07. Mga Hukom
1:1 ( Nabihag ng Lipi nina Juda at Simeon si Adoni-bezec ) "Pagkamatay ni Josue, sumangguni kay Yahweh ang mga Israelita. 'Sino sa amin ang unang sasalakay sa Canaan?' tanong nila. "
1:2 '"Ang lipi ni Juda. Ipasasakop ko sa kanila ang lupain,' sagot ni Yahweh. "
1:3 "Sinabi ng mga kabilang sa lipi ni Juda sa mga kabilang sa lipi ni Simeon, 'Tulungan ninyo kami sa pagsakop sa lugar na itinalaga sa amin at tutulungan namin kayo.' Tumulong naman ang mga ito."
1:4 Ang mga Cananeo at ang mga Perezeo ay ipinalupig sa kanila ni Yahweh. Umabot sa 10,000 ang napatay nila sa Bezec.
1:5 Doon sila naglaban nina Adoni-bezec, ng mga Cananeo at mga Perezeo.
1:6 Tumakas si Adoni-bezec ngunit nahuli rin nila. Pinutol nila ang hinlalaki ng paa't kamay nito.
1:7 "Sinabi ni Adoni-bezec, 'Pitumpung hari na ang naputulan ko ng hinlalaki ng paa't kamay, at pinamulot ng mumo sa ilalim ng aking dulang. Ngayo'y pinagbayad ako ng Diyos sa aking ginawa.' Dinala siya sa Jerusalem at doon na namatay. ( Nasakop ng Lipi ni Juda ang Jerusalem at Hebron )"
1:8 Ang Jerusalem ay sinalakay ng lipi ni Juda. Pinatay nila ang lahat ng nakatira roon at sinunog ang lunsod.
1:9 Pagkatapos, hinarap nila ang mga Cananeo sa mga kaburulan, sa Negeb at sa kapatagan.
1:10 Isinunod nila ang mga Cananeo sa Hebron, dating Kiryat-arba, at napatay nila sina Sesai, Ahiman at Talmai. ( Nasakop ni Otniel ang Debir )
1:11 Mula sa Hebron, sinalakay nila ang Debir, ang dating Kiryat-sefer.
1:12 "Sinabi ni Caleb, 'Ang anak kong si Acsa ay ibibigay ko para maging asawa ng sinumang makalulupig sa Kiryat-sefer.' "
1:13 Si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb ang nakasakop sa lunsod kaya siya ang napangasawa ni Acsa.
1:14 Nang sila'y magkasama na, inutusan ni Otniel si Acsa na humingi ng bukirin sa kanyang ama. Kaya, nagpunta si Acsa kay Caleb. Pagdating doon, tinanong naman siya agad kung ano ang kailangan.
1:15 '"Yamang dinala mo ako sa Negeb, ibig kong bigyan mo ako ng balon,' sagot ni Acsa. At ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga balon sa gawing silangan at kanluran. ( Ang mga Tagumpay ng Lipi nina Juda at Benjamin )"
1:16 Ang angkan ng Cineong biyenan ni Moises ay sumama sa lipi ni Juda mula sa Lunsod ng Palma hanggang sa ilang ng Juda, sa timog ng Arad at nakipamayan sa mga Amalecita.
1:17 Ang lipi naman ni Simeon ay tinulungan ng lipi ni Juda sa pagsakop sa Lunsod ng Sefat. Winasak nila ito nang husto at pinangalanang Horma.
1:18 Nasakop din nila ang buong Gaza, Ascalon at Ecron.
1:19 Ang Juda ay hindi nilayuan ni Yahweh, anupat nasakop nila ang mga kaburulan. Ngunit hindi nila nalupig ang mga nasa kapatagan pagkat ang mga tagaroon ay may mga karwaheng bakal.
1:20 At tulad ng sinabi ni Moises, napunta kay Caleb ang Hebron. Pinalayas niya roon ang tatlong anak ni Anac.
1:21 Ang mga Jebuseo sa Jerusalem ay hindi pinaalis ng lipi ni Benjamin, kaya sama-sama sila roon. ( Sinakop ng Dalawang Lipi ni Jose ang Betel )
1:22 Ang lunsod naman ng Betel na dating Luz ay sinalakay ng mga lipi ni Jose at tinulungan din sila ni Yahweh.
1:23 Nagpadala muna sila rito ng mga espiya.
1:24 "Sa daan ay may nasalubong silang isang tao mula sa lunsod. Sinabi nila rito, 'Ituro mo sa amin ang pagpasok sa lunsod at gagantimpalaan ka namin.'"
1:25 Itinuro naman sa kanila at pinatay nila ang mga tagaroon maliban sa sambahayan ng napagtanungan nila.
1:26 Ang lalaking yaon ay nagpunta sa lupain ng mga Heteo at nagtayo ng isang lunsod na tinawag niyang Luz mula noon hanggang ngayon. ( Ang Tagumpay ng mga Lipi nina Manases at Efraim )
1:27 Hindi pinaalis ng lipi ni Manases ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Bet-sean, Taanac, Dor, Ibleam, Meguido at sa mga nayong sakop ng mga ito. Nagsama-sama sila roon.
1:28 Nang marami na ang mga Israelita, inalipin nila ang mga Cananeo.
1:29 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Efraim ang mga Cananeo sa lunsod ng Gezer. Sila'y sama-samang nanirahan doon. ( Ang Tagumpay ng Iba pang Lipi )
1:30 Hindi pinaalis ng lipi ni Zabulon ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Kitron at Nahalol. Sama-sama silang nanirahan doon ngunit inalipin nila ang mga Cananeo.
1:31 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Aser ang mga taga lunsod ng Acco, Sidon, Ahlab, Aczib, Helba, Afec at Rehob.
1:32 Sama-sama silang nanirahan doon.
1:33 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Neftali ang mga taga-Bet-semes at Bet-anat. Sila'y sama-samang nanirahan doon ngunit inalipin nila ang mga tagaroon.
1:34 Ang lipi naman ni Dan ay napaurong ng mga Amorreo sa papuntang bulubundukin. Hindi sila pinayagan ng mga Amorreo na makapanirahan sa kapatagan, sa halip ay itinaboy sa kaburulan.
1:35 Hindi umalis sa Heres, Ayalon at Saalbim ang mga Amorreo ngunit dumating ang araw na nasakop sila ng mga lipi ni Jose at inalipin sila ng mga ito.
1:36 Ang sakop ng mga Amorreo ay mula sa Pasong Acrabim hanggang sa Petra.
2:1 ( Nagpunta sa Boquim ang Anghel ni Yahweh ) "Mula sa Gilgal, nagpunta sa Boquim ang anghel ni Yahweh. Sinabi niya sa mga Israelita, 'Inialis ko kayo sa Egipto at dinala sa lupain na aking ipinangako sa inyong mga magulang. Sinabi ko noon na hindi ko babaguhin ang ating tipan."
2:2 Sinabi ko ring huwag kayong makikipagkaisa sa mga tagaroon, bagkus ay gibain ninyo ang kanilang mga dambana. Ngunit ano ang inyong ginawa? Hindi ninyo ako sinunod!
2:3 "Kaya ngayon, hindi ko sila paaalisin sa lupaing pupuntahan ninyo. Magiging tinik sila sa inyong landas at magiging mabigat na pagsubok sa inyo ang mga diyus-diyusan nila.'"
2:4 Nang marinig ito ng mga Israelita, sila'y nag-iyakan.
2:5 Kaya, tinawag nilang Boquim ang lugar na yaon, at naghandog sila roon kay Yahweh. ( Ang Pagkamatay ni Josue )
2:6 Pinalakad na ni Josue ang mga Israelita papunta sa lupaing nakatalaga sa bawat isa.
2:7 Naglingkod sila kay Yahweh hanggang buhay si Josue at ang mga pinunong lubos na nakababatid sa mga kabutihang ginawa ni Yahweh sa Israel.
2:8 Namatay si Josue sa edad na 110 taon.
2:9 Inilibing siya sa Timnat-heres, isang lugar na sakop ng kanyang lupain sa kaburulan ng Efraim, sa gawing hilaga ng Bundok Gaas.
2:10 Namatay rin ang lahat ng kapanahon niya at natira ang sumunod na salinlahi na walang nalalaman sa kabutihang ginawa ni Yahweh sa Israel. ( Tumigil ang Israel sa Paglilingkod kay Yahweh )
2:11 Ang mga Israelita ay gumawa ng masama kay Yahweh. Naglingkod sila sa mga Baal.
2:12 Tinalikdan nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at siyang nag-alis sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyusan ng mga bayan sa paligid. Kaya, nagalit sa kanila si Yahweh.
2:13 Tinalikdan nga nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot.
2:14 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel. Kaya, sila'y pinabayaan niyang malupig ng kaaway at samsaman ng ari-arian.
2:15 Tuwi silang makikipagdigma, ipinalulupig sila ni Yahweh, tulad ng kanyang sumpa. Anupat wala silang kapanatagan.
2:16 Ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom upang magtanggol sa kanila.
2:17 Ngunit hindi nila pinakinggan ang mga ito. Tinalikdan nila si Yahweh at naglingkod sa mga diyus-diyusan.
2:18 Lahat ng hukom na inilagay ni Yahweh ay tinulungan niya upang iligtas sila sa kanilang mga kaaway. Nababagbag ang kanyang kalooban dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila.
2:19 Ngunit pagkamatay ng hukom na inilagay niya, ang mga Israelita'y nagbabalik sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa. Hindi nila maiwan ang kanilang kasamaan.
2:20 "Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, 'Sumira ang mga Israelita sa tipan ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin,"
2:21 hindi ko paaalisin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue.
2:22 "Sa pamamagitan nito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.'"
2:23 Kaya, hindi pinaalis agad ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buhay si Josue.
3:1 ( Itinira ang Ibang Bayan Upang Subukin ang Israel ) Itinira ni Yahweh ang ilang bayan sa Canaan upang subukin ang mga Israelitang walang karanasan sa pakikipagdigma sa mga Cananeo.
3:2 Ginawa niya ito upang turuang makipagdigma ang lahat ng salinlahi ng Israel, lalo na yaong walang nalalaman sa bagay na ito.
3:3 Ito ang mga bayang itinira ni Yahweh: ang limang lunsod ng mga Filisteo, lahat ng lunsod ng mga Cananeo, Sidonio at lupaing sakop ng mga Heveo sa Bundok ng Libano, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Pasong Hamat.
3:4 Sila ay kinasangkapan ni Yahweh upang subukin kung susunod sa kanya o hindi ang mga Israelita.
3:5 Kaya, ang mga Israelita'y nanirahan sa lupaing yaon kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amorreo, Perezeo, Heveo at Jebuseo.
3:6 Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyusan. ( Si Otniel )
3:7 Nanumbalik na naman sa kasamaan ang mga Israelita. Tumalikod sila kay Yahweh, at sumamba sa mga Baal at kay Astarot.
3:8 Dahil dito, nagalit siya sa kanila at pinabayaang malupig ni Haring Cusan-risataim ng Mesopotamia. Sila'y nasakop nito nang walong taon.
3:9 Nang dumaing sila kay Yahweh, hinirang niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa kamay ni Haring Cusan-risataim.
3:10 Nilukuban siya ng Espiritu ni Yahweh. Pinangunahan niya ang Israel at nalupig niya ang hari ng Mesopotamia.
3:11 At naghari sa Israel ang kapayapaan sa loob ng apatnapung taon. ( Si Aod )Nang mamatay si Otniel,
3:12 ang Israel ay muling gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Dahil dito, kinasangkapan niya si Eglon, ang matabang hari ng Moab laban sa Israel.
3:13 Si Eglon ay nakipagkaisa sa mga anak ni Ammon at ni Amalec. Nalupig nila ang Israel at nakuha ang Lunsod ng Palma.
3:14 At sila'y nasakop ni Eglon sa loob ng labingwalong taon.
3:15 Dumaing kay Yahweh ang mga Israelita at sila'y binigyan niya uli ng hukom, ang kaliweteng si Aod na anak ni Gera buhat sa lipi ni Benjamin. Siya ang pinagdala nila ng buwis kay Haring Eglon.
3:16 Si Aod ay gumawa ng isang balaraw na magkabila'y talim at isang talampaka't kalahati ang haba. Itinali niya ito sa kanan niyang tagiliran, sa loob ng kanyang damit.
3:17 At dinala nga ni Aod ang mga buwis ng Israel kay Haring Eglon.
3:18 Nang maibigay na niya ang kanyang mga dala, niyaya na niyang umuwi ang kanyang mga kasama.
3:19 "Ngunit pagdating sa tibagan ng bato sa Gilgal, nagbalik si Aod at sinabi sa hari, 'Kamahalan, mayroon po akong mahalagang lihim na sasabihin sa inyo.' Dahil dito, sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, 'Iwan ninyo kami.' At umalis ang lahat sa harapan ng hari. "
3:20 "Lumapit si Aod sa kinauupan nito sa pahingahan sa ituktok ng palasyo, at sinabi uli, 'May sasabihin po ako sa inyo mula sa Diyos.' At tumindig ang hari."
3:21 Paglalapit nila, binunot ni Aod ang kanyang balaraw at walang sabi-sabing itinarak sa tiyan ng hari.
3:22 Dahil sa katabaan ng hari at sa lakas ng saksak ni Aod, bumaon pati puluhan ng balaraw at tumagos sa likuran. Hindi na niya ito hinugot.
