa doon sa dakong pinagpapatayan ng mga handog para sa kasalanan at handog na susunugin sa loob ng dakong banal. Ang dalawang handog na ito, tulad ng handog para sa kasalanan, ay para sa saserdote at napakabanal.
14:14 Kukuha ang saserdote ng dugo ng handog para sa kasalanan at papahiran niya ang laylayan ng tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong nililinis.
14:15 Pagkatapos, kukunin niya ang langis at magbubuhos ng kaunti at sa kanyang kaliwang palad.
14:16 Isasawsaw niya rito ang kanyang kanang daliri at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng dambana.
14:17 Kukuha pa siya ng kaunting langis sa matitira sa kanyang palad at kaunting dugo ng handog para sa kasalanan at ipapahid niya ito sa laylayan ng tainga at sa hinlalaki ng kamay at paa ng taong nililinis.
14:18 Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo nito bilang pambayad-sala kay Yahweh.
14:19 '"Iaalay ng saserdote ang handog pangkasalanan at sa pamamagitan nito'y tutubusin ang taong nililinis. Pagkatapos, papatayin niya ang handog na susunugin"
14:20 at ihahandog niya ito sa dambana kasama ng handog na pagkain. Sa gayon matutubos ang taong iyon at magiging malinis.
14:21 '"Kung maralita ang taong maghahandog, sapat nang handog ang isang korderong lalaki bilang pambayad-sala, dalawang litrong harinang may halong langis bilang handog na pagkain at kalahating litrong langis."
14:22 Maghahanda pa siya ng dalawang batu-bato o pitson; ang isa'y handog para sa kasalanan at handog na susunugin naman ang isa.
14:23 Pagdating ng ika-8 araw, dadalhin niya ang kanyang mga handog sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
14:24 Kukunin ng saserdote ang korderong lalaki at ang langis na panghandog sa kasalanan at ihahandog niya ito kay Yahweh.
14:25 Ang kordero'y papatayin ng saserdote, kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa laylayan ng tainga at hinlalaki ng kanang kamay at paa ng maghahandog.
14:26 Magbubuhos ang saserdote ng kaunting langis sa kaliwang palad niya,
14:27 itutubog ang kanang daliri at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng dambana.
14:28 Papahiran din niya ng kaunting langis ang laylayan ng tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong gumaling sa sakit, doon sa mismong dakong pinahiran ng dugong panghandog para sa kasalanan.
14:29 Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon bilang pantubos sa kanya sa harapan ni Yahweh.
14:30 Ihahandog din niya ang dalawang batu-bato o pitson;
14:31 ang isa nito'y para sa kasalanan at ang isa naman ay para sa handog na susunugin kasama ang handog na pagkain. Ito ang gagawin ng saserdote upang linisin ang nagkasakit.
14:32 "Ganito ang tuntunin na dapat sundin para sa taong gumaling sa ketong at hindi kayang maghandog ng ukol dito.' ( Ang Amag na Kumakalat sa Bahay )"
14:33 Ito pa ang sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron:
14:34 '"Pagdating ninyo sa Canaan, sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at magkaamag na kumakalat ang bahay na tinitirahan ninyo,"
14:35 kailangang ipagbigay-alam agad ito sa saserdote.
14:36 Ipaaalis ng saserdote ang lahat ng kasangkapan doon bago siya magsiyasat; kung hindi ituturing ding marumi ang mga bagay na naroon.
14:37 Kung makita niyang may mga palatandaang bahid sa mga pader, maging ang kulay ay berde o pula,
14:38 lalabas agad siya at pitong araw niyang ipasasara ang bahay na iyon.
14:39 Babalik siya sa ika-7 araw at kung ang bahid ay humawa sa ibang panig ng pader,
14:40 ipababakbak niya ang mga batong may bahid at ipatatapon sa labas ng bayan, sa tambakan ng dumi.
14:41 Ipababakbak din ang palitada ng loob ng bahay at itatapon sa tambakan ng basura ang lahat ng duming makukuha.
14:42 Ang mga batong binakbak sa loob ng bahay ay papalitan ng bago at papalitadahan nang panibago ang loob ng bahay.
14:43 '"Kung ang amag ay lumitaw na muli sa bahay matapos gawin ang lahat ng ito,"
14:44 magsisiyasat na muli ang saserdote. Kung ang amag ay lumaganap, ipapahayag na niyang marumi ang bahay na iyon.
14:45 Ipasisira na niya ito nang lubusan at ipatatambak sa labas ng bayan sa tapunan ng basura.
14:46 Ang sinumang pumasok sa tahanang iyon habang nakapinid ay ituturing na marumi hanggang gabi.
14:47 Ang sinumang kumain o matulog doon ay dapat magbihis; lalabhan niya ang damit na hinubad.
14:48 '"Kung makita ng saserdote na hindi naman kumakalat ang amag pagkatapos palitadahang muli ang bahay, ipapahayag niyang iyo'y malinis na."
14:49 Upang lubos na itong luminis, kukuha ang saserdote ng dalawang maliit na ibon, kapirasong kahoy na sedro, lanang pula at isopo.
14:50 Papatayin niya ang isa sa mga ibon at ang dugo nito'y patutuluin sa isang bangang may tubig na buhay.
14:51 Ang kapirasong sedro, ang lanang pula, ang isopo at ang buhay na ibon ay itutubog niya sa banga; pagkatapos, wiwisikan niyang pitong beses ang bahay.
14:52 Sa gayon, magiging malinis na ito.
14:53 "Pakakawalan naman niya sa kaparangan ang buhay na ibon. Sa gayon, matutubos ang bahay at muling lilinis.' "
14:54 Ito ang tuntunin tungkol sa ketong at anumang sakit sa balat
14:55 at sa amag sa damit o sa bahay,
14:56 sa namamaga o anumang tumutubong sugat.
14:57 Iyan ang tuntunin upang malaman kung ang isang tao o bagay ay malinis o hindi.
15:1 ( Iba't Ibang Karumihan ng Katawan ) Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron:
15:2 '"Sabihin ninyo ito sa Israel: 'Ang sinumang lalaking may tulo ay ituturing na marumi."
15:3 At ito ang susundin niyang tuntunin sa huminto o hindi man ang pagtulo, pagkat siya'y marumi pa rin.
15:4 Ituturing na marumi ang alinmang higaan at upuang gamitin niya.
15:5 Sinumang makahipo sa higaan nito ay dapat maligo at magbihis. Lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
15:6 Gayon din ang dapat gawin ng umupo sa inupan niya; lalabhan din ang damit, maliligo at magbibihis at ituturing na marumi hanggang gabi.
15:7 Ang nakasaling sa may sakit na tulo ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
15:8 Sinumang madurhan ng may ganitong sakit ay dapat ding maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y ituturing na marumi hanggang gabi.
15:9 Ituturing ding marumi ang siya ng kabayong nasakyan niya.
15:10 Ang sinumang makahipo sa anumang bagay na kanyang hinigan ay ituturing na marumi. Ang sinumang magdala ng kanyang inupuan ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
15:11 Ang sinumang mahipo ng lalaking may sakit na tulo na di naghugas muna ng kamay ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
15:12 Ang mga sisidlang luwad na mahipo niya ay dapat basagin; kung sisidlang kahoy naman, dapat na ito'y hugasang mabuti.
15:13 '"Kung ang maysakit nito ay gumaling na, maghihintay siya ng pitong araw saka maglilinis. Sa ika-7 araw, lalabhan niya ang kanyang kasuutan at maliligo sa umaagos na batis at siya'y malinis na."
15:14 Kinabukasan, kukuha siya ng dalawang batu-bato o kaya'y dalawang pitson at dadalhin niya sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ibibigay niya ito sa saserdote
15:15 upang ihandog, ang isa'y para sa kasalanan at handog na susunugin naman ang isa. Ganito lilinisin ng saserdote sa harapan ni Yahweh ang taong nagkasakit ng tulo.
15:16 '"Kapag ang isang lalaki ay nilabasan ng sariling binhi, dapat siyang maligo; ituturing siyang marumi hanggang gabi."
15:17 Dapat labhan ang alinmang damit o katad na nabahiran, at hugasan ang alinmang bahagi ng katawan na natuluan ng binhi; yao'y ituturing na marumi hanggang gabi.
15:18 Pag sumiping sa babae ang isang lalaki, dapat silang maligo pareho; sila'y ituturing na marumi hanggang gabi.
15:19 '"Ang sinumang babaing nireregla ay pitong araw na ituturing na marumi. Ituturing ding marumi hanggang gabi ang makahipo sa kanya."
15:20 Ang anumang kanyang mahigan o maupan sa loob ng panahong yaon ay ituturing na marumi.
