08. Ruth
1:1 ( Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab ) Nang ang Israel ay pinamumunuan ng mga hukom, nagkaroon ng taggutom sa buong bayan. Kaya't may isang lalaking taga-Betlehem, Juda na sandali munang nanirahan sa Moab, kasama ang kanyang asawa't dalawang anak na lalaki.
1:2 Ito'y si Elimelec at si Noemi na kanyang asawa. Ang anak nila ay sina Mahalon at Quelion. Sila'y taal na Efrateo, o taga-Betlehem, Juda, ngunit nakipamayan muna sa Moab.
1:3 Namatay si Elimelec at naiwan si Noemi. Ang dalawa nilang anak
1:4 ay nakapangasawa ng mga Moabita, sina Orpa at Ruth. Pagkalipas ng mga sampung taon,
1:5 namatay naman sina Mahalon at Quelion, kaya't si Noemi ay naiwang ulila sa asawa't mga anak. ( Nagbalik sa Betlehem si Noemi at si Ruth )
1:6 Nabalitaan ni Noemi na ang kanyang bayan ay pinagkalooban ng Diyos ng mabuting ani kaya't humanda sila ng kanyang mga manugang na umalis sa Moab.
1:7 Naglakbay nga silang pabalik sa Juda.
1:8 "Ngunit sa daa'y kinausap niya ang mga ito: 'Magbalik na kayo sa dati ninyong tahanan, at pumisan sa inyong mga magulang. Kung paano kayo naging mabuti sa mga yumao at sa akin, sana'y maging mabuti rin sa inyo si Yahweh."
1:9 "Itulot nawa ni Yahweh na kayo'y makapag-asawang muli at magkaroon ng panibagong tahanan.' At sila'y hinagkan ni Noemi bilang pamamaalam. Ngunit napaiyak ang mga manugang"
1:10 "at sinabi sa matanda, 'Hindi namin kayo iiwan. Sasama kami sa inyo.' "
1:11 '"Mga anak, huwag na kayong sumama sa akin. Bumalik na kayo sa inyong mga magulang,' tugon ni Noemi. 'Hindi na ako magkakaanak pa upang inyong mapangasawa."
1:12 Umuwi na kayo. Matanda na ako para mag-asawa uli. Kahit na umaasa akong makapag-aasawa uli, o kahit pa ngayong gabi ako mag-asawa't magkaanak,
1:13 "mahihintay ba ninyo silang lumaki? Alam ninyong ito'y hindi mangyayari. Kaya, mag-asawa na kayo ng iba. Pinagmalupitan ako ni Yahweh, at hindi ko ibig na maparamay kayo sa aking kasawian.'"
1:14 Nagkaiyakan silang muli. Pagkaraa'y hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at tuluyang bumalik sa kanyang bayan. Ngunit nagpaiwan si Ruth.
1:15 "Sinabi ni Noemi kay Ruth: 'Ang bilas mo'y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.'"
1:16 "Tumugon si Ruth: 'Huwag na ninyong hilinging iwan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumaroon, doon ako paroroon. Kung saan kayo tumira doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang aking magiging Diyos."
1:17 "Kung saan kayo mamatay, doon ako mamamatay. Doon ako malilibing. Gawaran ako ni Yahweh ng pinakamabigat na hatol kung tulutan kong magkalayo tayo maliban na lamang kung paglayuin tayo ng kamatayan!'"
1:18 Nang matiyak ni Noemi na matatag ang pasiya ni Ruth na sumama sa kanya, hindi na siya tumutol.
1:19 "Nagpatuloy sila ng paglalakbay. Pagdating nila sa Betlehem, nagulat ang lahat. 'Hindi ba si Noemi ito?' tanong ng kababaihan. "
1:20 '"Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, ang Babaing Mapalad,' tugon niya. 'Tawagin ninyo akong Mara, ang Babaing Sawimpalad, sapagkat ako'y pinagmalupitan ng Makapangyarihang Diyos."