3:23 Paglabas ni Aod, isinara niya ang pinto
3:24 at tuluy-tuloy na umalis. Nang magbalik ang mga lingkod ng hari, nakita nilang sarado ang pinto kaya inisip nilang namamahinga ang hari.
3:25 Hindi nila binuksan ang pinto. Naghintay na lamang sila sa labas. Inabot na sila ng pagkainip ngunit hindi pa lumalabas ang hari. Kaya, binuksan na nila ang silid nito. At natambad sa kanilang paningin ang hari. Wala nang buhay.
3:26 Samantala, malayo na si Aod. Mula sa Tibagan ng mga Bato, tumakas siya papuntang Seirata.
3:27 Pagdating doon, pinahipan niya ang tambuli sa kaburulan ng Efraim at nagdatingan ang mga Israelita. At mula roon, pinangunahan niya sa pakikidigma ang mga ito.
3:28 "Sinabi niya sa kanila, 'Sumunod kayo sa akin. Ipalulupig na sa inyo ni Yahweh ang mga Moabita.' Kaya't sila'y sumunod sa kanya at nasakop nila ang tawiran sa Jordan. Wala silang pinatawid doon kahit isa."
3:29 Sa lugar lamang na iyon, nakapatay sila ng 10,000 Moabita na pawang matitipuno at malalakas. Wala silang pinaligtas isa man.
3:30 Nang araw ring iyon, nalupig nila ang mga Moabita. Mula noon, namuhay sila nang mapayapa sa loob ng walumpung taon. ( Si Samgar )
3:31 Ang sumunod na hukom ng Israel ay si Samgar na anak ni Anat. Siya ang naging tagapagtanggol ng Israel. Siya lamang mag-isa ay nakapatay ng 600 Filisteo sa pamamagitan ng tungkod na pantaboy ng baka.
4:1 ( Sina Debora at Barac ) Nang mamatay si Aod, muling namuhay sa kasalanan ang mga Israelita.
4:2 Kaya, pinabayaan ni Yahweh na malupig sila ni Haring Jabin ng Hazor, isang lunsod ng mga Cananeo. Si Sisara na taga-Haroset ng mga Hentil ang punong-kawal niya.
4:3 Si Jabin ay may 900 karwaheng bakal. Ang Israel ay binusabos niya sa loob ng dalawampung taon. At dumaing kay Yahweh ang mga Israelita.
4:4 Noon, si Propetisa Debora na asawa ni Lapidot ang hukom ng Israel.
4:5 Nakaugalian na niyang maupo sa ilalim ng puno ng palma sa kaburulan ng Efraim, sa pagitan ng Rama at Betel. Dito siya pinupuntahan ng mga tao upang makinig sa kanyang mga payo.
4:6 "Ipinatawag niya si Barac na anak ni Abinoam na taga-Cades-Neftali. Sinabi niya rito, 'Ipinasasabi sa iyo ni Yahweh na pumili ka ng 10,000 kawal sa lipi nina Neftali at Zabulon. Isama mo sila sa Bundok ng Tabor."
4:7 "Lalabanan ninyo sa may Ilog Cison ang pangkat ni Sisara, ang punong-kawal ni Jabin. Ngunit malulupig mo siya.' "
4:8 "Sumagot si Barac, 'Lalakad ako kung kasama ka.' "
4:9 "Sinabi ni Debora, 'Kung gayon, sasama ako ngunit wala kang tatamuhing karangalan pagkat si Sisara ay ipalulupig ni Yahweh sa isang babae.' Sumama nga si Debora kay Barac."
4:10 Nanawagan si Barac sa mga lipi nina Neftali at Zabulon at sumunod sa kanya ang 10,000 kawal. At lumakad na sila, kasama si Debora.
4:11 Si Heber ay lumayo sa mga kasamahan niyang Cineo, buhat din sa angkan ni Hobab na biyenan ni Moises. Doon siya nagtayo ng tolda sa malapit sa kagubatan ng Zaananim, malapit sa Cades.
4:12 May nakapagsabi kay Sisara na si Barac ay papuntang Tabor.
4:13 Kaya, tinipon niya ang 900 niyang karwahe at lahat ng kawal at mula sa Haroset ng mga Hentil ay pinapunta niya sa may Ilog Cison.
4:14 "Sinabi ni Debora kay Barac, 'Magpatuloy ka! Ang araw na ito'y inilaan ni Yahweh upang lupigin mo si Sisara. Pangungunahan ka ni Yahweh!' Pumunta nga sa Bundok ng Tabor si Barac at ang 10,000 kawal niya."
4:15 Nang sumalakay sina Barac, nilito ni Yahweh sina Sisara. Nagkanya-kanyang takbo ang mga kawal. Si Sisara naman ay bumaba sa kanyang karwahe at tumakas.
4:16 Tinugis nina Barac ang mga karwahe ni Sisara hanggang sa Haroset ng mga Hentil at napatay nila ang lahat ng tauhan nito.
4:17 Samantala, nakatakas si Sisara. Nagtago siya sa tolda ni Jael na asawa ni Heber pagkat magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang sambahayan ni Heber.
4:18 "Nang makita ni Jael na papalapit si Sisara, sinabi niya, 'Magtuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong mag-alala.' Pumasok nga si Sisara at siya'y pinagtago ni Jael sa likod ng tabing."
4:19 "Sinabi ni Sisara kay Jael, 'Pahingin mo ako ng inumin. Nauuhaw ako.' Ang babae ay kumuha ng sisidlang-balat na puno ng gatas. Pinainom niya si Sisara, saka pinagtago uli. "
4:20 "Sinabi ni Sisara, 'Diyan ka sa pintuan. Pag may humanap sa akin, sabihin mong wala ako.' "
4:21 Dahil sa matinding pagod, nakatulog si Sisara. Nang makita ni Jael na ito'y tulog na, kumuha siya ng isang maso at isang tulos ng tolda. Pinukpok niya sa noo ni Sisara ang tulos hanggang sa bumaon sa lupa. Sa gayon, namatay si Sisara.
4:22 "Nang dumating si Barac na naghahanap kay Sisara, sinabi niya, 'Narito ang hinahanap ninyo.' Pagpasok ni Barac, nakita niya si Sisara, patay na. Nakabulagta ito at nakabaon pa sa noo ang tulos. "
4:23 Anupat nang araw na iyon, sa tulong ng Diyos ay natalo ng Israel si Haring Jabin.
4:24 Patuloy nila itong ginipit hanggang sa tuluyang malupig.
5:1 ( Ang Awit nina Debora at Barac ) Nang araw ring yaon ng kanilang pagtatagumpay, si Debora at si Barac ay umawit nang ganito:
5:2 '"Purihin si Yahweh! Ang mga Israelita'y buong giting na lumaban Kusang-loob, walang pinilit na sinuman. "
5:3 '"Pakinggan ninyo, mga pinuno't mga hari, Itong aking awit sa Diyos ng aming lahi! "
5:4 '"Nang lisanin mo, Yahweh, ang Bundok ng Seir At nang iwanan mo ang lupain ng Edom, Nayanig ang lupa, nagdilim ang langit At hindi nagtagal, bumuhos ang ulan. "
5:5 Ang bundok ay umuga sa harapan mo, Yahweh, Sa iyong harapan, O Diyos ng Israel.
5:6 '"Sa panahon ni Samgar na anak ni Anat, Ganoon din naman sa panahon ni Jael, Lumilihis ng landas ang mga manlalakbay Walang taong lumalakad sa tunay na lansangan. "
5:7 Noon ay walang ibig tumira sa Israel Hanggang sa dumating ka, Debora, Ikaw na kinilalang ina ng lupain.
5:8 Nagkaroon ng digmaan sa buong lupain Nang sumamba sa mga diyus-diyusan ang bansang Israel. Sa 40,000 lalaki sa Israel Ay wala isa mang may sibat o kalasag.
5:9 Nagkapitak sa puso ko ang mga lider ng Israel, Mga lalaking tumugon sa panawagan ng bayan. Purihing walang patid si Yahweh!
5:10 '"Dapat isaysay ang lahat ng ito Maging ng mayaman o ng mahirap na tao. "
5:11 Pakinggan ninyo ang mga usapan sa tabi ng balon. Nang magpuntahan sila sa may pintuan ng lunsod Kanilang isinasaysay ang tagumpay ni Yahweh Sa pamamagitan ng bayang Israel.
5:12 '"Magtindig ka, Debora, at ikaw ang manguna Sa awit na papuri sa Diyos na nasa langit. Ikaw naman, Barac, na anak ni Abinoam, Lumakad ka't dalhing bihag ang inyong mga kaaway. "
5:13 Tumugon ang mga tapat sa panawagan ng pinuno At handa silang makilaban sa mga kaaway.
5:14 Nanguna sa pagsalakay ang mga kawal ni Efraim, Kasunod sa paglusob ang lipi ni Benjamin. Nakihalo din sa labanan ang mga tauhan ni Maquir, At mula sa Zabulon may mga kawal na nanggaling.
5:15 Ang mga pinuno ng lipi ni Isacar ay sumama kay Debora, Gayon din kay Barac, isa sa nangunguna Ngunit ang lipi ni Ruben ay di makapagpasiya Sa pagbuo ng isipan ay hindi magkaisa.
5:16 Ngunit bakit atubili sa pag-alis sa pastulan? Hindi ba maiwanan ang ingay ng mga kawan? Ang lipi nga ni Ruben ay hindi magkaisa, Hindi makapagpasiya tungkol sa gagawin nila.
5:17 Ang lipi ni Galaad ay nanatili sa silangan ng Jordan, Ang lipi naman ni Dan, di makaalis sa pastulan. Ang lipi ni Aser, di umalis ng tahanan, Sa baybayin ng dagat na kanilang tirahan.
5:18 Ngunit ang lipi nina Zabulon at Neftali Ay nakipaghamok sa larangan ng digmaan.
5:19 '"Dumating ang mga haring Cananeo At sinalakay ang Taanac sa baybayin ng Meguido Ngunit isang pilak man ay walang nasamsam. "
5:20 Hindi lamang ang Israel ang nakalaban ni Sisara, Kundi pati ang bituin ay lumaban sa kanila.
5:21 At sa pagtawid nila sa Batis ng Cison, Tinangay ng agos, sinaklot ng mga alon. Magpatuloy ka, Debora, ikaw nga ay magpatuloy!
5:22 Walang tigil ang ragasa, ang yabag ay walang lubay, Ng mga kabayong kanilang sinasakyan.
5:23 '"Sumpain ang Meroz,' wika ng anghel ni Yahweh, 'Sumpain ang lahat ng naninirahan doon Sapagkat hindi sila tumulong Sa pakikipagdigma ni Yahweh. "
5:24 '"Mabuti pang hindi hamak ang babaing si Jael Na asawa nitong Cineong si Heber, Pagpalain siya ng lahat ng nakatira sa tolda. "
5:25 Si Sisara ay nanghingi ng tubig na maiinom Binigyan niya ng gatas sa isang mamahaling inuman.
5:26 Ngunit sa kaliwang kamay, tangan niya ang tulos At sa kanan nama'y ang masong pamukpok Ito ay ibinaon sa sentido ni Sisara Ibinaon nang lubusan hanggang dulo'y di makita.
5:27 Bunga nito si Sisara'y nalagutan ng hininga Sa paanan ni Jael, ay patay na bumagsak siya.
5:28 '"Itong ina ni Sisara ay naroon sa bintana, Naiinip, di makali, nagtatanong, na may luha: 'Bakit kaya hanggang ngayon ay wala pa ang binata Kabayo at karwahe niya'y para-parang nawawala?' "
5:29 Mga prinsesang naroon, sa paligid nitong ina Walang tigil, walang humpay sa pag-aliw sa may dusa. Ngunit anuman ang gawin ang dusa ay di mapara Sa sarili ay nagsabi, ulit-ulit na nagbadya:
5:30 'Nagtatagal marahil siya sa paghanap ng samsam nila Para sa isang kawal, isang babae o dalawa. Mamahaling kasuutan para sa inang reyna At magarang kagayakan naman para sa kanya.'
5:31 '"At nawa, Yahweh, malipol ang kaaway mo, Mabuhay na palagi ang mga taong tapat sa iyo.' At ang Israel ay namuhay sa kapayapaan sa loob ng apatnapung taon."
6:1 ( Si Gedeon ) Tumalikod na naman kay Yahweh ang bansang Israel, kaya sila'y ipinasakop niya sa Madian sa loob ng pitong taon.
6:2 Hindi makalaban sa mga Madianita ang mga Israelita, at napilitan silang magtago sa mga kuweba sa kabundukan.
6:3 Pagkatapos maghasik sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Madianita, Amalecita, at iba pang tribu sa lugar na iyon.
6:4 Humihimpil doon ang mga ito at sinisira ang mga pananim hanggang sa timog, sa paligid ng Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita: pananim, tupa, baka o asno.
6:5 Katulong nila sa paninira ang kanilang mga baka at mga kamelyo na hindi mabilang sa dami.
6:6 Walang magawa ang mga Israelita kaya dumaing sila kay Yahweh.
6:7 Nang marinig ni Yahweh ang daing ng mga Israelita dahil sa pahirap ng mga Madianita,
6:8 "sila'y pinadalhan niya ng propeta, at ipinasabi ang ganito: 'Inialis ko kayo sa Egipto."
6:9 Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Nalupig ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain.