15:21 Ang sinumang makahipo sa higaan nito ay dapat maligo; lalabhan niya ang kanyang kasuutan; siya'y ituturing ding marumi hanggang gabi.
15:22 Ang sinumang makahipo sa anumang maupan ng babaing ito ay dapat ding maligo; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
15:23 Ang makahipo ng anumang nasa hinigaan o inupuan ng babaing iyon ay ituturing na marumi hanggang gabi.
15:24 Pag sumiping sa babaing may regla ang sinumang lalaki, pitong araw itong ituturing na marumi. Anumang kanyang mahigan ay ituturing na marumi rin.
15:25 '"Kung ang sinumang babae ay dinugo sa di kapanahunan, o lumampas kaya sa takdang panahon ang pagdating nito, ituturing siyang marumi habang siya'y dinudugo, tulad nang siya'y nireregla."
15:26 Ang anumang mahigan o maupan niya sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi, tulad din ng siya'y nireregla.
15:27 Ang sinumang makahipo sa mga bagay na ito ay dapat maligo; lalabhan niya ang kanyang kasuutan at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
15:28 Kung huminto na ang kanyang regla, siya'y bibilang ng pitong araw mula noon at magiging malinis na siya.
15:29 Sa ika-8 araw, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang pitson at dadalhin niya sa saserdote sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
15:30 Ihahandog ang isa nito para sa kasalanan, at ang isa nama'y handog na susunugin. Sa ganitong paraan lilinisin siya ng saserdote sa harapan ni Yahweh.
15:31 '"Ganito ninyo iiiwas sa karumhan ang mga taga-Israel pagkat kung hindi ninyo ito gagawin, mamamatay sila sa harap ng dambanang nasa gitna nila.' "
15:32 Ito ang mga tuntunin para sa paglilinis ng lalaking may tulo, o nilabasan ng sariling binhi,
15:33 at sa babaing nireregla, at sa lalaking sisiping dito.
16:1 ( Ang Araw ng Pagbabayad-puri ) Pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron dahil sa kanilang paglapit nang di nararapat sa harapan ni Yahweh,
16:2 "si Moises ay kinausap ni Yahweh. Wika niya, 'Sabihin mo kay Aaron na makalalapit lamang siya sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing, sa takdang panahon. Sapagkat pakikita ako roon sa anyong ulap sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Mamamatay siya pag siya'y sumuway. "
16:3 '"Sa araw na siya'y papasok doon, dapat siyang magdala ng batang toro bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin."
16:4 Siya'y maliligo; pagkatapos, magsusuot ng sagradong kasuutan---linong tunika, salawal, at pamigkis na lino rin at linong turbante.
16:5 Bibigyan siya ng mga Israelita ng dalawang lalaking kambing na ihahandog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin.
16:6 '"Ihahandog niya ang batang toro para sa kasalanan niya at ng kanyang sambahayan."
16:7 Pagkatapos, dadalhin niya ang dalawang kambing sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
16:8 Sa pamamagitan ng sapalaran pipiliin kung alin sa dalawa ang para sa akin at alin ang kay Azazel.
16:9 Ang para sa akin ay papatayin at iaalay tulad ng karaniwang handog para sa kasalanan.
16:10 Ngunit ang para kay Azazel ay buhay na ihahandog sa akin bilang pantubos sa kasalanan, saka pakakawalan sa ilang.
16:11 '"Ang batang toro ay papatayin nga ni Aaron at ihahandog para sa kasalanan niya at ng kanyang sambahayan."
16:12 Pagkatapos, kukunin niya ang insensaryo at pupunuin ng baga buhat sa dambanang sunugan ng handog. Kukuha rin siya ng dalawang dakot na pinulbos na kamanyang at dadalhin sa loob ng tabing.
16:13 Ibubuhos niya ang kamanyang sa apoy sa harapan ko upang ang usok nito ay pumailanglang sa harap ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan para hindi siya mamatay.
16:14 Kukuha siya ng dugo ng batang toro, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay iwiwisik ito nang minsan sa harap ng Luklukan ng Awa at pitong beses sa harap ng Kaban ng Tipan.
16:15 '"Pagkatapos, papatayin niya ang kambing bilang handog para sa kasalanan ng bayan. Magdadala siya ng dugo nito sa loob ng tabing at gaya ng ginawa niya sa dugo ng batang toro, iwiwisik din niya ito sa harap ng Luklukan ng Awa at sa harap ng Kaban ng Tipan."
16:16 Sa gayong paraan, lilinisin niya ang Dakong Kabanal-banalan sa mga kasalanan at pagsalangsang ng bayang Israel. Gayon din ang gagawin niya sa Toldang Tipanan na nahawa ng kanilang karumihan.
16:17 Walang sinumang lalapit sa Toldang Tipanan sa sandaling pumasok doon si Aaron hanggang hindi siya lumalabas pagkatapos niyang maghandog para sa kasalanan niya, para sa kanyang sambahayan at para sa kasalanan ng bayan.
16:18 Paglabas niya'y pupunta siya sa dambanang sunugan ng handog upang linisin din iyon. Kukuha siya ng dugo ng batang toro at ng kambing at papahiran niya ang mga sungay ng dambana.
16:19 Sa pamamagitan ng kanyang daliri, pitong beses niyang wiwisikan ang dambana upang ito'y pabanalin at linisin sa kasalanan ng mga Israelita. ( Ang Kambing na Pakakawalan )
16:20 '"Pagkatapos magawa ni Aaron ang paghahandog para sa Dakong Kabanal-banalan, sa Toldang Tipanan at sa dambanang sunugan ng mga handog, kukunin niya ang pangalawang kambing."
16:21 Ipapatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito at ipapahayag ang lahat ng kasalanan ng mga Israelita, ang kanilang mga pagsalangsang at pagkukulang; sa gayon, masasalin sa hayop ang lahat ng ito. Ibibigay niya ang kambing sa isang taong naghihintay doon upang dalhin iyon sa ilang.
16:22 Tataglayin ng hayop ang kasalanan ng buong bayan at pagdating sa ilang ito'y pakakawalan.
16:23 '"Pupunta naman si Aaron sa Toldang Tipanan at doo'y huhubarin ang damit na suot niya nang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan."
16:24 Maliligo siya sa isang banal na dako at matapos magbihis ng sariling damit, ihahandog niya sa dambana ang handog na susunugin para sa kanyang sarili at para sa buong bayan.
16:25 Susunugin din niya ang taba ng mga handog para sa kasalanan.
16:26 Ang taong nagdala ng kambing sa ilang ay maliligo, at lalabhan niya ang kanyang kasuutan; saka pa lamang siya makababalik sa kampo.
16:27 Ilalabas naman sa kampamento ang toro at ang kambing na inihandog para sa kasalanan; ang balat, ang laman at ang mga dumi nito ay susunugin sa labas ng kampamento.
16:28 Maglalaba ng kasuutan at maliligo ang nagsunog nito bago siya makabalik sa kampamento. ( Ang Araw ng Pagdaraos Nito )
16:29 '"Ito ay tuntuning susundin ninyo magpakailanman. Tuwing ika-10 araw ng ika-7 buwan, mag-aayuno kayo at hindi gagawa ng anuman. Tutupdin ito ng lahat, maging Israelita o dayuhan,"
16:30 sapagkat sa araw na ito ay tutubusin kayo upang maging malinis sa harapan ni Yahweh.
16:31 Araw ito ng ganap na pamamahinga. Mag-aayuno kayo at susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon.
16:32 Ang paghahandog para sa kasalanan ay gagampanan ng punong saserdoteng nanunungkulan sa taong iyon. Magsusuot siya ng mga sagradong kasuutang lino at
16:33 gagawin niya ang ritwal ng paglilinis ng Dakong Kabanal-banalan, ng Toldang Tipanan, ng dambana, ng mga saserdote at ng buong bayan.
16:34 "Ito'y batas na pamalagiang tutupdin ng mga Israelita minsan isang taon upang ipatawad ang kanilang kasalanan.' At ginawa nga ni Moises ang utos ni Yahweh."
17:1 ( Ang Dako ng Paghahandog ) Sinabi ni Yahweh kay Moises:
17:2 '"Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita, 'Ito ang iniuutos ko:"
17:3 Ang sinumang Israelita na magpapatay ng toro, tupa o kambing sa loob o labas man ng kampamento
17:4 nang di dadalhin sa pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay magkakasala dahil sa dugong pinadanak niya. Dapat siyang itiwalag sa kapulungan.
17:5 Ang layunin nito'y upang ihandog kay Yahweh ang mga hayop, sa halip na patayin sa parang. Dapat nilang dalhin iyon sa saserdote sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan.