1:21 "Nakaririwasa kami ni Elimelec nang lumisan dito. Ngunit ibinalik ako ni Yahweh na walang taglay na anuman. Huwag na ninyo akong tawaging Mapalad pagkat ako'y binigyan ni Yahweh ng matinding kasawian sa buhay!' "
1:22 Iyan ang nangyari kaya mula sa Moab ay nagbalik si Noemi, kasama si Ruth, ang manugang niyang Moabita. Nang dumating sila sa Betlehem ay sinisimulan nang anihin ang sebada.
2:1 ( Si Ruth sa Bukid ni Booz ) Si Elimelec, ang nasirang asawa ni Noemi, ay may isang kamag-anak na ang pangala'y Booz. Mayaman ito at makapangyarihan.
2:2 "Isang araw, sinabi ni Ruth kay Noemi, 'Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.' Sumagot si Noemi, 'Ikaw ang bahala, anak.'"
2:3 Kaya't si Ruth ay nagtungo sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Ang napuntahan niya ay bukid ni Booz.
2:4 "Sa darating naman si Booz mula sa Betlehem. 'Sumainyo si Yahweh,' ang bati niya sa mga gumagapas. 'Pagpalain naman kayo ni Yahweh!' tugon nila. "
2:5 "Pagkatanaw kay Ruth, itinanong ni Booz sa katiwala, 'Sino ang babaing iyon?' "
2:6 '"Siya po ang Moabitang kasama ni Noemi nang umuwi rito mula sa Moab,' sagot ng katiwala."
2:7 '"Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.' "
2:8 "Nilapitan ni Booz si Ruth at kinausap: 'Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae."
2:9 "Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang babawalan.' "
2:10 "Yumukod si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at ang wika: 'Napakabuti ninyo sa akin, gayong ako'y dayuhan lamang.' "
2:11 "Sumagot si Booz: 'Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang makipamayan sa isang lugar na wala kang kakilala."
2:12 "Pagpalain ka nawa ng Panginoong Diyos ng Israel yamang sa kanya ka dumulog at napakalinga!'"
2:13 "Sumagot si Ruth: 'Napakabait ninyo sa akin. Pinalakas ninyo ang aking loob sa inyong sinabi. Ako po ay isang hamak na alipin at di man lamang marapat ibilang na isa sa mga manggagawa ninyo.' "
2:14 "Nang dumating ang oras ng pagkain, tinawag ni Booz si Ruth: 'Halika rito. Umabot ka ng tinapay at kumain kang mabuti.' Kaya't nakiupo na siya sa mga manggagawa, at inabutan ni Booz ng binusang sebada. Kumain naman si Ruth hanggang sa mabusog. May natira pa sa pagkaing ibinigay sa kanya."
2:15 "Nang ipagpatuloy niya ang pamumulot, pinagbilinan ni Booz ang mga manggagawa: 'Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis. Huwag ninyo siyang babawalan."
2:16 "Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya.' "
2:17 Si Ruth ay namulot hanggang gabi at giniik niya pagkatapos ang kanyang napulot. Halos kalahating kaban ang nakuha niya.
2:18 Umuwi si Ruth at ipinakita sa kanyang biyenan ang natipong sebada, at ibinigay pa niya sa matanda ang lumabis niyang pagkain.
2:19 '"Saang bukid ka ba namulot ngayon?' tanong ni Noemi. 'Pagpalain nawa ng Diyos ang taong nagmagandang-loob sa iyo!' At isinalaysay ni Ruth ang nangyari sa kanya sa bukid ni Booz."
2:20 "Ang wika ni Noemi, 'Pasaganain nawa siya ni Yahweh na hindi nakalilimot sa kanyang pangako maging sa buhay at maging sa patay.' Idinugtong pa niya, 'Kamag-anak na malapit natin ang taong iyon, isa sa may pananagutang mangalaga sa naiwan ng mga yumao.' "
2:21 "Nagpatuloy ng pagsasalaysay si Ruth: 'Sinabi pa niyang magpatuloy akong mamulot sa kanyang bukid hanggang sa matapos ang anihan niya.' "
2:22 "Sumagot si Noemi, 'Oo nga, anak. Baka mapariwara ka lamang kung sa ibang bukid ka pupunta. Mabuti ngang manatili kang kasama ng kanyang mga manggagawa.'"