6:10 "Sinabi ko sa inyo na ako si Yahweh, lakip ang habiling huwag kayong sasamba sa diyus-diyusan ng mga Amorreo, nguni't hindi kayo nakinig.' "
6:11 Dumating sa Ofra ang anghel ni Yahweh at naupo sa ilalim ng puno ng encina ni Joas na kabilang sa lipi ni Abiezer. Si Gedeon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik at baka siya makita ng mga Madianita.
6:12 "Nilapitan siya ng anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, 'Sumasaiyo si Yahweh, matapang na bayani.' "
6:13 "Sumagot si Gedeon, 'Bakit ganito ang pamumuhay namin kung sumasaamin si Yahweh? Bakit wala siyang ginagawang kababalaghan ngayon, tulad noong ialis niya sa Egipto ang aming mga ninuno, ayon na rin sa kwento nila sa amin? Kami'y pinabayaan na ni Yahweh. Kung hindi ay bakit natitiis niya kaming pahirapan ng mga Madianitang ito?' "
6:14 "Sinabi sa kanya ni Yahweh, 'Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo sa pagliligtas sa Israel.' "
6:15 "Sumagot si Gedeon, 'Paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming sambahayan ang pinakamaliit sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakamahina sa amin.' "
6:16 "Sinabi sa kanya ni Yahweh, 'Maililigtas mo ang Israel pagkat tutulungan kita. Lulupigin mo ang mga Madianitang ito na para ka lang pumatay ng isang tao.' "
6:17 "Sumagot si Gedeon, 'Kung ako, Yahweh, ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin."
6:18 "Huwag muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.' 'Hihintayin kita,' sagot ni Yahweh. "
6:19 Lumakad na nga si Gedeon. Nagluto siya ng isang batang kambing at isang takal na harinang walang lebadura. Pagkaluto, inilagay niya ito sa basket at naglagay ng sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ni Yahweh sa ilalim ng punong encina.
6:20 "Sinabi sa kanya ng anghel, 'Ipatong mo sa malaking batong iyan ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, busan mo ng sabaw.' Gayon nga ang ginawa ni Gedeon."
6:21 Ang pagkain ay sinaling ng anghel sa pamamagitan ng tungkod. Nagkaroon ng apoy at nasunog ang handog. At biglang nawala ang anghel.
6:22 "Noon naniwala si Gedeon na anghel nga ni Yahweh ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at nanginginig na nagsalita, 'Diyos ko, nakita ko nang mukhaan ang anghel ni Yahweh!' "
6:23 "Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, 'Huwag kang matakot. Hindi ka maaano.' "
6:24 At si Gedeon ay nagtayo roon ng isang altar na tinawag niyang, Si Yahweh ay Kapayapaan (Yahweh-Salom). Hanggang ngayon ay naroon pa ang altar.
6:25 "Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gedeon, 'Kunin mo ang toro ng inyong ama, yaong pipituhing taon na ginagamit na panghalili. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at durugin mo ang rebulto sa tabi nito."
6:26 "Pagkatapos, magtayo ka ng isang maayos na altar sa ituktok nitong kutang ito para kay Yahweh. Pagputul-putulin mo ang sagradong poste ni Ashera, igatong mo sa altar at doon mo sunugin ang toro ng iyong ama bilang handog sa akin.'"
6:27 Isinama ni Gedeon ang sampu sa kanyang mga bataan at ginawa ang iniutos sa kanya. Gabi nang gawin niya ito pagkat natatakot siya sa kanilang sambahayan at sa mga taong-bayan.
6:28 Kinabukasan, nagisnan na lamang ng mga taong giba ang altar ni Baal. Ang sagradong poste ay putul-putol at siyang ipinangsusunog sa torong nakahandog sa bagong altar na naroon.
6:29 "Nagtanungan sila, 'Sino kaya ang may gawa nito?' Siniyasat nila itong mabuti at nalaman nilang si Gedeon ang may kagagawan."
6:30 "Hinanap nila si Joas, at sinabi, 'Ilabas mo rito ang anak mo. Papatayin namin siya pagkat giniba niya ang templo ni Baal at pinagputul-putol ang sagradong poste sa tabi ng altar.' "
6:31 "Sumagot si Joas, 'Ipaghihiganti ba ninyo si Baal? Sinumang makipaglaban para sa kanya ay papatayin bago mag-umaga. Kayo ba ang dapat magtanggol kay Baal? Kung siya'y talagang diyos, bakit hindi niya ipagtanggol ang kanyang sarili yamang altar niya ang giniba?'"
6:32 "Mula noon, si Gedeon ay tinaguriang Jerobaal dahil sa sinabi ni Joas na, 'Bayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili yamang altar niya ang giniba.' "
6:33 Ang mga Madianita, Amalecita, at iba pang mga tribu sa paligid ay sama-sama na namang tumawid ng Ilog Jordan at nagkampo sa Lambak ng Jezreel.
6:34 Si Gedeon ay nilukuban ng Espiritu ni Yahweh kaya't hinipan niya ang tambuli bilang hudyat sa kalalakihan ng lipi ni Abiezer.
6:35 Nagpasugo siya sa mga lipi nina Manases, Aser, Zabulon at Neftali. Tumugon naman ang mga ito at sila'y buong pagkakaisang sumunod kay Gedeon.
6:36 "Sinabi ni Gedeon sa Diyos, 'Sinabi ninyo sa akin na ako ang kakasangkapanin ninyo upang iligtas ang Israel."
6:37 "Dahil dito, maglalatag ako ng isang lana sa giikan ng trigo. Pag nabasa ito ng hamog ngunit tuyo ang paligid, ako nga ang ibig ninyong magligtas sa Israel.'"
6:38 Ganoon nga ang ginawa ni Gedeon. Kinabukasan ng umaga, kinuha niya ang lanang inilatag sa giikan, at nang pilipitan niya, nakapuno siya ng isang mangkok.
6:39 "Sinabi ni Gedeon sa Diyos, 'Huwag po kayong magagalit sa akin sa huli kong kahilingan: Ibig ko po ay matuyo itong lana at mabasa ng hamog ang lupa sa paligid.'"
6:40 Kinagabihan, ginawa nga iyon ng Diyos. Tuyo ang lana ngunit basa ng hamog ang lupa sa paligid nito.
7:1 ( Nilupig ni Gedeon ang mga Madianita ) Kinabukasan, maagang lumakad si Jerobaal o si Gedeon at ang kanyang mga tauhan. Nagkampo sila sa may Bukal ng Harod. Samantala, ang mga Madianita ay nasa gawing hilaga, sa kapatagan sa may Burol ng More.
7:2 "Sinabi ni Yahweh kay Gedeon, 'Napakarami ng kasama mo. Baka akalain nilang nalupig nila ang mga Madianita nang di dahil sa tulong ko."
7:3 "Kaya, sabihin mo sa kanila na lahat ng natatakot ay maaari nang umuwi.' Nang sabihin ito ni Gedeon, umuwi ang 22,000; ang natira ay 10,000 lamang. "
7:4 "Sinabi uli ni Yahweh kay Gedeon, 'Marami pang natira. Isama mo sila sa tabi ng batis. Doon ko sasabihin kung sino ang isasama mo at kung sino ang hindi.'"
7:5 "Ganoon nga ang ginawa ni Gedeon. Pagdating nila sa batis, sinabi ni Yahweh, 'Ibukod mo ang lahat ng sasalok ng tubig sa pamamagitan ng kanilang mga palad at iinom na parang aso, gayon din ang mga luluhod sa pag-inom.'"
7:6 Ang sumalok ng tubig upang uminom ay 300 lamang at yaong iba'y lumuhod upang uminom.
7:7 "Sinabi ni Yahweh kay Gedeon, 'Ang 300 sumalok sa pag-inom ang isasama mo sa paglaban sa mga Madianita. Pauwiin mo na yaong iba."
7:8 Matapos kunin ang mga kagamitan, pinauwi ni Gedeon ang lahat ng Israelita maliban sa 300. Ang kampo ng mga Madianita ay nasa kapatagan nga, pinanununghan nila.
7:9 "Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gedeon, 'Lusubin na ninyo ang mga Madianita at malulupig ninyo sila!"
7:10 Kung nag-aalinlangan ka pa hanggang ngayon, isama mo ang bataan mong si Pura at subukan ninyo sila.
7:11 "Tiyak na lalakas ang loob mo kapag narinig mo ang kanilang usapan.' Kaya, siya at si Pura ay palihim na nagpunta sa may kampo ng mga Madianita."
7:12 Ang mga ito, pati ng mga Amalecita at mga tribu sa paligid ay naglipana sa kapatagan, hindi mabilang sa dami. Ang kanilang mga kamelyo ay sindami naman ng buhangin sa dagat.
7:13 "Nang malapit na sina Gedeon, may narinig silang nag-uusap. Ang sabi ng isa, 'Napanaginipan kong may isang tinapay na sebadang gumulong sa ating kampo. Nagulungan daw ang tolda at ito'y bumagsak.' "
7:14 "Sagot noong isa, 'Iyon ay walang iba kundi ang tabak ng Israelitang si Gedeon na anak ni Joas. Tayo at ang Madian ay ipalulupig sa kanya ng Diyos.' "
7:15 "Nang marinig ito ni Gedeon, lumuhod siya at nagpuri sa Diyos. Pagkatapos, sila ni Pura ay nagbalik sa kampo at sinabi sa kanyang mga kasamahan, 'Humanda kayo at ipalulupig na sa atin ni Yahweh ang mga Madianita!'"
7:16 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan. Bawat isa'y binigyan niya ng tambuli at gusi na may sulo sa loob.
7:17 "Sinabi niya sa kanila, 'Pag malapit na tayo sa kanilang kampamento, tingnan ninyo ang gagawin ko at gayahin ninyo."
7:18 "Pag narinig ninyong hinihipan namin ang aming tambuli, hipan na rin ninyo ang inyong tambuli, at sumigaw kayo ng, 'Kay Yahweh at kay Gedeon.'' "
7:19 Maghahating-gabi na. Halos kapapalit pa lamang ng pangkat ng tanod nang makalapit sa kampo ng mga Madianita sina Gedeon. Hinipan nila ang kanilang tambuli sabay basag sa kanilang mga gusi.
7:20 "Sabay-sabay nilang binasag ang kanilang gusi at hinipan ang kanilang mga tambuli. Tangan ng kaliwa ang sulo at nasa kanan ang tambuli habang isinisigaw ang, 'Kay Yahweh at kay Gedeon!'"
7:21 Bawat isa'y hindi umaalis sa kanilang kinatataguan sa paligid ng kampo, samantalang nagkakagulo sa takot ang mga nasa kampo.
7:22 At habang walang tigil sa pag-ihip ng tambuli ang 300 Israelita, pinaglaban-laban ni Yahweh ang mga nasa kampo. Kanya-kanya silang takbo tungo sa Cerera hanggang Bet-sita at Abel-mehola, malapit sa Tabata.
7:23 Ipinatawag ni Gedeon ang kalalakihan sa mga lipi nina Neftali, Aser, at Manases, at ipinahabol ang mga Madianita.
7:24 Si Gedeon ay nagpasugo sa lipi ni Efraim at pinag-abang sa Ilog Jordan hanggang sa Batis ng Bet-bara.
7:25 Inabangan nga nila at tinugis ang mga Madianita. Nabihag nila ang dalawang pinunong sina Oreb at Zeeb. Pinatay nila si Oreb sa Batong Oreb at si Zeeb sa katasan ng ubas ni Zeeb. Pagkatapos dinala nila kay Gedeon, sa ibayo ng Jordan, ang ulo ng mga ito.
8:1 ( Nalupig ang mga Madianita ) "Pagkatapos ng labanang iyon, pumunta kay Gedeon ang mga lalaking kabilang sa lipi ni Efraim. 'Bakit mo kami ginanito? Bakit hindi mo kami tinawag bago ninyo dinigma ang mga Madianita?' pagalit nilang tanong. "
8:2 '"Ang nagawa ko ay hindi maipapantay sa nagawa ninyo. Ang maliit ninyong nagawa ay higit sa nagawa namin,' malumanay na sagot ni Gedeon."
8:3 '"Niloob ng Diyos na sa inyong mga kamay mahulog ang dalawang pinunong Madianitang sina Oreb at Zeeb. Alin sa mga nagawa ko ang maipapantay riyan?' Nang marinig nila ito, naglubag ang kanilang galit. "
8:4 Si Gedeon at ang 300 niyang tauhan ay nakatawid na ng Ilog Jordan. Bagamat hapung-hapo, patuloy pa rin nilang tinutugis ang mga Madianita.
8:5 "Nang umabot sila sa Sucot nakiusap siya sa mga tagaroon, 'Kung maaari'y bigyan ninyo kami ng pagkain. Lambot na lambot na kami sa gutom at kailangan pa naming tugisin ang dalawang haring Madianitang sina Zeba at Zalmuna.' "
8:6 "Ngunit sumagot ang mga taga-Sucot, 'Hindi namin kayo bibigyan ng pagkain hanggang hindi ninyo nabibihag sina Zeba at Zalmuna.' "
8:7 "Dahil dito, sinabi ni Gedeon, 'Kayo ang bahala. Pag nahuli namin sina Zeba at Zalmuna, pahihirapan ko kayo ng pamalong balot ng tinik.'"