17:6 Iwiwisik ng saserdote ang dugo nito sa dambana sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang taba niyon ay susunugin at magiging samyo para sa akin.
17:7 Sa gayon, hindi na nila iaalay ang mga hayop na ito sa demonyo na kanilang sinasamba. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.'
17:8 '"Sabihin mo sa kanila na sinumang Israelita o dayuhang kasama nila ang magsunog ng handog,"
17:9 na di muna dadalhin sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay ititiwalag sa kapulungan.
17:10 '"Ang sinumang kumain ng dugo ay magiging kalaban ko at ititiwalag sa kapulungan, maging Israelita o dayuhan man."
17:11 Sapagkat ang buhay ay nasa dugo at iniuutos ko na dapat ihandog iyon sa dambana bilang pantubos sa inyong buhay.
17:12 Kaya nga, di ito dapat kanin ninuman, maging siya'y Israelita o dayuhan man.
17:13 '"At pag ang sinuman sa inyo, maging Israelita o dayuhan ay humuli ng hayop o ibong makakain, dapat niyang itapon ang dugo niyon at tabunan ng lupa."
17:14 Sapagkat ang buhay ng alinmang hayop ay nasa dugo, kaya huwag kayong kakain ng dugo. Ang sinumang lumabag dito'y ititiwalag sa kapulungan.
17:15 '"Sinumang kumain ng hayop na namatay sa peste o pinatay ng kapwa hayop ay dapat maglaba ng kasuutan at maligo. Hanggang gabi siyang ituturing na marumi."
17:16 "Kung hindi niya iyon gagawin, siya'y magkakasala.'"
18:1 ( Bawal ang mga Gawang Kahalay-halay ) Nagsalita pa si Yahweh kay Moises:
18:2 '"Ito ang sabihin mo sa mga Israelita, 'Ako si Yahweh ang inyong Diyos."
18:3 Huwag kayong gagaya sa mga kaugalian sa Egipto na inyong pinanggalingan o sa kaugalian sa Canaan na pagdadalhan ko sa inyo.
18:4 Ang sundin ninyo'y ang mga tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
18:5 Ang tutupad nito'y mabubuhay; ako si Yahweh.'
18:6 '"Huwag kayong mag-aasawa sa malapit na kamag-anak. Ako si Yahweh."
18:7 Huwag mong sisipingan ang iyong ina, iyan ay pagpugay sa puri ng iyong ama. Ang iyong ina ay di mo dapat halayin.
18:8 Huwag mong sisipingan ang ibang asawa ng iyong ama, iya'y kasiraang-puri niya.
18:9 Huwag mong sisipingan ang iyong kapatid na babae, maging siya'y anak ng iyong ama o ng iyong ina, maging sa inyo ipinanganak o hindi man; huwag mo siyang hahalayin.
18:10 Huwag mong sisipingan ang iyong apo, maging sa anak mong lalaki o babae; iya'y kasiraang-puri mo.
18:11 Huwag mong sisipingan ang anak ng iyong ama sa ibang babae, pagkat siya'y kapatid mo rin; huwag mo siyang hahalayin.
18:12 Huwag mong sisipingan ang kapatid na babae ng iyong ama, siya'y iyong tiya.
18:13 Huwag mong sisipingan ang babaing kapatid ng iyong ina, siya'y tiya mo rin.
18:14 Huwag mong sisipingan ang asawa ng iyong tiyo, tiya mo na rin siya.
18:15 Huwag mong sisipingan ang iyong manugang na babae; siya'y asawa ng iyong anak na lalaki. Di mo siya dapat halayin.
18:16 Huwag mong sisipingan ang iyong hipag; taglay niya ang kapurihan ng iyong kapatid.
18:17 Huwag mong sisipingan ang anak o apong babae ng isang babaing nasipingan mo. Maaaring ang mga iyon ay kamag-anak mo, at iya'y napakasama.
18:18 Hindi mo maaaring maging asawa ang iyong hipag kung buhay pa ang asawa mo.
18:19 '"Huwag mong sisipingan ang isang babae samantalang siya'y may regla; marumi siya."
18:20 Huwag mong durungisan ang iyong sarili sa pakikiapid sa asawa ng iba.
18:21 Huwag mong ihahandog kay Moloc ang alinman sa iyong mga anak na babae pagkat lalapastanganin mo ang pangalan ng iyong Diyos. Ako si Yahweh.
18:22 Huwag kang sisiping sa kapwa mo lalaki nang tulad sa isang babae; iyan ay karumal-dumal.
18:23 Huwag kang sisiping sa alinmang hayop pagkat durungisan mo ang iyong sarili kung gawin mo ito. Hindi rin naman dapat pasiping ang isang babae sa hayop; iya'y ubod nang sama.
18:24 '"Huwag mong durungisan ang iyong sarili sa alinman sa mga gawaing ito. Ganyan ang ginawa ng mga bansang nangauna sa inyo, kaya ko sila sinumpa."
18:25 Pati ang lupain nila'y naging kasuklam-suklam, kaya pinarusahan ko at itinakwil ang mamamayan doon.
18:26 Kaya dapat ninyong sundin ang aking mga utos at tuntunin, at iwasan ninyo ang lahat ng gawaing ipinagbabawal ko, maging Israelita o dayuhang kasama ninyo.
18:27 Ang mga taong nangauna sa inyo rito ay nagumon sa gayong karumal-dumal na gawain kaya naging kasumpa-sumpa ang kanilang lupain.
18:28 Kapag sila'y inyong tinularan, palalayasin din kayo sa lupaing ito, tulad ng nangyari sa kanila.
18:29 Sapagkat ang sinumang gumawa ng alinmang karumal-dumal na gawaing tinukoy ay itatakwil sa kapulungan.
18:30 '"Sundin ninyo ang ipinag-uutos ko at huwag kayong gagaya sa kanila para hindi kayo maging masamang tulad nila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.'"
19:1 ( Mga Tuntunin Tungkol sa Kabanalan at Katarungan ) Sinabi ni Yahweh kay Moises,
19:2 '"Sabihin mo sa buong kapulungan ng Israel, 'Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh ay banal."
19:3 Igalang ninyo ang inyong mga magulang. Ipangilin ninyo ang mga Araw ng Pamamahinga. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
19:4 '"Huwag kayong maglilingkod sa mga diyus-diyusan ni gagawa ng mga imahen upang iyan ay sambahin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.' "
19:5 '"Kung maghahandog kayo sa akin ng haing pangkapayapaan, gawin ninyo iyan ayon sa mga tuntuning ibinigay ko upang maging karapat-dapat sa akin."
19:6 Dapat ninyong kanin iyon sa araw ring yaon o sa kinabukasan. Kung may matira ay sunugin ninyo.
19:7 Kung iyon ay kakanin sa ika-3 araw hindi magiging karapat-dapat ang inyong handog.
19:8 Magkakasala ang kakain niyon sapagkat iyon ay paglapastangan sa isang bagay na banal; dapat siyang itiwalag sa kapulungan.
19:9 '"Kung mag-aani kayo sa inyong bukirin, ititira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong babalikan ang inyong naanihan."
19:10 Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
19:11 '"Huwag kayong magnanakaw, manlilinlang o magsisinungaling."
19:12 Huwag din kayong manunumpa sa aking pangalan nang walang katotohanan pagkat iyon ay paglapastangan sa pangalan ko. Ako si Yahweh.
19:13 '"Huwag ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapaliban ang pagbabayad sa inyong pinapagtrabaho."
19:14 Huwag ninyong aapihin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.
19:15 '"Huwag kayong hahatol nang walang katarungan upang pagbigyan ang mahirap o suyuin ang mayayaman."
19:16 Huwag ninyong ipamamalita ang kasiraang-puri ng inyong kapwa ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh.
19:17 '"Huwag kang magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, pangangaralan mo siya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya."
19:18 Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kasamahan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Ako si Yahweh.
19:19 '"Sundin ninyo ang aking mga utos. Huwag ninyong palalahian ang hayop na inyong alaga sa hayop na di nito kauri. Huwag din kayong maghahasik ng dalawang uri ng binhi sa isang linang. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang uri ng sinulid. "
19:20 '"Kung ang isang lalaki'y sumiping sa kanyang aliping babae na nakatakdang pakasal sa iba ngunit di pa natutubos o napalalaya, dapat itong siyasatin. Hindi sila dapat patayin,"
19:21 ngunit ang lalaki'y magdadala ng isang tupang lalaki bilang handog ukol sa paglabag. Dadalhin niya ito sa pintuan ng Toldang Tipanan
19:22 at ihahandog ng saserdote. Sa gayon, siya'y patatawarin.