2:23 Ganoon nga ang nangyari. Namulot si Ruth na kasama ng mga gumagapas sa bukid ni Booz, hanggang sa maaning lahat ang trigo at ang sebada. At namuhay siyang kapisan ng kanyang biyenan.
3:1 ( Naging Mabuti kay Ruth si Booz ) "Isang araw ay kinausap si Ruth ni Noemi. Sabi niya, 'Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan."
3:2 Natatandaan mong sinabi ko sa iyo noon na kamag-anak natin si Booz. Mga manggagawa niya ang mga kasama mo sa bukid. Ngayon, makinig kang mabuti. Magpapagiik siya ng sebada mamayang gabi.
3:3 Kaya't maligo ka, magpabango ka at magbihis ng pinakamainam mong damit. Pagkatapos, magtungo ka sa giikan. Ngunit huwag mong ipamalay na naroon ka hanggang sa makakain at makainom si Booz.
3:4 "Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.' "
3:5 "Tumugon si Ruth, 'Gagawin ko pong lahat ang inyong sinabi.'"
3:6 Nagpunta na nga si Ruth sa giikan upang isagawa ang lahat ng sinabi ng kanyang biyenan.
3:7 Matapos kumain at uminom ay naging masaya si Booz. Maya-maya'y nahiga siya at natulog sa tabi ng bunton ng sebada. Marahang lumapit si Ruth, iniangat ang takip ng paa ni Booz, at nahiga sa paanan nito.
3:8 Nang maghahating-gabi'y nagising si Booz. Nagulat siya nang makitang may babaing nakahiga sa paanan niya.
3:9 '"Sino ka?' tanong niya. 'Si Ruth po, ang inyong alipin,' tugon ng babae. 'Isa kayong kamag-anak na malapit kaya marapat na ako'y kalingain ninyo't pakasalan ayon sa inyong kaugalian.' "
3:10 '"Pagpalain ka ni Yahweh,' ani Booz. 'Higit na kagandahang-loob sa aming angkan ang ginawa mong ito kaysa ginawa mo sa iyong biyenan. Hindi ka humabol sa isang lalaking bata pa na maaaring mayaman o mahirap."
3:11 Ipanatag mo ang iyong loob. Nalalaman ng buong bayan ang iyong katapatan. Gagawin ko ang lahat ng sinabi mo.
3:12 Totoo ngang ako'y malapit ninyong kamag-anak, at may tungkulin sa iyo, ngunit may isang lalong malapit na kamag-anak kaysa akin.
3:13 "Dumito ka hanggang sa madaling-araw. Bukas ng umaga, aalamin natin kung pakakasalan ka ng lalaking sinasabi ko. Kung hindi, ipinangangako ko sa buhay na Diyos na gagampanan ko ang tungkuling ito. Hala, matulog ka na.'"
3:14 Kaya't natulog si Ruth sa may paanan ni Booz hanggang sa mag-umaga. Ngunit nagbangon siya bago lumiwanag. Sapagkat sinabi ni Booz na walang dapat makaalam na nagpunta siya sa giikan.
3:15 "Nang paalis na si Ruth, sinabi ni Booz, 'Iladlad mo ang iyong balabal.' At ito'y nilagyan ni Booz ng mahigit na kalahating kabang sebada. Iniatang niya ito kay Ruth at tuluyan na itong umuwi."
3:16 "Nang makita siya ng kanyang biyenan, ay tinanong siya: 'Kumusta ang lakad mo, anak?' At sinabi ni Ruth ang nangyari."