8:8 Pagkasabi nito'y nagtuloy sila sa Penuel at doon nagtanong ng pagkain. Ngunit ang sagot ng mga tagaroon ay tulad din ng sagot ng mga taga-Sucot.
8:9 "Sinabi niya sa kanila, 'Tinitiyak ko sa inyong kami'y makababalik dito. Pagbabalik namin, iguguho ko ang tore ninyong ito.' "
8:10 Sina Zeba at Zalmuna ay nasa Carcor noon, kasama ang nalalabi nilang kawal na 15,000 pagkat 120,000 na ang napapatay sa kanila.
8:11 Namaybay sina Gedeon sa gilid ng ilang, sa silangan ng Noba at Jogbea, saka biglang sumalakay.
8:12 Tatakas sana sina Zeba at Zalmuna ngunit nahuli sila nina Gedeon. Dahil dito, nasiraan ng loob ang mga kawal.
8:13 Nang magbalik sina Gedeon, sa Pasong Heres sila nagdaan.
8:14 Nakahuli sila ng isang taga-Sucot. Itinanong niya rito kung sinu-sino ang mga pinuno at matatanda ng Sucot at isa-isa namang isinulat nito. Umabot ng pitumpu't pito ang kanyang naisulat.
8:15 "Pagkatapos, pinuntahan ni Gedeon ang mga ito at tinanong, 'Natatandaan ba ninyo nang ako'y magtanong sa inyo ng pagkain? Natatandaan pa ba ninyo ang sinabi ninyo sa akin na hindi ninyo kami bibigyan ng pagkain hanggang hindi namin nahuhuli sina Zeba at Zalmuna bagamat noo'y lupaypay na kami sa gutom? Bihag na namin sila ngayon!'"
8:16 At nagpakuha siya ng mga tinikang sanga ng kahoy at pinahirapang mabuti ang mga pinuno ng Sucot.
8:17 Pagkatapos ay giniba niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga lalaki roon.
8:18 "Pagkaraan, binalingan niya sina Zeba at Zalmuna. 'Ano ang itsura ng mga pinatay ninyo?' tanong niya. 'Kamukha mo, parang mga anak ng hari,' sagot nila. "
8:19 "Sinabi ni Gedeon, 'Sila'y mga kapatid ko. Isinumpa kong hindi kayo papatayin kung hindi ninyo sila pinatay.'"
8:20 "Bumaling siya sa pinakamatanda niyang anak na si Jeter at sinabi, 'Patayin mo sila!' Palibhasa'y bata, natatakot itong pumatay ng tao kaya hindi niya sinunod ang kanyang ama. "
8:21 "Dahil dito, sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gedeon, 'Bakit hindi ikaw ang pumatay sa amin? Mga tunay na lalaki lamang ang maaaring pumatay sa kanyang kapwa.' Kaya sila'y pinatay ni Gedeon at kinuha ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo. "
8:22 "Nagtipun-tipon ang mga Israelita at sinabi nila kay Gedeon, 'Ikaw rin lamang ang nagligtas sa amin sa mga Madianita, ikaw na at ang iyong angkan ang maghari sa amin.' "
8:23 "Sumagot si Gedeon, 'Hindi ako ni ang aking anak ang maghahari sa inyo kundi si Yahweh."
8:24 "Ngunit mayroon akong hihilingin sa inyo,' patuloy niya. 'Ibigay ninyo sa akin ang mga hikaw na nasamsam ninyo sa kanila.' (Nakahikaw ng ginto ang mga Madianita pagkat iyon ang ugali ng mga taong-ilang.) "
8:25 "Sumagot sila, 'Buong puso naming ibibigay sa iyo.' Naglatag sila sa lupa ng isang malapad na damit at inilagay roon ang lahat ng nakuha nilang hikaw."
8:26 Nang timbangin nila ang mga hikaw na ginto, umabot ng animnapung libra, hindi pa kasama ang mga hiyas, kuwintas at mga purpurang kasuutan ng mga hari ng Madian. Hindi rin kasama roon ang mga palamuti sa leeg ng mga kamelyo.
8:27 Mula sa gintong nasamsam, si Gedeon ay nagpagawa ng isang diyus-diyusan at dinala sa Ofra na kanyang lunsod. Ang mga Israelita'y tumalikod sa Diyos at naglingkod sa diyus-diyusang ipinagawa ni Gedeon at iyon ang malaking kasalanang nagawa nila kay Yahweh.
8:28 Ganap na nalupig ng Israel ang Madian at ito'y hindi na nakabawi. Naghari sa Israel ang kapayapaan sa loob ng apatnapung taon, habang nabubuhay si Gedeon. ( Ang Pagkamatay ni Gedeon )
8:29 Si Gedeon ay nanirahan sa sarili niyang bahay.
8:30 Pitumpu ang anak niya pagkat marami siyang asawa.
8:31 Mayroon pa siyang isang kinakasama sa Siquem na nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec.
8:32 Matandang-matanda na nang mamatay si Gedeon. Siya'y inilibing sa libingan ng kanyang ama sa Ofra, sa lunsod ng angkan ni Abiezer.
8:33 Mula nang mamatay si Gedeon, ang mga Israelita'y hindi na namuhay nang tapat sa Diyos. Sa halip, naglingkod sila sa mga Baal, at ang kanilang kinilalang diyos ay si Baal-berit.
8:34 Hindi na sila naglingkod kay Yahweh na nagligtas sa kanila sa mga kaaway.
8:35 Hindi sila tumanaw ng utang na loob sa sambahayan ni Gedeon sa lahat ng kabutihang ginawa nito sa Israel.
9:1 ( Si Abimelec ) Pagkalipas ng mga araw, si Abimelec ay nagpunta sa Siquem, sa mga kamag-anak ng kanyang ina. Sinabi niya sa mga ito,
9:2 '"Itanong ninyo sa lahat ng taga-Siquem kung alin ang gusto nila: pamahalaan sila ng pitumpung anak ni Jerobaal o ng iisang tao? At huwag ninyong kalilimutang ako'y dugo ng inyong dugo at laman ng inyong laman.'"
9:3 Ang mga taga-Siquem ay kinausap nga ng mga kamag-anak ng ina ni Abimelec. Pinagkaisahan naman ng mga itong siya na ang mamahala sa kanila, magkakamag-anak din lang sila.
9:4 Binigyan nila si Abimelec ng pitumpung putol na pilak mula sa kabang-yaman ng templo ni Baal-berit. Ibinigay naman niya ito sa ilang tao roon na walang magawa at sila'y kanyang isinama.
9:5 Nagpunta siya sa Ofra sa bahay ng kanyang ama at pinatay sa iisang bato ang pitumpung kapatid niya kay Jerobaal. Lahat ay napatay niya liban kay Joatam na siyang pinakabata pagkat nakapagtago ito.
9:6 Ang mga taga-Siquem at Betmilo ay sama-samang nagpunta sa may sagradong puno ng encina sa Siquem at itinalagang hari si Abimelec.
9:7 "Nang mabalitaan ito ni Joatam, tumayo siya sa itaas ng Bundok ng Gerizim, at humiyaw, 'Mga taga-Siquem, makinig kayo sa akin at makikinig sa inyo ang Diyos."
9:8 Noong unang panahon, nag-usap-usap ang mga punongkahoy upang pumili ng hari. Sinabi nila sa olibo, 'Ikaw ang maghari sa amin.'
9:9 Sumagot ang olibo, 'Kakailanganin kong itapon ang aking langis na gamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao kung ako ang mamamahala sa inyo.'
9:10 Sinabi nila sa igos, 'Ikaw na ang maghari sa amin.'
9:11 Ngunit sumagot ang igos, 'Kakailanganin kong iwan ang masasarap kong bunga kung pamamahalaan ko kayo.'
9:12 Kaya sinabi nila sa ubas, 'Ikaw na ang maghari sa amin.'
9:13 Sumagot ang ubas, 'Sa akin nanggagaling ang alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao. Kakailanganin kong iwan yaon kung ako ang maghahari sa inyo.'
9:14 Kaya, sinabi nila sa dawag, 'Ikaw na nga ang maghari sa amin.'
9:15 Ang sagot ng dawag, 'Kung talagang ibig ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy upang sunugin ang mga sedro ng Libano.'
9:16 '"Ngayon,' patuloy ni Joatam, 'matuwid ba ang pagtatalaga ninyo kay Abimelec bilang hari? Matuwid ba ang ginawa ninyo kay Jerobaal at sa kanyang sambahayan?"
9:17 Alalahanin ninyong kayo'y ipinaglaban ng aking ama. Sinuong niya ang panganib para iligtas kayo sa mga Madianita.
9:18 Ngunit ngayon, pinagtaksilan ninyo ang kanyang sambahayan. Pinatay ninyo ang pitumpu niyang anak sa iisang bato at si Abimelec na anak niya sa labas ang itinalaga ninyong hari pagkat kamag-anak ninyo.
9:19 Kung iyan ang inaakala ninyong dapat iganti sa kabutihan sa inyo ni Jerobaal at sa kanyang sambahayan, ipagpatuloy ninyo. Magpakaligaya kayo, pati si Abimelec.
9:20 "Ngunit kung hindi, sana'y magkaga-kagalit kayo.'"
9:21 Pagkasabi nito'y patakbong lumayo si Joatam at nagtago sa Beer dahil sa takot sa kapatid niyang si Abimelec.
9:22 Mula noon ang Israel ay pinamahalaan ni Abimelec. Ngunit pagkalipas ng tatlong taon,
9:23 siya at ang mga taga-Siquem ay pinagkagalit ng Diyos. Nasira ang maganda nilang palagayan.
9:24 Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Jerobaal.
9:25 Ang mga taga-Siquem ay nagtalaga ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Ito'y nabalitaan ni Abimelec.
9:26 Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Siquem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanila ang mga tagaroon.
9:27 Namitas sila ng ubas at kinatas. Ginawa nila itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyusan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na nililibak si Abimelec.
9:28 "Sinabi ni Gaal, 'Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Siquem? Hindi ba anak lamang siya ni Jerobaal? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng nuno ninyong si Hamor."
9:29 Kung papayag kayo, ako ang mamumuno sa inyo. Tiyak na malulupig natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.
9:30 Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal at siya'y nagalit.
9:31 "Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, 'Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Siquem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Siquem laban sa iyo."
9:32 Kaya, mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod.
9:33 "Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Pag lumaban si Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.' "
9:34 Kaya, lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Siquem.
9:35 Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumitaw sa kanilang kinatataguan.
9:36 "Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, 'May mga taong nanggagaling sa kabundukan.' Sumagot si Zebul, 'Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.' "
9:37 "Sinabi uli ni Gaal, 'May mga taong nanggagaling sa may paso. May isang pangkat pang nagbubuhat sa may sagradong puno ng encina.' "
9:38 "Sinabi na sa kanya ni Zebul, 'Makita ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?'"
9:39 Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Siquem at hinarap sina Abimelec.
9:40 Ngunit nagapi siya kaya napilitang tumakas. Tinugis siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod.
9:41 Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Siquem at pinagsabihang huwag nang magbalik.
9:42 Kinabukasan, ang mga taga-Siquem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec.
9:43 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Siquem, pinatay nila ang mga ito.
9:44 Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran.
9:45 Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Siquem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa.
9:46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Siquem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit.
9:47 Nalaman ito ni Abimelec,
9:48 kaya, isinama niya sa Bundok Zalmon ang kanyang mga tauhan. Pagdating doon, pumutol siya ng mga sanga ng kahoy at pinasan. Lahat ng tauhan niya'y pinakuha rin niya ng mga sanga ng kahoy.
9:49 Nagkanya-kanya sila ng pasan at sumunod kay Abimelec. Ang mga ito'y itinambak nila sa ibaba ng tore at sinigan. Namatay na lahat ang nasa loob nitong may 1,000 katao, pati mga babae.
9:50 Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebes at sinakop iyon.
9:51 May matibay na muog doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebes. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa bubungan.
9:52 Sinundan sila ni Abimelec at sisigan na sana ang muog,
9:53 ngunit siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo.
9:54 "Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang bataan at sinabi, 'Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae lamang ang nakapatay sa akin.' Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang bataan at namatay."
9:55 Nang malaman nilang patay na si Abimelec, nag-uwian na ang mga kawal Israelita.
9:56 Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid.
9:57 Pinagdusa rin ng Diyos ang mga taga-Siquem, tulad ng sumpa sa kanila ni Joatam.
10:1 ( Sina Tola at Jair ) Pagkamatay ni Abimelec, si Tola ang naging hukom ng Israel. Siya'y anak ni Pua at apo ni Dodo, buhat sa lipi ni Isacar. Sa Samir siya nakatira, sa kaburulan ng Efraim.
10:2 Dalawampu't tatlong taon siyang namahala sa Israel, at nang mamatay ay inilibing sa Samir.
10:3 Ang pumalit kay Tola ay si Jair na taga-Galaad at namahalang dalawampu't dalawang taon.
10:4 Tatlumpu ang kanyang anak at may kanya-kanyang asno. Sa Galaad ay may tatlumpung lunsod na ang tawag ay lunsod ni Jair.
10:5 Namatay siya at inilibing sa Camon. ( Ang mga Israelita'y Pinahirapan ng mga Ammonita )
10:6 Ang mga Israelita'y muling tumalikod kay Yahweh, at sumamba sa mga Baal at mga Astarot, mga diyus-diyusan ng Siria, Sidon, Moab, Ammon at Palestina.