19:23 '"Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, tatlong taon kayong hindi kakain ng bunga ng mga punong tanim ninyo roon."
19:24 Sa ika-4 na taon, ang mga bunga nito'y ihahandog ninyo sa akin.
19:25 Sa ika-5 taon, makakain na ninyo ang mga bunga nito, at ang mga ito'y mamumunga nang sagana. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
19:26 '"Huwag kayong kakain ng anumang karneng may dugo. Huwag ninyong paiiralin ang panghuhula o panggagaway."
19:27 Huwag kayong pagugupit nang pabilog at huwag magpapaahit o magpapaputol ng balbas.
19:28 Huwag kayong maghihiwa sa katawan dahil sa isang namatay ni maglalagay ng tato. Ako si Yahweh.
19:29 '"Huwag ninyong ibubunsod sa pagbibili ng panandaliang-aliw ang inyong anak pagkat iyon ang magiging dahilan ng paglaganap ng kahalayan sa buong lupain."
19:30 Sundin ninyo ang aking mga utos tungkol sa mga Araw ng Pamamahinga at igalang ninyo ang aking tahanan. Ako si Yahweh.
19:31 '"Huwag kayong sasangguni sa mga manghuhula o sa mga tumatawag sa mga espiritu ng mga namatay. Kayo'y ituturing na marumi kapag sumangguni kayo sa kanila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. "
19:32 '"Tatayo kayo kapag may kaharap na matanda. Igalang ninyo sila at matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh. "
19:33 '"Huwag ninyong aapihin ang mga nakikipamayan sa inyo."
19:34 Ibigin ninyo sila at ituring na kapatid. Alalahanin ninyong nakipamayan din kayo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
19:35 '"Huwag kayong magdaraya sa pagsukat, pagtitimbang o pagbilang ng anuman."
19:36 Ang inyong panukat, timbangan at takalan ay kailangang nasa wasto. Ako ang nag-alis sa inyo sa Egipto, ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
19:37 "Sundin ninyo ang lahat kong tuntunin at kautusan. Ako si Yahweh.'"
20:1 ( Mga Parusa sa Lalabag sa Tuntunin ) Sinabi ni Yahweh kay Moises,
20:2 '"Sabihin mo sa mga Israelita na ang sinuman sa Israel, katutubo o dayuhan, na maghandog kay Moloc ng anak ay babatuhin hanggang sa mamatay."
20:3 Kasusuklaman ko siya at ititiwalag sa kapulungan ng Israel. Dahil sa kanyang ginawa, dinungisan niya ang tahanan ko at nilapastangan ang aking banal na pangalan.
20:4 Kapag ang mga taong-bayan ay nagkibit-balikat sa gayong kasamaan at hindi nila pinatay ang gumawa ng gayon,
20:5 uusigin ko ang taong ito at ang kanyang sambahayan. Ititiwalag ko sa kapulungan ang mga nakiisa sa ginawa niyang iyon.
20:6 '"Ang sinumang sumasangguni sa mga manghuhula o sa mga tumatawag sa mga espiritu ng mga namatay na ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan."
20:7 Italaga ninyo sa akin ang inyong sarili at magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ay banal.
20:8 Ingatan ninyo at sundin ang aking mga tuntunin. Akong si Yahweh ang nagtalaga sa inyo.
20:9 '"Sinumang sumumpa sa kanyang ama at ina ay papatayin. "
20:10 '"Ang lalaking makiapid sa asawa ng iba ay papatayin, gayon din ang babae."
20:11 Ang lalaking sumiping sa asawa ng kanyang ama ay lumapastangan sa kanyang ama; siya at ang babae'y dapat patayin.
20:12 Ang lalaking sumiping sa kanyang manugang ay nagkasala, at pareho silang papatayin.
20:13 Ang lalaking sumiping sa kapwa lalaki ay gumawa ng karumal-dumal na gawain at pareho silang papatayin.
20:14 Ang lalaking sumiping sa mag-ina ay gumawa ng karumal-dumal na gawain; silang tatlo ay dapat sunugin upang mawala ang gayong kasamaan.
20:15 Ang lalaking sumiping sa hayop ay papatayin, gayon din ang hayop.
20:16 Ang babaing pasiping sa hayop ay dapat patayin, gayon din ang hayop.
20:17 '"Ang lalaking nag-asawa sa kanyang kapatid, maging ito'y kapatid sa ama o ina, ay gumawa ng kahalayan at silang dalawa'y palalayasin at ititiwalag sa kapamayanan. Hinalay ang kanyang sariling kapatid, kaya dapat siyang magdusa."
20:18 Kapag sumiping ang isang lalaki sa babaing may regla, para na niyang ibinilad ang karumihan ng babaing iyon. Kapwa sila ititiwalag sa kapulungan.
20:19 '"Kapag sinipingan ng isang lalaki ang kapatid ng kanyang ama o ina, kapwa sila parurusahan dahil sa karumal-dumal na kasalanang ginawa nila."
20:20 Kapag ang isang lalaki'y sumiping sa asawa ng kanyang tiyo, pinugayan niya ito ng dangal. Ang sumiping at ang babae ay kapwa papatayin.
20:21 Kapag kinasama ng isang lalaki ang kanyang hipag, pinugayan niya ng dangal ang kanyang kapatid; hindi sila magkakaanak.
20:22 '"Sundin ninyo ang lahat ng utos ko't tuntunin upang manatili kayo sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo."
20:23 Huwag ninyong tutularan ang gawain ng bansang pupuntahan ninyo sapagkat iyon ang dahilan kaya ko sila itinakwil.
20:24 Ngunit kayo'y pinangakuan ko na ibibigay ko sa inyo ang lupain nilang sagana sa lahat ng bagay. Akong si Yahweh, ang inyong Diyos ang humirang sa inyo.
20:25 Kaya, dapat ninyong makilala ang marumi at malinis na mga hayop at ibon. Huwag ninyong dudungisan ang inyong mga sarili sa pagkain ng mga hayop at ibong ipinagbabawal ko sa inyo.
20:26 Magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ay banal. Kayo'y hinirang ko sa gitna ng mga bansa upang maging akin.
20:27 '"Sinumang manghuhula o tumatawag sa mga espiritu ng mga namatay na, maging lalaki o babae, ay babatuhin hanggang sa mamatay. Sila na rin ang may kagagawan sa sarili nilang kamatayan.'"
21:1 ( Pag-iingat sa Kabanalan ng Saserdote ) "Sinabi ni Yahweh kay Moises, 'Sabihin mo sa mga saserdote, sa mga anak ni Aaron, na ang sinuman sa kanila'y huwag lalapit sa patay,"
21:2 liban na lang kung ang patay ay kanyang ama, ina, anak, kapatid na lalaki
21:3 o kapatid na dalaga.
21:4 Dapat niyang pag-ingatan na siya'y huwag marumihan sa pamamagitan ng bangkay ng kapatid niyang may-asawa upang hindi malapastangan ang kanyang pagiging saserdote.
21:5 '"Huwag silang maggugupit ng buhok, magpuputol ng balbas o magsusugat sa sarili bilang tanda ng pagluluksa."
21:6 Ingatan nilang malinis ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos at huwag nila itong lalapastanganin. Sila ang naghahain ng handog sa akin, kaya dapat silang maging banal.
21:7 Huwag silang mag-aasawa sa mga babaing marumi ang pamumuhay, sira ang puri, o kaya'y hiwalay sa asawa, sapagkat nakatalaga sa Diyos ang saserdote.
21:8 Itatalaga mo ang saserdote sapagkat siya ang naghahandog ng tinapay ng iyong Diyos; dapat siyang maging banal sapagkat akong si Yahweh na nagtalaga sa iyo ay banal.
21:9 Kung ang saserdote'y may anak na babae at mamuhay ito nang mahalay, nilapastangan niya ang kanyang ama kaya dapat siyang sunugin.
21:10 '"Kung ang nahirang na Punong Saserdote, na binusan ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng sagradong kasuutan, ay mamatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa."
21:11 Hindi siya maaaring lumapit sa patay kahit ito'y kanyang ama o ina.
21:12 Dapat siyang manatili sa tahanan ng Diyos. Kapag umalis siya roon upang tingnan ang bangkay, nilapastangan na niya ang tahanan ng Diyos pagkat ang langis ng pagkapagtalaga sa kanya ay taglay niya. Ako si Yahweh.
21:13 Tunay na dalaga ang dapat niyang kuning asawa.