3:17 '"Binigyan pa niya ako ng sebada, sapagkat hindi raw po ako dapat umuwing walang dala,' dugtong pa niya. "
3:18 "Sinabi ni Noemi: 'Maghintay ka, anak, hanggang sa malaman mo kung ano ang kalalabasan ng bagay na ito. Hindi titigil si Booz hangga't di niya ito nalulutas.'"
4:1 ( Napangasawa ni Booz si Ruth ) "Nagtungo si Booz sa may pintuan ng lunsod, sa dakong pinagtitipunan ng bayan, at naupo roon. Di nagtagal, dumaan ang tinutukoy niyang pinakamalapit na kamag-anak ni Elimelec. 'Pinsan, sandali lang. Maupo ka rito at may sasabihin ako sa iyo,' sabi niya. Lumapit naman ang tinawag at naupo sa tabi ni Booz."
4:2 Tumawag si Booz ng sampung matatanda sa bayan at inanyayahan ding maupo roon.
4:3 "Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang pinsan: 'Ngayong nagbalik na si Noemi buhat sa Moab, ibig niyang ipagbili ang bukid ng kamag-anak nating si Elimelec."
4:4 "Inaakala kong dapat mo itong malaman pagkat ikaw ang unang may karapatang bumili niyon. Kung ibig mo, bilhin mo iyon sa harap ng nariritong matatanda ng bayan. Kung ayaw mo naman, ako ang bibili.' 'Bibilhin ko,' tugon ng lalaki. "
4:5 '"Kung bibilhin mo kay Noemi ang bukid,' dugtong ni Booz, 'pakakasalan mo si Ruth, ang Moabitang balo ng ating pinsan, upang ang bukid ay manatili sa angkan ng namatay.' "
4:6 "Pagkarinig niyon, sumagot ang lalaki, 'Kung gayon, hindi ko na gagamitin ang aking karapatan, sapagkat manganganib namang mawala ang sarili kong mana. Ikaw na ang bumili.' "
4:7 Ganito ang kaugalian sa Israel: kapag tinubos o binili ang isang ari-arian, hinuhubad ng nagpatubos o nagbili ang kanyang panyapak at ibinibigay sa bumili, bilang katibayan ng kanilang kasunduan.
4:8 Kaya't nang sabihin ng lalaki kay Booz na ikaw na ang bumili, hinubad nito ang panyapak at ibinigay kay Booz.
4:9 "Matapos tanggapin iyon, sinabi ni Booz sa matatanda at sa ibang naroroon: 'Kayo ang saksi ko na binili ko kay Noemi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahalon."
4:10 "Kaugnay nito, magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang balo ni Mahalon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito'y mananatiling buhay ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito.' "
4:11 "At sila'y sumagot, 'Oo, saksi kami.' Sinabi naman ng matatanda, 'Pagpalain nawa ni Yahweh ang babaing iyon, gaya nina Raquel at Lea, na pinagmulan ng Israel. Ikaw naman, Booz, sumagana ka nawa sa Efrata at matanyag sa Betlehem."
4:12 "Matulad nawa sa sambahayan ni Fares, na anak nina Juda at Tamar, ang mga anak na ibibigay sa inyo ni Yahweh.' "
4:13 Napangasawa nga ni Booz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Sa kapanahunan, pinagkalooban sila ni Yahweh ng isang anak na lalaki.
4:14 "Si Noemi ay binati ng kababaihan: 'Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata!"
4:15 "Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at maging gabay sa iyong katandaan. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.'"
4:16 Kinuha ni Noemi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti.
4:17 Siya'y tinawag nilang Obed. Balana'y sinabihan nilang nagkaapo ng lalaki si Noemi. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni David. ( Ang Angkan ni David )
4:18 Ito ang pagkakasunud-sunod ng angkan mula kay Fares hanggang kay David: Fares, Hezron, Ram, Aminadab, Naason, Salmon, Booz, Obed, Jesse, David.
4:19 (*papuloy)
4:20 (*papuloy)
4:21 (*papuloy)
4:22 (*papuloy)