10:7 Dahil dito, nagalit sa kanila si Yahweh at binayaan silang masakop ng mga Ammonita at mga Filisteo.
10:8 At sa loob ng labingwalong taon, pinahirapan sila ng mga ito sa Galaad, sa silangan ng Ilog Jordan.
10:9 Sinalakay rin ng mga Ammonita't Filisteo ang mga nasa ibayo ng Ilog Jordan: ang mga lipi nina Juda, Benjamin at Efraim. Anupat nalagay sa gipit ang Israel.
10:10 "Dumulog kay Yahweh ang mga Israelita at kanilang sinabi, 'Nagkasala kami sa inyo, Yahweh. Tumalikod kami sa inyo at sumamba sa mga Baal.' "
10:11 "Ang sagot sa kanila ni Yahweh: 'Nang kayo'y pahirapan ng mga Egipcio, Amorreo, Ammonita, Filisteo,"
10:12 Sidonio, Amalecita at mga Maonita, dumaing kayo sa akin at iniligtas ko naman kayo.
10:13 Ngunit tinalikdan ninyo ako at sumamba kayo sa mga diyus-diyusan. Kaya hindi ko na kayo ililigtas.
10:14 "Bakit hindi sa inyong mga diyus-diyusan kayo humingi ng tulong sa panahon ng inyong kagipitan?' "
10:15 "Ngunit patuloy ang pamamanhik ng mga Israelita: 'Nagkasala nga po kami at gawin ninyo sa amin ang ibig ninyong gawin, iligtas lamang ninyo kami ngayon.'"
10:16 Nang araw ring yaon, inalis nila ang kanilang mga diyus-diyusan at muling naglingkod kay Yahweh. Dahil dito, muli niyang nilingap ang mga Israelita.
10:17 Dumating ang araw na nagdigmaan ang mga Ammonita at ang mga Israelita. Ang mga Ammonita ay nagkampo sa Galaad; sa Mizpa naman ang mga Israelita.
10:18 "Nag-usap ang mga taga-Galaad at lahat ng tagaroon, 'Kung sino ang mangunguna sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita ay siya nating kikilalaning puno ng buong Galaad.'"
11:1 ( Si Jefte ) Si Jefte na taga-Galaad ay isang matapang na mandirigma. Si Galaad ang kanyang ama at ang ina niya'y isang masamang babae.
11:2 "May anak pa si Galaad sa kanyang asawa at nang lumaki ang mga ito, pinalayas nila si Jefte. Sinabi nila, 'Hindi ka makatitikim ng mana mula sa aming ama pagkat ikaw ay anak sa ibang babae.'"
11:3 Kaya, umalis si Jefte at nanirahan sa Tob. Doon, nag-ipon siya ng ilang taong itinakwil ng lipunan at sila ang nagsama-sama.
11:4 Pagkaraan ng maraming araw, nilusob ng mga Ammonita ang Israel.
11:5 Dahil dito, si Jefte ay ipinasundo ng mga pinuno ng Galaad.
11:6 "Sinabi nila, 'Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.' "
11:7 "Sumagot si Jefte, 'Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Galaad? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?' "
11:8 "Ngunit sinabi nila, 'Ikaw ang nilalapitan namin ngayon pagkat nais naming ikaw ay makasama namin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Ibig din naming ikaw ang mamahala sa Galaad.' "
11:9 "Sinabi ni Jefte, 'Pag isinama ninyo ako sa pakikipagbaka sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong puno.' "
11:10 "Sumagot sila, 'Oo, ikaw ang gagawin naming puno, naririnig kami ni Yahweh.'"
11:11 Si Jefte ay sumama sa kanila sa Galaad at itinalaga roon bilang pinuno. At sa pagkakataong yaon, sinariwa niya sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga kundisyon niya sa pagtanggap sa tungkuling yaon.
11:12 "Si Jefte'y nagpasugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, 'Bakit ba ibig ninyo kaming lusubin?' "
11:13 "Ang sagot ng hari ng mga Ammonita: 'Ibig naming mabalik sa amin ang aming lupain. Pagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, sinakop nila ang aming lupain mula sa Ilog ng Arnon hanggang sa Ilog ng Jabboc.' "
11:14 Pinabalik ni Jefte ang kanyang mga sugo
11:15 "at ipinasabi: 'Wala kaming kinakamkam na lupa ng Moab o ng Ammon."
11:16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa ilang patungong Look ng Aqaba hanggang sa Cades.
11:17 Pagkatapos, nagpadala sila ng sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito ngunit hindi pinayagan. Gayon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasiya nilang tumigil sa Cades.
11:18 '"Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa ilang. Nilihisan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Doon sila humimpil. Hindi sila tumawid ng ilog pagkat iyon ang hangganan ng Moab."
11:19 At nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sehon ng mga Amorreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito.
11:20 Ngunit hindi pumayag si Sehon. Sa halip, tinipon niya sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita.
11:21 Ngunit sila'y ipinalupig ni Yahweh sa mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amorreo sa dakong yaon ay nasakop ng mga Israelita:
11:22 buhat sa Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa ilang, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran.
11:23 Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amorreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita.
11:24 At ngayo'y ibig ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyusan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong pakikialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos.
11:25 Akala mo ba'y mas malakas ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? At minsan man ba'y tinangka niyang digmain ang Israel?
11:26 Hindi ba't ang mga Israelita ay 300 taon nang naninirahan sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon? Bakit ngayon lamang ninyo naisipang kunin ang mga ito?
11:27 "Wala kaming ginagawang masama sa inyo, bakit ninyo kami ginugulo? Si Yahweh ang bahalang humatol sa atin.'"
11:28 Ngunit ang pasabing ito ni Jefte ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita.
11:29 Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Jefte. Nagpunta siya sa Galaad at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Galaad at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonita.
11:30 "At nangako si Jefte kay Yahweh ng ganito: 'Kapag niloob ninyo na malupig ko ang mga Ammonitang ito,"
11:31 "susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang sasalubong sa akin pag-uwi ko.'"
11:32 Sinalakay nga ni Jefte ang mga Ammonita at pinagtagumpay siya ni Yahweh.
11:33 Nalupig nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lunsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonita. ( Ang Anak ni Jefte )
11:34 Nang magbalik si Jefte sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng kanyang tamburin. Siya lamang ang anak ni Jefte.
11:35 "Nang makita siya ni Jefte, hinapak niya ang kanyang kasuutan at buong paghihinagpis na sinabi, 'Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Naipangako ko kay Yahweh na ihahandog ko sa kanya ang unang kasambahay kong sasalubong sa akin ngayon.' "
11:36 "Sumagot ang anak ni Jefte, 'Kung nakapangako kayo sa kanya, tuparin ninyo yamang niloob niyang magtagumpay kayo sa inyong mga kaaway na mga Ammonita."
11:37 "Ngunit may isa lamang po akong ipakikiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkadalaga.'"
11:38 Pumayag naman si Jefte na umalis nang dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkadalaga pagkat mamamatay siya nang hindi magkaka-asawa.
11:39 Pagkaraan nang dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang pangako kay Yahweh. At siya'y namatay na isang dalaga. Mula noon, naging kaugalian na sa Israel
11:40 na taun-taon ay apat na araw na ipagluksa ng mga kababaihan ang kamatayan ng anak ni Jefte.
12:1 ( Si Jefte at ang Lipi ni Efraim ) "Ang mga kalalakihan ng Efraim ay tinipon at pinahanda sa pakikipagdigma. Sama-sama silang tumawid ng Ilog Jordan at nagpunta sa Zafon upang harapin si Jefte. Itinanong nila sa kanya, 'Bakit hindi mo kami tinawag bago ka nakipagdigma sa mga taga-Ammon? Dahil sa ginawa mong iyan, susunugin namin ang bahay mo at itatambak ka namin doon.' "
12:2 "Sumagot si Jefte, 'Kami at ang mga Ammonita ay nagkaroon ng matinding alitan. Nanghingi kami ng tulong sa inyo ngunit hindi ninyo kami pinansin."
12:3 "Kaya, isinuong ko na ang buhay ko sa pakikipagdigma sa kanila. Niloob naman ni Yahweh na magtagumpay kami. Ito ba ang dahilan kaya ninyo kami ibig digmain?'"
12:4 "Tinipon ni Jefte ang kanyang mga tauhan at nilabanan ang mga taga-Efraim pagkat sinabi ng mga ito: 'Kayong mga taga-Galaad ay kasiraan ng Efraim at Manases!' Ang mga taga-Efraim ay nalupig ng mga taga-Galaad."
12:5 "Binantayan nila ang mga lugar ng Ilog Jordan na maaaring tawiran ng tao upang hindi makatawid ang mga taga-Efraim. Ang sinumang ibig tumawid, tinatanong nila kung taga-Efraim. Pag sumagot ng, 'Hindi,'"
12:6 "ipasasabi nila ang salitang, 'Shibolet.' Kung hindi ito mabigkas na mabuti at sa halip niyon ay sabihing, 'Sibolet,' papatayin nila ito sa may tawiran ng Ilog Jordan. At nang panahong yaon, umabot sa 42,000 taga-Efraim ang kanilang napatay. "
12:7 Si Jefte ay anim na taong naging hukom ng Israel. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa sariling bayan sa Galaad. ( Sina Ibzan, Elon at Abdon )
12:8 Nang mamatay si Jefte, si Ibzan na taga-Betlehem ang pumalit sa kanya bilang hukom ng Israel.
12:9 Animnapu ang kanyang anak: tatlumpung lalaki at tatlumpung babae. Ang pinili niyang maging asawa ng kanyang mga anak ay pawang di kabilang sa kanilang angkan. Pitong taon siyang namahala sa Israel.
12:10 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Betlehem.
12:11 Pagkaraan ni Ibzan, si Elon na taga-Zabulon ang naging hukom sa Israel at ito'y tumagal nang sampung taon.
12:12 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Ayalon, sakop ng Zabulon.
12:13 Ang humalili kay Elon ay si Abdon na anak ni Hillel na taga-Piraton.
12:14 Ang mga anak niyang lalaki ay apatnapu at siya'y may tatlumpung apo; bawat isa sa kanila'y may sariling asno. Ang pamamahala ni Abdon ay tumagal nang walong taon.
12:15 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Piraton, sakop ng Efraim, sa kaburulang sakop ng mga Amalecita.
13:1 ( Ang Kapanganakan ni Samson ) Ang mga Israelita'y muling tumalikod kay Yahweh kaya sila'y ipinasakop niya sa mga Filisteo sa loob ng apatnapung taon.
13:2 Nang panahong iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking Manoa ang pangalan, kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak.
13:3 "Minsan, napakita sa babae ang anghel ni Yahweh, at sinabi, 'Hanggang ngayo'y wala kang anak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak."
13:4 Mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang bawal na pagkain.
13:5 "Kung maipanganak mo na siya, huwag mong papuputulan ng buhok pagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay itatalaga na siya sa Diyos. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.' "
13:6 "Ang babae'y lumapit sa kanyang asawa at kanyang sinabi: 'Napakita sa akin ang isang propeta ng Diyos, parang anghel. Kinikilabutan ako! Hindi ko tinanong kung tagasaan siya at hindi naman niya sinabi kung sino siya."
13:7 "Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang bawal na pagkain pagkat ang sanggol na isisilang ko'y itatalaga sa Diyos.' "
13:8 "Dahil dito, nanalangin si Manoa: 'Yahweh, kung maaari'y pabalikin ninyo sa amin ang nasabing propeta ng Diyos upang sabihin ang lahat ng nararapat naming gawin sa magiging anak namin.'"
13:9 Tinugon naman siya ni Yahweh. Napakita uli ang anghel sa asawa ni Manoa minsang ito'y nag-iisang nakaupo sa bukid.
13:10 "Dali-dali niyang hinanap ang kanyang asawa at sinabi, 'Manoa, halika! Narito na naman yaong taong napakita sa akin noong isang araw.' "
13:11 "Sumunod naman si Manoa. Pagkakita niya sa tao, tinanong niya, 'Kayo ba ang nakausap nitong asawa ko?' 'Oo,' tugon nito. "
13:12 '"Kung magkakatotoo ang sinabi ninyo, magiging ano ang bata at ano ang dapat naming gawin?' tanong ni Manoa. "
13:13 "Sumagot ang anghel, 'Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya."
13:14 "Huwag siyang kakain ng anumang mula sa puno ng ubas. Huwag rin siyang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang bawal na pagkain. Sundin niyang mabuti ang sinabi ko sa kanya.' "
13:15 '"Huwag muna kayong aalis at ipaghahanda ko kayo ng isang kambing na bata,' sabi ni Manoa. "
13:16 '"Huwag mo na akong ipaghanda at hindi ko kakanin. Kung ibig mo, magsunog ka na lamang ng handog kay Yahweh,' sagot ng anghel. (Hindi alam ni Manoa na anghel ang kausap niya.) "
13:17 "Sinabi ni Manoa, 'Kung gayo'y sabihin man lang ninyo sa amin ang inyong pangalan para malaman namin kung sino ang pasasalamatan namin sa sandaling magkatotoo itong sinasabi ninyo.' "
13:18 "Sumagot ang anghel, 'Huwag na ninyong itanong ang aking pangalan. Mahirap unawain. Kapita-pitagan.'"
13:19 Noon din, si Manoa'y kumuha ng kambing at handog na butil. Sinunog niya ito sa ibabaw ng isang malaking bato bilang handog kay Yahweh na laging gumagawa ng kababalaghan.