21:14 Huwag siyang mag-aasawa sa balo, sa hiwalay sa asawa, sa dalagang nadungisan na ang puri o sa babaing may mahalay na pamumuhay. Ang dapat niyang mapangasawa'y isang kalahi at tunay ngang dalaga,
21:15 "upang huwag magkaroon ng kapintasan sa harapan ng bayan ang magiging mga anak niya. Siya'y nakatalaga sa akin.' "
21:16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
21:17 '"Sabihin mo rin kay Aaron na ang sinuman sa lahi niya na may kapintasan o kapansanan ay di dapat maghandog sa akin."
21:18 Huwag lalapit sa dambana ang sinumang bulag, pilay, pangit na pangit,
21:19 sakang, komang,
21:20 kuba, unano, malabo ang mata, galisin, bunihin o kapon.
21:21 Sinumang may kapintasan sa lahi ni Aaron ay di maaaring maghandog kay Yahweh. Hindi nga siya maaaring maghain ng handog na pagkain dahil sa kanyang kapintasan.
21:22 Maaari siyang kumain ng anumang handog sa Diyos, maging kabanal-banalan o mga banal na bagay,
21:23 "ngunit hindi siya maaaring lumapit sa dambana dahil sa kanyang kapintasan. Kapag lumapit siya sa dambana, yaon ay paglapastangan sa aking tahanan, sapagkat akong si Yahweh ang nagtalaga sa mga iyon.' "
21:24 Gayon nga ang sinabi ni Moises kay Aaron, sa kanyang mga anak at sa buong Israel.
22:1 ( Paggalang sa mga Bagay na Inihandog ) Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
22:2 '"Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na dapat nilang igalang ang mga bagay na itinalaga sa akin ng mga Israelita upang hindi malapastangan ang aking pangalan. Ako si Yahweh."
22:3 Sabihin mong itatakwil ko ang sinuman sa kanyang lahi na lalapit doon nang marumi. Ako si Yahweh.
22:4 '"Ang sinuman sa lipi ni Aaron na may ketong o may tulo ay di makakakain ng anumang bagay na banal hanggang hindi siya gumagaling. Sinumang makahipo ng bagay na nadaiti sa bangkay, sa lalaking nilabasan ng sariling binhi,"
22:5 sa mga hayop o taong itinuturing na marumi,
22:6 ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. Hindi siya makakakain ng pagkaing banal hanggang hindi siya naliligo.
22:7 Pagkalubog ng araw, ituturing na siyang malinis, at makakakain ng pagkaing banal na inilaan sa kanya.
22:8 Ang mga saserdote ay hindi rin maaaring kumain ng karne ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop pagkat iyon ang makapagpaparumi sa kanila. Ako si Yahweh.
22:9 '"Dapat sundin ng mga saserdote ang mga tuntuning ito; kung hindi, mamamatay sila. Ako si Yahweh na nagtalaga sa kanila. "
22:10 '"Hindi makakakain ng anumang bagay na banal ang hindi ninyo kalipi. Hindi maaaring kumain nito ang mga nanunuluyan sa saserdote o upahang manggagawa."
22:11 Ngunit ang aliping binili niya, o ipinanganak sa kanyang tahanan ay maaaring kumain niyon.
22:12 Hindi rin maaaring kumain nito ang anak na babae ng saserdote kung mag-asawa siya ng hindi saserdote.
22:13 Ngunit kung siya'y mabalo o hiwalayan ng asawa nang walang anak at umuwi sa kanyang ama, makakakain na siya ng pagkain ng kanyang ama. Hindi dapat kumain ng pagkaing banal ang di karapat-dapat.
22:14 '"Kung ang sinumang hindi saserdote ay makakain nito nang di sinasadya, babayaran niya at may patong pang ika-5 parte ng halaga ng kanyang kinain."
22:15 Dapat ingatang mabuti ng mga saserdote ang mga banal na bagay na inihandog ng mga Israelita kay Yahweh.
22:16 "Huwag nila itong ipakakain sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan pagkat pag kumain sila nito, sila'y lumabag sa tuntunin at pananagutan nila ito. Akong si Yahweh ang nagtalaga ng mga iyon.' "
22:17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
22:18 '"Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita: Kung may Israelita o dayuhang magdadala ng handog na susunugin bilang pagtupad sa panata o kusang-loob na handog,"
22:19 ang dadalhin niya ay toro, lalaking tupa o kambing na walang kapintasan upang maging karapat-dapat.
22:20 Huwag kayong maghahandog ng may kapintasan, sapagkat hindi iyon tatanggapin.
22:21 Kailangan ding walang kapintasan ang baka, tupa o kambing na dadalhin bilang handog pangkapayapaan, maging pagtupad sa panata o kusang-loob.
22:22 Huwag kayong magdadala ng baka, tupa o kambing na bulag, pilay o may anumang kapansanan bilang handog na susunugin.
22:23 Ang alinmang toro o tupang hindi timbang ang katawan o hindi lumalaki ay madadala bilang kusang-loob na handog ngunit hindi maihahandog bilang pagtupad sa panata.
22:24 Huwag kayong maghahandog ng hayop na kapon o may kapansanan ang itlog; hindi ito ipahihintulot sa inyong lupain.
22:25 '"Huwag rin kayong kukuha sa mga dayuhan ng hayop upang ihandog kay Yahweh. Hindi niya yaon tatanggapin pagkat may kapintasan.' "
22:26 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises,
22:27 '"Ang bisirong baka, tupa o kambing, ay dapat manatili nang pitong araw sa piling ng inahin. Mula sa ika-8 araw, maaari na itong ialay kay Yahweh bilang handog na susunugin."
22:28 Huwag ninyong papatayin ang inahin sa araw na patayin ninyo ang bisiro.
22:29 Ang paghahain ng handog ng pasasalamat ay gawin ninyo ayon sa tuntunin upang maging karapat-dapat.
22:30 Uubusin ninyo ito sa araw ring yaon; huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Ako si Yahweh.
22:31 '"Sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh."
22:32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking pangalan, bagkus ay dakilain ninyo ako. Ako si Yahweh na nagtalaga sa inyo.
22:33 "Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging inyong Diyos. Ako si Yahweh.'"
23:1 ( Mga Pistang Pantaunan ) Sinabi ni Yahweh kay Moises,
23:2 '"Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipagdiriwang nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong."
23:3 Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit mamamahinga sa ika-7 araw; iyon ay araw ng banal na pagtitipon. Huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo, saanman kayo naroroon; iyo'y Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh. ( Pista ng Paskuwa )[ (Bil. 28:16-25) ]
23:4 '"Ito ang mga pistang itinakda ko:"
23:5 ang Pista ng Paskuwa na gaganapin sa gabi ng ika-14 na araw ng unang buwan.
23:6 Kinabukasan ay Pista ng Tinapay na Walang Lebadura; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang lebadura.
23:7 Sa unang araw, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho.
23:8 "Pitong araw kayong maghahain kay Yahweh ng handog na susunugin. Sa ika-7 araw, muli kayong magtitipon; huwag kayong magtatrabaho.' "
23:9 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
23:10 '"Sabihin mo rin sa mga Israelita na pag naroon na sila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, tuwing anihan ay magdadala sila sa saserdote ng isang bigkis ng una nilang ani."
23:11 Ito'y ihahandog niya para sa inyo, kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga.
23:12 Sa araw na iyon, magdadala kayo ng korderong walang kapintasan bilang handog na susunugin.
23:13 Sasamahan ninyo ito ng apat na litro't kalahating harinang minasa sa langis ng olibo bilang handog na pagkain, at isang litrong alak bilang handog na inumin.
23:14 Huwag kayong kakain ng tinapay o trigo, maging sinangag o sariwa, hanggang hindi ninyo nagagawa ang paghahandog na ito. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. ( Pista ng Pag-aani )[ (Bil. 28:26-31) ]
23:15 '"Mula sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, araw ng pagdadala ninyo ng bigkis na ani, magpaparaan kayo ng pitong linggo;"
23:16 ang ika-50 araw ay tatama sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyon, magdadala kayo ng handog na pagkain:
23:17 dalawang tinapay na may lebadura, apat na litro't kalahating harina ng bagong aning trigo ang gagamitin dito. Ito ang handog ninyo mula sa unang ani.
23:18 Magdadala rin kayo ng pitong kordero, isang toro at dalawang kambing na pawang walang kapintasan. Ito'y susunuging kasama ng handog na pagkain at handog na inumin upang ang samyo nito'y maging kalugud-lugod sa akin.
23:19 Magdadala pa kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan at dalawang kordero bilang handog pangkapayapaan.
23:20 Ang mga ito'y ihahandog ng saserdote, kasama ng dalawang kordero at dalawang tinapay na yari sa trigong bagong ani.
23:21 Sa araw ring iyon, tatawag kayo ng isang banal na pagtitipon; isa ma'y walang magtatrabaho. Ang tuntuning ito ay susundin ninyo habang panahon.
23:22 '"Huwag ninyong aanihin ang nasa gilid ng triguhan at huwag din ninyong pupulutin ang inyong naiwang uhay. Ipaubaya na ninyo iyon sa mga mahihirap at mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.' ( Pista ng Bagong Taon )[ (Bil. 29:1-6) ]"
23:23 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
23:24 '"Sabihin mo sa mga Israelita na ang unang araw ng ika-7 buwan ay Araw ng Pamamahinga, araw ng inyong pagtitipon; ihuhudyat ito sa pamamagitan ng mga trompeta."
23:25 "Sa araw na iyon, huwag kayong magtatrabaho; kayo'y magdadala kay Yahweh ng handog na pagkain.' ( Pista ng Pagbabayad-sala )[ (Bil. 29:7-11) ]"
23:26 Sinabi pa rin ni Yahweh kay Moises,
23:27 '"Ang ika-10 araw ng ika-7 buwan ay araw ng pagbabayad-sala; magkaroon kayo ng banal na pagtitipon. Sa araw na iyon, mag-aayuno kayo at mag-aalay ng handog na pagkain."
23:28 Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon sapagkat isasagawa ang pagbabayad-sala ninyo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos.
23:29 Ang hindi mag-aayuno sa araw na iyon ay ititiwalag sa bayan ng Diyos.
23:30 Papatayin ko sa harapan ng madla ang sinumang magtrabaho,
23:31 kaya, huwag kayong gagawa ng anuman sa araw na iyon. Ito ay batas na dapat ninyong sundin habang panahon.
23:32 "Sa araw na iyon, huwag nga kayong magtatrabaho mula sa gabi ng ika-9 na araw hanggang sa kinabukasan ng hapon. At mag-aayuno kayo sa mga araw na iyon.' ( Pista ng mga Tolda )[ (Bil. 29:12-40) ]"
23:33 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
23:34 '"Sabihin mo rin sa mga Israelita. Mula sa ika-15 araw ng ika-7 buwan, magsisimula ang Pista ng mga Tolda. Pitong araw ninyo itong ipagdiriwang."
23:35 Sa unang araw, magkaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong magtatrabaho.
23:36 Pitong araw kayong maghahandog kay Yahweh ng handog na pagkain. Sa ika-8 araw, magtitipon kayo upang sumamba at mag-aalay kayo ng handog na pagkain. Araw iyon ng pagsamba, kaya huwag kayong magtatrabaho.
23:37 '"Iyan ang mga pistang itinakda ni Yahweh, mga araw ng inyong banal na pagtitipon. Sa mga araw na iyon, magdadala kayo ng handog na susunugin, handog na pagkain at handog na inumin ayon sa takda ng bawat araw."
23:38 Bukod ito sa mga karaniwang Araw ng Pamamahinga, at ang mga handog na ito ay iba pa sa mga pang-araw-araw na handog kay Yahweh, at sa mga kusang handog ninyo, o mga handog na ginagawa ninyo bilang pagtupad ng panata.
23:39 '"Sa ika-15 araw ng ika-7 buwan, pagkatapos ng pag-aani, pitong araw pa kayong magpipista para kay Yahweh. Huwag kayong magtatrabaho sa una at ika-8 araw."
23:40 Sa unang araw, mangunguha kayo ng mabubuting bungangkahoy, mga sanga ng palmera, mayayabong na sanga ng kahoy at mga sause sa mga tabing-ilog. Pitong araw kayong magdiriwang sa karangalan ni Yahweh.
23:41 Ang pistang ito ay ipagdiriwang ninyo tuwing ika-7 buwan taun-taon. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon.
23:42 Sa buong panahon ng pistang ito, lahat ng Israelita ay sa tolda titira
23:43 "upang malaman ng inyong mga anak na sa mga tolda tumira ang mga Israelita nang ilabas ko sila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.' "
23:44 Gayon inihayag ni Moises sa mga Israelita ang mga pista upang parangalan si Yahweh.
24:1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
24:2 '"Iutos mo sa mga Israelita na magdala ng dalisay na langis ng olibo para sa ilaw"
24:3 sa labas ng tabing, sa loob ng Toldang Tipanan. Ang mga ilaw na iyon ay sisindihan ni Aaron tuwing hapon at pananatilihing may sindi hanggang umaga. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon.
24:4 Pangangalagaan niya ang mga ilaw na ito na nasa patungang ginto upang manatiling maningas sa harapan ni Yahweh.
24:5 '"Magluluto kayo ng labindalawang tinapay; apat na litro't kalahating mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa."
24:6 Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto.
24:7 Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na kamanyang na pagkatapos ay susunugin bilang alaala kay Yahweh.
24:8 Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon.
24:9 "Pagkatapos ihandog, ang mga tinapay na iyon ay mauuwi kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakanin nila iyon sa banal na dako pagkat yao'y itinalaga kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.' "
24:10 Nang panahong iyon, may isang Israelitang pumasok sa kampamento ng Israel. Ang ama niya ay Egipcio at Israelita naman ang ina na ang pangala'y Selomit, anak ni Debri at mula sa lipi ni Dan. Ang mestisong ito ay napaaway sa isang tunay na Israelita.
24:11 Sa kanilang pag-aaway, nanungayaw siya at nagsalita ng masama laban sa ngalan ng Diyos, kaya dinala siya kay Moises.
24:12 Siya ay ipinakulong habang hinihintay ang pasya ni Yahweh.
24:13 At sinabi ni Yahweh kay Moises,
24:14 '"Ilabas ninyo sa kampamento ang nagtungayaw. Ipatong sa ulo niya ang kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, at pagkatapos ay batuhin siya hanggang mamatay."
24:15 Sabihin mo sa bayang Israel na magkakasala ang tumungayaw sa kanyang Diyos.
24:16 Ang magsalita ng masama sa kanyang pangalan ay babatuhin ng lahat, katutubong Israelita o dayuhan, hanggang sa mamatay.
24:17 '"Ang pumatay ng kapwa ay papatayin din."
24:18 Kung hayop naman ang pinatay niya, papalitan niya iyon, pag buhay ang inutang buhay din ang kabayaran.
24:19 '"Ang makapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa."
24:20 Bali sa bali, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya, gayon din ang gagawin sa kanya.
24:21 Ang makamatay ng hayop ng kanyang kapwa ay magbabayad ng hayop din, ngunit ang pumatay ng kapwa ay papatayin din.
24:22 "Iisa ang batas na paiiralin sa katutubong Israelita at sa dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.' "
24:23 Nang masabi na ito ni Moises, inilabas nila sa kampamento ang nanungayaw at binato hanggang mamatay. Sinunod naman ng mga Israelita ang mga utos ni Yahweh na ibinigay niya kay Moises.
25:1 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa Bundok ng Sinai,
25:2 '"Sabihin mo sa mga Israelita na pagpasok nila sa lupaing ibinigay ko sa inyo, pati lupain ay pagpapahingahin."
25:3 Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong bukirin at aalagaan ang mga ubasan.
25:4 Sa ika-7 taon, pagpapahingahin ninyo ang lupain. Huwag ninyong tataniman sa taong yaon ang inyong bukirin
25:5 at huwag babawasan ng sanga ang inyong ubasan.
25:6 Ang lahat ng maaani roon ay para sa lahat: sa inyo, sa inyong mga alipin, sa mga upahang manggagawa, sa mga dayuhan,
25:7 sa inyong mga kawan at iba pang mga hayop. ( Ang Taon ng Paglaya )
25:8 '"Bibilang kayo ng pitong Taon ng Pamamahinga, pitong tigpipito---apatnapu't siyam na lahat."
25:9 Pagkalipas nito, sa ika-10 araw ng ika-7 buwan---Araw ng Pagtubos---hihipan nang malakas ang mga trompeta sa buong lupain.
25:10 Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ika-50 taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito'y taon ng inyong paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari.
25:11 Sa taong yaon, huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Huwag din ninyong aanihin ang bunga ng mga halaman na kusang tumubo.
25:12 Sapagkat ito'y taon ng pagdiriwang at itinalaga para sa akin. Ang inyong kakanin ay ang bunga na tuwirang pinitas sa bukid.
25:13 '"Sa taong iyon, bawat isa sa inyo'y babalik sa kanyang ari-arian."
25:14 Kung magbibili kayo o bibili sa inyong kapwa, huwag kayong mandadaya.
25:15 Magbabayad kayo ayon sa dami ng taon mula sa huling taon ng paglaya, at magbibili naman ayon sa dami ng taon ng pamumunga bago dumating ang sunod na taon ng paglaya.