13:20 Nang maliyab na ang apoy, nakita ng mag-asawang Manoa na ang anghel ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng ningas. Nagpatirapa silang mag-asawa,
13:21 pagkat noon nila naisip na ang nakausap nila'y isang anghel ni Yahweh. Hindi na nila nakita uli ang anghel.
13:22 "Makalipas ang ilang sandali, sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, 'Tiyak na mamamatay tayo pagkat nakita natin ang Diyos.' "
13:23 "Ngunit ang sagot ng kanyang asawa, 'Kung papatayin tayo ni Yahweh, hindi sana niya tinanggap ang ating handog. Hindi rin sana niya pinahintulutang masaksihan natin ang lahat ng ito, ni sabihin ang mga narinig natin.' "
13:24 Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang bata na patuloy na pinagpapala ni Yahweh.
13:25 Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Samson at siya'y pinakilos nito sa kampamento ng Dan, sa pagitan ng Zora at Estaol.
14:1 ( Si Samson at ang Dalagang Taga-Timna ) Minsan, si Samson ay nagpunta sa Timna at nakakita siya roon ng isang dalagang Filistea.
14:2 "Nang siya'y umuwi, sinabi niya sa kanyang mga magulang, 'Mayroon po akong nakitang isang dalaga sa Timna at siya ang ibig kong mapangasawa.' "
14:3 '"Bakit naman gusto mo pang sa angkan ng mga di-tuling iyon ka pipili ng mapapangasawa? Wala ka bang mapili sa ating mga kamag-anak o kababayan?' tanong ng mga ito. Sumagot si Samson, 'Basta po siya ang ibig kong mapangasawa.' "
14:4 Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo pagkat ang Israel noon ay nasasakop ng mga ito.
14:5 Si Samson ay sumama sa kanyang mga magulang nang magpunta ang mga ito sa Timna. Sa daan, sa may ubasan bago dumating ng bayan, inangilan siya ng isang leon.
14:6 Pinalakas siya ng Espiritu ni Yahweh at niluray niya ang leon na para lamang isang bisirong kambing. Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang.
14:7 Pinuntahan nga ni Samson ang babae at kinausap. Lalo niya itong nagustuhan.
14:8 Pagkalipas ng ilang araw, nagbalik siya upang pakasalan na ang babae. Pagtapat niya sa pinagpatayan niya noong leon, naisipan niyang tingnan ito. Ang nakita niya'y isang malaking bahay ng pukyutan sa loob ng katawan ng napatay niyang leon.
14:9 Sinalok niya ng kanyang kamay ang pulot at kinain saka nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagbabalik niya, inuwian pa niya ng pulot ang kanyang mga magulang. Kinain naman nila ito ngunit di alam kung saan galing. Hindi sinabi ni Samson na yaon ay galing sa katawan ng napatay niyang leon.
14:10 Tulad ng kaugalian, pitong araw na naghanda si Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa.
14:11 Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki.
14:12 "Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya: 'Mayroon akong bugtong. Pag nahulaan ninyo bago matapos ang handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang bihisan."
14:13 "Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang bihisan.' Sumagot sila, 'Payag kami.' "
14:14 "Sinabi ni Samson, 'Mula sa mangangain ay lumabas ang pagkain; at mula sa malakas, matamis ay lumabas.' Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan. "
14:15 "Nang ika-4 na araw, sinabi nila sa mapapangasawa ni Samson, 'Gawan mo ng paraang malaman namin ang sagot sa bugtong ni Samson. Kung hindi, susunugin ka namin at ang inyong bahay. Inimbitahan ba ninyo kami para paghirapin?' "
14:16 "Kaya, lumapit ang babae kay Samson at lumuluhang sinabi, 'Hindi mo ako talagang mahal. Nagpapahula ka ng bugtong sa aking mga kaibigan ngunit hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.' Sumagot si Samson, 'Kung sa aking mga magulang ay hindi ko ito ipinaalam, sa iyo pa?'"
14:17 Ang babae'y patuloy ng pag-iyak at pag-amuki kay Samson sa loob ng pitong araw nilang handaan. Kaya, nang ika-7 araw, sinabi niya ang sagot sa bugtong dahil sa kapapakiusap nito. Ang sinabi ni Samson ay sinabi naman nito sa kanyang mga kaibigan.
14:18 "At bago dumilim ang ika-7 araw, ang mga taga-Timna ay nagpunta kay Samson at kanilang sinabi, 'May tatamis pa ba sa pulut-pukyutan at may lalakas pa ba sa leong matapang?' Sinabi sa kanila ni Samson, 'Kundi pa ninyo sinapakat ang aking maybahay hindi ninyo malalaman kung ano'ng kasagutan.' "
14:19 At si Samson ay pinalakas ng Espiritu ni Yahweh. Nagpunta siya sa Ascalon at pumatay ng tatlumpung tao. Kinuha niya ang magagarang kasuutan nito at ibinigay sa mga nakasagot sa kanyang bugtong. Pagkatapos, umuwi siyang galit na galit dahil sa nangyari.
14:20 At ang asawa niya'y ipinagbilin niya sa kanyang abay na pandangal.
15:1 Di nagtagal at dumating ang panahon ng anihan. Dala ang isang batang kambing, dinalaw ni Samson ang kanyang asawa, ngunit ayaw siyang papasukin ng biyenan niyang lalaki.
15:2 "Sa halip ay sinabi, 'Akala ko'y hindi mo na siya babalikan, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan mo. Ngayon, kung ibig mo, nariyan ang mas bata sa kanya at mas maganda pa. Siya ang iyong puntahan.' "
15:3 "Sumagot si Samson, 'Sa ginawa ninyong iyan, hindi na ninyo ako masisisi sa gagawin ko sa inyo, mga Filisteo.'"
15:4 Dali-dali siyang umalis at humuli ng 300 asong-gubat. Pinagkabit niya ito sa buntot nang dala-dalawa at kinabitan ng maliliit na sulo.
15:5 Pagkatapos ay sinindihan niya ang sulo at pinawalan sa triguhan ang mga asong-gubat. Kaya nasunog na lahat ang trigo, hindi lamang ang mga naani na kundi pati yaong hindi pa naaani. Ganoon din ang ginawa niya sa taniman ng olibo.
15:6 Nang magkagayon, ipinagtanong ng mga Filisteo kung sino ang may kagagawan niyon. At nalaman nilang si Samson. Nalaman din nilang ginawa iyon ni Samson dahil sa asawa niyang ibinigay ng biyenan sa abay na pandangal. Kaya't hinanap nila ang babae at sinunog, pati ama nito. Dahil dito, lalong nagalit si Samson.
15:7 "Sinabi niya, 'Dahil sa ginawa ninyong ito sa akin, hindi ako titigil hangga't hindi ako nakagaganti sa inyo.'"
15:8 Sila'y dinaluhong niya at marami ang kanyang napatay. Pagkatapos, tumakas siya at nagtago sa kuweba ng Etam. ( Nilupig ni Samson ang mga Filisteo )
15:9 Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at ang bayan ng Lehi.
15:10 "Nag-usisa ang mga taga-Juda, 'Bakit ninyo kami sinasalakay?' 'Upang hulihin si Samson dahil sa kapinsalaang ginawa niya sa amin,' sagot nila. "
15:11 "Ang 3,000 kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, 'Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Heto! Pati kami'y nadadamay!' 'Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,' sagot niya. "
15:12 "Sinabi nila, 'Naparito kami para gapusin ka! Ibibigay ka namin sa mga Filisteo.' Sumagot si Samson, 'Payag ako kung hindi ninyo ako papatayin.' "
15:13 "Sinabi nila, 'Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.' At siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid. "
15:14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay nilukuban ng Espiritu ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang marupok na sinulid.
15:15 May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ipinampatay sa may 1,000 Filisteo.
15:16 "Pagkatapos noon, umawit siya ng ganito: 'Sa pamamagitan ng panga ng asno, pumatay ako ng 1,000 Sa pamamagitan ng panga ng asno, natambak ang mga tao.' "
15:17 Pagkatapos, itinapon niya ang panga ng asno at ang lugar na yao'y tinawag na Burol ng Panga.
15:18 "Si Samson ay nakadama ng matinding uhaw. Dumulog siya kay Yahweh: 'Niloob ninyong ako'y magtagumpay ngunit ngayo'y mamamatay ako ng uhaw. Pag nagkagayon, mabibihag din ako ng mga taong ito na hindi kumikilala sa iyo.'"
15:19 Ang Diyos ay nagpalitaw ng isang bukal sa Lehi. Uminom si Samson at nanauli ang kanyang lakas. Ang bukal na yaon ay tinawag niyang Bukal ng Tumawag sa Diyos. Naroon pa ito hanggang ngayon.
15:20 Ang mga Israelita'y pinamunuan ni Samson sa loob ng dalawampung taon. Nasa ilalim sila noon ng mga Filisteo.
16:1 ( Si Samson sa Gaza ) Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. May nakilala siyang isang babaing nagbibili ng panandaliang aliw at doon siya nagpalipas ng gabi.
16:2 Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na yaon, at magdamag na nagbantay sa pagpasok ng lunsod. Ipinasiya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson.
16:3 Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron. ( Sina Samson at Delila )
16:4 Sa kapatagan naman ng Sorec ay may isang dalagang ang pangala'y Delila. Nabighani rito si Samson.
16:5 "Nilapitan ito ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, 'Gawan mo ng paraang malaman kung ano ang sekreto ng kanyang lakas at nang mabihag namin. Pag nagawa mo iyan, bibigyan ka namin ng tig-1,100 pilak.' "
16:6 "Kaya't nang dalawin siya ni Samson, itinanong niya, 'Saan ba nanggagaling ang lakas mo? Sakaling may huhuli sa iyo, ano ang dapat gawin para hindi ka makalaban?' "
16:7 "Sumagot si Samson, 'Pag ako'y ginapos ng pitong yantok na sariwa, hindi na ako makawawala.'"
16:8 Sinabi ito ni Delila sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong yantok na sariwa na igagapos kay Samson.
16:9 "Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang kwarto. Pagkatapos ay sumigaw si Delila, 'Samson, may dumarating na mga Filisteo!' Ang yantok na nakagapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang marupok na tali. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas. "
16:10 "Dahil dito, sinabi ni Delila, 'Hindi mo ako mahal. Bakit ayaw mong sabihin sa akin kung paano ka magagapos nang hindi makawawala.' "
16:11 "Kaya, sinabi ni Samson, 'Pag ako'y ginapos ng lubid na hindi pa nagagamit, hindi na ako makawawala.' "
16:12 "Si Delila ay kumuha ng bagong tali at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, 'Samson, may dumarating na mga Filisteo!' At ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang lumalagot ng sinulid. Sa kabilang kwarto naman, naroon pa rin ang mga Filisteo. "
16:13 "Kaya sinabi uli ni Delila kay Samson, 'Hanggang ngayo'y niloloko mo ako. Ayaw mo pang sabihin kung paano ka magagapos nang di makawawala.' Sinabi ni Samson, 'Pagka pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, hindi na ako makawawala.' "
16:14 "Kaya, pinatulog ni Delila si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, 'Samson! May dumarating na mga Filisteo!' Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok. "
16:15 "Kaya't sinabi sa kanya ni Delila, 'Ang sabi mo'y mahal mo ako, hindi pala totoo. Tatlong beses mo na akong niloloko. Bakit ayaw mong sabihin sa akin ang lihim ng iyong lakas?' "
16:16 Araw-araw ay iyon ang iniuukilkil niya kay Samson hanggang sa mainis ito.
16:17 "Kaya, sinabi na niya ang totoo, 'Alam mo, mula sa pagkabata'y itinalaga na ako sa Diyos. Kahit kailan, hindi pa nasasayaran ng panggupit ang aking buhok. Kaya, pag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao.' "
16:18 Nadama ni Delila na nagsasabi na ng totoo si Samson, kaya nagpasugo siya sa mga pinunong Filisteo. Ipinasabi niyang nagtapat na si Samson kaya maaari na silang magbalik sa Sorec. Nagbalik nga roon ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delila.
16:19 Si Samson naman ay pinatulog ni Delila sa kanyang kandungan. Nang ito'y mahimbing na, tumawag siya ng isang tao at pinagupitan si Samson. Pagkatapos, ginising niya ito
16:20 "at kanyang sinabi, 'Samson! May dumarating na mga Filisteo!' Nagtangkang bumangon si Samson pagkat akala niya'y makawawala siyang tulad ng dati. Hindi pa niya namamalayang nilayuan na siya ni Yahweh."
16:21 Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa gilingan sa bilangguan.
16:22 At doon, unti-unting humaba uli ang kanyang buhok. ( Ang Kamatayan ni Samson )
16:23 "Minsan, nagkatipon ang mga pinunong Filisteo upang magdiwang at maghandog sa diyus-diyusan nilang si Dagon. Sa kanilang pagdiriwang ay umaawit sila ng: 'Pinagtagumpay tayo ng ating diyos laban kay Samson na ating kaaway.'"
16:24 "Nang siya'y makita ng mga taong-bayan, ang mga ito'y umawit din ng, 'Niloob ng ating diyus-diyusan na tayo'y magtagumpay laban sa lumupig sa atin at pumatay sa marami nating kasamahan.'"
16:25 At sa laki ng kanilang katuwaan, naisipan pa nilang paglaruan si Samson. Inilabas nila ito sa bilangguan at pinatayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi.