25:16 Pagdami ng taong natitira pa, mataas ang halaga; kung iilang taon na ang natitira, mas maliit ang halaga sapagkat ang batayan ay ang dami ng pag-aani.
25:17 Maging tapat kayo sa isa't isa at matakot sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
25:18 '"Kaya iingatan ninyo ang mga tuntunin at inyong tutuparin ang aking mga utos, upang kayo'y maging matatag sa lupaing pupuntahan ninyo."
25:19 Sa gayon, mag-aani kayo nang sagana at hindi magugutom.
25:20 Huwag ninyong ikababahala ang kakanin ninyo sa ika-7 taon kung hindi kayo magtatanim.
25:21 Pasasaganain ko ang inyong ani tuwing ika-6 na taon, anupat magiging sapat iyon para sa tatlong taon.
25:22 Kayo'y maghahasik sa ika-8 taon ngunit laon pa rin ang kakanin ninyo hanggang sa anihan ng ika-9 na taon. ( Paglaya ng Ari-arian )
25:23 '"Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupa sapagkat iyon ay akin; pinatitirhan ko lamang sa inyo."
25:24 Kaya, maipagbili man ang alinmang bahagi ng inyong lupain, iyon ay kailangang magbalik sa dating may-ari.
25:25 '"Kung sa inyo'y may maghirap at mapilitang magbili ng kanyang ari-arian, tutubusin agad iyon ng pinakamalapit niyang kamag-anak."
25:26 Kung wala siyang kamag-anak na makatutubos niyon, siya na rin ang tutubos pag umunlad uli ang kanyang kabuhayan.
25:27 Ibabalik niya sa bumili ang katumbas na halaga ng nalalabing taon bago dumating ang taon ng paglaya. Sa gayon, mababalik sa kanya ang kanyang ari-arian.
25:28 Ngunit kung wala pa siyang sapat na pantubos, bayaan niya iyon sa bumili hanggang sa taon ng paglaya, at ang ari-arian niya'y mapapabalik sa kanya nang walang bayad.
25:29 '"Kung may magbili ng kanyang tahanang nasa loob ng lunsod na nakukutaan, matutubos niya iyon sa loob ng isang taon."
25:30 Kung hindi niya matubos iyon sa loob ng isang taon, ang tahana'y magiging lubos nang pag-aari ng nakabili kahit sumapit pa ang taon ng paglaya.
25:31 Ang ipinagbiling mga tahanan sa labas ng lunsod na nakukutaan ay tulad ng lupang ipinagbili na maaaring matubos o mabalik pagdating ng taon ng paglaya.
25:32 Ngunit sa mga lunsod ng mga Levita, ang alinmang tahanang ipinagbili nila ay matutubos kahit kailan.
25:33 Kung ayaw gamitin ng isang Levita ang karapatang ito, mababalik iyon sa kanya pagdating ng taon ng paglaya kung ito'y nasa kanyang lunsod. Sapagkat ang mga tahanang tulad nito, ay lubos na pag-aari ng mga Levita, pinakamana nila sa bansang Israel.
25:34 Ngunit ang mga pastulan sa palibot ng kanilang mga bayan ay di maaaring ipagbili, sapagkat iyo'y pag-aari nila magpakailanman. ( Pagpapautang sa Maralita )
25:35 '"Kung ang isang kababayan ay maghirap anupat di na niya makayang buhayin ang sarili, arugain mo na siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo."
25:36 Huwag mo siyang patutubuan kung siya'y umutang sa iyo. Matakot kayo sa Diyos, at bayaan ninyo siyang mabuhay na kasama ninyo.
25:37 Huwag ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo.
25:38 Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at maging Diyos ninyo ako. ( Paglaya ng mga Alipin )
25:39 '"Kung dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin."
25:40 Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang taon ng pagsasaya.
25:41 Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang angkan at ari-arian.
25:42 Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; di sila dapat ipagbiling alipin.
25:43 Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos.
25:44 Kung gusto ninyo ang alipin, maging lalaki o babae, doon kayo bibili sa mga bansa sa inyong paligid.
25:45 Maaari rin kayong bumili ng anak ng mga dayuhan bilang alipin.
25:46 Maaari ninyo silang ipamigay sa inyong mga anak at maaari rin ninyo silang gawing alipin, ngunit huwag ninyong aalipinin o pagmamalupitan ang kapwa ninyo Israelita.
25:47 '"Kung dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili ang kanyang sarili sa isang dayuhang mayaman,"
25:48 siya ay may karapatang lumaya. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid,
25:49 amain, pinsan, kamag-anak o siya mismo kung kaya na niya.
25:50 Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay tutuusin mula nang bilhin siya hanggang sa taon ng paglaya, at ang itutubos sa kanya ay katumbas ng sahod ng isang manggagawa.
25:51 Kung matagal pa ang taon ng paglaya, malaki ang pagbabayaran ng tutubos.
25:52 Ngunit maliit lamang, kung malapit na ang panahong iyon, pagkat ang itutubos sa kanya ay batay sa dami ng taon na dapat pa niyang ipaglingkod.
25:53 Ituturing siyang upahang manggagawa sa panahon ng kanyang paglilingkod at di siya maaaring pagmalupitan.
25:54 Kung walang pagkakataong matubos, siya'y palalayain na pagsapit ng taon ng paglaya.
25:55 Sapagkat alipin ko ang mga Israelita, at ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo.
26:1 ( Mga Pagpapala sa Magiging Masunurin )[ (Deut. 7:12-24; 28:1-14) ] '"Huwag kayong gagawa ng mga diyus-diyusan o magtatayo ng mga inukit na larawan o haliging sagrado, o mga batong hinugisan upang sambahin. Ako si Yahweh."
26:2 Igalang ninyo ang mga Araw ng Pamamahinga at ang aking santwaryo. Ako si Yahweh.
26:3 '"Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ang mga utos ko,"
26:4 uulan sa kapanahunan at mamumunga nang sagana ang mga punongkahoy.
26:5 Anupat nakaraan na ang pitasan ng prutas at taniman na uli ay gumigiik pa kayo. Sasagana kayo sa pagkain at mamumuhay nang panatag.
26:6 '"Maghahari ang kapayapaan sa buong lupain at walang gagambala sa inyo. Palalayasin ko ang mababangis na hayop at wala nang dirigma sa inyo."
26:7 Matatakot sa inyo ang inyong mga kaaway at malulupig ninyo sila sa labanan.
26:8 Sapat na ang lima sa inyo upang talunin ang 100 kaaway at ang 100 para sa 10,000 kaaway. Madali ninyo silang malulupig.
26:9 Pagpapalain ko kayo; kayo'y uunlad at darami. Hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo.
26:10 Sa dami ng inyong aanihin, nag-aani na kayo uli ay laon pa rin ang kinakain ninyo.
26:11 Maninirahan akong kasama ninyo at hindi ko kayo pababayaan.
26:12 Ako'y inyong kasama saanman kayo magpunta; ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko.
26:13 Ako si Yahweh, ang naglabas sa inyo sa Egipto. Pinalaya ko na kayo kaya't wala na kayong dapat ikahiya sa inyong kapwa bansa. ( Mga Parusa sa Pagsuway )[ (Deut. 28:15-68) ]
26:14 '"Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi tutupad sa mga utos ko,"
26:15 kung ipagwawalang-bahala ninyo ang aking kautusan at di ninyo tutupdin ang lahat kong mga utos, kung sisirain ninyo ang aking tipan,
26:16 bigla kong paghahariin sa inyo ang takot; darating sa inyo ang lagnat at peste, manlalabo ang inyong paningin, at hindi kayo makakakain. Hindi ninyo pakikinabangan ang inyong mga tanim, pagkat kakainin ng inyong mga kaaway.
26:17 Pababayaan ko kayong malupig nila. Ipaiilalim ko kayo sa kapangyarihan ng mga napopoot sa inyo, anupat kakarimut kayo ng takbo kahit walang humahabol.
26:18 '"Kung sa kabila nito'y hindi pa rin kayo makikinig, pitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyong mga kasalanan."
26:19 Parurusahan ko kayo dahil sa katigasan ng ulo; hindi ko kayo bibigyan ng ulan{ a} at matitigang ang lupa.
26:20 Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagpapagal pagkat hindi maaanihan ang inyong itinanim, at hindi mamumunga ang inyong mga halaman.
26:21 '"Kung tuloy pa rin ang inyong paglaban sa akin, pitong ibayo ang pahirap na ipararanas ko sa inyo."
26:22 Pababayaan kong lapain ng mababangis na hayop ang inyong mga anak at mga kawan. Iilan sa inyo ang matitira, at maghahari ang lungkot sa buong lupain.
26:23 '"Kung magmamatigas pa rin kayo,"
26:24 pitong ibayo pa ang parusang ibabagsak ko sa inyo.
26:25 Ipasasalakay ko kayo sa mga kaaway ninyo at marami ang mapapatay sa inyo dahil sa inyong pagsira sa aking tipan. Makapagtago man kayo sa mga muog, padadalhan ko kayo roon ng peste, kaya lalagpak din kayo sa kamay ng inyong kaaway.
26:26 Magdadahop kayo sa pagkain anupat iisang kalan ang paglulutuan ng sampung babae. Ang pagkai'y unti-unting irarasyon sa inyo, at hindi kayo mabubusog.
26:27 '"Kung sa kabila nito'y di pa rin kayo magbabago,"
26:28 magsisiklab na ang aking galit sa inyo, at parurusahan ko kayo nang makapitong ibayo.
26:29 Ang karneng kakanin ninyo'y laman ng inyong mga anak.
26:30 Wawasakin ko ang inyong mga dambana sa burol at dambanang sunugan ng kamanyang. Itatakwil ko na kayo at itatambak ang inyong mga bangkay, sa ibabaw ng inyong mga diyus-diyusan.
26:31 Wawasakin ko ang inyong mga lunsod pati ang mga santwaryo at di ko pahahalagahan ang mga handog ninyo.
26:32 Sasalantain ko ang inyong mga lupain anupat mamamangha ang mga kaaway ninyong sasakop niyon.
26:33 Uusigin ko kayo ng tabak at mangangalat kayo sa lupain ng mga Hentil. Maiiwang nakatiwangwang ang inyong lupain at iguguho ang inyong mga lunsod.
26:34 Sa gayon, mamamahinga nang mahabang panahon ang inyong lupain samantalang kayo'y bihag sa ibang bansa.
26:35 Makapapahinga nga ang inyong lupain, di tulad nang kayo'y naroon.
26:36 '"Ang mga maiiwan doon ay paghaharian ng matinding takot anupat may malaglag lamang na dahon ng kahoy ay magkakandarapa na sila sa pagtakbo."
26:37 Magkakadagan-dagan sila sa katatakbo na parang habol ng taga, gayong wala namang humahabol. Hindi ninyo maipagtatanggol ang inyong sarili sa mga kaaway.
26:38 Malilipol kayo sa lupaing iyon.
26:39 Ang malalabi naman ay mamamatay sa hirap dahil sa kasalanan ninyo at ng inyong mga magulang.
26:40 '"Malalaman nila na sila at ang kanilang mga magulang ay lumaban sa akin,"
26:41 kaya pinabayaan ko sila at ipinasakop sa mga kaaway nila.
26:42 Ngunit kung sila'y magpapakumbaba at magbabalik-loob sa akin, aalalahanin ko ang aking tipan kay Jacob at Isaac, ang tipang ibinigay ko kay Abraham. Aalalahanin ko rin ang kanilang lupain,
26:43 ngunit paaalisin ko muna sila roon. Sa gayon, makapapahinga nang lubusan ang lupain at madarama naman nila ang bagsik ng parusang ipapataw ko dahil sa pagsuway nila sa aking mga tuntunin at kautusan.
26:44 Gayunman, hindi ko sila lubos na pababayaan sa lupain ng kanilang kaaway, baka kung puksain ko'y mawalan ng kabuluhan ang aking tipan sa kanila. Ako si Yahweh.
26:45 "Aalalahanin ko sila alang-alang sa tipan ko sa kanilang mga ninunong inilabas ko sa Egipto. Nasaksihan ito ng mga Hentil at ginawa ko upang ako'y maging Diyos nila. Ako si Yahweh.' "
26:46 Ito ang mga tuntunin at mga utos ni Yahweh na ibinigay sa mga Israelita sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.
27:1 ( Mga Batas Tungkol sa Paghahandog ) Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
27:2 '"Sabihin mo sa mga Israelita, 'Kung may mamanata kay Yahweh na maghandog ng tao, iyon ay tutubusin nang ganito:"
27:3 Kung lalaki, mula sa dalawampu hanggang animnapung taon ay limampung pirasong pilak ayon sa timbangan sa santwaryo
27:4 at tatlumpung piraso naman kung babae.
27:5 Mula sa lima hanggang dalawampung taon, dalawampung piraso kung lalaki at sampu naman kung babae.
27:6 Mula sa isang buwan hanggang limang taon, limang piraso kung lalaki at tatlo naman kung babae.
27:7 Kung mahigit na animnapung taon ang edad, labinlimang piraso kung lalaki at sampu naman kung babae.
27:8 '"Kung walang maitutubos dahil sa karalitaan, ang taong iyo'y ihaharap sa saserdote at ito ang magpapasya kung magkano ang itutubos ayon sa kaya ng may panata.' "
27:9 '"Kung ang panatang handog ay hayop, dapat itong italaga kay Yahweh."
27:10 Hindi ito maaaring palitan. Kapag pilit na pinalitan, ang papalita't ipapalit ay parehong itatalaga kay Yahweh.
27:11 Kung ang ipinangakong hayop ay di karapat-dapat ihandog kay Yahweh, dadalhin iyon sa saserdote. Hahalagahan niya ito, anuman ang uri ng hayop
27:12 at hindi matututulan ang kapasyahan ng saserdote.
27:13 Kung tutubusin ang hayop, magdaragdag kayo ng halaga ng ika-5 parte ng hayop.
27:14 '"Kung bahay naman ang ipinangako, hahalagahan ito ng saserdote ayon sa uri at kayarian, at ang kanyang pasiya ay hindi mababago. "
27:15 Kung gustong tubusin ng naghandog, babayaran niya ito na may patong na ika-5 parte ng halaga niyon at mababalik sa kanya ang bahay.
27:16 '"Kung isang lagay na lupang minana ang ipinangako, ang itutubos ay batay sa dami ng binhing inihahasik doon: sampung pirasong pilak sa bawat kabang sebada."
27:17 Kung ang paghahandog ay ginawa sa simula ng taon ng paglaya, babayaran nang buo ang tubos nito.
27:18 Ngunit kung ginawa matapos ang taon ng paglaya, ang itutubos ay ibabatay sa dami ng taon bago dumating ang susunod na pagdiriwang; babawasin ang halaga ng nakalipas na taon.
27:19 Kung ang lupa ay ibig tubusin ng naghandog, babayaran niya ang takdang halaga bukod pa ang patong na ika-5 parte ng halagang iyon.
27:20 Kung hindi niya ito matubos at sa halip ay ipagbili sa iba, hindi na niya matutubos iyon.
27:21 Pagdating ng taon ng paglaya, mauuwi sa mga saserdote ang lupang iyon, tulad ng lupaing itinalaga kay Yahweh.
27:22 '"Kung ang ipinangako naman ay lupang binili at di minana,"
27:23 hahalagahan iyon ng saserdote ayon sa dami ng taon bago dumating ang taon ng paglaya. Sa araw ring iyon, ibibigay ng nangako ang pantubos bilang handog kay Yahweh.
27:24 Pagdating ng taon ng paglaya, mababalik ang lupang ito sa dating may-ari o sa kanyang tagapagmana.
27:25 Ang halaga ng pantubos ay batay sa timbangan sa santwaryo. Bawat pirasong pilak ay katumbas ng labinlimang gramo.
27:26 '"Hindi maaaring maipanata kay Yahweh ang panganay na hayop, maging baka o tupa pagkat iyon ay talagang kanya."
27:27 Ngunit kung iyon ay karumal-dumal, tutubusin ito ng may-ari sa takdang halaga, at papatungan ng ika-5 parte ng halaga niyon. Kung hindi matubos, ipagbibili ito sa takdang halaga.
27:28 '"Lahat nang itinalaga na kay Yahweh, maging hayop o lupa, ay hindi maaaring tubusin o ipagbili pagkat iyon ay mahalaga na sa kanya."
27:29 Hindi rin maaaring tubusin ang taong ipinamanata. Kailangan siyang patayin.
27:30 '"Lahat ng ikapu, maging binhi o bunga ng halaman, ay nakatalaga kay Yahweh."
27:31 Kung may nais tumubos sa alinman sa kanyang ikapu, babayaran niya ito ayon sa kalakarang halaga at papatungan niya ng ikalimang parte ang halagang iyon.
27:32 Lahat ng ikapung tupa o baka, bawat ikasampung hayop ay para kay Yahweh.
27:33 "Hindi iyon dapat siyasatin kung masama o hindi. Hindi rin maaaring palitan, at kung mapalitan man, ang ipinalit at pinalitan ay parehong nakatalaga kay Yahweh; hindi na ito matutubos.' "
27:34 Ito ang mga tuntunin na ibinigay ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai upang tuparin ng mga Israelita.