16:26 "Sinabi ni Samson sa batang umaakay sa kanya, 'Ihawak mo ang aking mga kamay sa mga haligi ng gusaling ito at sasandal lang ako.'"
16:27 Ang gusali'y nagsisikip sa dami ng tao, babae't lalaki, lahat-lahat ay may 3,000. Naroon din ang mga pinunong Filisteo. Masaya nilang pinanonood si Samson.
16:28 "At nanalangin si Samson, 'Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukit nila sa aking mga mata.'"
16:29 Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang poste sa gitna ng gusali,
16:30 "at malakas na sinabi, 'Mga Filisteo, sama-sama tayong mamamatay ngayon!' Tinipon niya ang nalalabi pa niyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at kasamang bumagsak ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroon. Kaya, ang napatay niya sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami kaysa noong kanyang kalakasan. "
16:31 Ang bangkay ni Samson ay kinuha ng kanyang mga kamag-anak at inilibing sa puntod ng ama niyang si Manoa, sa pagitan ng Zora at Estaol. Dalawampung taon siyang naging hukom sa Israel.
17:1 ( Ang Diyus-diyusan ni Micaya ) Sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang isang tao na Micaya ang pangalan.
17:2 "Minsan, sinabi niya sa kanyang ina, 'Nang mawala ang 1,100 ninyong pilak, narinig kong sinumpa ninyo ang nagnakaw. Ako po ang kumuha. Heto po, isinasauli ko na sa inyo.' Pagkatanggap sa mga pilak, sinabi ng ina, 'Pagpalain ka ni Yahweh, anak ko."
17:3 "Ang mga pilak na ito'y inihahandog ko kay Yahweh upang gawing imahen para sa aking anak.' 'Kaya nga po ibinabalik ko sa inyo,' tugon ni Micaya."
17:4 Nang ibalik ni Micaya ang pilak ng kanyang ina, kinuha nito ang 200 at ibinigay sa isang platero upang gawing imahen. Pagkayari, inilagay niya ito sa bahay ni Micaya.
17:5 Si Micaya ay may sariling dambana. Mayroon din siyang iba't ibang diyus-diyusan at ang saserdote niya ay isa sa kanyang mga anak.
17:6 Nang panahong iyon, walang hari ang Israel kaya malayang nagagawa ninuman ang kanyang maibigan.
17:7 Samantala sa Betlehem, Juda ay may isang kabataang Levita.
17:8 Isang araw umalis ito at naghanap ng tirahan sa ibang lugar. Sa kanyang paglalakbay, nadaan siya sa bahay ni Micaya sa kaburulan ng Efraim.
17:9 "Tinanong siya nito, 'Tagasaan ka?' 'Ako po'y buhat sa Betlehem, Juda at isang Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan,' sagot niya. "
17:10 "Sinabi ni Micaya, 'Kung gayon, dito ka na. Ikaw ang gagawin kong tagapayo at saserdote. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak taun-taon, bukod sa damit at pagkain.'"
17:11 Pumayag ang Levita sa alok ni Micaya at siya'y itinuring nitong parang tunay na anak.
17:12 Itinalaga siya bilang saserdote, at doon pinatira.
17:13 "Sinabi ni Micaya, 'Ngayon, natitiyak kong ako'y pagpapalain ni Yahweh pagkat mayroon na akong isang saserdoteng Levita.'"
18:1 ( Si Micaya at ang Angkan ni Dan ) Wala ngang hari noon ang Israel. Ang angkan ni Dan ay kasalukuyang naghahanap ng lugar na matitirhan. Wala silang tirahan noon pagkat wala pa silang natatanggap na mana.
18:2 Kaya't pumili sila ng limang pangunahin sa kanilang angkan at pinahanap ng matitirhan nilang lahat. Ang limang inutusan ay nagpunta sa lugar ni Micaya at sa bahay nito tumuloy.
18:3 "Samantalang naroon sila, nakilala nilang Levita ang kasama ni Micaya dahil sa punto ng salita nito. Kaya, tinanong nila ito, 'Bakit ka narito? Sino ang nagdala sa iyo rito? At anong ginagawa mo rito?' "
18:4 '"Nagtatrabaho ako kay Micaya bilang saserdote,' sagot niya. "
18:5 "Sinabi nila sa kanya, 'Kung gayon, isangguni mo sa Diyos kung magtatagumpay kami sa lakad naming ito.' "
18:6 "Sinabi ng Levita, 'Huwag kayong mag-alaala. Pinapatnubayan kayo ni Yahweh sa lakad ninyo.' "
18:7 Ang lima ay nagpatuloy sa kanilang lakad at nakarating sa Lais. Nakita nilang tahimik doon. Panatag ang loob ng mga tagaroon, payapa at sapat sa lahat ng pangangailangan. Ang lugar na iyon ay malayo sa mga Sidonio at walang pakikiugnay sa ibang tao.
18:8 Nang magbalik sila sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila.
18:9 "Ang sabi nila, 'Mainam na lugar iyon. Kaya, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lumusob na tayo at nang masakop natin agad."
18:10 "Malawak ang lupaing 'yon at sagana sa lahat ng pangangailangan. At hindi nila iisiping sasalakayin natin sila.' "
18:11 Kaya, lumakad ang may 600 mandirigma ng lipi ni Dan.
18:12 Humimpil sila sa may Lunsod ng Kiryat-jearim sa Juda, at hanggang ngayon, ang lugar na yao'y tinatawag na Kampo ni Dan.
18:13 Mula roon, binagtas nila ang kaburulan ng Efraim at nagtuloy sa bahay ni Micaya.
18:14 "Sinabi sa kanila ng limang naniktik sa Lais, 'Sa bahay na ito ay may isang rebultong balot ng pilak, bukod pa sa ibang diyus-diyusan. Ano sa palagay ninyo ang mainam nating gawin para makuha ang mga iyon?'"
18:15 Pagkatapos pagkaisahan ang dapat gawin, pumunta sila sa bahay ni Micaya at kinumusta ang Levitang nakatira roon.
18:16 Samantalang naghihintay sa tarangkahan ang kasama nilang 600 kawal,
18:17 ang limang tiktik ay tuluy-tuloy na pumasok sa bahay ni Micaya at kinuha ang lahat na diyus-diyusan doon, pati ang balot ng mga ito. Ang saserdote naman ay nasa tarangkahan, kasama ng 600 kawal.
18:18 "Nang makita ng saserdote na sinamsam ng limang lalaki ang mga imahen, itinanong niya, 'Bakit ninyo kinuha iyan?' "
18:19 "Sinabi nila, 'Huwag kang maingay, sumama ka sa amin at ikaw ang gagawin naming saserdote at tagapayo. Alin ba ang ibig mo, ang maging saserdote ng isa sa lipi ng Israel o ng isang sambahayan lamang?'"
18:20 Nagustuhan ng saserdote ang alok sa kanya, kaya kinuha niya ang mga imahen at galak na galak na sumama sa kanila.
18:21 At nagpatuloy sila ng paglalakbay. Nasa unahan nila ang mga bata, matanda, kababaihan, mga kawan at ang mga kagamitan.
18:22 Hindi pa sila gaanong nakalalayo sa bahay ni Micaya ay tinipon nito ang kanyang mga kapitbahay at tinugis nila ang mga Daneo,
18:23 "na kanilang hinihiyawan. Nang mag-abot sila, tinanong ng mga Daneo si Micaya, 'Ano ba ang nangyayari at nagkakagulo kayo?' "
18:24 "Sumagot si Micaya, 'Itinatanong pa ninyo gayong tinangay ninyo ang aking saserdote at kinuhang lahat ang aking mga diyus-diyusan! Wala na kayong itinira sa akin.' "
18:25 "Sinabi nila, 'Mabuti pa'y magsawalang-kibo ka na lang. Baka marinig ka ng mga kasama ko'y patayin ka pati ang iyong sambahayan.'"
18:26 At nagpatuloy sila sa paglakad. Nakita ni Micaya na hindi niya kaya ang mga Daneo kaya walang kibong nagbalik at umuwi.
18:27 Nagtuloy ang mga Daneo sa Lais, dala ang mga imahen ni Micaya pati ang saserdote. Sinalakay nila ang Lais, pinatay ang mga tagaroon, at sinunog ang buong lunsod.
18:28 Walang nagtanggol sa mga tagaroon pagkat malayo ito sa Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Ang lugar na ito ay nasa kapatagan ng Bet-rehob. Matapos sunugin, muli itong itinayo ng mga Daneo at kanilang tinirhan.
18:29 Ang dating pangalang Lais ay pinalitan nila ng Dan, batay sa pangalan ng kanilang ninuno na isa sa mga anak ni Jacob.
18:30 Ipinagtayo nila ng dambana ang mga diyus-diyusan ni Micaya at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gersom ang ginawa nilang saserdote. Mula noon, ang lahi nito ang nagsilbing saserdote nila hanggang sa sila'y itapon.
18:31 Ang diyus-diyusan naman ni Micaya ay nanatili roon hanggang hindi iniaalis sa Silo ang Templo ng Diyos.
19:1 ( Ang Levita at ang Babae Nito ) Nang panahong walang hari ang Israel, may isang Levita sa malayong dako ng kaburulan ng Efraim. Siya ay nakapangasawa ng isang taga-Betlehem, Juda.
19:2 Minsan, nagalit ang babae at umuwi sa Betlehem. Pagkalipas ng apat na buwan,
19:3 naisipan ng Levita na puntahan ang asawa at himuking makisama uli sa kanya. Nagpagayak siya ng dalawang asno at lumakad na kasama ang isang katulong. Pagdating doon, pinatuloy sila ng babae at malugod na tinanggap ng biyenang lalaki.
19:4 Pinilit pa siyang tumigil doon, kaya dumuon siya ng tatlong araw.
19:5 "Nang ika-4 na araw, maaga silang nagbangon at gumayak sa pag-uwi. Ngunit sinabi ng ama ng babae, 'Kumain muna kayo bago lumakad para hindi kayo gutumin sa daan.'"
19:6 "Napapigil naman sila at magkakasalo pang kumain. Nang lumaon, sinabi ng ama, 'Magpabukas na kayo at lubus-lubusin na natin ang pagsasayang ito.'"
19:7 Ayaw sana niyang papigil ngunit mapilit ang pakiusap ng biyenan kaya napahinuhod na siya.
19:8 "Kinaumagahan, muli silang gumayak sa paglakad ngunit sinabi na naman ng ama ng babae, 'Kumain muna kayo at mamaya na lumakad.' Kaya't nagsalo uli sila sa pagkain. "
19:9 "Nang sila'y lalakad na, sinabi ng ama, 'Lulubog na ang araw at maya-maya lang ay madilim na. Mabuti pa'y dito na uli kayo matulog at bukas na ng umagang-umaga kayo umuwi.' "
19:10 Ngunit hindi na pumayag ang Levita. Sa halip, lumakad na sila. Pagdating sa tapat ng Jebus o Jerusalem,
19:11 "hirap na hirap na sila, kaya, sinabi ng bataan, 'Mabuti pa po'y tumuloy na tayo ng lunsod at doon na tayo magpalipas ng gabi.' "
19:12 "Sinabi ng Levita, 'Ni hindi tayo maaaring tumuntong sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy na tayo ng Gabaa."
19:13 "Tulin-tulinan ninyo ang lakad at sa Gabaa o sa Rama na tayo magpalipas ng gabi.'"
19:14 Kaya lumampas sila ng Jebus, at nagpatuloy sa kanilang lakad. Lumulubog na ang araw nang sila'y dumating sa Gabaa, isang bayang sakop ng lipi ni Benjamin.
19:15 Pumasok sila, at ang balak ay sa pintuang-bayan magpalipas ng gabi pagkat wala silang alam na tutuluyan.
19:16 Sa daraan noon ang isang matandang lalaki mula sa bukid. Ang matandang ito'y dating taga kaburulan ng Efraim ngunit sa Gabaa na nakatira, bagaman ito'y sakop ng Benjamin.
19:17 "Napansin niya ang Levita sa pintuang-bayan. Nilapitan niya ito at tinanong, 'Tagasaan kayo at saan kayo pupunta?' "
19:18 "Sumagot ang Levita, 'Galing po kami sa Betlehem, at papauwi na sa kaburulan ng Efraim. Wala po kaming matuluyan."
19:19 "Mayroon po kaming pagkain, gayon din ang aming mga asno. Husto po kami sa aming kailangan.' "
19:20 "Sinabi ng matandang lalaki, 'Sa amin na kayo magpalipas ng gabi, huwag dito sa pintuang-bayan.'"
19:21 Sumama naman sila sa matanda. Pagdating ng bahay, pinakain ng matanda ang mga asno ng kanyang panauhin. Sila naman ay naghugas ng paa, at kumain.
19:22 "Nang sila'y kasalukuyang kumakain, ang bahay ay pinaligiran ng mga tagaroong mahilig makipagtalik sa lalaki at kinalampag ang pinto. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, 'Ibigay mo sa amin ang lalaking panauhin mo at sisipingan namin.' "
19:23 "Sumagot ang matanda, 'Huwag, mga kaibigan. Napakahalay ng iniisip ninyong iyan. Nakikiusap ako sa inyo na igalang ang taong ito pagkat siya'y aking panauhin."
19:24 "Kung gusto ninyo, ang kanyang asawa o ang anak kong dalaga. Sila ang ibibigay ko sa inyo at gawin ninyo ang ibig ninyong gawin, huwag lang itong panauhin kong lalaki.'"
19:25 Ayaw makinig ng mga tao, kaya inilabas sa kanila ng Levita ang asawa nito, at ito'y magdamag na inabuso ng mga lalaki.
19:26 Nang mag-uumaga na, ang babae'y nahandusay na lamang sa pintuan ng bahay ng matanda at doon na sinikatan ng araw.
19:27 Nang buksan ng Levita ang pinto upang magpatuloy sa kanyang lakad, nakita niya roon ang kanyang asawang nakadapa at ang mga kamay ay nakahawak pa sa pintuan.
19:28 "Sinabi niya, 'Bangon na at uuwi na tayo.' Ngunit patay na ang babae, kaya isinakay niya ang bangkay sa kanyang asno at nagpatuloy ng lakad. "
19:29 Pagdating sa kanila, pinagputul-putol niya sa labindalawang piraso ang bangkay ng asawa at ipinadala sa buong Israel.
19:30 "Lahat ng makakita rito'y nagsabi, 'Wala pang nangyaring ganito buhat nang umalis sa Egipto ang mga Israelita. Ano ang mabuti nating gawin?'"
20:1 ( Naghanda ang Israel Upang Digmain ang Benjamin ) Ang mga Israelita, mula sa Dan sa gawing hilaga hanggang sa Beerseba sa timog, at mula sa Galaad sa silangan, ay nagtipun-tipon sa Mizpa, sa harapan ni Yahweh,
20:2 kasama ang mga pinuno ng bawat lipi. Lahat-lahat ay umabot ng 400,000.
20:3 "Ang pangyayaring ito'y nakaabot na sa kaalaman ng mga Benjaminita. Ang tanungan ng mga Israelita, 'Paano ba naganap ang kasamaang ito?' "
20:4 "At isinalaysay ng Levita ang pangyayari: 'Kami ng aking asawa'y nagdaan sa Gabaa na sakop ng mga Benjaminita upang doon magpalipas ng gabi."
20:5 Kinagabihan, ang bahay na tinutuluyan namin ay pinaligiran at pinasok ng mga taga-Gabaa at ibig akong patayin. Ngunit sa halip, pinaghalinhinan nila ang aking asawa hanggang sa ito'y mamatay.
20:6 Iniuwi ko ang kanyang bangkay, pinagputul-putol at ipinadala sa buong Israel. Walang kasinsama ang ginawa nilang ito sa atin.
20:7 "Ano ngayon ang iniisip ninyong gawin, mga kababayan?' "
20:8 "Sabay-sabay silang tumindig at kanilang sinabi, 'Isa man sa amin ay hindi uuwi hanggang hindi tayo nakagaganti."
20:9 Magsasapalaran tayo kung sino ang unang sasalakay sa Gabaa.
20:10 "Ang ika-10 bahagi ng ating kalalakihan ang bahala sa pangangailangan ng hukbo. Ang natitira naman ang bahalang magpahirap sa Gabaa dahil sa ginawa nilang ito sa Israel.'"
20:11 Kaya, ang kalalakihan ng Israel ay nagkaisang salakayin ang Gabaa.
20:12 "Ang mga Israelita'y nagpadala ng mga sugo sa lahat ng lugar na sakop ng Benjamin at kanilang ipinasabi, 'Napakasama nitong ginawa ninyo sa amin."
20:13 "Ibigay ninyo sa amin ang mga taga-Gabaang gumawa nito at papatayin namin para mawala ang salot sa buong Israel.' Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga Israelita."
20:14 Sa halip, nag-ipun-ipon sila sa Gabaa upang lumaban.
20:15 Nang araw ring yaon, nakatipon sila ng 26,000 kawal bukod pa ang 700 piling kawal ng Gabaa.
20:16 Sa kabuuan ay kabilang ang 700 piling kawal na pawang kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador ang hibla ng buhok.
20:17 Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan. ( Ang Digmaan ng mga Israelita at mga Benjaminita )
20:18 "Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Betel at sumangguni sa Diyos. Ang tanong nila, 'Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?' Sumagot si Yahweh, 'Ang lipi ng Juda.'"
20:19 Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa malapit sa Lunsod ng Gabaa.
20:20 Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin.
20:21 Ngunit nilabas sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal.
20:22 Gayunman hindi nasiraan ng loob ang mga Israelita. Kinabukasan, muli silang humanay sa dating lugar.
20:23 "Ngunit bago magsimula ang labanan, dumulog muna sila kay Yahweh sa tabernakulo sa Betel at maghapong lumuha. Itinanong nila kay Yahweh, 'Muli po ba naming lulusubin ang mga kapatid naming Benjaminita?' 'Oo, lusubin ninyo sila uli,' sagot ni Yahweh. "
20:24 Kaya, muli nilang nilusob ang mga Benjaminita.
20:25 Ngunit muli silang sinalubong ng mga ito sa labas ng Gabaa at sa pagkakataong ito, ang mga Israelita'y nalagasan naman ng 18,000.
20:26 Kaya, nagpunta sila sa Betel at nanaghoy. Nanatili silang nakaupo sa Templo at maghapong hindi kumain. Naghain sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan.
20:27 Muli silang sumangguni kay Yahweh. (Noon, ang Kaban ng Tipan ng Diyos ay nasa Betel
20:28 "sa pag-iingat ni Finees na anak ni Eleazar at apo ni Aaron.) Ang tanong nila, 'Lulusubin po ba namin uli ang mga kapatid naming Benjaminita o tatahimik na kami?' Sumagot si Yahweh, 'Lumusob kayo uli at bukas ng umaga'y mahuhulog na sila sa inyong kamay.' "
20:29 Ang mga Israelita'y nagtalaga ng mga kawal at pinagkubli sa paligid ng Gabaa.
20:30 Nang ika-3 araw, muli nilang sinalakay ang mga Benjaminita.
20:31 At tulad ng dati, sila'y sinalubong ng mga ito hanggang sa mapalayo sa bayan. May ilang Israelitang napatay sa sangandaan papuntang Betel at Gabaa at sa labas ng lunsod, humigit-kumulang sa tatlumpu.
20:32 Dahil dito, inisip ng mga Benjaminitang nadaig na naman nila ang mga Israelita. Hindi nila naisip na nagpahabol lamang ang mga ito upang ilayo sila sa lunsod.
20:33 Ang mga Israelitang nagpahabol ay nag-ipun-ipon sa Baal-tamar. Samantala, lumabas naman sa kanilang pinagtataguan sa paligid ng Gabaa
20:34 ang may 10,000 na pawang piling mandirigma ng Israel. Sinalakay nila ang lunsod. Naging mahigpitan ang labanan. Hindi alam ng mga Benjaminita na nalalapit na ang kanilang wakas.
20:35 Ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh at nang araw na yaon, nakapatay sila ng 25,100 Benjaminita.
20:36 Noon lamang nila nadamang nagapi sila ng mga Israelita. ( Ang Pagtatagumpay ng mga Israelita )Umurong ang malaking bahagi ng hukbo ng Israel sapagkat nagtiwala na sila sa mga lalaking pinatambang nila sa palibot ng Gabaa.
20:37 Nang malayo na ang mga Benjaminita, sinalakay nga nila ang lunsod at pinatay ang mga tagaroon.
20:38 May usapan ang mga Israelitang umurong at ang mga nakatambang sa palibot ng Gabaa na kapag may nakita silang makapal na usok sa Gabaa,
20:39 haharapin na nila ang mga Benjaminita. Noon, ang mga Benjaminita ay nakapatay na ng tatlumpung Israelita kaya iniisip nilang malulupig na naman nila ang mga Israelita.
20:40 At lumitaw nga ang makapal na usok mula sa Gabaa. Nang lumingon ang mga Benjaminita, namangha pa sila nang makitang nasusunog ang Gabaa.
20:41 Sinamantala naman ito ng mga Israelita. Hinarap na nila ang mga kaaway. Nalito ang mga Benjaminita
20:42 at nagtangkang tumakas patungong ilang. Ngunit pinagsalikupan sila ng mga Israelita,
20:43 at hindi nilubayan ng pagtugis hanggang sa silangan ng Gabaa.
20:44 Ang napatay sa mga Benjaminita ay umabot sa 18,000.
20:45 Ang iba'y nakatakas papuntang ilang, sa Bundok ng Rimon. Ang napatay sa daan ay 5,000. Patuloy silang tinugis ng mga Israelita at nakapatay pa ng 2,000.
20:46 Lahat-lahat ng napatay na Benjaminita ng araw na yaon ay 25,000.
20:47 Ang nakatakas sa Bundok ng Rimon ay 600, at ang mga ito'y nanatili roon nang apat na buwan.
20:48 Binalikan ng mga Israelita ang Lunsod ng Gabaa at pinatay ang lahat ng naroon, pati ang mga hayop. Pagkatapos, sinunog nila ang buong lunsod.
21:1 ( Ikinuha ng Asawa ang mga Benjaminita ) "Ang kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa Mizpa at nangako kay Yahweh. Ang sabi nila, 'Hindi namin pahihintulutan ang aming mga anak na babae na mapangasawa ng mga Benjaminita.' "
21:2 Pagkaraan niyon, pumunta sila sa Betel, at malungkot na humarap kay Yahweh. Hanggang gabi silang nagtalungko roon, at buong kapaitang nanangis.
21:3 "Sinabi nila, 'Yahweh, Diyos ng Israel, bakit kailangan pang mawala ang isa sa aming lipi?' "
21:4 Kinaumagahan, ang mga Israelita'y nagtayo roon ng isang altar at naghain ng mga handog para sa kapayapaan at nagsunog ng buong handog.
21:5 Nagtanungan sila kung aling lipi ng Israel ang hindi nakiisa sa pagtitipon sa Mizpa, pagkat mahigpit nilang ipinangako na papatayin ang sinumang hindi humarap doon kay Yahweh.
21:6 "Labis nilang ikinalungkot ang nangyari sa mga kapatid nilang Benjaminita. Ang sabi nila, 'Ang Israel ay nabawasan ng isang lipi."
21:7 "Saan natin ikukuha ng mapapangasawa ang mga natitira pang Benjaminita yamang tayo'y may sumpaang hindi natin papayagang mapangasawa nila ang ating mga anak?' "
21:8 "Sinabi nila, 'Ang lipi ng Israel ay may isang angkang hindi humarap kay Yahweh sa Mizpa.' Nalaman nilang wala roon ang lipi ng Jabes"
21:9 pagkat isa mang taga-Jabes ay walang lumitaw nang isa-isang tawagin ang mga tao.
21:10 Kaya, ang kapulungang yaon ay pumili ng 12,000 matatapang na kawal, pinapunta sa Jabes, at inutusang patayin ang lahat ng tagaroon,
21:11 bata't matanda, lalaki't babae, liban sa mga dalaga.
21:12 Nakakita sila ng 400 dalaga at ang mga ito'y iniuwi nila sa Silo, sakop ng Canaan.
21:13 "Pagkatapos, ang mga Israelita ay nagpasugo sa mga Benjaminitang nagtatago sa Bundok ng Rimon. Ipinasabi nila, 'Maaari na kayong umuwi pagkat tapos na ang ating digmaan.'"
21:14 Nag-uwian naman ang mga ito at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes, ngunit ito'y kulang sa kanila.
21:15 Ikinalungkot nga ng mga Israelita ang nangyari sa mga Benjaminita pagkat nabawasan ng isang lipi ang Israel.
21:16 "Kaya ang mga pinuno ay nag-usap-usap. Ang sabi nila, 'Walang natirang babaing Benjaminita. Ano ang gagawin natin para magkaasawa yaong wala pang asawa?"
21:17 Hindi natin dapat pabayaang malipol ang alinman sa lipi ng Israel. Kailangang gumawa tayo ng paraan para hindi mawala ang lipi ni Benjamin.
21:18 "Hindi naman natin maibibigay sa kanila ang ating mga anak pagkat isinumpa nating hindi papayagan na mapangasawa nila ang ating mga anak.'"
21:19 Noon nila naalaalang malapit na ang taunan nilang pista para kay Yahweh na ginaganap nila sa Silo, sa hilaga ng Betel, gawing timog ng Lebona, sa gawing silangan ng daan sa pagitan ng Betel at Siquem.
21:20 "Sinabi nila sa mga Benjaminita, 'Magtago kayo sa ubasan"
21:21 at hintayin ninyo ang mga dalagang taga-Silo. Pagdaan nila roon upang magsayaw sa pista, mang-agaw na kayo ng inyong mapapangasawa at iuwi ninyo.
21:22 "Pag nagreklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid, sasabihin na lang namin sa kanila na bayaan na kayo pagkat kulang sa inyo ang mga dalagang nakuha namin sa Jabes. Iyon naman ay hindi masasabing pagsira nila sa pangako pagkat kinuha ninyo nang wala silang pahintulot.'"
21:23 Gayon nga ang ginawa ng mga Benjaminita; bawat isa sa kanila'y pumili ng isa sa mga nagsasayaw, at tinangay. Umuwi sila sa kanilang lupain, itinayo ang kanilang mga lunsod at muling nanirahan doon.
21:24 Samantala, ang ibang mga Israelita ay umuwi na.
21:25 Nang panahong yaon ay walang hari sa Israel kaya nagagawa ng mga Israelita ang gusto nilang gawin.